Para Saan Ang Kalayaan?

Natutunan natin sa kasaysayan na hindi tumigil ang mga nakalipas nating salinlahi para makamit ang kalayaan. Sa pagdaan ng maraming siglo, hindi mabilang ang mga kababayan nating nagsakripisyo para sa isang pangarap na noo’y itinuturing na suntok sa buwan. Marami sa kanila ang nabigo, unti-unting sumuko’t naghintay na lamang sa isang himala hanggang sa kanilang huling hininga.

Ngunit sabi nga natin, ang lahat ng pagdurusa, pagtitiis at pakikibaka nila ay may kapalit na naaangkop na kahihinatnan. Isang daan at labing pitong taon ang nakakaraan, sa kauna-unahang pagkakataon ay ipinagdiwang natin bilang isang bayan ang kasarinlan. Mula noon, unti-unting naipalasap sa lahat ng panig ng bansa ang pagiging malaya at pagtamasa sa pantay na karapatan at oportunidad.

Tayo ngayon ay isang lipunang ganap ang kalayaan, ngunit aminin natin, ang kalayaang ipinamana sa atin ng mga ninuno ay tila hindi nagagamit sa paraang nararapat. Ang kasarinlang dapat ay magbibigay ng pagkakataon sa bawat isa na maging produktibong mamamayan ay nauuwi sa paglaganap ng iba’t ibang klaseng kawalan ng karapatan at katarungan. Ang Pilipinas na lumaya sa tatlong banyagang mananakop ay tila ba nagiging alipin ng kahirapan na tayo mismo ang may sala.

Para saan ba talaga ang kalayaan? Karapat-dapat ba tayo sa pribilehiyong ito?

Hindi hangad ng artikulong ito na idikta ang mga posibleng dahilan. Madali nating masasagot ang mga ito, at marahil, kahit sino’y makakapagbigay ng mga pinakamatatalinong sagot. Pagnilayan natin ang mga tanong na ito at sabihin ang mga sagot sa ating mga sarili nang taos sa puso at may bukas na pag-iisip.

Maligayang Araw ng Kalayaan, Republika ng Pilipinas! Mabuhay ang malayang Pilipino!

#

Aurora Metropolis Year 2: Ang Ikalawang Taon Ng Paglalakbay At Ang Ikatlong Taon Ng Panibagong Pagsubok

“… Yung totoo, wala akong ideya kung anong isusulat ko. Kung anuman ang lumabas sa aking utak sa mga oras na ito, iyon ang inyong mababasa.”

Nag-umpisa ang Aurora Metropolis noong June 2010 upang ibahagi sa buong mundo kung ano ang mga nasa isip at damdamin ko na hindi ko maaaring ilabas gamit ang pansarili kong katauhan. Hindi ito pagtatago ng aking identity. Inilalahad ko lang sa isang malikhain at malayang pagsusulat ang mga bagay na nasa loob ko, mga bagay na iniisip kong hindi papakinggan ng mga tao (kasama roon ang mga kakilala’t kaibigan ko) na mas posible nilang intindihin kung ilalatag ko sa ibang pamamaraan.

Umandar ang oras at nakapagbigay ang Aurora Metropolis ng mga artikulong naging salamin ng tunay na lipunan at tunay na saloobin na maaaring saloobin din ng aking kapwa. Kumbaga, hindi na lamang ito paglalabas ng aking sama ng loob o kaligayahan ng aking puso, kundi pagpapakita kung ano ang sama ng loob at kaligayahan sa puso ng maraming tao. At bilang blogger, masaya akong nakikita na pumapasok sa TOP 10 ng mga pinaka-binibisitang site ang Aurora Metropolis sa WordPress Philippines.

Hindi madaling mag-maintain ng blog site, lalo na sa tulad kong laging inaatake ng mental block. Kahit nga ngayon na ipinagdiriwang ko ang ikalawang taon ng Aurora Metropolis,  yung totoo, wala akong ideya kung anong isusulat ko. Kung anuman ang lumabas sa aking utak sa mga oras na ito, iyon ang inyong mababasa. Naging mapanubok na paglalakbay ang magsulat, pero sabi nga nila, hindi pinipilit ang utak na magbahagi sa iba. Kusang lumalabas ang mga ideya at kusa itong naibabahagi sa iba. Para itong bunga sa isang puno, na naghihintay na tumubo, mahinog bago pitasin, at namnamin ang tamis at sarap nito.

Hindi rito nagtatapos ang paglalakbay ng Aurora Metropolis. Hindi man ako makapagbigay ng mga artikulo lagi-lagi, sinisigurado kong sa ikatlong taon nito ay maglalathala ako ng mas makabuluhan pang mga sulatin, hindi lang para maki-epal sa magulong mundo ng mga lantarang manunulat, kundi mag-alok ng mga kaisipang alam kong makakatulong sa lahat: para sa pag-unlad ng sarili, pag-unlad ng kaisipan ng ating lipunan, pag-unlad ng ating pagmamahal sa bayan at pag-unlad ng ating pananampalataya sa ating Panginoon,

HAPPY 2nd ANNIVERSARY, AURORA METROPOLIS!

Ang Batang Pulubi Sa Harrison Street

Hindi ako madaling maawa sa mga pulubi.

Meron akong paniniwala na ang mga pulubi ay mga di kanais-nais na elemento sa kalsada ng Kamaynilaan. Para sa akin, sila yung mga taong tamad magtrabaho’t iaasa sa pagpapaawa ang kanilang pinambubuhay sa araw-araw. Minsan nama’y iniisip kong isa silang parte ng sindikato na nangangalap ng pera para makagawa ng mga krimen sa ating lipunan. Hindi naman ako nag-iisa sa pananaw na ito, kaya Ito ang aking mga malalaking dahilan kung bakit hindi ko sila pinapansin kapag nasa jeep ako o naglalakad sa mga bangketa. Kahit punasan pa nila ang sapatos ko (na kahit punasan nila’y di nalilinis dahil maruming basahan pa ang kanilang pinampupunas), kalansingin ang kanilang instrumento ng mga tugtuging wala sa tono at gumawa ng mga kaawa-awang sulat, hinding-hindi ko sila bibigyan ng piso…

… pero isang gabi, may isang eksenang tumunaw ng aking puso na kinalauna’y natutunan kong kaawaan at hangaan.

Hindi ko alam ang kanyang pangalan, pero nakatatak sa aking isipan ang mukha ng batang pulubing ito na umaangkas sa panulukan ng Harrison Street at Buendia sa Pasay. Hindi siya kakaibang pulubi kung titignan ang itsura – madungis, mabaho, nakakadiri. Ganito ko siya unang nakita sa salamin (dahil nakaupo ako sa tabi ng jeepney driver) .

“Ate, Kuya, pengeng barya…” Ordinaryong dialogue ng mga pulubi, ordinaryong itsura ng isang nagmamakaawang gusgusing bata, ngunit may isang bagay akong hinangaan sa batang ito. Mula sa kanyang mga mata ay nakita ko ang sinseridad ng pagsasabi ng salitang “SALAMAT PO”. Nakita ko kung paano siya tumingin sa mga pasaherong hiningian niya ng barya noong unang araw na makita ko siya. Hindi man kita sa kanyang mga labi ang saya, pero tila ipinaparamdam niya ito mula sa kanyang puso. Ang mas kahanga-hanga pa rito ay yung pagsasabi niya ng pasasalamat sa driver na nagpaangkas sa kanya – isang katangiang ni minsan ay hindi ko nakita sa ibang batang pulubi. Sinundan ko ng tingin ang musmos hanggang nakalayo na ang jeep. Naantig ang aking puso’t kusang napaluha sa labis na awa sa bata. Pumikit ako at nanalangin na sana’y maging laging ligtas ang batang pulubi na iyon sa mapusok na paraiso ng kalunsuran.

Hindi iyon ang nag-iisang pagkakataon na nakita ko siya. Muli, umangkas siya mula sa kanto ng Buendia at Harrison. Ito ang unang beses na nagtama ang aming mga paningin, at hindi nabago ang sinseridad ng kanyang mga mata. Hindi ko siya hinintay na humingi sa akin at agad ko siyang binigyan, at natanggap ko ang salitang “salamat po Kuya”. Nang siya’y makababa, pumikit ako’t nanalangin para sa kanyang kaligtasan sa kalsada.

Kanina’y napakalakas ng ulan. Nakaupo ako sa gilid ng jeep at nanginginig sa lamig nang biglang umakyat ang batang pulubi sa parehas na lugar. Basang-basa’t walang suot na T-shirt o sando, nanlilimahid sa grasa ang katawan at maging ang suot na khaki shorts. Halatang nilalamig ang kanyang murang katawan at pilit na kinakaya ang hagupit ng hanging dulot ng ulan. Walang masyadong pasahero sa jeep kaya’t umupo siya sa mismong harap ko. Kasabay ng panginginig ang mga salitang “pengeng barya, Ate, Kuya, pangkain ko lang po.” Hindi ako nakapag-react bigla dahil ayaw matanggal ng aking mga mata sa kalunos-lunos na sitwasyon ng batang pulubi. Dumukot ako sa aking bulsa at binigyan siya ng limang piso. Dito’y nakita ko nang malinaw ang isang guhit ng ngiti, kasunod ang mga salitang “salamat po”. Binigyan din siya ng dalagang nakaupo sa kanyang hilera kaya’t natuwa naman ako. Bumaba siya sa kanto ng Vito Cruz at mukhang papasok ng 7-11 upang siguro’y bumili ng makakain. Muli, tiningnan ko siya habang unti-unting nawawala sa aking paningin.

Hindi ako madaling maawa sa mga pulubi, maliban sa batang ito. Hindi ko alam kung bakit. Kung tatanungin ninyo ako, hindi ito basta-basta awa dahil kung awa lang pala ito eh baka mas marami akong inaabutan ng barya. Para sa akin, iba ang batang pulubi sa Harrison Street.

Mula sa kanyang malalaking mata na napupuno ng emosyon mula sa araw-araw na pagsubok ng kanyang buhay, ang tanging handog ko sa kanya na alam kong mas makakatulong kesa barya ay ang aking panalangin. Panalangin na sana’y walang mangyaring masama sa kanya. Panalangin na sana’y maliwanagan ang kanyang mga magulang o kaanak na hindi siya nararapat na hayaan sa mundo ng kalsada. Panalangin na sana’y may mabuting loob na alisin siya sa ganoong klaseng sitwasyon upang maramdaman niya na siya’y bata at hindi basura ng lipunan. Panalangin na sana, hindi mawala sa batang ito ang sinseridad at katotohanan mula nang una ko siyang makita. Panalangin na sana, makilala ko siya, makausap, maging kaibigan at maging mabuting kuya para sa kanya.

Wala akong pagkakataon na kunan siya ng larawan nang palihim, pero kung makikita nyo ang batang pulubing aking tinutukoy kapag dumaan ang jeep ninyo sa bandang Buendia at Harrison, huwag niyo po sanang pagdamutan. Pakisabi na rin sa kanya na mag-ingat sa kalsada at God bless. Huwag kayong mag-alala, ibibigay niya sa inyo ang isang totoong pasasalamat dahil dudugtungan niyo ang buhay niya na pinagbabantaan ng nagngangalit na sikmura sa araw-araw.

Lagi siyang nasa mga dasal ko.