FAST POST 51: Kailan Ka Handa?

Naging topic sa isang online advent recollection ang tungkol sa pagdating ng ating Panginoon. Walang nakakaalam, ika ng pari, kaya dapat tayong maging handa sa Kanyang pagbabalik sa lupa. Nagtanong siya sa lahat na kung ngayon Siya tutungong muli sa ating daigdig, tayo ba ay handa sa Kanya? Kasunod noon ay ang tanong na noon pa ako may sagot — tayo ba ay handa sa kamatayan?

Ako? Noon pa. 25 years old. Yun ang taning ko sa sarili ko. Hindi ko alam kung bakit pero pakiramdam ko ay tapos na ang misyon ko. Sa katunayan, naghanda na ako ng parang last will na nilagay ko dito sa blog, tatlong taon bago ako mag-beinte singko. Ang sinulat kong “Sa Aking Pagyao” ay mga habilin sa aking pamilya kung sakaling malapit na akong mawala sa mundo. May iilang kaibigan na nakaalam nito, at kung sakali ngang nandoon na tayo sa punto ng pamamayapa, ay sila na ang maghahain nito sa kanila.

Pero lumipas ang panahon. Buhay pa ako. After ng 25th birthday ko noong 2013, mas marami pang nangyari na hindi ko inakala. Ang isa rito ay yung mas napalapit pa ako sa aking Maylikha.

Alam kong handa na ako kahit anong oras, at lalo kong napatunayan na dapat talaga nating ihanda ang sarili natin sa pagdating Niya. Para sa akin, hindi tayo ang may hawak ng ating tadhana. Mananatili tayo kung kailan tayo kailangan ng ating daigdig.

Sa mga susunod na araw ay susulat ako ng updated version ng aking 2010 last will. Mas maraming nagbago at mas maraming dapat pag-iwanan ng habilin. Sana lahat tayo ay handa, sa kamatayan man o sa pagbabalik ng ating Panginoon. Mahalaga ito lalo’t sa mga panahong sinusubok tayo ng panahon, ang kinakapitan lang natin ay Siya at ang pag-asa.

FAST POST 50: Buhok

Ilang araw na naming napag-uusapan ng isang kaibigan ang aming mga buhok. Nag-aalala siya sa paglagas nito na pwedeng resulta ng kanyang diet at ng stress. Sharing to her my own experience, stress din sa nakaraang tatlong taon ang naging dahilan ng paglagas ng buhok ko. Pero sa awa ng tadhana ay, kahit papaano, pagkatapos ng napakaraming stress na ginawa ng pandemya ay unti-unti nang bumabalik sa pagkapal ang buhok ko. At para mapatunayang malusog na ulit ang anit ko ay pinaplano kong magpahaba ulit ng buhok hanggang matapos ang nakakapraning na taong ito.

Mahal na mahal ko ang aking buhok. Hindi ko alam kung saang side ng pamilya ko nakuha ang magandang bagsak nito, kaya noong nagkaroon ng pagkakataon noong 2006 ay sinubukan ko itong pahabain. Kung mukha akong tomboy kapag maikli ang buhok ko, marami ang nagkamaling babae ako noong pinahaba ko ito. Sa loob ng 13 years ay napakaraming beses na hinayaan ko siyang tumubo at nagawa ko pang magpakulay nang isang beses, noong mga bandang 2009 to 2011 kung saan nakita ko kung gaano kaganda ang nag-iisang parte ng katawan ko na sobra kong ipinagmamalaki.

Pero noong naramdaman ko na ang stress dahil sa trabaho at sa nilabanan kong depresyon bago pa ang pandemic ay nagsimulang mawala ang sigla ng buhok ko. Dumating sa puntong ayaw ko na siyang pahabain dahil lalong lumulutang ang nipis nito. Maraming may gusto ng maikli dahil mas pormal daw akong tingnan, pero may mga iilan na nag-request na ibalik ko ang mahabang buhok dahil ito raw ang nagde-define sa pagkatao ko. Noong una ay hindi ko alam kung anong klaseng definition of character ang tinutukoy nila, hanggang nagsalita ang isang kaibigang namatay, ilang taon na ang nakalilipas.

Natatandaan ko ang mga salita ni Inang Hitaro. Sa isang event, sinabi niya nang may kanyang pagkamangha: “Bagay sa’yo ang mahabang buhok. Hindi siya perpekto pero matapang. Walang hiya. Palaban.”

Noong panahong iyon ay sobrang haba ng buhok ko at natural na kumukurba, na kapag pino-ponytail ko ay nagkakaroon ng sariling porma. Sa totoo lang ay hindi ko rin batid kung nagbibiro siya o nangbobola. Pero sa klase ni Inang Hitaro, alam ko kung kailan siya nang-o-okray at kailan siya prangka. Habang sinusulat ko ito ay nakikita ko ulit ang sinseridad ng kanyang ngiti. Pakiramdam ko na taos-puso ang kanyang pagpuri.

Ngayon ay bumabalik ang kumpyansa ko sa buhok ko. Oo, tumatanda na rin ako at alam kong may mga pagbabagong darating, lalo na rito. Pero sana man lang, bago ko makitang nahihiyang na ang dating rocker emo kong crowning glory ay matikman sa isa pang pagkakataon ang masigla kong buhok.

Duterte: Isang Bangungot

2015-category-title-tambuli copy2020-AURORA-post-featured-11-bangungot

Sa panahong mas kailangan ng pagkakaisa at maayos na ugnayan para makatulong sa pangangailangan, bakit mas piniling magmaktol ng isang lider sa ginawang pag-aksyon ng iilang nasa gobyerno sa panahon ng kalamidad?

Hindi nakakagulat ang pagbanat niya sa Bise Presidente, pero imbes na magpakita ng simpatiya sa mga biktima ng sunod-sunod na bagyo, kaliwa’t kanang kasinungalingan at pag-a-alibi ang pinagsasabi niya para pagtakpan ang kanyang mga kakulangan at kapalpakan.

Pero ang isa sa mga pinakanakakatawang sinabi niya ay kapag hindi tumigil ang Pangalawang Pangulo na magtrabaho at ipakitang ginagampanan niya ang sinumpaang tungkulin para sa lahat, magsisilbi siyang bangungot sa kanya kung pipiliin nitong tumakbo sa 2022.

Tama ang nabasa, narinig at napanood ninyo. Nagbabanta siya. Nananakot. Pinapakita ang “kapangyarihan” na hindi niya magamit para makatulong sa mas maraming nangangailangan. At ngayon ay ginagamit niya ito para manindak sa taong mas presidente pang umasta kaysa kanya.

Pero hindi ba niya naisip (o sadyang wala siyang isip) na mula pa noon ay isa na talaga siyang malaking bangungot sa Pilipinas? At gusto kong ipaalala kung nakakalimot kayo: Noon pa tayo binabangungot ng tatay nilang tamad! Libo-libo ang pinatay, pinakulong ang mga taong hindi sang-ayon sa kanya, pinakawalan ang pinakamasasamang personalidad sa lipunan, pinatay ang malawakang outlet ng media, nagkalat ng samu’t saring kasinungalingan at nagtatago sa panahong kailangan ng taumbayan ang presensya niya?

Bago siya maging malaking bangungot sa Bise Presidente, tayo mismo ang unang ginimbal ng bangungot na ito. At nasaan tayo ngayon? Nasa kadiliman ng kawalan na napipilitang makinig sa kanyang kabastusan, pagmumura at mga walang kakwenta-kwentang pagpapakita ng kayabangan, lalo na sa gitna ng pandemya.

Ang inaasahan ng marami na magsusulong ng bayanihan ang siya mismong nagwawatak ng ating bayan. Kung hindi pa sapat ang maglilimang taon nang bangungot na ibinigay niya sa lahat, gaano kalalang bangungot pa ang mararanasan natin bago tayo kumilos at mamulat?

Hindi natin deserve ang pinunong magdudulot ng takot at magsisilbing halimaw sa ating pagtulog. Ang kailangan natin ay pinunong tuturuan tayong managinip at inspiradong bumangon sa isang magandang umaga.

2020-headline-feature-fb-aurora-10-cropped.png