Kaibigan, Baka Nakalimutan Kitang Pasalamatan

Inspirado ng kantang “Best Friend”, mula sa bagong album ni Jason Mraz ngayong taon na pinamagatang “YES”:

Album cover ng YES ni Jason Mraz.

Album cover ng YES ni Jason Mraz.

Love is where this begins | Thank you for letting me in | You’ve always known where I stand | I’ve never had to pretend

And I feel my life is better | Because you’re a part of it | I know without you by my side | That I would be different

Thank you for all of your trust | Thank you for not giving up | Thank you for holding my hand | You’ve always known where I stand

And I feel my life is better | So is the world we’re living in | I’m thankful for the time I spent | With my best friend

Thank you for calling me out | Thank you for waking me up | Thank you for breaking it down | Thank you for choosing us | Thank you for all you’re about | Thank you for lifting me up | Thank you for keeping me grounded | And being here now

My life is better | Because you’re a part of it | I know without you by my side | That I would be different | Yes I feel my life is better | And so is the world we’re livin’ in | I’m thankful for the time I spent | With my best friend

You’re my best friend

Hindi ako nahihiyang aminin na kung anuman ako sa pagkakakilala ninyo ngayon, ang mga iyon ay gawa ng mga naging bahagi ng buhay ko – ang aking mga kaibigan. Sila ang nagbigay ng karamihan sa mga pagkakataong sumubok sa aking kakayahan at humubog sa aking katauhan. Sila ang tumulong sa akin na gamutin ang mga sugat ng sariling pagkakamali at umalalay sa pagkapilay ng kabiguan. Sila yung mga nakahandang mag-drowing ng mga bituin at planeta sa mga panahong ang langit ng aking mundo’y kasingdilim ng itim na kartolina.

Nang marinig ko ang kanta ni Jason Mraz, parang nagkaroon ako ng guilt sa mga taong tinuring kong totoong kaibigan pero nakalimutan ko nang alalahanin. Parang nakaligtaan ko silang pasalamatan, lalo na yung mga kaibigang dumaan lang sa buhay ko. Nang dumaan sa aking mga tenga ang awiting iyon ay napakaraming bumalik na alaala – ang mga alaala ng kaibigang tunay pero hindi nagtagal dahil hanggang doon lang sila sa buhay ko.

Tanggap ko naman sa aking sarili na may mga taong darating at mawawala sa paligid natin. Tulad natin ay may kanya-kanya rin silang tadhanang sinusunod o nilalabag para sa ikabubuti ng kanilang buhay. Naiinis ako kapag pakiramdam ko’y iniiwan nila ako at dito ako nagi-guilty. May mga panahong itinatakwil ko sila bilang kaibigan dahil sa pagiging makasarili ko. Mali iyon pero huli na ang lahat bago ko pa matanto ang kamaliang iyon. Ngunit pagkakataon na rin ang gumagawa ng paraan upang ang mga nasunog na tulay ay dapat palitan at ilipat sa ibang parte ng magkabilang pampang. Sila naman ang mga kaibigang binigay sa akin bilang mga kayamanang dapat ingatan, gaano man sila ka-sensitibong intindihin at alagaan.

Nagbalik-tanaw ang aking utak sa nakalipas na dalawampu’t anim na taon. Maraming mukha ang bumalik sa aking gunita, bagama’t marami sa kanila ang hindi ko na maalala ang pangalan. Magkagayunman, sa mga mukhang iyon ay naaalala ko ang kanilang partisipasyon at paano sila naging tagahabi ng aking pagkatao. Ang manatili sila sa aking alaala ang isa sa mga pinakamahahalagang bagay na pinagpapasalamat ko sa Panginoon.

Pangalawa sa pamilya, ang mga matalik kong kaibigan ang pinakamahalagang handog ng Langit sa akin. Kung makakarating man sa kanila ang sulating ito at ako’y naaalala pa rin nila, nais kong sabihin ang taos pusong pasasalamat. Sa mga nananatili sa aking tabi at ginagampanan pa rin ang kanilang misyon bilang kaibigan ng imperfect na nilalang tulad ko, maraming maraming salamat at pagpasensyahan ninyo na ako. Huwag kayong magsasawa, at kung magsasawa man kayo, handa akong maghintay sa inyong pagbabalik kung gusto nyo pa.

(P.S.: Sa mga kaibigan ko, malamang ang una nyong reaksyon ay… “Hala! Nag-i-emo!” Hahaha!)

Paalam, Kapatid Kong Kuneho.

“… Pero masakit mang isipin, darating ang panahon na sila’y mawawala sa amin. Tulad ng mga tao, walang katiyakan kung hanggang kailan sila mananatili. Higit sila sa pagiging kaibigan. Hindi man sila nakakapagsalita ay pinapakita nila sa kani-kanilang paraan kung gaano ka nila kamahal, kung gaano sila nag-aalala at kung gaano ka nila ituring na mahalaga sa buhay nila.” – Ang Pakiramdam Ng Namatayan Ng Isang “Kaibigan” (Aurora Metropolis, Enero 04, 2012)

Nitong Sabado lamang, April 14, 2012 sa kabila ng saya ng aking puso sa matagumpay naming pagsasagawa ng 2012 IYF World Camp Philippines ay gumimbal sa aking pag-uwi ang isang masamang balita. May nakatirik na kandila sa dulong bahagi ng aming bahay. Pagkakita ko nito mula sa hagdanan paakyat ng aming tahanan ay kinabahan na ako. Sa pagpasok ko ng aming pintuan ay agad na nagsalita ang nanay ko: “Wala na.” Agad na sinundan ng tatay ko ang sinabi niya. “Namatay na si Bunny. Nilagay ko na dyan sa may kahon ng sapatos” Hindi agad lumabas ang totoo kong reaksyon dahil sa sobrang pagod kaya’t lumapit ako sa kung saan nakatirik ang kandila, katabi ang isang shoebox. Dinama ko ang labas ng kahon, pilit na kinarga pero mabigat. Hindi ko alam kung talagang mabigat ba yun o talagang nakaramdam agad ng panlulumo ang aking katawan sa katotohanang ang aking alagang kuneho, ang pinakabatang miyembro ng aming pamilya, ay wala na sa amin.

*Ipinangako kong hindi na iiyak dahil dito, pero habang tinitipa ng aking mga daliri ang laman ng aking puso’y hindi ko mapigilang maluha. Ipagpaumanhin ninyo ang pagiging emosyonal ko.*

“Ang hayop at tao ay parehong nilalang ng Diyos, bagamat tayo’y pinanganak na kawangis ng Panginoon. Magkagayunman, ang mga hayop ay may malaking importansiya sa ating mga tao sa napakaraming bagay. Alaga man ang turing natin sa kanila, marami sa atin, higit pa sa pet ang turing… kundi isang kaibigan.”

Enero 01, 2009. Umaga. Dinala ko sa aming bahay ang isang kunehong kasinlaki lang ng aking kamao. Napaka-cute at napakasigla. Pinangalanan ko siyang BOA (hango sa pangalan ng aking unang account sa call center na Bank Of America) Sa kabila ng pagtutol ng aking nanay ay wala na siyang magagawa. Noong una’y wala kaming ideya kung paano mag-alaga ng kuneho. Napakamaligalig at talon nang talon sa bawat sulok ng bahay. Kinakain ang wire ng mga gamit namin (nakailang palit ako ng cellphone charger dahil sa kanya) . Gayunman, sa kalikutan niyang iyon ay tila nakabisado na niya ang aming bahay at ang aming pamilya. Hindi tumagal ay naging at home na si BOA sa amin at gayundin kami sa kanya. Kung ano ang kinakain namin ay kinakain nya rin. Isang araw ay pinalitan ng aking kuya ang pangalan ni BOA dahil mas kahawig niya ang sikat na cartoon character na si Bugs Bunny, kaya tinawag namin siyang “Bunny”. Naging laman si Bunny ng aming tahanan ng dalawang taon hanggang dumating sa pagkakataong hindi kami pwedeng mapalapit sa mga mababalahibong bagay. Nilabas si Bunny at doon ay ginawan siya ng aming tatay ng matitirhan na gawa sa lumang plate dispenser. Naging kumportable siya roon dahil hindi gaanong mainit ang hangin sa bandang iyon ng bahay.

Malakas kumain si Bunny. Walang pinipiling pagkain. Minsan pa nga’y inaagaw pa niya ang tinapay ng tatay ko sa almusal at inaagaw ang kanin ng aso naming si Bruce tuwing tanghalian o hapunan. Napakagana niyang kumain. Parang walang bukas. Sabi nga nila, mana raw sa amo.

Pero nitong mga nakaraang linggo ay napansin ng tatay ko na hindi kumakain si Bunny. Matamlay at tila walang enerhiyang salubungin ng kakulitan ang bawat isa. Tumagal ito ng maraming araw na talagang kinabahala ko sa puntong umiiyak ako nang palihim sa gabi. Itinaas ko siya sa aking panalangin at kahit papaano’y narinig naman ng Diyos ang aking dasal. Sumigla siya nang bahagya at tunay na nagpapasalamat ako. Kinausap ko si Bunny, tulad ng lagi kong ginagawa habang kinakamot ko ang kanyang ulo at likod na parang masahe ko na sa kanya. Sinabi ko sa kanya na mahal na mahal ko siya at sana’y bumalik na siya nang tuluyan sa dati. Doon ay hinalikan ko ang kanyang labi na lagi kong ginagawa kapag nagse-share ako sa kanya, tanda ng pasasalamat sa kanyang pakikinig sa akin.

Naging abala ang mga nakaraang araw, kaya’t nakikita ko na lang siya kapag aalis ako ng bahay at kapag pauwi na ako. May isang araw, nang papaalis na ako ng bahay ay pinaikutan niya ako nang walang humpay na lagi niyang ginagawa. Tila ayaw niya akong paalisin. Nilibang ko muna siya na para bang nakikipaglaro. Nakahanap ako ng tiyempo upang tumawid sa harang at makalabas ng bahay. Nang nasa kabilang bahagi na ako ng harang ay nilingon ko siya, at nakita ko si Bunny, nakatayo nang may buong lakas, nakalingon sa akin na ang mata’y tila may gustong ipahiwatig, at yun pala ang huling pagkakataon na makikita ko ang kanyang napakaamong mata.

Nang gabing iyon nang sinabi sa akin ng aking pamilya na patay na si Bunny ay sinabihan ako ng kuya ko na nag-text siya sa akin nang mas maaga para sabihin ang malungkot na balita. Tila hinintay lang pala ni Bunny na umuwi ang kuya ko galing sa isang out-of-town conference at hinintay lang niyang makumpleto kaming naroon sa bahay bago siya tuluyang pumanaw. Pumasok ako sa kuwarto na tulala. Nagtanggal ng bag. Pumikit. At unti-unting pumatak sa aking mata ang mga luha. Halos tahimik akong humagulgol upang maiwasang marinig ng aking pamilya ang sakit ng aking puso noong panahong iyon.

Kinaumagahan pagkatapos ng kanyang pagkamatay ay lumabas ako upang kunin ang tuwalya. Nakita ko si Bruce na nakalingon sa lugar kung saan laging natutulog si Bunny. Wala ang kanyang kaibigan. Hinahanap niya ito at kitang-kita sa kanyang mga mata ang pagtataka kung nasaan ang kunehong tinuring na niyang kapatid. Hindi ko natiis na maluha. Ako rin, sa araw-araw ng buhay ko ay hindi ko nakakaligtaang haplusin ang kanyang ulo at ang krus sa kanyang likuran sa tuwing mag-uumpisa ang araw ko. Nawalan ako ng kapatid na alam kong laging handang makinig sa akin.

Ngayon, alam ko na naglalaro na siya sa hardin kung saan naroon ang Panginoon. Kumakain na siya ng pagkain na mas masarap pa sa kanyang mga kinakain dito sa bahay. Kahit papaano’y masaya ako na sa kabila ng pag-iwan niya sa amin ay mas mabuting makakapiling na niya ang Lumikha sa kanya. Doon ay walang hanggang kapahingahan at walang hanggang saya ang kanyang madarama.

Tanging kapiraso ng repolyo lang ang aking alaala sa kanya. Ang repolyong iyon ang huling pagkaring katabi niya bago siya namatay. Nilagay ko ito sa maliit na lalagyan at laging dala upang kahit sa alaalang iyo’y lagi ko siyang nakakasama.

Bunny, kung nasaan ka man ngayon, MAHAL NA MAHAL KITA. Magkita tayo sa Paraiso balang araw. Malalaman kong ikaw yun kapag inikutan mo ako sa aking pagdating doon, at masaya tayong maghahabulan magpakailanman. Pero sa ngayon, paalam kapatid kong kuneho.

 

Ang hayop t tao ay parehong nilalang ng Diyos, bagamat tayo’y pinanganak na kawangis ng Panginoon. Magkagayunman, ang mga hayop ay may malaking importansiya sa ating mga tao sa napakaraming bagay. Alaga man ang turing natin sa kanila, marami sa atin, higit pa sa pet ang turing… kundi isang kaibigan.

THANK YOU FOR CALLING! #01 – Si Frances…

Tandang-tanda ko pa noong teenage years ko, lagi kong sinasabi na hindi ako magtatrabaho sa call center dahil ‘para lang sa mga bampira’ at hindi marangal ang industriyang ito. Hindi kasi uso sa akin ang gising at aktibo sa tuwing madaling araw, maliban na lang kung may school works ako. Pero nung nahinto ako sa pag-aaral ay natuto akong magpuyat sa kaka-text at kakagala sa kung saan-saan. Eventually, dito ko na sinimulang lunukin ang pilosopiya ng negatibong persepsiyon ko sa call center.

 

Mula noong 2007 ay masasabi kong naging suki ako sa mga recruitment area ng iba’t ibang call center companies. Sa mga ganitong lugar mo makikilala ang mga taong may iba’t ibang estado sa buhay at iba’t ibang klase ng pamumuhay. Pero ang hindi ko makakalimutan sa lahat ng mga nakilala ko sa aking mga pag-a-apply ay ang kuwento ng babaeng itatago ko sa pangalang “Frances”.

 

Nakasabay ko si Frances sa initial interview ko sa isang malaking call center sa Ortigas noong Abril o Mayo ng 2008. Dalawahan ang interview na yun at kung makapasa ka sa assessment ng recruitment officer ay pasok ka sa examination process. Ako ang unang kinausap ng recruitment officer, at dahil wala pa akong karanasan noon ay napatagal ang interrogation niya  sa akin. Matapos ang panggigisa ay sumunod si Frances. Napakaganda ng kanyang accent, cum laude siya ng isang unibersidad sa Visayas, nagtrabaho bilang caretaker sa isang nursing home sa Amerika at bumalik sa Pilipinas dahil para sa kanya, mas maginhawang magtrabaho sa lugar na malapit sa iyong pamilya at makakasama mo sila lagi sa araw ng iyong pahinga. Manghang-mangha sa kanya ang recruitment officer kaya pinasa siya nito, at siyempre ako rin. Pagkatapos ng interview na iyon ay kami na ang laging magkasama habang naghihintay sa schedule ng aming exam. Medyo matagal-tagal pa yun kaya naging matagal din ang kuwentuhan. Marami akong naging tanong sa kanya at lahat naman yun ay sinagot niya. Pero muli kong tinanong sa kanya ang tanong ng recruitment officer dahil hindi ako kumbinsido sa sagot niya na na-miss niya lang ang kanyang pamilya. Marahil ay kita sa aking mga mata na hindi ako naniniwala sa kanya. Tumawa siya at saka nagsalita’t pinagkatiwala sa akin ang tunay na dahilan.

 

Sa tatlong taon niya sa Amerika ay hindi lang tagapangalaga ng mga matatanda ang kanyang trabaho. Dahil hindi sapat ang kanyang suweldo para mabuhay doon at para may maipadala sa kanyang pamilya dito sa Pilipinas, ay humanap siya ng iba pang sideline na normal naman doon – pero hindi ito isang simpleng sideline lang. Kumapit siya sa patalim at nagtrabaho bilang sex slave. Tuwing Sabado at Linggo ay nasa piling siya ng iba’t ibang lalaki na binabayaran siya nang sobrang laking halaga upang makaniig sa kama. Matatanda, negosyante, mga may asawa o talagang natural lang na manyakis. Pinapatulan niya ang mga ito dahil hindi nito matutumbasan ang kinikita niya sa nursing home. Pero isang masamang karanasan ang naganap sa kanyang pinakahuling kostumer. Isang mayamang may-ari ng isang sikat na motel sa Wisconsin ang nagustuhan siya at gusto siyang maging asawa pagkatapos nilang magtalik. Sa kanyang pananaw ay hindi pa ito ang oras para magkaroon ng sariling pamilya kaya’t tumanggi siya rito, pero hindi naging maganda ang tugon ng taong ito sa kanyang pag-ayaw. Agad siyang binugbog nito ngunit siya’y nakatakas. Tinawagan siya nito at pinagbantaang hahanapin siya’t papatayin. Natakot siya sa bantang ito kaya’t nag-resign agad siya sa nursing home at agad na bumili ng tiket pauwi sa Pilipinas. Walang masyadong nakakaalam sa masalimuot niyang istorya, maging ang kanyang pamilya’y walang ideya sa tunay niyang rason sa pagbabalik sa bansa. Isa lang daw ako sa iilang nakakaalam nito dahil magaan naman ang loob niya sa akin at alam niyang di ko siya huhusgahan.

 

Natapos ang araw ng application. Hindi ako natanggap sa final interview pero sa kagandahang palad ay natanggap siya as customer service representative para sa isang hotel reservations account. Dahil close na kami ay kinuha ko ang kanyang cellphone number at Friendster email address (hindi pa naman uso ang Facebook noon) para iadd ko siya pag-uwi sa amin. Friendster ang naging contact namin sa isa’t isa dahil na-snatch ang phone na pinag-ipunan niya nung gabing natapos ang interview namin. Isa siya sa mga unang nakaalam na nakapasok ako sa unang call center na pinagtrabahuhan ko. Nilibre niya pa nga ako ng mocca frappe sa isang sikat na coffee shop at masaya kaming nagkuwentuhan tungkol sa kanyang mga karanasan sa trabaho. Nakakatuwang malaman na maayos ang kalagayan ng kaibigan ko, pero di ko akalaing yun na pala ang huli naming pagkikita.

 

Dalawang buwan siyang hindi nagbukas ng Friendster. Wala akong ideya sa mga nangyayari sa kanya. Isang araw, nang dalawin ko ang kanyang profile page ay nakabasa ako ng isang comment mula sa kanyang kapatid na ang nakalagay ay parang ganito: “Mahahanap din natin ang katarungan, ate. Maging anghel ka sana ni Ging. Bantayan mo kami habang nasa langit ka.” Hindi lang ang comment na ito ang may kaparehong mensaheng gustong iparating. Nagpadala ako ng mensahe sa Friendster ng kapatid niya upang malaman ang totoong nangyari.

 

Papasok si France sa trabaho at nakagawian niyang maglakad lang sa kalsada papunta sa sakayan ng jeep kahit madaling araw dahil maliwanag naman ang kalye at matao doon. Nagkataong Linggo noon, nag-brownout sa lugar nila at halos walang tao sa paligid. Kahit madilim ay naglakad pa rin si Frances, tangan ang flashlight upang ilawan ang kanyang daraanan. Ayon sa imbestigasyon ng mga pulis, may nakakita umano sa kanyang kapatid na nakahandusay sa isang bakanteng lote, nakadilat ang mata ngunit wala nang buhay, naliligo sa sariling dugo, walang saplot at walang awang binaboy ang pagkababae. Kumpleto ang kanyang mga gamit sa dala niyang bag at hinihinalang ang tanging tangka ng suspek ay gahasain siya. Nakita ang mga marka sa braso ni Frances, senyales na nanlaban siya sa hayop na lumapastangan sa kanya.

 

Sa kabila ng pag-iimbita sa akin ng kanyang kapatid ay hindi ako pumunta sa kanyang burol at maging sa libing. Takot ako na humarap at tumingin sa ataul ng isang taong malapit sa aking puso. Ayokong makita siya sa ganoong kalagayan. Mas mabuting maalala ko na lang ang aming masayang pagsasama at mananatili siya sa aking puso’t isipan. Namatay siya sa edad na 26.

 

Siguro, kung buhay pa si Frances ay call center supervisor na siya ngayon. Siguro, nakakapagkape kami lagi at nagkukuwentuhan tungkol sa mga kalokohan namin sa loob ng call floor. Isa siya sa mga inspirasyon ko kung paano umahon sa kabila ng mga kabiguan at pagkakamali sa buhay.

 

May mga nagsasabing hindi ganoon karangal ang trabaho ng mga call center agent, at inaamin kong minsan ko ring nasabi iyon. Pero bilang ako na nakapasok at nabuhay sa mundong iyon, alam kong nagkakamali sila. Ang mga taong tulad ni Frances ay mga bayaning dapat din nating ikarangal dahil nilalabag nila ang batas ng oras para buhayin, hindi lang ang kanilang pamilya kundi pati na rin ang ekonomiya ng bansa.