2020 YEARENDER: Back to Square One

2015-category-title-tambuli copy2020-YEARENDER

Marami ang nagsasabi na ang 2020 ang taong pinakamahirap na balik-tanawan. May ibang ayaw nang makaalala dahil sadyang masakit lingunin ulit. Pero dito papasok ang primary sense ng kasaysayan – maganda man o trahedya, dapat itong itala para magsilbing imbakan ng mga bagay na pwedeng pagkuhanan ng aral o inspirasyon sa kinabukasan.

Ito ang pang-labing-isang Yearender ko, isang tradisyon na sa pagkakataong ito’y hirap na hirap akong himayin. May mga pangako ang 2020, ngunit dahil sa pandemya ay sunod-sunod na nalusaw. Lagi nilang sinasabi na “new normal”, ngunit sa tingin ko naman ay hindi. Kung titingnan pa natin ito sa mas makatotohanang pananaw, ang nangyari sa ating lahat ay pwersahang pagbabalik sa atin sa mas payak na buhay na mahirap para sa marami sa ating may nabuo nang direksyon.

Ika nga nila: we’re back to square one.

Breakdown

88 araw akong nasa loob ng bahay. Sa loob ng humigit-kumulang tatlong buwan ay wala pang isang oras akong nasa labas ng aming tahanan ng simulang ipatupad ang enhance community quarantine (ECQ) noong Marso. It’s either may kukunin akong delivery sa tapat ng bahay o yung kinuha ko ang bago kong phone dahil sa renewal ng aking plan.

Hindi ako home buddy. Distraction ang work from home, pero kahit ito ay pinagmumulan din ng stress na hindi nakabuti sa mental health ko. Mahirap aminin at ipaliwanag ang ganitong kondisyon sa marami, pero minsan, wala naman kailangang ipaunawa sa iba lalo na kung sila rin ang nagdudulot ng depresyon sa akin. Ito na yata ang taon na ilang beses akong umiyak sa isang sulok. Basta gusto ko lang umiyak.

Na-lift ang ECQ sa mga unang araw ng June at nakalabas ako ng June 11. Robinson’s Place Manila ang una kong pinuntahan para bumili ng mouse at paborito kong kape. Walang kasing-sarap ng pakiramdam ng kalayaan. Pero kahit natapos ang lockdown ay doon lumabas ang napakaraming realization. May dalawang mahalagang bagay akong napagtanto: ang lakas ay hindi ginagamit sa lahat ng pagkakataon para maipakitang malakas ka, at hindi ka maliligtas ng pera sa lahat ng klase ng kabaliwan.

Ang lockdown ang nagsilbing preno sa akin para lumingon sa direksyong mas makakahinga ako nang maayos at mananatiling buhay. Hindi ito ang direksyong nabuo ko sa aking isipan noon, pero para sa akin ay mas mabuti ito para manatiling buhay at may pag-asa. Hindi pa tapos ang pandemya, pero kahit papaano ay nakalaya na ako sa pagkakasakal ng mga pagkakataon.

Shutdown

Personal sa akin ang nangyari sa ABS-CBN. Masakit sa puso ang pagkawala ng Channel 2 at dzMM sa ere noong May 5 at lalo nitong naapektuhan ang pag-iisip at pakiramdam kong pinalala ng pandemya.

Hindi kaila sa mga malalapit sa akin ang pagiging Kapamilya ko mula noon. Hindi ako nahihiyang ipangalandakan na hinubog ng ABS ang pagkatao ko at ang talento ko. Hindi ako empleyado ng Kapamilya network, pero bilang batang lumaki sa harap ng telebisyon, batid ko na sila ay parte rin ng aking pamilya at karapat-dapat na ipaglaban kahit pa sa gitna ng lansangan.

July 18, Sabado, ilang araw pagkatapos patayin ng Kongreso ni Duterte ang prangkisa ng network, sa kabila ng banta ng virus ay kasama ako sa daan-daang nagprotesta sa harap ng Broadcast Center. Hindi lang ito para magbigay-simpatiya kundi upang ipakita rin ang pagmamahal sa lahat ng bumubuo ng ABS-CBN. Maaaring nabigo ang mga Kapamilya na makabalik sa telebisyon at radyo ng mas maraming Pilipino, pero kahit papaano ay mas dumami ang sumuporta sa tila pagkalat ng lahat ng elemento ng Kapamilya, lalo na sa online.

Dahan-dahang nakakabalik ang ABS-CBN, pero hindi nito dapat matakpan ang kasalanan ng 70 kongresista na nagkait sa prangkisa ng network. Hindi nito dapat matakpan ang kasalanan ng mga gahamang sinamantala ang kahinaan ng istasyon para itulak ang kanilang mga pulitikal na agenda. Hindi mabubura ang ginawa ng gobyerno sa malayang media na lakas ng mamamayang patuloy na pinapahirapan ng kanilang kapalpakan.

Goodbye

Hindi madaling magpaalam sa taong naging inspirasyon mo sa matagal na panahon. Pero mas mahirap na magpaalam sa taong hindi mo inaasahang mawala sa gitna ng ganitong mapanubok na panahon.

Nakakadurog ng puso ang pagpanaw ni dating Manila Mayor Alfredo Lim. Isa siya sa masasabi kong iilan na nag-iwan ng maraming alaala ng aking kabataan at parang lolo na rin ang turing ko sa kanya. Namatay siya noong August 8 dahil sa komplikasyong dulot ng COVID-19, at para sa taong nagpapakita ng lakas ng pangangatawan sa gitna ng katandaan, nakakalungkot na pandemya pa ang kumuha sa kanya.

Sa kabila ng panibagong community quaratine ay nakadalaw pa rin ako sa kanyang burol sa kanyang tahanan sa Tundo. Ang dating makisig na Ama ng Maynila ay nasa loob na ng berdeng urn, isa nang abo at napapalibutan ng mga bulaklak at mga larawang magsisilbing naiwang mukha ng isang mabuting lider ng kabisera. Magkagayunman, masaya ako na kahit papaano’y nasaluduhan ko siya at nakapagpasalamat sa lahat sa huling pagkakataon.

Bicol/Baguio

Dulo-dulo sa loob ng iisang Enero. Hindi naman totally nasira ng 2020 ang buhay ko. At least, bago niya sirain ay nakabuo pa ako ng dalawang masayang out-of-town adventure.

Nasa Baguio ako sa unang mga araw ng taon. Memorable ang biyaheng ito dahil unang beses kong mag-isang umakyat (dahil nauna sila) at first time kong tumayo sa bus pababa sa loob ng mahigit anim na oras (sa bandang Tarlac na ako nakaupo).

Nasa Naga naman ako ng mga kalagitnaan ng January dahil sa kasal ng isang kaibigan at dating kaopisina. Matagal-tagal din akong hindi nakapagsuot nang pormal at hindi ko naman gagawin iyon kung hindi required. At ang favorite ko sa trip na ito ay ang pagligo sa hot spring sa paanan ng Mount Isarog na isang active volcano.

Lem Santiago Vlog

Tawagin nyo akong late bloomer, pero ngayong taon ay – sa wakas – nagkaroon ako ng oras para gumawa ng video blog o vlog. Hindi halata pero mahiyain ako sa harap ng camera, pero sinubukan kong harapin ang takot. Nakadalawa lang ako mula nang nagsimula ako noong September dahil una, may mga ginagawa rin ako on the sidelines at, pangalawa, hindi madaling mag-edit ng vlog na may istorya.

Medyo mabagal ang pagbuo ko sa Lem Santiago Vlog sa YouTube dahil hindi ko rin alam kung mapaninindigan ko ito tulad ng paninindigan ko sa Aurora. Pero sabi ko nga, at least nandyan na yan at naka-standby. Bibilis yan kapag handang-handa na akong sumikat. Hehe.

Lucky/Kobe

Dalawang cute dogs ang dumating sa pamilya namin itong umpisa ng taon. Ang isa ay si Lucky, shih tzu, na sobrang liit pa noon. Pero dahil mahina pa ay mabilis siyang nawala sa amin. Pero kahit saglit lang siya ay sobrang nadurog ang puso ko sa kanyang mabilis na paglisan.

Pero dumating ang ilang linggo ay isang makulit na French bulldog ang bumisita sa aming tahanan. Siya si Kobe, ang pinakamakulit na asong nakilala ko. Siya ang kasiyahan namin, kahit pa inaaway niya lagi ang isa pa naming baby na si Bruce at kahit napakagaling niyang sumira ng kanyang tali at iba pang mga gamit. Pero kahit ang gulo-gulo niya ay napakalambing niya kaya pwede na rin talaga na wala akong someone dahil kay Kobe pa lang ay solb na ako. Haha.

Comeback

May mga lugar na sabik kang balikan, pero dahil sa mabilis na takbo ng panahon ay kailangan mo siyang bitawan. Sa kabilang banda, may paraan ang tadhana para ibalik tayo sa mga lugar na ito. Alam kasi niya na dito mo matatagpuan ang kaligayahang hindi nabibigay ng mga materyal na bagay.

Binalik ako ng pandemyang ito sa Binondo Church. Kung dati ay tagapagpahayag ako ng Salita ng Diyos sa ibabaw ng altar ni San Lorenzo, ngayon naman ay ibinigay sa akin ang isang misyon para dalhin ang Parokya ng Binondo, hindi lang para sa mga nangungulila niyang deboto kundi sa buong mundo. Sisiw ang livestreaming sa akin, pero ang i-livestream ang isang religious activity ay isang malaking pagsubok. Hindi ito simpleng show o vlog kundi isang presentasyon ng imahe ng isang Minor Basilica. Mula graphics hanggang anggulo ng camera ay iniingatan dahil ang binabato mo sa himpapawid ay ang katuparan ng Panginoon at ng ating pananampalataya tungo sa kaligtasan.

At sa aking pagbabalik ay hindi lang pagtawid sa kinabukasan ang pinagkatiwala sa akin kundi ang paghuhulma sa kasaysayan nito. Sa isang istrukturang giniba ng giyera, hindi madali para sa Binondo na ipunin ang pira-piraso niyang istorya. Kaya sa pagdiriwang ng ika-500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas sa 2021 ay napagbigyan akong tulungan ang Parokya na isulat ang istorya ng pananampalataya sa Binondo na ihahandog sa Inang Simbahan sa napakaimportanteng pagdiriwang ng Katolisismo sa ating bayan.

Salamat

Sa lahat ng sakit, hirap at lungkot na dinulot ng 2020 ay walang dahilan para hindi magpasalamat, lalo na sa mga taong nagpatunay na hindi mahahadlangan ng pandemya ang tunay na malasakit at pagkakaibigan.

Salamat, Sir Boom Enriquez sa pagtitiwala sa aking kakayahan sa loob ng humigit-kumulang tatlong taon.

Salamat, Geil Hernandez-Lonsania, Kuya Ely Lonsania, Nica Cordero, Josh Umlas, Monique Cabais, Kevin Magcalas sa pagkakaibigan kahit pa medyo magkakalayo na tayo ngayon.

Salamat, Rio Iwasaki, Nathan Figueroa at Rizza Duro sa mga random na kwentuhan na ay may kasamang foodtrip o kape.

Salamat, Nona Nicolette Bracia para sa mas matatag na pagkakaibigan. Ngayong may plus two ka na, ipinapangako kong magiging mas mabuti akong kaibigan sa isang magiging mabuting ina at ilaw ng tahanan.

Salamat, Kuya Ernest Perez, LJ Abadinas, Nathaniel Volckmann at Mike Shimamoto sa inspirasyon.

Salamat, Kurt Abalos, sa tulong nya sa akin sa Digital MNL at tinuturing kong kaibigan kahit hindi pa kami nagkikita nang personal gawa ng pandemic.

Salamat, Former Councilor Niño dela Cruz at Christine dela Cruz, Sir Robert and Ms. Lorraine Sylianteng ng First United Building at Rep. Janette Loreto Garin.

Salamat sa Minor Basilica and National Shrine of San Lorenzo Ruiz, kay Rector Rev. Fr. Andy Ortega Lim at kina Rev. Fr. Joseph Mary Sigfred Arellano at Rev. Fr. Joaquim Mascarrenhas sa muling pagtanggap sa akin na makapaglingkod sa mahal nating simbahan.

Salamat, Ate Tina Enclona, Achie Diana Lee, Ate Beck dela Cruz, Ate Joy Asancha, Ate Missy Villaruel, Noney Reyes, Jophet Moina, Kuya Zardo, Vincent Lopez, Hazel Drio, Kuya Kahoy, Tita Elizabeth Ngo at sa lahat ng mababait na parokyano ng Binondo na nagsisilbing masayang pangalawang tahanan at pangalawang pamilya sa akin.

Salamat sa aking pamilya, kay Kuya Jojo at Nanay, Kuya Ramon, Kuya Abet, Ate Airine, Rmon at sa mga bunso naming si Bruce at Kobe.

Salamat Tatay, Bruce Laki, Bruce Liit, Bunny at Lucky sa inyong patuloy na pagbabantay sa Paraiso ng ating Maykapal.

Salamat, iniirog kong Lungsod ng Maynila dahil nananatili kang maningning sa gitna ng kaguluhan sa ating bansa. Karangalan kong itanghal ka sa aking sariling pamamaraan.

Higit sa lahat, salamat sa ating Dakilang Lumikha, sa ating Panginoong Hesukristo, sa ating Inang Maria at sa aking mga patrong Sto. Niño de Tondo, San Lorenzo Ruiz de Manila, Nuestra Señora del Santissimo Rosario at Nuestra Señora del Pronto Socorro sa walang katumbas na paggabay, panalangin at pagpapala kahit pa hindi naging maganda ang magwawakas na taon sa marami. Ibinabalik ko po ang lahat ng parangal at papuri na posible lamang sa inyong Kadakilaan at Kaluwalhatian.

Panalangin

Ama naming Lumikha, maraming salamat po sa isa na namang magsasarang taon. Hindi madali ang pinagdaraanan namin, pero dahil sa Iyong pagmamahal ay hindi kami magsasawang lumaban sa hamon ng isang mapanubok na panahon.

Gabayan at pagpalain Mo ang aking pamilya, ang aking mga kaibigan at lahat ng taong nagmahal at naniwala sa payak kong kakayahan bilang tao. Manatili nawa silang malusog, lalo’t wala pang katiyakan ang mga susunod na buwan dahil sa pandemyang aming kinakaharap.

Lahat ng ito ay may dahilan, Panginoon, ngunit nananalig akong ito’y kakayanin namin dahil nariyan Ka bilang Talang Gabay ng aming buhay. Sa Iyong itinakdang panahon ay matatapos ang lahat ng ito at makikita rin namin ang kinabukasang Iyo nang iniadya.

Pagpalain mo ang Iyong masaganang Siyudad at Bayan. Alalayan mo ang aming mga pinuno, lalo na yaong mga naglilingkod nang walang pananamantala sa kahinaan ng Iyong sambayanan.

Batid ko po na mahirap magsimulang muli, Panginoon. Pero sa Inyong mapagpalang Kamay ay alalayan Mo akong bumuo muli ng isang panibagong kabanata sa isang panibagong direksyon. Kung saan Mo ako gustong dalhin ay susunod ako dahil sa Iyo ang tiwala at pananampalataya ko.

Ako’y iyong lingkod, Panginoon. Sa pagdating ng panibagong taon, gawin Mo akong instrumento ng Iyong kabutihang loob. Hindi ako perpekto. Makasalanan ako. Pero sana ay bigyan Mo ako ng pagkakataong maging kamay Mo sa anumang sitwasyon, saan man, kailan man.

Lahat ng ito ay aking dinarasal at itinataas sa Iyo, sa tulong ng Iyong Inang si Maria na ina rin naming lahat at sa gabay ng Espiritu Santo. Amen.

Tuloy ang buhay, tuloy ang paglalakbay.

Maligayang bagong taon sa ating lahat. Maligayang pagdating, 2021!

cropped-article-stoper.png

Ang Sampung Taon Kong “Constant”

2015-category-title-tambuli copy2020-headline-feature-fb-aurora-10

 

Kung may ituturing akong hindi nagbago sa buhay ko, ito ay ang Aurora Metropolis.

Hindi ako tumigil sa pagsusulat sa labas ng blog na ito. Pagsusulat ang ikinabubuhay ko, pero noon pa man ay sa pagsusulat ako nabubuhay at sa pagsusulat ko nararamdaman na buhay ako. Sa lahat ng trabahong pinasok ko at adbokasiyang kinabilangan ko, hindi nawala ni isang sandali na hindi ako sumusulat gamit ang kamay, gamit ang keypad sa smartphone of keyboard sa laptop. Kahit sa maraming panaginip ay nagsusulat ako. Sa pagsusulat ko laging naaalala ang nakaraan at nakikita ang personal kong kinabukasan. Ang pagsusulat ay paalala na may katapusan ang buhay, pero pagsusulat din ang paalala kung bakit kailangang magtuloy-tuloy ang buhay.

Pero hindi magiging malaking bahagi ng buhay ko ang pagsusulat kung hindi dumating ang Aurora sa akin. Ito ang nagpausbong ng pangarap kong makapagsalita sa mas maraming tao gamit ang aking mga titik. Ito ang naging kanlungan ng mga kakaibang kuwentong binubuo ng aking imahinasyon at susi kung bakit may pananaw akong magagamit ng mga kabataan para sa kanilang masusing pag-aaral ng mundo. Ito ang naging paaralan ko para sanayin ang sarili na magsulat para sa sarili at iro rin ang naging pahayagan ko para hubugin ang sarili na magsarili para sa iba at para sa bayan.

Hindi ako naging masyadong active sa Aurora dahil sa tatlong rason:
– Busy sa trabaho
– Mas nahikayat sa social media
– Museo ang tingin ko rito.

Museo ang turing ko sa Aurora Metropolis. Dahil gusto na ang bawat ititipa ko rito ay mga natatangi kong lathala. Hindi na ako sumusulat dito dahil gusto ko lang. Gusto ko na kapag pinindot ko ang “New Post” ay mabibigyan ko ng sustansya ang aking mga isusulat. Hindi ito sikat na blog at lalong hindi ako sikat na blogger, pero alam ko na may mga taong nakikita ang Aurora na sisidlan ng inspirasyon para sa kani-kanilang obra. Ang Aurora ay anak ko, at minamana niya ang konti pero sobrang personal na makahulugang mga pananaw ko.

Ang Aurora Metropolis at pagsusulat ang mga constant ko sa nagdaang sampung taon. Hangga’t patuloy ako ng naghahabi ng mga kwento at komentaryo ay mananatili siyang buhay, mananatili akong buhay.

 

 

cropped-article-stoper.png

Ang COVID-19 at Mga Dapat Mapagtanto Ngayon ng Ating Bayan

2015-category-title-tambuli copy2020-AURORA-post-featured-03-covid

Habang tinitipa ang piyesang ito ay kasalukuyang napapailalim ang Metro Manila sa unang gabi ng month-long curfew dahil sa coronavirus disease (COVID-19). Kakaiba ang katahimikan ng hatinggabi, lalo na sa kung saan kami nakatira. Para sa akin ay mas mahirap makatulog dahil alam kong tatagal ang kakaibang pagbabagong ito sa buong Kamaynilaan sa susunod na mga araw.

Para sa marami, may dulot na panic at paranoia ang paghihigpit sa pangkaraniwang kilos at gawi ng mga naninirahan at nagtatrabaho sa Kalakhang Maynila. Pero kung ako ang tatanungin, mas nagtataka ako kung bakit ganito tayong mga Pinoy sa gitna ng sitwasyong ito. Hindi ko sinasabing hindi ako nangangamba o natatakot sa mga nangyayari, pero mas nananaig sa akin ang napakaraming pagtatanto sa kung paano tayo rumeresponde sa virus na pumipinsala sa buong mundo at sa iba pang virus na sumasabay na nampepeste sa ating mga Pilipino.

Una: Nararamdaman natin ang tunay na kapasidad ng mga lider para siguraduhing may nasasandalan tayo sa mga ganitong delikadong panahon.

May isang pahayag si Duterte kung saan ginawa niyang komedya ang COVID-19 na hahanapin niya at sasampalin niya. Sa kanyang national address, lantaran niyang sinabi na wala siyang alam at walang maitutulong ang mga hindi doktor na tulad niya laban sa COVID-19. Ang magagawa lang niya: i-mobilize ang pulis at militar sa community quarantine ng buong Kamaynilaan kung saan isa sa mga hakbang ay ang pagpapatupad ng curfew.

Malaki ang pagkakaiba ng mga sinasabi ni Duterte sa pagtugon ng dalawang babaeng umaangat sa pag-aksyon sa sitwasyong ito: si DOH Assistant Secretary Dr. Maria Rosario Vergeire at si Vice President Leni Robredo.

Marami ang humanga, kasama na ako, sa kung paano ilahad ni Dr. Vergeire ang mga importanteng detalye ukol sa sitwasyon ng COVID-19 sa ating bansa. Tinig ng isang may otoridad at kredibilidad ang mga pahayag ni Vergeire, lalo na kapag sinasagot niya ang media nang malinaw, walang alinlangan at may pakiramdam na mapagkakatiwalaan natin ang mga datos na binibigay niya sa atin.

Wala mang maliwanag na mandato ay hindi tumitigil ang tanggapan ni VP Leni sa napaka-produktibong paggamit ng social media sa pagpapakalat ng mga paalala sa kung paano tayo makakaiwas sa COVID-19, kahit pa maraming troll ang walang tigil na naninira sa kanya. Marami lalo ang humanga sa kanya noong ilabas ng Office of the Vice President ang dalawang video kung saan si VP Leni mismo ang nagtatanong sa mga eksperto tungkol sa mga pwedeng gawin ng iba’t ibang sektor para manatiling ligtas sa COVID-19 at kung saan nanawagan siyang magkaisa ang lahat laban sa COVID-19 dahil aniya, walang paraang malagpasan ito kundi ang isaisip ang kapakanan ng lahat”.

Pangalawa: Ngayon natin nakikita kung sino ang tunay na pinapaboran at prayoridad ng mga nasa kapangyarihan.

Bago pa tuluyang maisailalim ang bansa sa Code Red Sublevel 2 ay maraming mga kababayan natin, lalo na sa social media, ang naghihinalang pinapaboran ni Duterte ang China kaya hindi agad nagdeklara ng seryosong aksyon ang ating bayan laban sa COVID-19. Bago rin nito ay may mga pahayag siyang hindi niya pipigilan ang operasyon ng POGO kung saan ang kikitain daw ng Pilipinas dito ay gagamitin sa COVID-19 fund. Pero ang gobyerno rin mismo ang umamin na imbes na kumita ay tayo pa mismo ang lugi sa mga ito dahil hindi napapatawan ng buwis ang mga banyagang trabahador sa mga establisimyentong ito. At parang kabastusan na sa mismong live televised presidential address tungkol sa COVID-19 ay pinasalamatan niya ang China dahil sa alok daw na tulong kung hihingiin natin. Nakakatawang nakakainis na marinig ang papuri ng isang mataas na lider ng bansa ang isang tulong na hindi pa naibibigay at lalong hindi pa natin nagagamit. Tutang-tuta ba ang dating!

At speaking of tuta, sa parehong live televised address ni Duterte ay pinagmalaki niya ang “napakasipag” daw na si Bong Go dahil sa “pagtatrabaho” sa gitna ng COVID-19 scare. Pare-pareho nating alam na ang tanging magandang ginawa ni Bong Go kay Duterte ay sundan-sundan lang siya, patuloy na maging alalay at magsabi ng kanyang magic response na “Ipaparating ko po kay Pangulong Duterte blah blah blah.” Nakakabaliw din na dapat ay sabay silang magpa-test para malaman kung positibo o negatibo sila sa COVID-19. Malamang din na pare-pareho tayo ng mga tanong ngayon kung ano ba talaga si Bong Go sa buhay ni Digong: tuta, kerida… o ang tunay na nagpapatakbo ng Pilipinas?

Hindi ang China at si Bong Go ang dapat na bida ng ating bayan. Tulad ng maraming bansa, mas dapat nating kilalanin ang mga taong araw-araw na humaharap sa peligro para lang pangalagaan at pagalingin ang mga posibleng kaso ng COVID-19 at sila ring mga gumagawa ng paraan para mapabagal ang virus na kumalat sa ating bayan. Sila ang ating medical front liners at medical professionals na sa kabila ng kakulangan ng personal protective equipment (PPE) ay nagsisilbi nang walang humpay para mailigtas ang mga kababayan nating nahawaan ng COVID-19. Sila ngayon ang prayoridad ng maraming pribadong institusyon, kabilang na si Vice President Leni Robredo na ginamit ang social media upang tumulong na makalikom ng pondo para pambili ng PPEs ng mga front liner.

Pangatlo: Kung may aksyon na mas maaga ay posibleng hindi tayo naghahabol sa paglaban kontra COVID-19.

Sa hearing ng House of Representatives tungkol sa COVID-19 ay nilantad ni Bayan Muna Party-List Representative Carlos Zarate ang isang probisyon sa batas na nagbibigay ng pahintulot kay Health Secretary Francisco Duque III na magdeklara ng emergency kapag nagpapakita na ng banta ang isang epidemya, dito man sa Pilipinas o maging sa ibayong-dagat. Napaamin si Duque na kahit World Health Organization ang dapat na unang magdeklara nito ay may ligalidad siya na ipatupad ito nang mas maaga kung kinakailangan.

Sabihin na nating magdudulot ng panic ang maagang deklarasyon, pero Enero pa lang ay nasaksihan na natin kung gaano naging malaganap ang COVID-19 sa mga katabing bansa natin. Doon pa lang, dapat ay may paghahanda na ang mga kinauukulan sa posibleng pagpasok nito sa kanilang hurisdiksyon. Noong katapusan ng Enero ay nagsalita ang DOH tungkol sa unang confirmed case na galing mismo sa Wuhan, China kung saan nagsimula ang pagkalat ng virus, pero mahigit isang buwan pa ang lumipas bago ideklara ang state of national health emergency ng Malakanyang.

Mahirap ikaila ng pamahalaan ang hindi pagkahanda sa COVID-19. Isang halimbawa na talagang nagpalungkot sa akin ay ang Facebook post ng Philippine General Hospital (PGH) na nanghihingi ng donasyon ng alkohol at PPEs para sa kanilang mga staff. Walang masama na manghingi ng tulong, pero kung may maagang direktiba ang DOH ay pihadong maaga ring makakapaghanda ang PGH at iba pang public hospital para rito.

Pang-apat: Tayo mismo ay nawawalan ng tamang paghuhusga at walang malawak na pag-unawa kapag inuuna ang panic.

Sabihin na nating natural sa tao ang mag-panic sa mga ganitong sitwasyon. Pero kung tutuusin ay pinalala ng social media ang ugali nating ito. Mula bilang ng namatay hanggang sa mga pekeng gamot, nagkalat sa mga news feed natin ang fake news at mga twisted information tungkol sa datos na nilalabas ng mga otoridad at marami pa rin talagang napapaniwala ng mga ito. Isa pa sa mga kumakalat ay mga shame campaign sa mga taong ang ginagawa ay tumutulong na labanan ang pagkalat ng COVID-19. Ang iba pa sa mga sinisiraan ay mga public health expert na nagbabahagi ng mga tamang impormasyon ngunit binabanatan ng mga bayarang troll dahil tinatamaan ang pinapanigan nilang mga tao o grupo. Hindi na tayo lalayo, mga ka-DDS!

Sa kabilang banda naman ay hindi nagagawa ng marami intindihin ang sitwasyon bago umaksyon. Marami ang umubos ng 70% ethyl alcohol sa mga supermarket sa pag-aakalang maililigtas sila ng “pagligo” nito. Sabihin na nating bahagi ng paglilinis ng katawan ay disinfection na nagagawa ng paggamit ng alkohol. Pero ayon sa mga eksperto, ang disinfection ay ginagawa hindi lang sa sarili kundi sa mismong tahanan natin. May mga iminungkahing pamamaraan at mga produkto ang Center for Disease Control and Prevention ng Estados Unidos para sa disinfection na ligtas gamitin para sa kalusugan at para sa kapaligiran dahil importante rin na malinis ang tahanan, opisina, paaralan at lahat ng pampublikong lugar para hindi mabilis makahawa ang COVID-19.

Malungkot din na sa pagpa-panic natin ay may ilan tayong mga kababayan ang nakakalimutan natin na mas nangangailangan ng mga partikular na produkto. Ilan sa mga ito ang mga senior citizen na mas madaling mahawaan ng COVID-19. Nakakalimutan din ang mga walang tahanan na sana’y napagtutuunan din ng pansin ng mga ahensya ng gobyerno kung sila ay nakatuon sa home quarantine.

Ang kailangan natin ay pagiging alerto pero dapat tayo manatiling kalmado. Lalo lang palalalain ng pagpa-panic ang sitwasyon natin at, kung mamalasin, dahil dito ay magkakaroon pa ang gobyerno na tagalan ang kanilang community quarantine.

Panglima: Ayaw man natin masamain pero tila may naamoy tayo na isang hindi magandang senaryong pulitikal.

Alam kong hindi ito ang tamang panahon para tingnan ang pagkakaiba-iba ng ating paniniwalang pulitikal o panlipunan. Pero kung hindi lang ako ang nakakaisip na may mali sa pagpapatupad ng community quarantine, siguro nga ay tama ang nahihinuha ko.

Sa televised address ni Duterte ay inutos niya na paganahin ang militar at pulis para mapabuti ang implementasyon ng community quarantine sa buong Metro Manila. Pero hindi rin niya napigilan gamitin ang salitang lockdown sa prosesong ito. Tila OA ang paglalatag sa napakaraming armado sa lahat ng sulok ng Kamaynilaan na para bang nagsasabi na kapag hindi ka sumunod ay kamay na bakal ang dadampot sa iyo. Mismong si Justice Secretary Menardo Guevarra na ang nagpaliwanag na maaaring arestuhin ang isang tao kung ito ay magtatangkang pumasok o lumabas ng Metro Manila nang may dahas, pananakit o panunuhol sa mga otoridad.

Ganito rin ang sentimiyento ng ating Woke Lolo na si human rights lawyer Chel Diokno na sinasabing maaaring pilitin na sa puntong ito na naaayon sa batas, hindi PNP ang may direktiba kundi ang DOH. Maaari nilang harangin ang sinumang magpupumilit o piliting manatili sa quarantine area ang tatangging magpa-quarantine, pero hindi dapat arestuhin na parang humuhuli ng kriminal.

Bagaman itinatanggi ni Duterte na hindi martial law ang lockdown ng Metro Manila, may mga taong hindi mapigilang tawagin ito na “de facto martial law” dahil pilit nilalagay ni Duterte sa gitna ng kontrol ang pulis at militar, kahit pa sa kanya rin mismo nanggaling na si Duque bilang kalihim ng kalusugan ang puno ng kampanya kontra COVID-19. Tayo na rin mismo ang sumiguro na ang paglilinis ng ating rehiyon kontra sa virus ay hindi magiging daan para sa mga mapang-abuso na gamitin ang sitwasyon para dalhin tayo sa sitwasyong nagpahirap sa atin, 48 taon na ang nakakaraan.

Pang-anim at huli: COVID-19 pa ang nagturo sa atin ng tunay na pagmamalasakit bilang tao at pagiging makatao.

Aminin man natin o hindi, may mga pagkakataong galit na galit tayo sa mga Chinese dahil sa bansa nila nagmula ang COVID-19. Simula nang umingay ang balitang ito, kahit sinong singkit na yata, kahit pa mga Chinese Filipino ay kinokondena natin sa pagkalat ng virus dito sa ating bansa.

Oo, maraming iligal na Chinese nationals sa Pilipinas ngayon gawa ng maluwag na polisiya ng gobyernong Duterte sa rehimen ni Xi Jinping. Oo, sila yung mga bigla na lang pumasok sa ating bayan nang walang kaukulang dokumento at mga hindi sumusunod sa mga regulasyon, lalo na pagdating sa buwis. Oo, may ilan sa kanila na dinadala ang kagaspangan ng ugali dito sa atin at sila pa ang siga, maingay, maarte at mayabang gayong sila ang dayuhan.

Aminin man natin o hindi, dahil sa galit natin sa COVID-19, nakakalimutan natin maging tao at magpakatao. Tawagin nyo na akong ipokrito pero hindi natin dapat isisi sa isang buong lahi ang kasalanan ng iilan sa kanila. Sila man ay nahihiya sa nagawa ng kanilang mga kababayan at ginagawa ang lahat para makatulong sa atin kahit hindi natin hinihingi, mapatunayan lang na tulad natin, sila rin ay tao na apektado ng mga pagkakataong ito.

Maaaring magtagal pa ang pandemyang ito, pero harinawa, sa kabila ng lahat, ipakita natin ang kabutihan ng pagiging Pilipino. Hindi masamang punahin ang mga pagkakamali ng kahit sino, lalo na ng gobyerno. Pero hindi tamang gumawa ng mga gawa-gawang naratibo para lang siraan ang mga tao o grupong sinsero ang pagtulong. Matatapos natin ito nang sama-sama at tulong-tulong. Manatiling malusog, malinis, mahinahon, matino at matalino laban sa #COVID19.

 

Para sa latest update: i-follow ang Facebook page ng Department of Health.

 

 

article-stoper