Ang Feeling ng 27

Sa nakaraang mga taon, hindi naging madali para sa akin ang maghanap ng lugar kung saan ako mananatili, magiging masaya at uunlad para sa aking kinabukasan. Sabihin na nating dahil sa estado ko sa lipunan, pagsubok sa tulad ko ang isang magandang karera na bubuhay sa akin at hindi lang basta magpapataba ng aking bulsa. Magkagayunman, lahat ng mga pangyayaring aking pinagdaanan ay nagbunga ng napakaraming magagandang bagay – mga biyayang hindi ko mararanasan kung hindi ko iniyakan, pinagtawanan, pinagdusahan at kinaaliwan.

Ilang araw na lang at magbi-birthday na ako. 27 years old na ako. Kung tutuusin, dapat ay sumusweldo na ako nang malaki at mas nakakatulong sa pamilya. Sa edad kong ito, baka naroon na ako sa propesyong napaggagamitan ko ng aking mga talento. Kung naiayon sa normal life pattern ang lahat, malamang, wala akong pakialam sa Maynila at sa mga bagay na tungkol sa Maynila. Sa madaling salita, baka mas makasarili ako ngayon kung nangyari ang mga dapat mangyari.

Ngunit kung tatanungin ninyo ako ngayon kung ano ang feeling ng 27, simple lang ang magiging sagot ko – nakakabata. Bakit? Dahil kapag mas sensitibo ang pananaw mo sa mga mahahalagang bagay na kailangan ng paligid mo, pakiramdam mo ay may magagawa ka. Lahat ng nasa utak mo ay nagsisilbing gasolina ng iyong katawan at dagdag na dugong pumipintig sa iyong puso para maging isa sa mga nilalang na nagbibigay-kulay sa mundong ito. Kapag alam mong may nagawa ka, nakakatulog ka nang maayos. Kapag alam mong marami ka pang magagawa, hindi ka makakatulog nang maayos dahil gusto mo nang mangyari ang mga iyon. Ganoon ang pakiramdam ko sa ngayon.

Hindi maiiwasan ang mga sakit o anumang masamang pakiramdam sa katawan. Normal naman iyon dahil kahit tayo ang pinaka-matalinong nilalang ng Diyos, tayo rin ay may kumplikadong sistemang dapat pang-ingatan. Aaminin ko, mas sakitin ako kumpara noon. Masyado raw kasi akong nag-iisip, nagpupuyat at nagdadamdam sa mga bagay-bagay. Maaaring tama ito. Kaya nangako ako sa sarili ko (at hindi ito ang unang beses na nangako ako) na mas aalagaan ko ang kalusugan ko. Salamat na lamang sa mga taong nasa paligid ko dahil patuloy nila akong pinapaalalahanan.

Minsan, iniisip ko na sinadya ng Langit na hindi nasunod ang tamang pagkakasunod-sunod ng aking buhay: ang kagustuhan kong mag-aral sa isang prestihiyosong unibersidad, ang magtapos ng kolehiyo, ang posibleng pagkakaroon ng trabahong kumikita nang higit dahil sa aking kayang gawin, ang maging sobrang mayaman sa batang edad, at ang kagustuhan kong mahalin ang sarili ko lang. Samakatuwid, naririto ako sa isang sitwasyon na ang tawag ng iba kong kaibigan ay pagka-martir.

Nandito ako sa Escolta, isang lugar na kinalimutan ng lipunan at minsang naging makapangyarihan. Nandito ako para boluntaryong ibuhos ang lahat ng aking talento upang muling kilalaning muli ang Escolta bilang isa sa mga pinakatanyag na lugar sa bansa. Nandito ako para pag-aralan ang galaw ng lahat na parang isang estudyanteng nagma-Master’s Degree sa napakalaking pamantasang ang tawag ay Maynila. Nandito ako para pagyamanin ang aking katauhan, hindi ng pera kundi ng mga natatanging karanasan.

Kaya siguro ako galit sa Math ay dahil sa katotohanang nagpatanto sa akin na hinuhusgahan ng mga numero ang kakayahan natin bilang tao. Kung teenager ka pa, limitado pa lang ang kaya mong gawin pero kung matanda ka na, humiga na lang sa kama at hintayin ang nalalabi mong oras. Ito ang isang bagay na ayaw kong isabuhay. Age is just a number, but thinking of many ways to make a difference is better than counting your age.

Ngayong nalalapit na ako sa aking ika-27 kaarawan, unang-una kong pinapasalamatan ang Panginoong Hesukristo dahil ibinigay Niya sa akin ang isang buhay na kapaki-pakinabang, isang buhay na maipagmamalaki ko sa susunod naming salinlahi. Hangga’t hindi pa Niya binabawi ang buhay na pinahiram Niya sa akin, nangangako akong patuloy na magsisilbi at magmamahal sa Bayang Kanyang pinagpapala.

Maraming salamat sa mga kaibigan at sa mga taong patuloy na nagtitiwala sa akin. Paumanhin sa aking mga kabaliwan. Maraming salamat din sa mga kaaway at sa mga taong hindi ako maunawaan. Naniniwala akong magkakaintindihan din tayo sa tamang panahon.

Maraming salamat sa mahal kong Escolta at sa tinatangi kong Maynila. Lalo ninyong akong binigyan ng kahulugan ang aking buhay. Marami pa tayong pagsasamahan. Hinding-hindi ko kayo iiwan.

Maraming salamat sa Tatay ko dahil wala ako rito kung wala sila ng nanay ko. Magkikita tayong muli sa Kanyang paraiso. Maraming salamat sa pamilya ko na lubos ang pang-unawa sa isang anak na walang matinong direksyon sa buhay. Nangangako akong gagawin ko ang lahat upang patuloy na maging mabait at produktibong parte ng pamilya.

Higit sa lahat, maraming salamat kay Lem. Sa kabila ng aking mga kakulangan noon, ikaw ang naging simbulo upang ipakita sa lahat na may magagawa ako at karapat-dapat pa rin akong tanggapin ng lipunan sa kung ano ako. Magtutulungan tayo para hindi natin pagsawaan ang mga gusto natin para sa ating sarili, para sa ating mga minamahal, para sa ating bayan at para sa Panginoon nating minamahal. Happy 27th birthday sa’yo. Happy 27th birthday sa akin.

FAST POST #29: Wake Me Up When September Ends

Matatapos ang buwan ng Setyembre na may dinaramdam ang aking katawan.

Habang tinitipa ang artikulong ito ay ikalawang araw na akong may sakit. Akala ko noong una ay normal na pangangalay lang ng aking kaliwang binti ang problema. Hindi ko nagawang makapunta sa isang ispesyal na pagdiriwang dahil dito at sobra ko itong ikinalungkot. Dumating ang gabi at dito ko naramdamang mainit na ang katawan ko. Nilalagnat na ako, sabi ko sa aking sarili. Pinilit kong hindi magpahalatang ganoon na kainit ang pakiramdam ko dahil ayoko ring mag-alala ang mga tao sa aming tahanan. Ayoko na ring maging karagdagan sa alalahanin nila.

Sa kalaliman ng gabi ay dumating sa aking pag-iisip ang napakaraming bagay. Paano na ang mga inaasikaso kong aktibidad para sa mga kabataan? Paano na ang mga bagay na gusto ko pang gawin sa hinaharap? Paano ko na maitatama ang mga nagawa kong mali? Napakaraming tanong ang dumating sa aking utak, pero ang hindi ko inaasahan ay ang tuldok ng lahat ng ito. Natatakot akong mamatay, at kung mangyayari man ito ay dapat na akong maghanda.

Kanina, gumising akong ang tumutugtog sa radyo ay “What A Wonderful World” ni Stevie Wonder. Nakatatak pa rin sa aking isipan ang kamatayan kaya’t bago bumangon ay nagsimula ako sa panalangin. Buhay pa ako at sobra ko itong ipinagpapasalamat sa Panginoon. Magkagayunman, sa unang pagtayo ko sa araw na ito ay nanatili pa rin sa aking pag-iisip ang mga dapat kong gawin. Pabilis nang pabilis ang oras kaya’t hindi talaga tamang dumating ang sakit na ito. Lumala ang aking lagnat, ngunit hindi pwedeng maapektuhan nito ang mga kinakailangan sa mga susunod na araw. Sa gitna ng pagkabahalang ito ay pumitik sa akin ang isang bagay na nakalimutan kong mapagtanto.

Ang pagkakaroon ko ng sakit ay tila ba isang panggising sa akin ng Diyos. Hindi ko alam kung para saan, para kanino o para sa anong sitwasyon, pero itinuring ko itong paalala na kailangan kong mahalin ang aking sarili, lalo na ang aking kalusugan. Bukod pa roon, mukhang marami rin akong nakakalimutan dahil sa sobrang pagkaabala sa mga bagay-bagay na hindi ko mailarawan gamit ang mga salita. Sa huli, habang patuloy na lumalaban sa aking nararamdaman hanggang sa mga oras na ito, dito pumasok sa akin na ang kamatayan ay bahagi ng paghahanda ng tao sa ating pagbabalik sa Kanya. Kaya habang tayo’y nabubuhay pa ay gawin natin ang lahat, lalo na sa ikabubuti ng ating mga sarili. Sa pagtatapos ng ating buhay, lahat tayo ay babalik sa Kanya at ikararangal na ang pinahiram Niyang katawan sa atin ay napangalagaan natin ayon sa kung paano tayo nabuhay sa mundong nilikha ng Langit para sa minamahal Niyang mga nilalang.

At tulad nga ng pamagat ng isang banyagang awitin, ginising ako ng Panginoon sa pagsasara ng buwan ng Setyembre. Bahala na Siya sa akin, at kung ipag-aadya man ng karugtong na buhay, ay kailangan ko nang bumangon sa Kanyang panggigising.

FAST POST #17: Ano Ang Pagiging Kristiyano? (Base Sa Aking Mga Karanasan At Natutunan)

Wala akong iko-quote na Bible verse sa artikulong ito. Lahat ng ito ay base sa aking buhay bilang tagasunod ni Hesus bilang aking Diyos at Tagapagligtas. Kung anuman ang aking masabi, nawa’y galangin ito ng mga mambabasa. Hindi intensyon ng manunulat na manira ng grupo o relihiyon. (Masyadong maaga para sa Semana Santa pero eto ang nararamdaman kong isulat ngayon.)

Lumaki ako na isang mahinang klase ng Katoliko. Sa aking natatandaan, pumupunta lang ako sa simbahan kapag: 1.) New Year 2.) birthday ko 3.) Easter Eve/Salubong 4.) Simbang Gabi [at ilang taon ko siyang nakukumpleto sa parehas na oras, 3:00am] 5.) Christmas Eve [bago mag-Noche Buena] ; at 6.) New Year’s Eve [kapag malakas ang loob kong hindi mapuputukan ng mga paputok sa kalye papunta’t pauwi] . Minsan lang sa isang taon ako nagsisimba sa araw ng Linggo o magdasal bago matulog at pagkagising. Nag-a-antanda ako kapag napapadaan sa simbahan, pero ginagawa ko lang yun dahil nakasanayan ko na dahil nga ako’y isang Katoliko.

Nitong taon ay nagpasalamat ako dahil nabuksan ang aking puso upang makilalang muli ang Diyos sa pamamagitan ng isang international youth organization na pinapatakbo ng isang born-again Christian group na base sa Korea. Naging masaya ako dahil nakakilala ako ng mga bagong kaibigan, Pilipino at Koreano, pero ang importante’y muli kong nakaharap si Hesus bilang nag-iisang nagligtas ng aking kaluluwa.

Wala akong nakitang masama sa kanilang mga pangaral dahil naniniwala akong ang mga Kristiyano, magkakaiba man ang sinasalihang grupo, ay nananalig sa kung ano ang inihayag ng Panginoon sa Bibliya. Nakabuti ang kanilang pagtuturo ng mga Salita ng Diyos upang guminhawa ang aking buhay-ispirituwal.

Wala akong nakitang mali sa grupo at kanilang turo, pero ang mali ay nasa iilang tao sa loob ng grupo. Habang tumatagal ay naramdaman ko ang isang pagkakamaling sa tingin ko’y hindi maka-Kristiyano — ang kawalan ng respeto at pagkait sa pagtanggap sa tunay na ako. Sa ilang buwang pagpo-focus ko sa pagbabasa ng Bibliya ay wala akong natandaang nambastos si Hesus o nagkondena sa pagkatao ng isang tao. Kahit ang makasalana’y Kanyang tinanggap at pinatawad ang mga kasalanan. Binigyan Niya ng pagkakataon ang lahat na makilala Siya at isapuso ang Kanyang mga aral nang walang pangmamata sa tunay na katangian ng mga taong Kanyang naengkwentro.

Ganoon ang inaasahan ko noong una, tinatanggi ang mga sitwasyong aking nakita na parang di makatarungan. Pero dahil sa mga sitwasyong di intensyonal ay napagtanto kong hindi sa lahat ng pagkakataon ay pwede mong buksan ang iyong puso sa lahat ng oras dahil hindi lahat ng nakakausap mo ay mapagkakatiwalaan mo at hindi lahat ng nakikinig sa’yo ay makakaintindi sa kalagayan mo.

Wala akong sama ng loob sa grupong ito dahil binigyan nila ako ng pagkakataon upang makilalang muli ang Diyos sa aking buhay. Binigyan nila ako ng daan upang ipakita ang talento ko bilang lider at bilang kapaki-pakinabang na kabataan. Nagpapasalamat ako sa Diyos at nakilala ko sila at natuto ng napakaraming bagay para maging isang tunay na Kristiyano.

Maaaring sa artikulong ito’y sasabihin ng iilan na ako’y “natisod” na sa paniniwala ko kay Hesus at sa Magandang Balita ng Panginoon. Maaaring maraming magagalit at madidismaya. Pero mula sa natutunan ko sa kanila, ang matutunang rumespeto at tanggapin ang kahinaan ng tao ay mga bagay na dapat taglayin ng isang Kristiyano. At kung totoo silang Kristiyano at totoong naging kaibigan nila ako, ay matatanggap nila at gagalangin ang desisyong ito na idinulog ko sa Panginoon sa sapat na panahon.

Maaaring natisod nga ako bago ko muling pahalagahan si Hesus. Pero katulad ng una kong sinabi sa Facebook, aalis lang ako sa grupo pero hindi sa pananampalataya. Ang Kristiyano ay mananatiling Kristiyano hangga’t buong puso kang naniniwala na si Hesus ang iyong Panginoon at Tagapagligtas. Maaaring kailangan ng isang grupo o simbahan para mapatatag ang iyong kaluluwa para kay Hesus. Magkagayunman, hindi sa grupo ng mga tao makikita ang kasiyahan, kundi sa paniniwala mo sa Kanya..Hangga’t nananalig ka kay Hesus at nananatili sa’yo ang katangiang maka-Kristiyano, lalo na ang paggalang, pagtanggap at pagtitiwala na Diyos lang ang magbibigay sa’yo ng pagbabago at Kaligtasan, ibibigay sa’yo ng Langit ang kanyang papuri, pasasalamat at biyayang hindi mo inaasahan.
Ngayon ko lang napagtanto na ako lang ang mali sa aking pagdududa sa aking kinagisnang paniniwala, pero matagal na pala akong iniligtas ni Hesus. Tinatago lang pala ng aking pag-iisip ang pananampalataya ko sa Kanya. Gumawa lang Siya ng mga sitwasyon upang makilala ko Siyang muli at manatili sa Kanya. Gumawa Siya ng paraan upang ipunla sa aking puso na hindi basehan ang pagpapalit ng relihiyon upang maibalik ako sa Kanyang bisig.

Eto ang tunay na muling pagsilang. Ang pagbabalik loob kay Hesus bilang mas kapaki-pakinabang Niyang lingkod. Ang pananatili sa tunay na paniniwalang Katoliko gamit ang mga karanasan at mga natutunan para maging matibay na Kristiyano.

Mas kakayanin ko nang dumalo sa mga misa tuwing Linggo, isasapuso ang bawat antandang aking gagawin kapag ako’y dumadaan sa harap ng simbahan, at magiging mas makabuluhan na ang aking magiging dasal tuwing gabi at umaga para magpasalamat sa buhay na kanyang ipinagkatiwala.

Sa Ngalan Ng Ama, Ng Anak, At Ng Espiritu Santo. Amen.