Ang Sampung Taon Kong “Constant”

2015-category-title-tambuli copy2020-headline-feature-fb-aurora-10

 

Kung may ituturing akong hindi nagbago sa buhay ko, ito ay ang Aurora Metropolis.

Hindi ako tumigil sa pagsusulat sa labas ng blog na ito. Pagsusulat ang ikinabubuhay ko, pero noon pa man ay sa pagsusulat ako nabubuhay at sa pagsusulat ko nararamdaman na buhay ako. Sa lahat ng trabahong pinasok ko at adbokasiyang kinabilangan ko, hindi nawala ni isang sandali na hindi ako sumusulat gamit ang kamay, gamit ang keypad sa smartphone of keyboard sa laptop. Kahit sa maraming panaginip ay nagsusulat ako. Sa pagsusulat ko laging naaalala ang nakaraan at nakikita ang personal kong kinabukasan. Ang pagsusulat ay paalala na may katapusan ang buhay, pero pagsusulat din ang paalala kung bakit kailangang magtuloy-tuloy ang buhay.

Pero hindi magiging malaking bahagi ng buhay ko ang pagsusulat kung hindi dumating ang Aurora sa akin. Ito ang nagpausbong ng pangarap kong makapagsalita sa mas maraming tao gamit ang aking mga titik. Ito ang naging kanlungan ng mga kakaibang kuwentong binubuo ng aking imahinasyon at susi kung bakit may pananaw akong magagamit ng mga kabataan para sa kanilang masusing pag-aaral ng mundo. Ito ang naging paaralan ko para sanayin ang sarili na magsulat para sa sarili at iro rin ang naging pahayagan ko para hubugin ang sarili na magsarili para sa iba at para sa bayan.

Hindi ako naging masyadong active sa Aurora dahil sa tatlong rason:
– Busy sa trabaho
– Mas nahikayat sa social media
– Museo ang tingin ko rito.

Museo ang turing ko sa Aurora Metropolis. Dahil gusto na ang bawat ititipa ko rito ay mga natatangi kong lathala. Hindi na ako sumusulat dito dahil gusto ko lang. Gusto ko na kapag pinindot ko ang “New Post” ay mabibigyan ko ng sustansya ang aking mga isusulat. Hindi ito sikat na blog at lalong hindi ako sikat na blogger, pero alam ko na may mga taong nakikita ang Aurora na sisidlan ng inspirasyon para sa kani-kanilang obra. Ang Aurora ay anak ko, at minamana niya ang konti pero sobrang personal na makahulugang mga pananaw ko.

Ang Aurora Metropolis at pagsusulat ang mga constant ko sa nagdaang sampung taon. Hangga’t patuloy ako ng naghahabi ng mga kwento at komentaryo ay mananatili siyang buhay, mananatili akong buhay.

 

 

cropped-article-stoper.png

Pansamantalang Pamamahinga

Ngayon pa lang ay humihingi na ako ng paumanhin sa iilang tumatangkilik ng Aurora Metropolis dahil sa pagiging inactive nito sa humigit-kumulang dalawang buwan. Hindi po ito dahil sa tinatamad akong magsulat o wala akong maisulat. Kung tutuusin, maraming bagay sa buhay ko ngayon ang ikinagagalak kong ibahagi sa inyo. Sa kabilang banda, ang mga bagay na iyon ang nagiging hadlang upang pagtuunan ng pansin ang aking pagsusulat.

Hindi lingid sa atin ang magkaroon ng maraming gagawin. Minsan pa nga, hindi na natin alam kung ano ang uunahin at paano magagawa ang lahat ng iyon sa mas mabilis na panahon. Naisin man nating i-prioritize ang mga iyon ay hindi natin kaya dahil tao lang tayo na napapagod din.

Yan po ang kalagayan ko ngayon.

Sa hangarin kong mas makatulong sa adbokasiyang napakahalaga sa akin, may mga makabuluhang gawain akong hindi ko na mabigyan ng pansin. Patawarin po ninyo ako pero isa sa mga hindi ko mabigyan ng atensiyon ay ang pagsusulat para sa pansarili kong kamalayan. Ito ang blog na binabasa ninyo ngayon.

Nitong mga nakaraan ay nagplano akong bumuo ng iba pang blog site para sa iba pang gamit. May isang kaibigan na nagsabi sa akin na palakasin ko na lang ang Aurora Metropolis kaysa gumawa pa ng panibago. May punto naman siya dahil sa limang taon at iilang tagasubaybay, masasabi kong matagumpay pa rin ang Aurora Metropolis. Bakit nga ba hindi ko na lang ito pagandahin at mas palawakin ang kaya nitong gawin upang bigyan ng inspirasyon ang mas maraming mambabasa?

Dito ako nagising sa katotohanan, nalungkot at walang humpay na humingi ng tawad sa aking mahal na blog site. Napagtanto kong marami nang tao ang na-inspire ng Aurora Metropolis at nananatili siya sa akin (kumpara sa mga blog site ko dati na pinagsawaan ko) dahil may dahilang tila nagtatago at naghihintay kong mahanap.

Dahil nga doon ay hinahanap ko ang dahilang iyon at patuloy na hinahanap, kaya pansamantala ay mananahimik ang inyong lingkod sa pagpo-post sa Aurora Metropolis upang bigyang daan ang maraming ideya upang mas maging malakas ang blog site ko. Ginawa ko ito para lang dapat sa regular kong pag-eensanyo sa pagsusulat, ngunit dahil sa mga kaibigang lubos na sumusuporta sa aking mga magulong pananaw ay nagkaroon siya ng panibagong dahilan para mabuhay at patuloy na mabuhay. Nais kong magpatuloy ang Aurora Metropolis at maging mas akma sa interes ng bawat taong pupunta dito.

Hindi ko po isasara ang Aurora Metropolis. Bigyan nyo lang po ako ng kaunting panahon upang mas mapabuti ang blog site ko na magiging blog site na rin ng sinuman sa hinaharap.

Patuloy akong nagpapasalamat sa mga sumusuporta, kilala ko man sila nang personal o hindi dahil binigyan niyo ako ng ideya kung gaano ako kaepektibong manunulat. Lagi kong tinatanim sa aking damdamin ang bawat papuring inyong binibigay at tinutugunan ang kung anumang mali kong nasabi. Masaya akong maging bahagi sa pagbuo ng sarili ninyong mga komentaryo. Kahit sa mga salitang aking tinitipa dito ay nakatulong ako sa paghubog ng lungsod ng Maynila at ng bansang pare-pareho nating panirahan.

Magbabalik po ako. Hindi po ako mawawala. Muli, maraming salamat po.

auroraheader8

RANDOM THOUGHTS: Doseng Paragraphs sa Dose Dose Katorse

Hindi ko alam ang naiisip ng ibang tao sa akin at sa mga ginagawa ko. Pero mahirap sa akin na maramdaman na ang mga taong alam mong makakaintindi sa’yo ay silang mga taong titingin sa’yo nang masama. Walang problema sa akin kung marinig ang kung anumang puna o poot na sasabihin nila. Mas mabuting malaman ko ang mga iyon kaysa manahimik at pag-usapan ako nang di ko nalalaman. Dama kong ayaw nilang gawin ito kaya hahayaan ko na lang.

Masyadong maraming nangyayari sa paligid, pero kailangan kong maging mas alerto at mas malakas. Hindi man ako ang ideal na mukha ng isang martir, dapat kong ipanatili sa aking isip at kamalayan na kailangan ako ng aking mga tinutulungan. Kailangan ako ng aking lungsod at ng aking bayan.

Mahirap pagsabayin ang buhay ng isang lingkod bayan at buhay ng isang nagmamahal. Gayunman, mas pinili ko ang una dahil alam kong mas masaya ako doon. Masaktan man ako ay may mga dadamay, at magpapakita ng pagmamahal at suporta. Ngunit mali ka sa iniisip mong takot akong masaktan ng pag-ibig. Sanay na ako at marunong na rin akong mag-injection ng pampamanhid sa sarili ko. Nariyan na siya pero handa siyang maghintay, sabi nya. For now, friends with benefits muna kami. No strings attached.

Bago ang phone ko. Matagal ko itong pinaghandaan pero dumating nang biglaan. Maraming salamat po sa inyo.

Sa dami ng ginawa ko ngayong taon ay hindi ko na natuloy ang pagsusulat ng manuscript ng plano kong libro. Di bale, makakapaghintay naman iyon. Alam kong hindi ako magsasawang magsulat. Sana lang ay hindi magsawa ang pagsusulat sa akin.

Halos wala akong naipasok na entry sa Aurora Metropolis nung nakaraang buwan. Di ko na naisulat ang mga istoryang sinulat ng utak ko pero di na-save ng mga daliri ko. Nagsisiwalaan na silang isa-isa. Sana bumalik sila kapag di na ako busy.

Sa di inaasahan ay nagkita kami ng college crush ko sa isang kapihan sa Makati. Alam kong kilala pa niya ako dahil ilang beses ko siyang nahuling nakatingin sa akin. Alam ko yun dahil direkta akong nakatingin sa kanya. Pagkatapos ng isang minuto, mukhang di siya nakatiis kaya siya na ang unang bumati. Nag-ri-replay sa utak ko ang last three sentences niya bago siya tuluyang umalis: “Ankyut na ng pagka-chubby mo ngayon. Sana makasama ako sa advocacy mo soon. Message na lang kita sa Facebook tapos kape tayo next time.” (P.S.: May anak na siya pero walang asawa. May chance! Haha!)

May natanggap akong email na nagpalakas ng senyales na kailangan ko nang mag-ipon para makapunta ng Palawan. Susundin ko ba ang tinatahak ng signus na yun?

Hindi pa natatapos ang taon at marami nang naka-lineup na gagawin sa 2015. Sumabay pa ang wirdong panaginip na kinakausap ako ni PNoy sa harap ng maraming tao. Lalo akong kinabahan sa pwedeng mangyari.

May tatlong kaibigan akong ikakasal next year. Naalala ko ang tanong sa akin ng kaklase ko nung high school: “Tayo, kailan kaya ikakasal?” Naninindigan ako sa sagot ko: “Lalakad ako sa wedding march… pero bilang best man o groom’s man lang.”

Masama raw ang isang tao na hinihintay ang kamatayan ng iba… pero paano kung nahihirapan na siya sa buhay? Gugustuhin mo bang mabuhay pa siya sa pagdurusa?

Masaya ako sa ginagawa ko. Kahit ano pa ang di magandang interpretasyon ng iba sa mga ginagawa ko, mananatili ako sa paniniwalang hindi ko ito ginagawa para sa sarili ko o para sa kanila. Ginagawa ko ito dahil alam kong binigay sa akin ito ng Panginoon para makatulong sa kinabukasan ng aking bayan.

aurora-1212