YESO: Isang Paggunita Sa Pandaigdigang Pagdiriwang Sa Araw Ng Mga Guro

Una kong ginamit ang pamagat ng sulating ito sa isang artikulong aking inilathala noong 2006 sa Ang Pamantasan, ang official student publication ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila. Isang tunay na simbulo ng mga guro ang yeso, o chalk sa Ingles dahil kahit anumang pasakit ang kanilang nararamdaman sa personal nilang buhay ay nagbabahagi pa rin sila ng kanilang kaalaman sa kanilang mga mag-aaral. Ako, na minsan naging estudyante, kung ano ang narating ng utak ko ngayon, ito ay utang na loob ko sa sampung alagad ng edukasyon na nagbigay sa akin ng kanilang karunungan na patuloy kong nagagamit saan man ako mapunta.

Hindi ako ekstraordinaryong tao sa lipunan, ni hindi pinangarap maging pinunong pulitikal ng bansa. Sa kabila nito’y pinagkatiwalaan pa rin ako ng iilan na sila’y pamunuan at ibahagi sa kanila ang aking nalalaman. Hindi ko pa natatapos ang aking pag-aaral sa kolehiyo, ngunit binigyan ako ng mga pribilehiyong magamit ang aking natutunan sa larangang aking gustong paglingkuran. Hindi lang ako ang nagsikap na marating ang mga ito. Lahat ng kasalukuyang nakakamit ko ay isang regalo para sa mga taong pinanggalingan ng aking intelektwal na pundasyon — ang aking mga guro.

Class pictures kasama ang aking mga paboritong guro.

Hindi ko pinangarap na maging guro, pero nagkaroon ng maraming pagkakataon na magturo sa iilang tao gamit ang mga natutunan ko sa aking mga titser. Para sa akin, hindi lang dumaan na parang ordinaryong tao ang ilan sa aking mga guro. Para sa akin, hindi lang ito isang propesyon para sa kanila, kundi malaking parte ng kanilang buhay. Para sa akin, hindi lang sila nagtuturo sa mga bata, kundi sila ang humuhubog sa mga taong huhubog ng kinabukasan. Para sa akin, hindi lang kaalaman ang kanilang kontribusyon para sa kanilang mga tinuturuan, kundi buong buhay nila ang mismong kontribusyon sa ating bansa.

Mula nang magsimula akong mag-aral ay may sampung guro akong aking laging ginugunita. Silang mga gurong nagpakita sa akin ng mga aral na patuloy kong baon sa aking buhay. Nais ko silang kilalanin sa payak na artikulong ito:

1. LINDA (Erlinda Andal, I-4 Adviser, S.Y. 1994-1995, Isabelo delos Reyes Elementary School)
Sa kanyang gabay ay una kong naranasan ang parusa dahil sa pagiging pasaway at dito ko unang tinanggap ang aking pagkakamali bilang estudyante. Hindi ko maalala kung ano ang nagawa ko, pero dahil doon ay pinatayo niya ako sa likod ng malaking pintuan ng classroom namin nang halos tatlumpung minuto. Sa pagkakatanda ko’y hindi naman ako natakot, pero itinanda ko sa aking isip na hindi na uulitin ang bagay na iyon. Dito ko unang nai-set sa sarili ko ang tunay na disiplina. Ibinibigay ko kay Maam Andal ang pagkilala dahil bilang unang guro sa elementarya, hinanda niya ako sa buhay-estudyante na matagal-tagal ko pang kakaharapin. Mabait siya, sa aking pagkakatanda, pero ibinigay niya sa akin ang isang parusang maghahanda sa akin sa napakaraming hirap na aking daranasin sa hinaharap.

2. JOSIE (Josefina Soledad, IV-2 Adviser, S.Y. 1997-1998, Isabelo delos Reyes Elementary School)
“Banlag”. Hindi ko inisip na pagtawanan si Maam Soledad dahil sa kanyang kapansanan sa mata. Sa kabila niyon, nagturo siya nang higit sa kanyang kakayahan. Sa kanyang gabay ay nagsimula akong naging aktibo sa labas ng silid-aralan, ang maging student librarian. Suportado niya ako sa responsibilidad na ito kaya naging matiyaga ako sa pagpunta sa library kapag recess namin. Sa kanya ko natutunan ang matuto ng maraming bagay sa labas ng classroom.

3. ESTER (Estrellita Regala, VI-1 Adviser, S.Y. 1999-2000, Isabelo delos Reyes Elementary School)
Hindi siya ang aking unang terror teacher, pero siya ang tumatak sa akin dahil para siyang nanay ko. Tinuturing na isa sa mga de-kalibreng guro ng aming eskwela at sa ilang dekada ng kanyang pagtuturo ay kilala siyang terror. Nung makilala ko siya’y hindi siya ang masungit na titser na nilalarawan ng aking mga kapatid. Ang ilan sa kanila’y naging estudyante ni Maam Regala kaya kilala ko nang kaunti bago ko siya unti-unting nakilala, hindi bilang terror, kundi bilang pangalawang ina. Isa rin siya sa mga nagkumbinsi sa akin na maging involve sa mga extra-curricular activity tulad ng pagiging student assistant sa Reading Center. Pagkatapos ng klase’y tutulong kami sa pag-aayos ng mga libro at iba pang reading materials na amin ding nagagamit para sa aming mga assignment. Siya rin ang kauna-unahang taong hindi ko kamag-anak na kasamang manood ng sine, kung saan kasama niya ang anak niyang babae at sinama niya akong manood ng pelikula sa noo’y bagong Tutuban Mall Cinema. Sa lahat ng ito’y ginabayan ako ni Maam Regala na paigtingin ang disiplina at paghandaan ang mas mabibigat pang responsibilidad sa pag-aaral at sa buhay.

4. BELEN (Belen Taroma, HEKASI Teacher, 1999-2000, Isabelo delos Reyes Elementary School)
Kung meron akong tunay na terror teacher, ito ay si Maam Taroma, titser ko sa HEKASI. Kilala siya sa salitang “double-time!” dahil ayaw niya ng babagal-bagal sa kanyang mga pinapagawa. Namamalo sa kamay kapag hindi nakakasagot sa recitation at gusto niya na organisado ang notebook bago niya i-check. Mortal na magkabanggaan si Maam Taroma at ang adviser ko na si Maam Regala, at ilang beses din namin silang nakitang nagkaharap at nagtalo. Matapang si Maam Taroma pero matindi ang paninindigan. Noong panahong estudyante niya kami ay nagre-review siya para maging abugado kaya inilalarawan niya ang kagustuhan niya sa batas sa pamamagitan ng kanyang pagtuturo. Sa kanya ko unang natutunan ang disiplina ng kolehiyo dahil ganoon siya kahigpit. Sa kabila niyon ay marami akong natutunan sa kanya at hinding-hindi siya malilimutan ng kanyang mga naging estudyante tulad ng aking ilang kapatid na naging mag-aaral din niya.

5. MILA (Milagros Lagasca, I-1 Adviser, S.Y. 2000-2001, Jose Abad Santos High School)
Matangkad na babae at may tindig kung lumakad, pero hindi naitago ng mga tuyong lapnos na balat at nagdikit-dikit na daliri sa kamay ang kanyang nakaraan. Sa kabila ng trahedyang kanyang dinanas ay hindi ito naging hadlang upang ituloy ang pagtuturo nang marami pang taon. Si Maam Lagasca ay kapatid ng isa sa mga kilalang pulis noon at naging laman din ng balita nang minsang sunugin ang sarili dahil diumano sa bigong pag-ibig. Magaling na guro si Maam Lagasca na madali kong nakagaangan ng loob. Siya ang pinakamaagang titser sa eskwela noon at dahil maaga din ako kung pumasok kaya kami na ang nagbubukas ng faculty room. Siya ang aking kakwentuhan sa umaga bago ang flag ceremony kaya naging suking tambay din ako doon. Trademark ni Maam Lagasca ang pangungurot ng singit kapag walang assignment at nakadalawa rin ako sa kanya. Kinatakutan ko siya sa loob ng classroom pero sinisigurado niyang isa siyang kaibigan sa labas.

6. ANGIE (Angela Jarangote, Social Studies Teacher, S.Y. 2002-2003, Jose Abad Santos High School)
Kung may masasabi akong pinakapaborito kong guro, siya ay si Mam Angie. Isa sa mga pinakamatagal at pinakamagaling na guro ng aming eskwela, nakilala rin siya na terror teacher noong dekada 80. Sa kabila ng pagiging mahigpit sa loob ng classroom ay isa siyang relihiyosang babae na matatag na nananampalataya sa kapangyarihan ng dasal. Hindi ako nahirapang maging malapit kay Maam Angie dahil malaki rin ang aking interes sa Geography at Economics. Naalala ko pa na ang grupong aking pinamumunuan ang kinuha niyang mag-report sa demo teaching niya para sa Division of City Schools at hinding-hindi ko makakalimutan iyon. Bukod dun, siya ang lubos na nagbukas ng aking puso sa Diyos nang kunin niya ako bilang miyembro ng Marian Youth Movement, isang organisasyong maraming dekada na niyang pinamamahalaan. Pinanganak akong Katoliko pero siya ang nagturo sa akin na magdasal ng rosaryo, dahilan upang tuwing umaga, bago mag-flag ceremony ay ako ang nangunguna sa pagrorosaryo sa buong eskwela. Hindi natapos sa pagiging titser si Maam Angie dahil kahit noong nakapagtapos kami ng high school at nasa kolehiyo na ako ay isa siya sa mga kinasasabikan kong dalawin.

7. FINA (Adolfina Rebucas, IV-2 Adviser, S.Y. 2003-2004, Jose Abad Santos High School)
Isa sa mga pinakamagagaling na guro ng Ingles sa eskwela, napakapalad kong naging estudyante ni Maam Rebucas. Bukod kay Maam Angie, si Maam Rebucas lang ang gurong lubos kong pinagkakatiwalaan ang mga payo sa pag-aaral at pagiging estudyante. Masayahin at laging positibo sa pagtuturo, hindi ko siya malilimutan bilang aking huling gurong tagapayo noong high school.

8. LEILA (Leila Almeda, Social Studies Teacher, S.Y. 2003-2004, Jose Abad Santos High School)
Kung mababasa ito ng aking mga kamag-aral noong 4th year high school, malamang ay pagtawanan nila ako. Dito ako naumpisahang akusahan ng pagiging sipsip sa titser dahil ako at ang isa ko pang kaklase ang lagi niyang pinagkakatiwalaan at ako pa mismo ang sumusulat ng mga grado namin sa mismong grading book niya. Maprinsipyong guro, kahit may pagkatamad si Maam Leila at lagi naming niloloko kapag nakatalikod ay masasabi kong binigyan niya rin ako ng di malilimutang aral sa buhay.

9. LUDZ (Ludmila Labagnoy, College of Mass Communication Dean, Pamantasan of Lungsod ng Maynila)
Siya ang masasabi kong mentor sa mga ginagawa ko sa kasalukuyan. Hindi pa ako nakakapagtapos ng pag-aaral sa kolehiyo pero tulad ng nasabi ko’y nabibigyan ako ng oportunidad na maging bahagi ng mga produksyon o mga gawaing may koneksyon sa larangan ng mass communication. Isa ang mga payo ni Maam Ludz ang tunay na nagbibigay sa akin ng inspirasyon na gawin nang tama at nararapat ang mga ito. Kahit kaibigan ang turing namin sa kanya ay naroon pa rin ang aking pinakamataas na respetong aking mabibigay sa isng guro. Matagal naming dinasal na maging dekana siya ng College of Mass Communication (CMC) at natupad nga iyon. May kakulangan man sa mga pangangailangan ng kolehiyo’y inihahain ni Maam Ludz ang kanyang makakaya para sa karangalang itinaguyod ng mga nauna sa kanya. Kami rin na mga dati niyang estudyante ay suportado siya rito bilang kapalit ng mga payo’t kaalamang binigay niya sa amin bilang guro at tagapayo.

10. RAFFY (Rafael L. Santiago, Jr., Filipino Area Head, School of Multidisciplinary Studies, De La Salle-College of Saint Benilde)
Siya ang aking kuya. Maraming beses ko na siyang nabigo dahil sa mga pinaggagawa ko sa aking buhay. Magkagayunman ay patuloy niya pa rin akong sinusuportahan. Natatandaan ko pa noong bata ako na tinutulungan niya ako sa aking mga assignment kahit busy siya sa paggawa ng kanyang mga gagamitin sa pagtuturo noon sa Diliman Preparatory School at La Salle Green Hills. Hindi rin siya tumigil ng pagsuporta sa akin noong maging campus journalist ako sa PLM. Dismayado man ay hinayaan ako ng aking kuya na matuto sa tunay na eskwelahan ng buhay, ang realidad. Hindi man sapat na kabayaran ang tulungan ko siya sa kanyang mga kinakailangan sa pagtuturo sa St. Benilde, lagi kong dinadalangin ang kanyang kalusugan at lagi siyang gabayan ng Diyos sa kanyang mga ginagawa. Para sa akin, siya ang gurong kinakailangan ng mga kabataan sa ngayon. Proud na proud ako sa kanya.

Ang ilan sa kanila’y hindi ko man madalaw ngayon, ngunit ngayong World Teacher’s Day, idinadalangin ko sa Panginoon na kung nasaan man sila, ihatid nawa Niya ang aking pasasalamat dahil kung hindi dahil sa kanila, wala ako rito, natutong mag-isip, magsulat, manindigan at maging kapaki-pakinabang na mamamayan ng Diyos at ng bayan.

Para sa lahat ng mga guro sa buong Pilipinas at sa buong mundo… HAPPY TEACHER’S DAY!

Huling Araw Bilang Tutubi Sa Gabi

Isang fiction gay story tungkol sa magsisimulang kabanata mula sa isang magtatapos na kabanata ng isang biktima ng lipunan. Enjoy!

HULING ARAW BILANG TUTUBI SA GABI

Sa wakas, ga-graduate na ako… at ito na ang huling araw na rarampa ako sa entabladong bumuhay at lumapastangan sa aking pagkatao sa nagdaang dalawang taon.

Suot ang pinakamamahaling mga damit at ang pabangong may pinaka-“pangmayamang” halimuyak, aking ipagdiriwang ang pagtatapos ng sandali sa aking buhay na ipinagdarasal kong mawalang parang libag kapag kinuskos ng sabon at tuwalya. Kung anuman ang aking kikitain sa natatanging gabing ito’y gagamitin kong puhunan sa paghahanap ng aking bagong kabanata pagkatapos kong makuha ang aking diploma. Desidido na ako… at hindi na mauulit ang gabing ito sa hinaharap…

Narito na ako sa tinuturing kong pinakababoy na tanghalan – ang hangganan ng mga binatang gipit sa pagpapatuloy sa kani-kanilang kinabukasan. Tumingin ako sa orasa’y ala-una na ng madaling araw, ngunit tila kakatwa dahil iilan lang ang tulad kong tutubing lilipad-lipad sa paligid ng Isetann. Tumambay ako sa ibabaw ng Quezon Boulevard Underpass, kung saan pinapanood ko ang mga sasakyang pumapailalim sa lagusang patungo sa direksyon ng Dapitan at España. Ang senaryong ito ay sining sa aking paningin, datapwa’t ayoko nang matanaw itong muli mula sa kinalalagyan kong espasyo. Dalawang minuto pa lang ang lumilipas, habang tumutunghay ng huling sulyap sa tanawing ito, ay naramdaman kong dumating na ang pinakahuling taong aking ‘pasasayahin’ sa paraisong ito…

Excuse me, anong oras na?”

“Ha? Uhm… 1:05 na.”

“Ah… salamat. I’m Tim… uhm. Ikaw?”

Hindi naman umaambon pero buong yabang niyang suot sa ulo ang hook ng kanyang jacket na halos wala nang makita sa kanyang pagmumukha. Hindi naman maaraw, pero tila kumportable siyang magsuot ng shades. Mukhang misteryoso. Tila pamilyar ang kanyang tinig, medyo malaki nga lang ang boses nito.

“Jet.”

“Ah… eh… ano namang ginagawa mo rito?”

“Ginagawa ko? Kung anong ginagawa ng ibang nandito sa Recto ‘pag ganitong oras. Eh ikaw?”

“Ha? Ako?…”

“Sino pa bang kausap ko dito? Hangin?”

“Uhm sorry. Uhm wala naman. Hmmm… magtatanggal lang ng sama ng loob.”

“Makakatulong ba ako d’yan?”

“Hmm… siguro. Uhmm… magkano ba?”

“Huling araw ko na ‘to. Ga-graduate na ako ng college e. Name your price, dude.

“Talaga? Uhmmm sige… sabi mo eh… e… 5,000 pesos? Pwede na ba?”

Nakakabigla. Hindi ko alam kung hindi lang talaga marunong sa mga ganitong transaksyon ang kausap ko, o masyado lang talaga siyang galante? Hindi na ako magrereklamo, OK na yun kahit mukha talaga siyang wirdo. Hindi na ako tumanggi, at sa huling pagkakataon ay gagawin kong muli ang dating gawi. Hindi kami sabay sa paglalakad papunta sa pinakamalapit na SOGO para hindi halatang kostumer ko siya, at ako ang kanyang magiging ligaya.

Nanatili akong nasa likod mula nang pumasok kami sa building ng SOGO hanggang sa makarating kami sa harapan ng gagamitin naming kwarto. Room 412. Binuksan niya ang pinto, binuksan ang ilaw, at nauna siyang pumasok doon. Dahil sa ako naman ang huling pumasok ay ako na rin ang nagsara ng pinto. Nang mapindot ko na ang lock ng doorknob ay biglang bumigat ang aking pakiramdam – napakahigpit ng kanyang yakap at nakasubsob ang kanyang mukha sa aking kanang balikat, tila sumisinghot pa’t parang naiiyak.

Sorry. Eto lang ang alam kong paraan para malaman mong nahuhulog na ako sa’yo.”

Nagulat ako sa kanyang narinig. Bumitiw siya sa akin at tuluyan nang tinanggal ang hook at shades… at mas lalo pa akong nabigla sa aking nakita –

“Timothy?!?”
– si Timothy, ang aking kaklaseng laging inaapi dahil wirdo, mas gustong laging mag-isa. Iilan lang ang nagiging kaibigan niya dahil iilan lang ang nakakaintindi sa kanya – at isa na ako sa mga iyon. Bagamat hindi kami sobrang malapit sa isa’t isa, lagi kong sinisiguro na hindi nila inaasar si Timothy dahil nag-aalala din ako nung minsang nagkasakit siya dahil sa depression. Ilang beses ko ring piniling makipagpareha sa kanya sa mga project namin dahil may mga pagkakataong siya na lang sa lahat ang walang team-up. Nung tumuntong kami ng third year ay naging madalang ang aming pagkikita dahil nag-iba na ang kanyang block. Para sa akin ay naging mabuti yun para hindi na siya apihin ng mga gago kong kaklase. Gayunpaman, masasayang bati at kumustahan ang ginagawa namin kapag nagkikita kami minsan ‘pag lunch o kahit magkasalubong lang sa corridor. At aaminin ko, sa tuwing nasisilayan ko ang kanyang sigla sa tuwing magtatagpo ang aming landas, ay hindi ko mapigilang matuwa – parang excited na masilayang masaya siya kahit hindi ko siya laging nakikita at napoprotektahan. Pero matagal kaming hindi nagkita nitong nakaraang semester dahil naging busy ang lahat sa paggawa ng thesis – at kinarir ko na rin ang pagiging tutubi para makaraos hanggang sa huling taon ko bilang estudyante.

“Teka teka… hindi ko maintindihan… alam mo kung ano ang trabaho ko?”

“Hindi ko naman sinasadyang malaman, Jethro. I’m sorry…

Muli, siya’y yumakap nang mahigpit na tila walang bukas, tila ayaw niya akong pakawalan. Bumilis ang tibok ng aking puso ngunit walang maibigay na dahilan ang aking utak.

“… pero wala akong pakialam kung ito man ang bumubuhay sa’yo, Jethro, dahil wala ka ring naging pakialam kung anong sabihin ng mga classmates natin kapag tinutulungan at dinadamayan mo ako. Ga-graduate ako at ang dahilan nito ay ikaw. Naniwala ka na malakas ako at pinalakas mo ang loob ko para maging tunay na matatag at hindi maging api. Jethro, hindi na ang Timothy na lampa’t wirdo ang makikita mo pag-akyat natin sa graduation stage… at dahil ‘yun sa’yo.”

Muli akong nagulat sa kanyang mga sinabi, at ako’y kanyang napangiti. Tulad niya, ay unti-unti kong nilibot ang aking mga braso sa kanyang baywang at niyakap ko siya nang tulad ng pagkakayakap niya sa akin.

“Ginulat mo ako. Hindi ko akalaing… ako pala ang dahilan… at oo, sa palagay ko’y nagbago ka na… at masaya ako para sa’yo.”

Parang huminto ang lahat nung mga oras na iyon. Ang mga yakap at mga salitang nagmula kay Timothy ang nagbigay sa akin ng mga dahilan para maalala ang aking huling araw bilang isang tutubi sa gabi. Walang nangyari sa amin ni Timothy, bukod sa buong magdamag kaming magkayakap habang natutulog sa kama ng Room 412.

Sa wakas, ga-graduate na ako… at si Timothy. Sa araw ding iyon ay nagbukas ang bagong kabanata ng aking buhay – ng AMING buhay. Lagi niyang pasasalamat na binago ko nang sobra ang buhay niya, pero ngayon, ako naman ang magsasabi ng parehas na mga kataga. Binago niya ang buhay ko, at pinatibok niya nang sobra ang aking puso. Siya ang pinakamalapit kong pinagkukunan ng inspirasyon para isulat ang mga script ng indie film para sa pinasukan kong maliit na production house. At siya – siya lang naman ang direktor ko.

Tuluyan nang nakahanap ang tutubi ng kanyang permanenteng panirahan – at hindi na ito sa madilim na lansangan ng Recto, o sa madidilaw na ilaw na nagbibigay-liwanag sa paligid ng Isetann, o mapuputlang ilaw sa loob ng mga motel. Nami-miss ko man ang Quezon Boulevard Underpass sa gabi na sining sa aking paningin, ay hindi muna ito ang mahalaga. Binigay sa akin ni Timothy ang mga dahilan para makita ang liwanag at magawa ang sariling sining na kaya ko palang magawa.

July 13, 2010 3:45pm Tondo, Manila

LemOrven

Ang First Kiss Ko Ay Sa Lalaki…

Magandang araw. Ang kuwentong inyong mababasa ay nailathala ko na sa website ng isang Metro Manila bimale clan noong ika-22 ng Mayo 2009, na may orihinal na pamagat na “First Kiss Ni Bestfriend”. Isa itong wholesome na fictional gay story, kaya sana’y ma-enjoy ninyo. Salamat! ü

ANG FIRST KISS KO AY SA LALAKI…

May mga ilan sa atin, noong paumpisa pa lang sa pagdadalaga at pagbibinata, ang napapaisip kung sino ang ating magiging “first kiss”. Hindi maitatanggi ng iba riyan na ang gusto nating matanggap na unang halik ay mula sa lalaki o babaeng ating mamahalin at makakasama habambuhay. Minsan pa nga, sa mga oras na may naiiwan pang pagka-“isip-bata” pa sa atin, may mga pagkakataong ‘pag nahalikan tayo ng mga crush natin dahil sa pamimilit ng ating mga kalaro o kaklase, ay nagsisimula tayong mamula, kunwari’y maiinis sa una, at minsan pa nga’y maiiyak dahil sa kahihiyan. Ang unang halik ay isang importanteng alaalang naiiwan sa ating alaala, lalo pa’t ibinigay iyon ng isang taong hindi rin natin makakalimutan kailanman. Pero kung ikaw ay binatang kakabukas pa lang ang isipan sa tunay na kahulugan at kapusukan ng pagmamahal sa mundong iyong ginagalawan, anong mararamdaman mo kung ang unang halik mo ay sa galing sa kapwa mo lalaki?

Natandaan ko bigla si Paul, ang isa sa mga naging pinakamatalik kong kaibigan. Magkakilala na kami noong elementary pa lang, pero naging mas malapit kami nung pumasok kami sa parehas na eskuwela sa high school. Sa lahat ng bagay, mula pagpasok at pag-uwi; paglalaro ng monopoly sa bahay ng isang kaklase pagkatapos gawin ang group projects; paglalaro ng card game na ‘ungguy-ungguyan’ sa likod ng classroom habang vacant time ( at kahit bawal magdala ng mga gamit-pansugal sa eskuwela); at sa paglalaro sa arcade at pagbi-videoke sa Tutuban pagkatapos ng oras ng klase ay hindi kami mapaghiwalay. Kahit tadhana ata’y ayaw kaming paghiwalayin dahil parehas pa kami ng section noong first year hanggang third year high school. Kahit noong napasali kami sa isang set of friends, kami pa rin ni Paul ang tagteam pagdating sa mga pairing kapag may activity. May girlfriend si Paul at kaibigan ko rin, si Christie, pero hindi tulad sa ibang magkasintahan, hindi sila laging magkasama dahil may sariling mga barkada si Christie at nasa barkadahan naman namin si Paul. Kung magkita sila’y napakamadalang dahil hindi alam ng mga magulang ni Christie na ‘sila na’ ng bestfriend ko.

Walang naging problema sa pagkakaibigan naming dalawa ang pagiging bakla ko. Siya pa nga yung madalas na mangharot sa akin ‘pag alam niyang may nagugustuhan akong lalaki sa ibang klase. Marami akong naging crush noon, pero mukhang sa dami nun, hindi ko naisama sa aking listahan si Paul. May itsura naman siya, matangkad, payat, thoughtful, makulit, at matalino, pero ang hindi ko ugali ay ang magkagusto sa isang matalik na kaibigan – hanggang dumating na nga ang araw na sa tingin ko’y una kong naging pagkakamali bilang isang kaibigan.

2003, isang buwan pagkatapos kong ipaalam sa kanya na meron na akong kauna-unahan kong karelasyong lalaki, (maituturing kong childhood friend dahil siya ay apu-apuhan ng Tsinoy na amo ng tatay ko) pumunta ako kina Paul para kunin ang Social Studies notebook ko na kinopya niya para sa ibang lessons namin. Malapit na kasing mag-Christmas vacation noon at pinaalalahanan kami ng aming teacher na mag-aral dahil magpapa-exam siya sa unang linggo ng pagbabalik ng pasukan sa bagong taon. Siya lang mag-isa sa kanilang bahay nung araw na yon. Pumunta ang nanay at mga kapatid niya sa kamag-anak na maysakit, pero pinili niyang maiwan dahil hindi pa siya tapos kumopya. Pinapasok niya ako sa kanyang kuwarto, kung saan umaalulong ang mga kanta ng boyband na A1. Malinis at maayos sa mga gamit at hindi gulu-gulo ang kanyang kama. Inalok niya ako ng maiinom at siyempre, tinanggap ko agad. (dahil ang inalok niya sa akin ay ang paborito naming pinalamig na chocolate powdered drink) Pinaupo niya ako sa kama, at siya nama’y dumapa roon para ituloy ang pangongopya. Tumagal ng 30 minuto ang kanyang pagsusulat ng mga huling parte ng lessons, habang nagkukuwentuhan at nagtatawanan. Pumapangit na kasi ang kanyang sulat dahil sa pagmamadali.

Isang pahina na lang, tuluy-tuloy siyang nagsusulat, at ako nama’y nasa tabi lang niya at abala sa pagbabasa ng songbook. Sa gitna ng aking paghuni sa mga kantang aking nababasa’y bigla siyang nagtanong sa akin ng isang tanong na medyo ikinagulat ko.

“James! Kumusta na kayo ng boyfriend mo?”

Mula nang sinabi ko sa kanya na may kasintahan ako’y hindi naman siya naging interesado sa bagay na iyon. Pinagtawanan niya nga lang yun nung nalaman niya eh. Pero nakakabigla lang dahil yun ang unang beses na tinanong niya ang tungkol sa aking boyfriend.

“OK lang kami. Busy din siya sa pag-aaral,” sabi ko, sabay inom ng paborito naming inumin.

“Ah… Nagde-date kayo?”

“Oo naman. Kaya lang, minsan lang kami lumabas. Dahil nga lagi tayong magkasama at sobrang dami ng projects at assignments na ginagawa natin, di ba?”

“Ah…. dapat lagi pa rin kayong nagde-date. Baka isipin nun, ako na ang boyfriend mo at hindi na siya.

Nagulat naman ako sa sinabi niya, na halos ikabuga ko ng iniinom ko. Natawa naman din ako dahil hindi ko akalaing masasabi niya yon.

“Ewan!” natatawa kong sabi sa kanya habang siya, patuloy pa ring nagsusulat. “Alam naman niya na bestfriend kita at wala naman tayong ginagawang masama noh!”

Natapos na ang kahuli-hulihang pahinang kanyang sinusulat. Tumayo siya sa kama at inilagay ang notebook niya at notebook ko sa kanyang study table. Ako nama’y nakatingin lang sa kanya at patuloy na natatawa sa mga binanggit niya. Sa pagtingin niya’y hindi ko akalaing bigla niya akong sinugod at kiniliti nang sobra sa leeg (alam niyang yun ang kahinaan ko). Napasigaw ako sa kakatawa dahil sa ginagawa niya, at bilang ganti, ay dinaganan ko siya at ni-wrestling. Tumagal nang halos ilang minuto ang harutang iyon. Hindi siya marunong mapagod na para bang kiti-kiti sa sobrang likot. Nahirapan na akong pumalag at bumagsak sa kama, napaimbabaw siya sa akin, dinaganan ako, at binulungan.

“Panalo ako…” pabulong niyang sinabi sa harap ng mukha ko, konting distansiya mula sa mukha niya. Pang-asar sana para sa kanya ang susunod na eksena, kaya lang, gumalaw siya sa ganun ding paraan na gagawin ko. Uuntugin ko sana ang ulo niya gamit ang noo ko, pero lumapit pa pala nang bahagya ang mukha niya para lingkisin ako. Sa hindi sinasadya, naglapat ang aming mga labi nang halos sampung segundo. Bakit ba kami natulala noon? Hindi ko alam. Pero napapikit ako nun, pero bigla ring dumilat at iniwas ang dapat iiwas. Nakatingin lang siya sa akin sa loob ng halos isang minuto, nanatili sa ibabaw ko. Saktong natapos ang mga kanta sa CD player, at makalipas ng limang segundo, pabiro ko siyang sinampal at natawa.

“Hahaha! Tabi ka nga dyan, payatot!” natatawa kong sabi ko kay Paul, saka tinaboy para tumayo at palitan ang CD (ginawa ko yun para maiba ang usapan). Nakita ko sa gilid ng aking mga mata si Paul na napangiti at nakakatanga kasi namula ako.

First kiss ko yun, loko ka! Haha!” Bigla siyang tumayo sa kama, humakbang nang padabog papunta sa kinalalagyan ko at niyakap ako nang mahigpit mula sa likod ko. Nawindang ako sa ginawa niya. Hindi ko maipasok ang CD ni Regine Velasquez sa player. Di ko na alam ang gagawin ko habang nakatayo ako at nakayakap si Paul sa akin.

“Ganun ba yun? Haha! At least bestfriend mo ang first kiss mo! Haha!” natatawang tugon ko sa sinabi niya. Pinilit kong gawing katawa-tawa ang nangyari kanina lang, napahalakhak naman kaming parehas, pero hindi natanggal ang isang mahigpit na yakap mula sa kanya. “Imposibleng first kiss mo yun. Dahil nag-kiss na kayo ni Christie di ba? Haha!”

“Hindi ko pa siya nahahalikan. Ayaw niyang magpahalik eh. Parang di niya ko mahal.”

Naging seryoso ang tono ng kaibigan ko. Nakakagulat namang marinig mula sa kanya na ang babaeng niligawan niya ng halos isang taon, ay hindi pa rin naibibigay ang pagmamahal na kailangan niya. Ayoko ng malungkot, alam niya yun, kaya humalakhak ako nang bongga, tinanggal ang kanyang pagkakayakap, at ako naman ang yumakap nang mahigpit sa kanya.

“Alam mo, mahal ka nun! Malay mo, humahanap lang ng magandang chance para ipakita pa nang sobra yung love niya sa’yo,” mga salitang binigkas ko para mapakalma si Paul.

“James, di ba, ang first kiss dapat, galing sa mahal mo?”

Hindi ako nakapagsalita, dahil wala naman talaga akong maisagot.

“Pero dahil ba ikaw ang first kiss ko, ikaw na ang mahal ko?”

Nakakagulat di ba?

Hindi ako nagmamaganda. Hindi ako cute na bakla para pagsabihan ng mga ganung bagay ng isang lalaki. Pero sa lahat pa ng lalaking puwedeng magsabi sa akin ng ganoon, si Paul pa. Tinawanan ko lang siya, tinanggap sa utak bilang isang birong parte ng aming harutan. Alam kong pinilit na lang din niyang tumawa para maibsan ang kung anumang emosyon ang meron sa paligid sa mga oras na iyon.

Sa pagtatapos ng eksenang iyon, masaya naman akong hindi nagkaroon ng lamat ang pagkakaibigan namin ni Paul. Naghiwalay sila ni Christie dahil pumunta ng Amerika ang babae para doon na mag-aral. Parehas din kami ng pinasukang kolehiyo ni Paul, pero magkaibang kurso na. Napakamadalang naming magkita. Konting “hi kumusta” ‘pag nagkakasalubong sa corridor, hindi na tulad ng dati na sabay kaming nagmamadali sa pagpasok dahil late na kami. Sa ngayon, wala na kaming kontak ni Paul, pero ang huli kong balita, sa bangko na siya nagtatrabaho ngayon.

“… ang first kiss dapat, galing sa mahal mo?”

Sa kanya ko nakuha ang konsepto ng first kiss. Hindi ko alam kung dapat akong ma-proud dahil sa akin galing ang kanyang unang halik. Oo, ang first kiss ko ay sa first boyfriend ko, pero siya, ang first kiss niya ay sa kapwa lalaki. Hindi man ako ang mahal niya, ang laging nasa isip ko, at alam kong alam niya, na isa siya sa mga pinakamahahalagang tao sa buhay ko, at maituturing kong isa sa mga taong pinakamamahal ko sa panghabambuhay.

May 22, 2009 10:47pm / Manila, Philippines

LemOrven