2013 YEARENDER: Ako At Ang Mga Kwento Ng Pagbangon at Pagbabago

Tila ang taong 2013 ang nagparamdam sa akin na nagugol ko na ang kalahating panahon ng aking buhay. Hindi naman dahil nalalapit na ako sa dulo ng aking makulay na paglalakbay, ngunit para bang sa dami ng nangyari sa aking ika-dalawapu’t limang taon sa daigdig ay pwede na akong magsabi ng “mission accomplished”. Sa kabila nito, napagtanto ko na ang lahat ng taong aking nakilala at mga karanasang nagawa ngayong 2013 ay umpisa pa lang ng panibagong yugto sa aklat ng inyong lingkod. Ito ay ang yugto na nagpapatatag sa akin bilang isang simpleng Pilipinong bahagi ng kwento ng pagbangon at pagbabago, hindi lang ng aking sarili kundi ng aking kapwa.

 

Kwento ng pagiging “kuya” sa mga kabataan ng Tundo

Sa nakalipas na dalawang taon ng pagkakaugnay sa ahensiya ng lokal na pamahalaan na naghahatid ng serbisyong pang-kabataan, ang pagiging volunteer coordinator ng District 1 para sa Batch 2013 ng Special Program for Employment of Students (SPES) marahil ang pinaka-mapangahas sa lahat para sa akin. Silang daan-daang high school at college students mula sa unang distrito ng Maynila na nagsama-sama upang gawing makabuluhan ang kanilang bakasyon, ang sumubok sa aking kakayahan at pasensya bilang isang youth leader. Sa loob ng humigit-kumulang dalawang buwan ay nakasama ko ang mga piling kabataang ito sa kanilang mga gawain at ginabayan sa bawat kilos o gawi. May mga naging kaibigan, nakaalitan, nakasamaan ng loob at nakasundo – pero lahat sila’y naging parte ng aking maigting na pagsasanay bilang kabataang pinuno. Ang mga kabataang ito ay hindi lang nagsilbing alagain para sa akin kapag sila’y nasa poder namin, kundi parang naging mga nakababatang kapatid na dapat alalahanin at alalayan.

Kwento ng pagpapahalaga sa kasaysayan ng lungsod

Nang muli kong buhayin ang aming organisasyong Katipunan ng Kabataang Maaasahan (KKM) ay ipinangako kong bibigyang importansya ang kasaysayan ng Maynila bilang instrumento sa pagpapaunlad ng kakayahang mamuno ng mga kabataan. Bilang punong kabisera ng bansa sa loob ng daan-daang taon, mayaman ang kasaysayan ng lungsod sa mga pangyayaring naghahatid sa atin ng mahalagang aral bilang isang Manilenyo at bilang isang Pilipino. Sinimulan ko ang adbokasiyang ito sa pagsasagawa ng kauna-unahang Manila Young Leaders Assembly na ginanap noong Hunyo 22-23 bilang bahagi ng pagdiriwang sa ika-442 Araw ng Maynila. Katuwang ang nakaraang administrasyon ng pamahalaang lungsod ng Maynila at Youth Development and Welfare Bureau, ang matagumpay na pagpupulong na ito’y naka-sentro sa pagpapahalaga sa pag-aaral ng kasaysayan dahil naniniwala ang inyong lingkod na dito natin makukuha ang solusyon sa kung anumang problema na kinakaharap ng ating siyudad at ng Pilipinas. Sinundan pa ito ng isa pang pagpupulong na pinamagatang Demolisyon noong ika-18 ng Oktubre, na tumalakay sa kung paano mapoprotektahan at papahalagahan ng mga kabataan ang mga heritage site sa Maynila na nanganganib mawasak dahil sa pag-unlad. Katulong ang United Architects of the Philippines Student Auxiliary-PLM Chapter (UAPSA-PLM) at PLM College of Architecture and Urban Planning, itinampok nito ang ilan sa mga kilalang personalidad sa industriya ng heritage conservation at social action na nagbigay-kaalaman at inspirasyon sa mga nagsipagdalo, na karamihan ay mga susunod na arkitekto at young heritage advocates ng ating bansa.

Kwento ng paninindigan sa tuwid na daan

Hindi na bago sa akin ang pagsuporta sa Partido Liberal na sinisimbulo ng kulay dilaw. Pero naging lantad ang pagsuportang ito nang muling tumakbo sa pagka-alkalde si Manila Mayor Alfredo Lim at apo niyang si Manila 1st District Councilor Niño dela Cruz. May mga nagsabing utang na loob lang daw ang pagtulong ko sa kanilang kampanya, pero para sa akin, kung iyon man ang itatawag nila sa paniniwala sa tunay at tapat na pamumuno, tatanggapin ko ang terminolohiyang iyon. Binigay ko ang aking makakaya upang ipakita sa lahat na ang prinsipyong dilaw sa Maynila ay hindi lang nakalingon sa pag-unlad na nakikita ng mata. Nanalo para sa kanyang ikatlong reeleksyon si Konsi (tawag namin kay Konsehal dela Cruz) ngunit sa di-inaasahan ay natalo sa napakaliit na lamang si Mayor Lim. Kung ako ang tatanungin ay hindi ito madaling tanggapin para sa tulad kong nananalig sa kanyang kakayahan bilang ama ng lungsod. Pero bilang isang mamamayan, ang pagtanggap sa pagkatalo ay isang hakbang upang ang buong Maynila ay umusad. Nagapi man sa halalan, alam kong marami pang matutulungan si Mayor Lim na tulad kong nagnanais ng magandang Maynila para sa kapwa ko kabataan. Hindi ako nahihiyang sabihing patuloy ko siyang sinusuportahan saan mang larangan ng paglilingkod siya muling mailalagay.

Kwento ng boluntirismo

Para sa akin, ang taong ito ang maituturing kong pinaka-natatanging panahon ng aking pagiging volunteer. Inadya ng Maykapal na buksan ang napakaraming pinto sa akin upang sa simpleng pamamaraan ay makatulong ako sa ating mga kababayan. Una na rito ang pagka-pormal ng aking pagiging youth volunteer leader sa Maynila nang ipanumpa ko sa pamahalaang lungsod noong ika-7 ng Hunyo ang KKM. Ito’y isang pambihirang pagkakataon para sa isang papasibol na samahan na mapagbigyan ng pagkakataong makapulong ang alkalde para itanghal ang nais gawin ng Katipunang ito para sa Maynila. Napabilang din ang inyong lingkod sa napiling tatlumpung kabataan upang maging kauna-unahang KaBayani o Kabataang Bayani ng National Youth Commission. Isa itong programang ang hangarin ay ipakilala sa mas maraming kabataan ang mga programa’t gawaing likha ng pamahalaan para sa kapakanan ng lahat ng kabataang Pilipino. Ang pagiging national youth volunteer din ang nagbigay sa akin ng daan upang makapunta sa lungsod ng Tacloban na kalunos-lunos na sinalanta ng bagyong Yolanda nitong Nobyembre. Ang karanasang ito bilang kinatawan ng Komisyon ang matinding sumubok sa akin bilang tao, bilang relief volunteer at bilang isang nagmamalasakit na Pilipino. Ang mapanubok na pag-a-assist at pagde-deliver ng relief goods mula Maynila hanggang Tacloban sa loob ng isang linggo ang nagbigay ng aral sa akin na sa gitna ng sakuna, lahat ng tulong, maliit man o malaki, ay isang makabuluhang pagtulong para sa mga nangangailangan.

Kwento ng mga pagkakataon

Mapalad akong napagbigyan ng tsansang makapunta at makiisa sa mga importanteng conferences ngayong taon. Bukod sa pag-o-organisa ng Manila Young Leaders Assembly at Demolisyon, naging bahagi rin ako sa writeshop bilang facilitator na bubuo sa youth participation guildelines ng Juvenile Justice and Welfare Act of 2013 na inorganisa ng NYC, Center for the Welfare of Children at Juvenile Justice and Welfare Council noong ika-23 ng Oktubre sa Mandaluyong. Ikinalulugod ko ring maging makasama sa volunteer group ng Heritage Conservation Summit 2013 na ginanap noong ika-9 ng Nobyembre sa Luxent Hotel, Lungsod Quezon na naglalayong iangat ang adbokasiya ng pagpapanatili ng lahat ng heritage sites sa buong Pilipinas sa mga namumuhunan, negosyante at mga pinuno ng lokal na pamahalaan. Sa naganap naman na Google Youth Leaders Summit 2.0 sa Mint College, Bonifacio Global City ay di-inaasahang makatanggap ako ng palakpakan mula sa mga nagsipagdalo bilang simpleng pagkilala sa aking naging paglalakbay sa Tacloban na tunay namang nakakataba ng puso. At bago matapos ang taon, nabiyayaan akong maging bahagi ng National Youth Congress 2013 na inorganisa ng NYC, Armed Forces of the Philippines at Gawad Kalinga Foundation sa GK Enchanted Farm sa Angat, Bulacan. Masuwerte akong makakilala ng iilang mga kabataang lider mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas na itinuturing kong mga bagong kaibigan sa paglilingkod-bayan.

Kwento kasama ang mga kaibigan

Nagpatuloy sa taong ito ang napakaraming “coffee bondings”, “birthday trips”, “videoke nights”, “grand eye balls” at iba pang mga di-planadong gala kasama ang mga minamahal kong kaibigan. Nagkaroon man ng ilang di-pagkakaintindihan o alitan, nabura nito ang katotohanang ang tunay na magkakaibigan ay isang grupo ng mga siraulong nauunawaan ang isa’t isa. Sila ang mga buhay na patunay na humihinga pa ako sa mundong ito sa kabila ng mga problemang nakakasalubong ko sa daan. Sila kasi ang bagsakan ko ng mga iyon at nagpapasalamat ako sa kanila dahil bahagi na rin sila ng aking itinuturing na pamilya. Kilala nyo na kung sino-sino kayo.

Kwento ng pasasalamat at pagbibigay-pugay

Ayokong tapusin ang 2013 nang hindi nagpapasalamat sa iilang taong ginawang posible ang ilan sa aking nabanggit. Kung wala sila ay wala rin ang mga karanasang iyon.

Maraming salamat kina dating Manila Mayor Alfredo S. Lim, Manila 1st district Councilor Niño M. dela Cruz at dating Youth Bureau director Architect Dunhill E. Villaruel na walang sawang sumuporta sa mga event na inorganisa ng KKM nitong taon;

Maraming salamat sa National Youth Commission, lalo na kina Chairman Leon G. Flores III, Mr. Patrick Umali, Ms. Christa Balonkita, Ms. Elsa Magdaleno at mga kapwa ko KaBayani na halos lahat ng activity ay kasama ko, Tin Baltazar at Ivan Ogatia;

Maraming salamat sa lahat ng kabataan ng lungsod ng Maynila, lalong-lalo na sa mga kasapi ng Katipunan ng Kabataang Maaasahan na sina Jerome Pamatian, Bernadeth Flores, Pearlie Resico, Ryan Diosana, Recy Nogueras, Gerand Binarao, Jeam Buhion at Cheng dela Cruz;

Maraming salamat kina Mr. Ivan Henares, Mr. Ivan Man-Dy at Ms. Gemma Cruz-Araneta ng Heritage Conservation Society; Prof. Ludmila R. Labagnoy ng PLM-College of Mass Communication; Daniel Franco B. Seña ng United Architects of the Philippines Student Auxiliary-PLM Chapter; at Mel Gabuya, Stephen John Pamorada, Clara Buenconsejo at ilan pang bumubuo ng Heritage Conservation Society-Youth;

Maraming salamat kina Mr. Lawrence Chan, Ms. Tats Manahan at Arch. Richard Bautista ng HCS; Ms. Inday Espina-Varona ng Change.Org, Atty. Romulo Macalintal at Mr. Paolo Bustamante ng The Filipinas blog na nagbigay ng kanilang oras para sa Demolisyon;

Maraming salamat sa aking kuya, Prof. Rafael Leal Santiago, Jr. sa patuloy na pagsuporta sa aking mga ginagawa na alam mo namang may kapupuntahan;

Maraming salamat sa lahat ng aking mga kaibigan, virtual friends from all over the world at sa mga patuloy na nagbabasa at nagpapakita ng paghanga sa Aurora Metropolis;

At maraming salamat sa nag-iisang Panginoon ng mundo, Panginoong Hesukristo, Mahal na Inang Maria, at Sto. Niño de Tondo. Alam ko pong marami na akong sabit sa Inyo, pero tapat at ipinagmamalaki ko pong sinasabi na ang Kayo po ang nasa puso ko at alam kong nananahan Kayo sa puso ko magpakailanman. Sa Inyong binigay na buhay at talento, lahat ng ito ay para sa ikabubuti ng aking sarili at ng kapwa ko, Amen.

 

Patuloy ang paglalahad ng ating sari-sariling kwento. Dumating man ang mga pagkakataong malungkot ang naaabutan nating pahina, lagi nating iisipin na hindi ito sinulat ng Maylikha para sa atin kung hindi naman natin kakayanin. Sa pagtatapos ng kwentong ito ngayong 2013, idinadalangin ko na gamitin Niya ang mga karanasang ito bilang maging sandata ko sa papasok na taong 2014. Kasabay ng kwento ng maraming tao, nawa’y maging matatag pa akong alagad ng Panginoon at ng Inang Bayan para tulungan ang aking kapwa sa pagbabago at pagbangon. Nang sa ganon, makamit na ng Pilipinas ang hinihintay nating kaunlaran at panatag ako na ito ay darating sa mabilis na kinabukasan.

Masaganang bagong taon sa ating lahat!

Post #143: Si Bonifacio, Ang Katatagan Ng Mga Pilipino At Ang Kabayanihan Ng Mundo

#Boni150

Ito ang ika-isang daan at apatnapu’t tatlong handog ng Aurora Metropolis na inilathala ngayong importanteng araw na ito, ang ika-150 anibersaryo ng kapanganakan ni Gat. Andres Bonifacio. Ang ika-143 artikulong ito (kung saan ang 143 ay nangangahulugang ‘I love you’) ay alay para sa lahat ng nagmamahal sa bansang Pilipinas, lalo na ngayong nakakaranas tayo ng napakaraming pagsubok bilang isang mamamayang Pilipino.

“Pakatandaang lagi na ang tunay na pagibig sa Dios ay siya ring pagibig sa Tinubuan at iyan din ang pagibig sa kapwa.” – Andres Bonifacio, Sampung Utos ng mga Anak ng Bayan

Ang mga aral ni Gat. Andres Bonifacio sa kasalukuyang trahedya ng ating bansa.

Ang mga aral ni Gat. Andres Bonifacio sa kasalukuyang trahedya ng ating bansa.

Ang paghagupit ni Super Typhoon Yolanda (na may international name na Haiyan) sa Samar at Leyte; ang pagtama ng magnitude 7.2 major earthquake sa Cebu at Bohol; ang mapangahas na pagsakop ng mga rebelde na nagresulta sa biglaang giyera sa lungsod ng Zamboanga at mga kontrobersiyang pulitikal sa luklukan ng pambansang pamahalaan sa Kalakhang Maynila ay hindi na mga bagong problema sa ating bansa. Mas masalimuot man ang pinsala at bilang ng mga taong apektado sa mga kalamidad ngayon, noon pa’y pinatunayan na ng ating mga ninuno na sa pagtatapos ng anumang unos, likha man iyon ng kalikasan o kalupitang gawa ng tao, may kakayahan tayong mga Pilipino na muling mabuhay nang may dignidad at umahon nang may nililingong pag-unlad.

Maging ang pagtatanggol ng Estados Unidos mula sa panggigipit ng Tsina sa isyu ng West Philippine Sea, ang pakikipaglaban para sa pagmamay-ari ng Kalayaan Group of Islands (mas kilala bilang Spratly Islands) at Sabah; o ang pagkakaisa ng maraming bansa na tumulong sa mga naapektuhan ng mga nakalipas na trahedya sa Kabisayaan ay hindi na rin ganoong kakaiba. Dumaan man tayo sa mahigit tatlong siglong pananakop, tumindig ang Pilipinas sa mga pagsubok ng ating mga dayuhang mananakop na tayo ay karapat-dapat na makilala sa pandaigdigang ugnayan at kilalanin ng mundo bilang bansang may libo-libo’t hiwa-hiwalay na isla, ngunit pinag-uugnay ng pagmamahal sa kalayaan at sa bayan.

Naitala sa kasaysayan na noon pa man, nakakaranas na ang Pilipinas ng mga natural na kalamidad dahil sa heograpikal na kalagayan nito. Magkagayunman, sa ilang beses na inulan, nilindol o pinutukan ng bulkan ang mga bayang apektado nito ay unti-unting nakakabangon at nakakabalik sa kaunlarang meron ang mga ito. Bukod dito, napagtagumpayan rin ng bansa ang mga digmaan at kaguluhang likha ng tao na nakalikha ng napakahabang listahan ng mga bayaning hinahangaan natin. Nanatili ang mga sinaunang Pilipino na maging matatag sa pananampalataya’t paniniwala sa Diyos, sa pagiging matapang, makatao at mapagkalinga sa kanilang mga kababayan – lahat ay bunsod ng maigting na pag-ibig sa kanilang tinubuang lupa. Ngunit higit sa lahat, silang mga ninuno natin ay minsang nagkusa sa pagbibigay ng tulong sa iba sa pinakasimpleng paraang kaya nila. Sila ang naging matibay na ehemplo ng bayanihan sa mga oras ng trahedyang dinaranas ng bansa tungo sa kaayusan at kasarinlan.

Sa araw na ito na ang buong bansa ay nagdiriwang ng ika-150 anibersaryo ng kapanganakan ng pinakadakilang anak ng Tundo at Supremo ng bawat Pilipino na si Gat. Andres Bonifacio, tila napapanahon para sa ating lahat na konektahin ang nakaraan, kasalukuyan at kinabukasan tungo sa pag-unawa sa mga kasalukuyang nangyayari sa ating bayan. Tila umiikot lang ang mga senaryo ngayon at noong panahon ni Bonifacio, kasama ang napakarami pang bayani’t mga personalidad na nabuhay sa kanilang salinlahi. Sa puntong ito, maaaring nagagalak si Bonifacio sa kasalukuyang mga anak ng bayan na umiibig sa Pilipinas at umaaruga sa mga kapwa Pilipino, lalo na ngayon na ang buong bansa’y nasa gitna ng krisis.

Tulad ni Bonifacio, marami sa mga naging biktima ang patuloy na namumuhay sa katatagan, pananalig sa Panginoon at natitirang pag-asa sa gitna ng ng trahedya. Kahit gutom, uhaw, nawalan ng tahanan o minamahal, ang ilan sa kanila’y piniling dumamay at makibahagi sa pagtulong sa kapwa nila nasalanta. Tulad din ng ating bayani, walang alinlangang ginawa ng mga pulis at sundalo ang kanilang tungkulin nang doble sa kanilang tipikal na responsibilidad. Higit pa sa pagiging tagapagpatupad ng batas, nagsilbi silang karpintero, arkitekto, doktor, nars, guro at lingkod bayang handang maging pundasyon ng mga apektadong lugar hanggang unti-unti silang makatindig nang normal. Mas kahanga-hangang katangian ang ipinakita ng mga ordinaryong taong nagsilbing volunteer na, tulad ni Bonifacio, ay inambag ang sariling oras, boses, lakas at kakayahan upang makatulong at maging katuwang sa mga pinagdaraanan ng mga kababayan. Nabura ang mga harang na naghihiwalay sa mga mahirap, middle class at mayaman sa loob ng mga relief warehouse at evacuation center kung saan sama-sama silang kumikilos para sa iisang layunin at panalangin.

Marahil ay ikinatutuwa ring masaksihan ni Bonifacio ang pagbabalik sa Pilipinas ng bulto-bultong puwersa ng mga dayuhan sa lahat ng sulok ng daigdig, hindi upang sakupin tayong muli, kundi upang maging pinakabagong mga bayani para sa ating bansa. Sa mga pagsubok na dinanas ng bansa ay nakita nating nagtagpo para sa iisang hangarin ang mga bansang matagal nang  magkakaalyado, ang mga dating nagtapos ang ugnayan dahil sa digmaan at kahit ang may mga nagpapatuloy na hidwaan. Kahit din sa kabila ng mga isyung kinakaharap ng kani-kanilang mga pamahalaan at lipunan, nagsikap silang ipadala ang kanilang puwersang pang-militar, volunteers at maging tulong pinansyal ng mga mamamayan nito upang makadagdag sa muling pag-angat ng mga naapektuhan.

Ipinanganak noong 1863 sa Tundo, Maynila, isa’t kalahating siglo na ang nakararaan, dumating sa ating lipunan ang isang Andres Bonifacio. Ang kanyang kapanganakan ay tila ba isang simbolikong pagdating ng pag-asang hangad ng isang bansang noo’y naka-kadena sa kolonya at nangangarap ng malayang buhay bilang tao at bilang Pilipino. At ngayong mismong araw na ito ng kanyang kaarawan, nawa’y maging instrumento ang buhay ng “Hamak na Dakila” upang muling magdala ng pag-asa sa mga kababayan nating sa ngayon ay sumisilip ng liwanag mula sa ilalim ng mga guho. Kaakibat ang mga bayani mula sa iba’t ibang lahi ng daigdig, ang ispiritu ng kanyang kabayanihan at kadakilaan ay manatili sa mga susunod pang henerasyon ng mga Pilipino. At tulad ng kalayaang kanyang pinagpagurang makamtan bago siya pumanaw, patuloy na magiging bahagi ang mga aral na iniwan ni Bonifacio sa muling pagbangon ng ating bayang patuloy na lumalaban sa hamon ng panahon.

Mabuhay si Gat. Andres Bonifacio! Mabuhay ang buong mundo! Mabuhay ang matatag na lahing Pilipino!

FAST POST #30: Bonifacio – Ang Tunay Na Unang Pangulo Ng Pilipinas

Isang paggunita ng Aurora Metropolis sa ika-150 anibersaryo ng kapanganakan ni Gat. Andres Bonifacio ngayong buwan ng Nobyembre. Siya ang ama ng Kataas-taasang, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan, ang pinuno ng Haring Bayang Katagalugan at dakilang anak ng Tundo at Maynila. Hindi ito malalim na pagtunghay sa kanyang buhay pero sa pamamagitan ng artikulong ito, nais nitong maging pangmulat sa mga mambabasa at sa mga kinauukulan na ibigay sa kanya ang pinaka-akmang pagkilala.

Ang karapat-dapat na titulo para sa isang dakilang bayaning Manilenyo.

Ang karapat-dapat na titulo para sa isang dakilang bayaning Manilenyo.

Noong nakaraang taon ay binigyan ko ng panahon na panoorin ang pelikulang “El Presidente” kung saan tinampok ang talambuhay ni Heneral Emilio Aguinaldo. Pinagbibidahan ng aktor at pulitikong si E.R. Ejercito, tinalakay nito ang sinasabing ilan sa mga bahagi ng buhay ng dating Pangulo na hindi naibahagi sa anumang aklat ng kasaysayan. Dagdag pa nito ang pagpapalawig ng ilang pangyayari na nagresulta sa unang pagwawagayway ng watawat sa Kawit — ang hudyat umano na malaya na ang bansa mula sa mahigit tatlong-daang taong pananakop ng mga Kastila.

Unang-una sa lahat, hindi ko kinakailang may pag-aalinlangan ako kay Aguinaldo bilang unang pangulo ng Pilipinas, at nang matapos kong mapanood ang nasabing pelikula (salamat sa magaling na pagganap ni G. Cesar Montano at sa pagpapalabas dito na napakasama ni Andres Bonifacio), mas napatunayan kong hindi talaga si Aguinaldo ang dapat kilalanin bilang kauna-unahang presidente na totoong nagbigay-daan sa kasarinlan ng Pilipinas.

Sinulat ko ang artikulong ito hindi dahil ayaw ko kay Aguinaldo o dahil sa nagmamarunong lang ako, o hindi kaya’y Manilenyo ako’t si Bonifacio ang tinitingalang pambansang bayaning kumakatawan sa aming lungsod. Inihahayag ko ang pananaw na ito dahil mismong mga pahina ng kasaysayan ang nagtuturo sa kanya bilang totoong mitsa kung bakit naging malaya ang bansa sa kamay ng Espanya.

Si Andres Bonifacio y de Castro ay isang tipikal na batang Tundo, lumaki sa pamilyang may normal na pamumuhay, nangulila’t natutong magtrabaho para sa sarili at para sa kanyang mga kapatid. Hindi siya nawalan ng pagkakataon upang paunlarin ang kaalaman at matuto base sa mga karanasan. Humakbang siya sa mundo ng mga intelektuwal upang ikarangal na hindi hadlang ang kahirapan sa pagkamit ng personal na kagalingan at pagmamahal sa bayan. May mga tutol man sa paggamit niya ng dahas, ang mga digmaang kanyang inorganisa ay hindi lang basta karahasang walang saysay kundi paghihiganti para sa ating mga ninunong biktima ng kalupitan ng mga dayuhan. Kinuwestiyon man ng mga kinilalang “lider ng rebolusyon” ang kanyang kakayahan bilang pinuno, pinatunayan niyang isa siyang totoong tao na nagagalit kapag may tinututulan at nanindigan sa alam niyang tama para sa lahat. Nagtapos man ang kanyang buhay sa gitna ng pagnanais na lumaya ang bayan, isa siya sa mga naging pangunahing susi ng mga tunay na makabayan upang ituloy ang krusada ng kasarinlan, hindi lang noong panahon ng Kasila kundi pati noong panahon ng pananakop ng mga Amerikano, Hapon at ang patuloy nating pakikipaglaban sa mga kasalukuyang kanser ng Pilipinas.

Sa kabila ng kakulangan sa mga pisikal na patunay, nagpapatuloy naman ang ilang tagapagsaliksik ng kasaysayan at maging mga tagasuporta sa sektor ng kabataan upang mismong ang mga datos na hawak ng mga historyador ang magpapatatag sa pagkilalang ito kay Bonifacio. Siguro’y hindi siya karapat-dapat para sa titulong pambansang bayani na iniatang kay Gat. Jose Rizal dahil sa mga kakulangang ito. Magkagayunman at kung tutuusin, sa mga katangian pa lang niya na idinedetalye sa mga kasulatan ay mga mismong ebidensya na ng kanyang katapangan at kagalingan bilang lider. Bukod kay Rizal at La Liga Filipina, si Bonifacio lang ang nagkaroon ng lakas ng loob upang magtatag ng pambansang kilusang aktibo para sa kalayaan sa pamamagitan ng Katipunan, ang samahang naging umpisa ng kauna-unahang pamahalaang buong pinapatakbo ng mga Pilipino.

Walang duda na siya ang tunay na nagma-mayari ng nasabing titulo. Maaaring hindi pa kumbinsido ang marami tungkol dito, ngunit naniniwala akong darating ang panahon na papanig ang tadhana sa totoong karapat-dapat… at ito’y nagsimula sa ating pambansang pagdiriwang ng kanyang ika-150 anibersaryo ng kapanganakan. Isang dakilang kapanganakan ng isang bayaning handog ng Maykapal para sa ating bayan.

Mabuhay ka, His Excellency, Andres de Castro Bonifacio, ang tunay na El Presidente, ang unang pangulo ng Pilipinas!