Tatakbo dapat akong mayor ng Maynila. Pero…

2015-category-title-tambuli copy2018-post-tambuli-10-27

Hindi masamang mangarap, lalo na kung may oportunidad para gawin ito. Lahat ay posible. Lahat ay maaaring mangyari, lalo pa kung alam nating kaya natin itong gawin.

Hindi naging madali para sa inyong lingkod ang mga nakaraang buwan. Nasa punto ako ng pag-iwan sa mga pinuhunan kong pangarap para sa lungsod ng Maynila. Napagod na ako na hanggang imahinasyon na lamang ang mga gusto kong pagbabago sa kinalakihan kong siyudad. Ayoko nang iasa sa mga trapo ang kapakanan ng aking mga kapwa Manileño, lalo na’t sunog na sunog na ang mga pangakong bubuti ang buhay nila. Kahit unti-unti lang, kahit hindi biglaan o malakihan.

Ilang beses akong nag-post sa aking social media accounts na gusto kong tumakbong mayor ng Maynila. Matagal nang biruan ng mga kaibigan ko na ang pagpasok lang sa pamahalaan ang tanging paraan. Ibig sabihin, kailangan kong pumasok sa daigdig ng pulitika. Alam na alam ko kung gaano kadugyot ang larangang ito.

Pero ang biro ay may hating katotohanan. Bukas ang pintuan ng mga posibilidad at isang papel lang ang susi para rito: certificate of candidacy. Batid kong may mga pwedeng tumulong kung sakaling ituloy ko ito. Hindi man kasing-bigatin ng mga beteranong pulitiko sa Maynila pero sa kani-kanilang kakayahan, kampante akong itutulak nila ang kampanya ko sa mas moderno at mas malikhaing paraan.

Ngunit sa umaga ng huling araw ng filing ng CoC, dinatnan ako ng kakaibang panaginip. Pwedeng praning lang ako o gumana ang utak ko habang wala akong malay, pero sumulpot dito ang tatlong taong namayapa na – isang dating mayor, isang matalik na kaibigang lubos na naniwala sa akin, at ang tatay ko. Ang daming napag-usapan sa panaginip na iyon pero ang natandaan ko lang sa lahat ay ang sinabi ng tatay ko.

“Ituloy mo… pero hindi ngayon.”

Sumang-ayon ang dalawa sa aking panaginip. Nagising ako’ng magaan ang pakiramdam.

Hindi nangialam ang tatay ko sa buhay ko. Ni hindi siya nagkaroon ng opinyon sa mga panahong nasa gitna ako ng tagumpay o kahit ng kabiguan (maliban sa kaisa-isang beses na nagalit siya dahil nawalan ako ng pagkakakitaan dahil sa “pride” ko). Sa panaginip lang na iyon, nagsalita ang tatay ko sa gusto kong tahakin.

Maaaring mababaw itong dahilan. Maaaring sinampal lang ako ng katotohanang hindi para sa tulad ko ang pulitika. Maaaring napangunahan ako ng takot. Maaaring mahina kasi ang loob ko.

Matagal nang wala ang tatay ko, pero kailangan kong gawin ang obligasyon ng anak sa kanyang ama. Alam kong naniniwala siya sa kayang gawin ng kanyang bunso, pero isang kakaibang larangan ang pulitika at alam niyang hindi pa ito para sa akin ngayon.

Sa panahong burado na’ng tuluyan ang karangalan ng kasaysayan ng Maynila, kailangan ay may humakbang na sa henerasyong ito. Maaaring ako, maaaring ibang taong kaedad ko. Pero sa ngayon, gagawin ko ang nakasanayan kong gawin at mga bagay na alam kong kaya kong talunin ang mga tradisyunal na pulitiko. Mahal ko ang Maynila at kasama niya pa rin ako sa kanyang laban.

 

 

cropped-article-stoper.png

Kung Mangarap Ka’t Magising

(Ang pamagat ay kahalintulad sa isang pelikulang idinerehe ni Mike de Leon para sa LVN Pictures noong 1977 na kinatatampukan nina Christopher de Leon at Hilda Koronel. Walang kaugnayan ang laman ng sulating ito sa nasabing pelikula.)

Ang hukom at ang paaralang itinakda para sa kanyang dakilang pangalan.

Ang hukom at ang paaralang itinakda para sa kanyang dakilang pangalan.

Mahigit sampung taon na ang nakalilipas nang magtapos ako sa Jose Abad Santos High School sa Binondo. Aaminin ko, walang kasing saya ang naramdaman ko nang humakbang ako sa entablado, kunin ang rolyo ng papel na kunwari’y diploma at sinaksihan ang seremonyang simbulo ng pagwawakas ng kabanatang gusto ko sanang kalimutan. May mga malalapit sa akin ang nakakaalam kung gaano naging “makulay” ang buhay ko sa loob ng apat na taon na iyon. Tumuntong ako sa kolehiyo na pilit inaalis sa isip ang mga naranasan ko noong high school. Pero nanatili ang maliliit na multong nagbigay sa akin ng takot at pag-aalinlangan habang tinutuloy ang aking buhay-estudyante. Dumaan ang panahong hindi ko namamalayang ang mga sugat na iyon ay nagsilbing lakas ko sa mga nalagpasang pagsubok. Nang mapagtanto ko ito, tila gusto ko nang maalala nang paulit-ulit ang mga ito tulad ng isang libro ng kasaysayan kung saan ang mga pahina ng digmaan ay walang sawang binabalik-balikan.

Nitong Linggo lang ay muli kong binuklat ang kopya ko ng high school yearbook. Muli ko itong naalala noong Sabado habang kausap ang isa sa matatalik kong kaibigan at naisip ang isang bagay tungkol dito. Isa sa pinakadulong pahina ng yearbook ay ang “class prophecy”, isang kuwentong regular na sinusulat ng isa sa mga mag-aaral ng “Section One” para sa nasabing lathalain. Nasasaad dito ang kanyang panaginip – isang class reunion na magaganap, maraming taon pagkatapos ng graduation. Magarbo ang setting, lahat ng kanyang mga kasama sa maituturing na “star section” ay may magagandang kinalalagyan sa lipunan at higit sa lahat, nagkatuluyan ang mga magkasintahan na parang fairy tale… at may bonus pang mga anak! Ngunit natapos ang istorya sa realidad – nagising ang tagapagsalaysay sa loob ng kanilang classroom, sa paninita ng kanilang adviser dahil sa ingay ng kanyang mga kaklase.

Tunay ngang napakagandang panaginip, napakagandang mga pangarap na nagwakas sa hindi magandang paggising.

Lagi kong binabasa ang class prophecy mula pa noong natanggap ko ang yearbook ko… kahit hindi naman ako nabanggit doon. Pero natatandaan ko na sumulat din ako ng sarili kong class prophecy kung saan ang mga kaibigan ko (at ako) ang bida. Badtrip lang dahil hindi ko na ito mahanap. Sinulat ko iyon noong lahat kami ay nasa kolehiyo na’t medyo nakahanay sa tunay naming buhay noong panahong iyon ang takbo ng istorya. Hindi ko ito nilagay sa akto ng panaginip kundi sa konsepto ng aming kakayanan bilang mga taong ang gusto lang ay maging masaya sa simpleng buhay. Dati kasi’y nagsawa akong mangarap at natakot na magising sa wala, kaya madali kong natanggap na ang pangarap ay matutupad kapag nasa ulirat ka.

Sa aking pagkakatanda, karamihan sa mga ito’y nagkatotoo, pero ang iilan (kasama ang sa akin) ay hindi nangyari. Sa kabila niyon, tulad ng mga hindi natupad ang tadhana sa class prophecy, porke’t hindi nagkatotoo ang hula ay hindi na naging “maganda” ang kani-kanilang buhay. Maituturing ko ang sarili ko na kapareho ng tadhana nila.

Hindi man ako nag-ambisyon para sa aking sarili, ang pangarap ko sa mga tao at senaryo sa paligid ko ay natupad naman. Dito’y namulat akong masaya dahil parang pangarap ko na rin ang naisakatuparan. Dito ko rin napagtantong hindi pala dapat tayo tumigil sa pangangarap. Magising man tayo sa sitwasyong hindi natin inaasahan, isipin natin na isa itong paraan ng tadhana upang maging daan kung para tayo sa gusto nating mangyari. Pagdating ng tamang panahon, malalaman natin kung ang pangarap na iyon ay para sa atin o isang aral lamang na sapat para ating matutunan.