Para Saan Ang Kalayaan?

Natutunan natin sa kasaysayan na hindi tumigil ang mga nakalipas nating salinlahi para makamit ang kalayaan. Sa pagdaan ng maraming siglo, hindi mabilang ang mga kababayan nating nagsakripisyo para sa isang pangarap na noo’y itinuturing na suntok sa buwan. Marami sa kanila ang nabigo, unti-unting sumuko’t naghintay na lamang sa isang himala hanggang sa kanilang huling hininga.

Ngunit sabi nga natin, ang lahat ng pagdurusa, pagtitiis at pakikibaka nila ay may kapalit na naaangkop na kahihinatnan. Isang daan at labing pitong taon ang nakakaraan, sa kauna-unahang pagkakataon ay ipinagdiwang natin bilang isang bayan ang kasarinlan. Mula noon, unti-unting naipalasap sa lahat ng panig ng bansa ang pagiging malaya at pagtamasa sa pantay na karapatan at oportunidad.

Tayo ngayon ay isang lipunang ganap ang kalayaan, ngunit aminin natin, ang kalayaang ipinamana sa atin ng mga ninuno ay tila hindi nagagamit sa paraang nararapat. Ang kasarinlang dapat ay magbibigay ng pagkakataon sa bawat isa na maging produktibong mamamayan ay nauuwi sa paglaganap ng iba’t ibang klaseng kawalan ng karapatan at katarungan. Ang Pilipinas na lumaya sa tatlong banyagang mananakop ay tila ba nagiging alipin ng kahirapan na tayo mismo ang may sala.

Para saan ba talaga ang kalayaan? Karapat-dapat ba tayo sa pribilehiyong ito?

Hindi hangad ng artikulong ito na idikta ang mga posibleng dahilan. Madali nating masasagot ang mga ito, at marahil, kahit sino’y makakapagbigay ng mga pinakamatatalinong sagot. Pagnilayan natin ang mga tanong na ito at sabihin ang mga sagot sa ating mga sarili nang taos sa puso at may bukas na pag-iisip.

Maligayang Araw ng Kalayaan, Republika ng Pilipinas! Mabuhay ang malayang Pilipino!

#

HOGAR

Ako ay laging nananabik
Sa pagdating ng dapit hapon.

Sa pagdilat ng aking mga mata,
Habang ang ilog ay nakatingala
Sa pamamahinga ng mga tala,
Nararamdaman ko ang kalungkutan
Sa panibagong araw ng paglisan
Sapagkat ikaw ay muling iiwan.

Maghintay sa ‘king pagbabalik
Dahil meron akong pabaon.

Lagi kang nasa isip
Lalo’t ‘pag naiinip.
Alaala ko’y ningning
Ng pagngiti mong laging
Dulot ay aliwalas
Na hindi nagwawakas.

Ang pag-ibig ko sa’yo’y hitik
At subok ng pagkakataon.

Tahanan ko ay ikaw,
Ngalan mo’y sinisigaw
Ng ulila kong puso.
Kahit saan sa mundo
At ano pang tanawin,
Ikaw lang ang iisipin.

Heto na ako, bumabalik
Na dala ang pangakong baon.

Ako ay maligaya mong hinagkan.
Pagyakap mong hindi mapapantayan
Kaya hinding-hindi pagsasawaan.
Kailanman ay di magpapabaya.
May masabi mang masama ang iba,
Patuloy kang mamahalin, sinta.

Natapos na ang pananabik.
Heto na nga ang dapit hapon.

#

Sa panulukan ng Pinpin at Escolta

Sa panulukan ng Pinpin at Escolta

Habang ikaw ay sabik na hinihintay,
Nanunuot sa aking lalamunan
Ang sorbetes na kulay puti’t luntian,
Nakasilip sa bintana,
Umaasa.

‘Di masama
Pero alam kong ‘di tama
Ang magpunla ng aking nararamdaman,
Sabayan pa ng sanlaksang kabaliwan
Na nagpamanhid sa pusong walang malay.

Unti-unti nyang tinutunaw ang laman
Ng nanlamig at sumasablay kong buhay.
Bawat dila,
Tikim at nginig ng saya
Ay may sakit, luha sa kinabukasan.

Lumipas ang lamig, init ay bumigla
Sa kalamnan
Kong dinaya ng sarap, tamis, ginhawa.
Gising na nga bang tuluyan
Sa pag-ibig na ‘di pwede maging tunay?

Pagngiti ko’y lumungkot, tumamlay
sa pagbukas ng pintuan
nang dagling magpasyang ika’y hiwalayan.
Alam ko na
Kahit mahirap, wala na’ng magagawa.

Ang hapdi sa ‘king isipan,
‘Di ko kaya
Na umakyat sa jeep kung saan sasakay.
Dapat sa sarili’y ipaunawa
Na tanggapin ang pawang katotohanan.

Palayo na ako sa Calle Escolta,
Tila umalis na rin sa kasalanan
At ilusyon ng maling pagmamahalan.
Nais ko nang humiwalay.
Ayoko na.

#