Tatakbo dapat akong mayor ng Maynila. Pero…

2015-category-title-tambuli copy2018-post-tambuli-10-27

Hindi masamang mangarap, lalo na kung may oportunidad para gawin ito. Lahat ay posible. Lahat ay maaaring mangyari, lalo pa kung alam nating kaya natin itong gawin.

Hindi naging madali para sa inyong lingkod ang mga nakaraang buwan. Nasa punto ako ng pag-iwan sa mga pinuhunan kong pangarap para sa lungsod ng Maynila. Napagod na ako na hanggang imahinasyon na lamang ang mga gusto kong pagbabago sa kinalakihan kong siyudad. Ayoko nang iasa sa mga trapo ang kapakanan ng aking mga kapwa Manileño, lalo na’t sunog na sunog na ang mga pangakong bubuti ang buhay nila. Kahit unti-unti lang, kahit hindi biglaan o malakihan.

Ilang beses akong nag-post sa aking social media accounts na gusto kong tumakbong mayor ng Maynila. Matagal nang biruan ng mga kaibigan ko na ang pagpasok lang sa pamahalaan ang tanging paraan. Ibig sabihin, kailangan kong pumasok sa daigdig ng pulitika. Alam na alam ko kung gaano kadugyot ang larangang ito.

Pero ang biro ay may hating katotohanan. Bukas ang pintuan ng mga posibilidad at isang papel lang ang susi para rito: certificate of candidacy. Batid kong may mga pwedeng tumulong kung sakaling ituloy ko ito. Hindi man kasing-bigatin ng mga beteranong pulitiko sa Maynila pero sa kani-kanilang kakayahan, kampante akong itutulak nila ang kampanya ko sa mas moderno at mas malikhaing paraan.

Ngunit sa umaga ng huling araw ng filing ng CoC, dinatnan ako ng kakaibang panaginip. Pwedeng praning lang ako o gumana ang utak ko habang wala akong malay, pero sumulpot dito ang tatlong taong namayapa na – isang dating mayor, isang matalik na kaibigang lubos na naniwala sa akin, at ang tatay ko. Ang daming napag-usapan sa panaginip na iyon pero ang natandaan ko lang sa lahat ay ang sinabi ng tatay ko.

“Ituloy mo… pero hindi ngayon.”

Sumang-ayon ang dalawa sa aking panaginip. Nagising ako’ng magaan ang pakiramdam.

Hindi nangialam ang tatay ko sa buhay ko. Ni hindi siya nagkaroon ng opinyon sa mga panahong nasa gitna ako ng tagumpay o kahit ng kabiguan (maliban sa kaisa-isang beses na nagalit siya dahil nawalan ako ng pagkakakitaan dahil sa “pride” ko). Sa panaginip lang na iyon, nagsalita ang tatay ko sa gusto kong tahakin.

Maaaring mababaw itong dahilan. Maaaring sinampal lang ako ng katotohanang hindi para sa tulad ko ang pulitika. Maaaring napangunahan ako ng takot. Maaaring mahina kasi ang loob ko.

Matagal nang wala ang tatay ko, pero kailangan kong gawin ang obligasyon ng anak sa kanyang ama. Alam kong naniniwala siya sa kayang gawin ng kanyang bunso, pero isang kakaibang larangan ang pulitika at alam niyang hindi pa ito para sa akin ngayon.

Sa panahong burado na’ng tuluyan ang karangalan ng kasaysayan ng Maynila, kailangan ay may humakbang na sa henerasyong ito. Maaaring ako, maaaring ibang taong kaedad ko. Pero sa ngayon, gagawin ko ang nakasanayan kong gawin at mga bagay na alam kong kaya kong talunin ang mga tradisyunal na pulitiko. Mahal ko ang Maynila at kasama niya pa rin ako sa kanyang laban.

 

 

cropped-article-stoper.png

The EPs Factor: The Battle for the Big “Artistahin Kung Makapagkalat Ng Mukha At Pangalan Sa Kahit Saan Para Lang Makalibre Ng Kampanya” Break

Ito ang katotohanan na di mo mari-realize sa mga pinapanood mong TV reality shows — MARAMI SA MGA PULITIKONG PILIPINO ANG EPAL!

Nagsimula sa simpleng campaign posters, pamphlets, flyers, comics, poste ng ilaw, arko ng barangay, waiting sheds, traffic reminder signs, program/project tarpaulins, Christmas/New Year/Valentines Day/Fiesta/Easter greetings, kubol sa lamay ng patay, business permits, business plates, senior citizen discount booklets, kalsadang sinementuhan, school buildings, notebooks, pencils, scissors, hospital buildings, hospital equipment at marami pang iba. Lahat ng pwedeng pagsingitan ng kanilang mukha o pangalan, ginagawa nila para ipangalandakan sa publiko sa sila ay tunay na public servant.

THE F***!

Ito ang nagiging paraan ng mga napakaraming pulitiko mula pa noon upang gawing monumento ng kanilang mga nagawa sa kani-kanilang lugar. Isang paraang hindi nagtatapos sa kampanya sa eleksyon ang pagpapakitang-gilas sa mga botanteng nagtiwala sa kanila.

Hindi ko alam pero parang sa Pilipinas lang mayroong ganito. Mula sa sangguniang barangay hanggang sa pambansang pamahalaan ay nagiging trending ang pagtatampok sa pangalan ng pulitiko sa bawat proyektong kanilang ginagawa o pinangungunahan. Bawat pader, bawat kanto, bawat panulukan, bawat sulok ng mga pamayanan at lungsod ay para bang isinumpa sa napakaraming pangalan na hindi matatanggal kailanman.

Ang tanong: KAILANGAN BANG LAGING GANITO? Ang tanong talaga: PERA BA NILA ANG GINAMIT SA MGA PROYEKTONG ITO?

EPAL. Yan ang kasalukuyang tawag sa mga pulitikong naglalagay ng kanilang pangalan o larawan ng kanilang mukha sa bawat proyekto ng pamahalaang pinapagawa gamit ang pera ng bayan.

Matagal ko nang nababasa ang EPAL na ito sa Facebook mula kay Ms. Mae Paner, o kilala natin bilang si “Juana Change”. Isa siya sa mga pangunahing nagsusulong ng ANTI-EPAL campaign na naglalayong ikalampag sa mga mamamayan ang hindi tamang gawain ng mga pulitikong walang magawa kundi ipangalandakan ang sarili bilang magaling na lingkod-bayan.

Matagal ko nang reklamo ang ganitong kaepalan ng mga pulitiko (at kahit ng mga kawani ng gobyerno at ng nagbabalak na tumakbo sa susunod na halalan) dahil bukod sa sinasamantala nila ang pagkakataong maglingkod sa bayan para magpapogi sa bayan, eh MASAKIT SA MATA na sa bawat lugar na pinupuntahan o nilalakaran mo ay may pangalan nila na akala mo’y sila ang may-ari ng poste, upuan, mesa, o ng building. Yung totoo, ang akala ko’y wala akong magagawa sa ganitong bagay. Pero dahil kay Juana Change ay nagkaroon ako ng pag-asa na masawata ang kaepalang ito.

Lalong nag-igting ang labang ito sa aking puso nang bumili ako ng gamot ng aking ama, gamit ang senior citizen booklet na binibigay ng lokal na pamahalaan sa mga nakatatandang miyembro ng lipunan. Habang naghihintay sa drugstore ay napansin ko ang mukha ng dating Mayor ng Maynila (hindi ko sasabihin ang pangalan niya, basta, mabulaklakin siya) na natatakpan ng mga papel ng dasal (buti na lang at ganito ang ginawa ng aking tatay. masakit naman talaga kasi sa mata yung makita ang mukha nun). Naging abusado ang dating punong lungsod ng Maynila sa ganitong kaepalan na kahit initial ng pangalan niya ay in-emphasize sa pangalan ng MayniLA (tulad nito. P*****A!) And the rest is history na ginaya ng marami pang pulitiko.

Maaaring ang pangyayaring ito ay isang hakbang upang sumali sa malawakang panawagan laban sa mga EPAL at mga EPAL SA MGA SUSUNOD PANG HALALAN. At ang artikulong ito ang aking paraan upang ipanawagan sa kapwa ko Pilipino na hindi tama ang kaepalan sa pagseserbisyo-publiko, Hindi pera nila ang ginagamit upang tustusan ang mga nakikita natin at mga nilalasap nating tulong ng gobyerno.

ITO AY MULA SA LAHAT NG NAGBABAYAD NG TAMANG BUWIS SA REPUBLIKA NG PILIPINAS. ITO AY MULA SA KABAN NG BAYAN. ITO AY MULA SA PAMAHALAAN NG PILIPINAS, HINDI SA IISANG TAO O GRUPO LANG.

Parating na ang Halalan 2013. Kasama ng ating pangangampanya sa kung sinumang gusto nating iboto sa posisyon ay mas ikampanya natin ang layuning hindi na sana gawin ng mga lingkod-bayan ang pagiging EPAL. Hindi naman ito nakakabawas sa iiwanan nilang kontribusyon sa pagpapaunlad ng kanilang bayan, lungsod at ng bansa. Hindi mahalaga ang mailagay ang pangalan o mukha, ang mahalaga ay yung magagawa nila sa bayan.

Maging bahagi ng ANTI-EPAL campaign! I-LIKE ang kanilang fanpage:
https://www.facebook.com/nomoreepal

FAST POST #02: Si Mideo, Ang ‘Poleteismo’, At Ako

Magiging tapat na ako agad sa inyo: takot akong gumawa ng aking pananaw ukol sa usapin ng kontrobersyal na installation art ni Mideo Cruz na itinanghal sa Cultural Center of the Philippines na pinamagatang “Poleteismo”. Pero dahil ako’y nasa malayang bansa at may karapatan naman siguro akong tumugon sa isyu malayang tao – taos puso ko itong ibabahagi sa mga mambabasa.

Ako Bilang Isang Katoliko:

Tama. Hindi maganda sa mata nating mga debotong Kristiyano at Katoliko na makitang binababoy ang anumang larawan o imahe ng ating Panginoong Hesukristo. Isa itong mabigat na kasalanang moral na kahit maaaring hindi nasusulat sa Banal na Kasulatan ay mahigpit na pinagbabawal bilang pagsamba at paggalang sa kinikilala nating Maylikha.

 

Ako Bilang Manunuri Ng Sining:

Ang sining ay pagtatanghal ng kalayaan sa pagpapahayag? Oo. Naroon na tayo sa puntong ang pagtingin sa mga obrang tulad ng Poleteismo ay nangangailangan ng malawak na kaisipan upang unawain ang malalim na kahulugan ng exhibit. Kung sa totoong buhay, marami sa mga Pilipino ang tulad ng Poleteismo o mas malala pa. Yung tipong ginagamit ang Diyos para sa pansariling interes. Sinasamantala ang pangalan ng Panginoon upang gumawa ng mga bagay na marumi at hindi tama. Dinudungisan ang kapangyarihang atas ni Hesukristo upang makapang-abuso sa mga kababaihan, kabataan at sinumang walang laban. Sa malalim na perspektibo, mauunawaan mo si Cruz kung bakit niya nalikha ang ganitong bagay. Maaaring may pareho kaming pananaw. Pero ang mali lang niya, sinagad niya ang limitasyon ng sining kung saan marami nang tao ang hindi makaunawa at nasasaktan.

 

Ako Bilang Isang Pilipino:

Nasasangkot na naman tayo sa banggaan ng pulitika at relihiyon sa kontrobersiyang ito. Nakukuha ko ang punto na tayo’y dapat na maging mulat sa isyung ito dahil nakasalalay dito ang moralidad ng ating Simbahan at higit sa lahat, ng ating pananampalataya. Pero bukod dito, marami pa ang kailangan nating gawin. Kung hihinto tayo sa Poleteismo, sa palagay ko, mas lalong hindi yun magugustuhan ng Diyos dahil tumitigil tayo sa mga usaping madaling limutin, madaling patawarin. Kung nagkasala man, parusahan sa tamang hukuman. Pero pakiusap, galaw na tayo. Business as usual.

Siguro, kung ang exhibit na ito ay ginawa sa isang bansang walang dominanteng relihiyon, hindi ito gaanong papansinin. Kung may papansin man, ituturing nila itong isang simpleng pagpapahayag ng damdamin bilang isang tao, isang artista, isang nilikha ng Panginoon. Malas lang talaga si Cruz na ang tinamaan ng kanyang sinasabing obra ay ang pinakamalakas na simbahan sa Pilipinas.

Ang pinakapunto ko lang: Maging bukas ang ating isipan. Hindi magagalit ang Diyos kung pagmamasdan natin ang gawang ito gamit ang talino’t malalim na pag-iisip. Tandaan natin na ang Poleteismo, hindi man natin siya ituring na tunay na sining, ay nakapagpapaalala sa ating lahat na hindi natin dapat bastusin ang Diyos sa iba’t ibang adyenda. Itatak natin sa ating mga utak na ang Poleteismo ay isang malayang pagtatanghal ng isang artista, hindi isang salamin kung saan nakikita natin kung paano natin nababastos ang Panginoon sa araw-araw nating pamumuhay sa mundo. Sana nga.