2014 YEARSTARTER: Ang Paghahanda Sa Pagsasa-“Libro” Ng Aurora Metropolis

Pangarap ng bawat manunulat ang makapaglimbag ng kanilang sariling aklat. Para sa kanila, isa itong pagkaing niluto ng kanilang pinag-aralan para sa mga utak na gutom sa dagdag na kaalaman. Para naman sa iba, isa itong kapirasong punit ng kanilang karanasan para ibahagi sa mga taong tila may kakulangan sa buhay. Para sa ilan, isa itong mapa ng kanilang hindi malilimutang paglalakbay para ipakita sa lahat na ang lipunan ay punong-puno ng misteryo. Hangad ng bawat may-akda na isalin ang kanilang mga kuwento’t pananaw sa isang libro upang ipamulat sa mga mambabasa na ang daigdig, gaano man ito kabangis ay sadyang masaya at makulay.

Matagal ko nang hinahangad na makapaglathala ng sarili kong libro. Ito na lang ang nag-iisa kong childhood dream na nananatili sa aking gunita hanggang sa ngayon. Ilang beses akong nabigo na makapasok sa school paper noong elementarya’t hayskul, kaya maigi kong sinanay ang kakayahan kong magsulat. Ang pagpupursigi kong ito ay nagbunga nang mapalad akong makapasa bilang campus journalist at pagkatiwalaang maging kauna-unahang Filipino section editor ng Ang Pamantasan (AP), ang official student publication ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila. Isang matinding pagsubok bilang papasibol na manunulat ang maging bahagi ng AP sa mga panahong ang organisasyon ay nakikibaka para sa kalayaan sa malayang pamamahayag sa loob ng Pamantasan. Naging mitsa man ito ng aking kinabukasan, pinagpatuloy ko pa rin ang aking kayang gawin para sa publikasyon hanggang sa nararanasan na nito ang kalayaang pinaglaban naming mga patnugot noon.

Hindi ako nahinto sa pagsusulat nang matapos ang pagsisilbi ko sa AP. May mga nagawa akong blog accounts dati kung saan una kong isinapubliko ang mga artikulong hindi ko nailathala sa campus paper. Pa-minsan-minsan nama’y nagpo-post ako ng aking mga opinyon sa aking Facebook account sa pamamagitan ng Facebook Notes. Ngunit naging mas makahulugan ang aking pagiging manunulat nang iniluwal ko ang Aurora Metropolis, dahilan upang tuluyan kong mahalin ang pagsusulat bilang isang blogger. Mula sa isang blog site na tumatalakay sa pagkakapantay-pantay ng lahat ng kasarian, ang Aurora Metropolis ay naging tahanan ng mga kuwento’t pananaw na nagpaibig, nagbigay ng pag-asa at naglahad ng kakaibang perspektibo ng lipunan sa mata ng tulad kong simpleng youth leader ng Maynila. Hindi pa man ito ganoon kakilala sa ngayon, ngunit ipinagmamalaki kong ilan sa mga kuwento ng Aurora ay tumatak sa mga online reader mula sa iba’t ibang parte ng Pilipinas. Sa loob ng mahigit tatlong taon, nakakagalak sa puso na makita ang mataas na statistics at makatanggap ng mga positibong komento’t mensahe mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Hindi man ako regular na nakakapaghandog ng mga artikulo (dahil sa iba pang gawaing personal) ay ginagawa kong inspirasyon ang mga tumatangkilik at lantarang tagasuporta upang lumikha ng mga istorya’t komentaryong makakatulong sa kaisipan ng sinumang bumabasa rito.

Sabi sa astronomy, masuwerteng taon ko raw ang 2014, bagama’t susubukin nito ang haba ng pisi ko sa mga bagay-bagay. Hindi man ako sagarang nananalig sa kapangyarihan ng mga bituin, kukunin ko ang oportunidad na ito upang subukang saluhin ang ‘pagpapala’ ng araw, buwan at kalawakan para sa aking sariling kapalaran. Naging makabuluhan at makasaysayan ang 2013 ko, kaya sa pagkakataong ito, gusto kong pagtuunan ng pansin ngayong taon ang naiiwan kong pangarap noong ako’y bata. Ito ay ang magkaroon ng sarili kong aklat na ipapangalan sa blog kung nasaan kayo ngayon.

AURORA book cover copy

Book cover. Pwede na siguro yan. 🙂

Malugod kong ibinabahagi sa inyo na sinusulat ko na ang Aurora Metropolis: Sampung Kuwento Ng Pag-ibig At Mga Pananaw Mula Sa Makulay Kong Daigdig. Ito ay isang nobela na tungkol sa sampung istorya mula sa sampung iba’t ibang sitwasyong maaaring hindi natin napapansin sa lipunang Pilipino. Ang mga kuwentong ito ay pag-uugnayin ng mga mahalagang pangyayaring magpapatanto sa atin na ang lahat ng tao ay magkakaugnay ng buhay sa mga pinakamakukulay nilang pagkakataon. Nakatuon ang mga ito sa buhay ng mga kapatid natin sa LGBT community na magbibigay-diin sa importansya ng pagmamahal at pagkakapantay-pantay sa lahat ng aspeto dito sa ating bansa. Hindi ito isang ordinaryong LGBT story dahil nais nitong imulat tayo sa kamalayang tayo ay nabubuhay sa iisang mundo at nagiging bahagi ng isang yugto ng buhay ng bawat isa, anuman ang ating kasarian, kaugalian o kalagayan sa buhay. Tayo ay magkakadugtong ng puso’t isipan bilang mga taong umiibig, naniniwala at lumalaban sa lahat ng hamon ng panahon.

Hindi biro ang paghahandang ito upang maisakatuparan ang posibleng pagsasalibro ng blog na ito. Para sa mga tumatangkilik sa Aurora dito sa WordPress, patawarin po ninyo ako kung madalang akong makapagbigay ng mga post sa inyo. Pagbigyan po ninyo akong tuparin ang pangarap ng isang batang ang gamit na sandata para makatulong sa kapwa ay ang kanyang pagsusulat. Hahayaan ko kayong malaman kapag tapos nang maisulat ang Aurora sa iba nitong anyo. Nawa’y suportahan po ninyo ang paglilimbag at paglabas ng “Aurora Metropolis: Sampung Kuwento Ng Pag-ibig At Mga Pananaw Mula Sa Makulay Kong Daigdig”, at sana’y hindi po ako tamarin sa pagtupad ng mithiing ito. Maraming salamat po!

Para Kay B, Para Rin Ba Kay Beki?

Isa itong biglaang sanaysay. Huwag ninyo masyadong asahan na medyo maayos ang paragraph construction nito. Medyo may pagka-conventional kaya OK lang naman dahil uso naman ngayon ito sa mundo ng panitikan.

+++

Kaninang umaga ay nahalungkat ko sa gilid-gilid ng mga nakatambak na mga libro ang nobelang Para Kay B ng aking personal na hinahangaang si Ginoong Ricky Lee. Nang makita ko ang pabalat nito ay di maiwasang mag-refresh sa utak ko ang ilan sa mga pagtatantong natutunan ko sa nobelang ito. Pero nagkaroon ako ng isang malaking tanong na alam kong madaling bigyan ng kasagutan pero patuloy pa ring nagmumulto sa aking kamalayan.

Karamihan sa mga pangunahing tauhan ng nobelang ito ay mga babae mula sa perspektibo ng isang lalake. Bagaman ganito ang istruktura ay naglaan si G. Lee ng bahaging tumalakay sa kung paanong magmahal ang isang bakla, o ‘beki’ sa bokabularyo ng modernong panahon. Isang patunay na pinapahalagahan ng aking idolo ang pagmamahalan ng magkaparehong kasarian.

Gayunpaman, may ilan akong mga katanungan sa aking isipan, tulad ng sinabi ko kanina:

– Kapag may isang beki kayang nakaranas ng dinanas nina Irene at Jordan, kakayanin kaya niyang gawin ang ginawa ni Irene na ihain ang kanyang katawan para lang maalala siya ng taong nakalimot sa mga pangako nito sa kanya? Paano kung sinapak siya nito at sabihing nakakadiri ang pumatol sa bakla? O kaya magkukunwaring nakaalala siya pero peperahan lang siya?

– Ano kaya ang gagawin ng isang magulang kung malamang ang dalawang junior niya ay may tinatagong relasyon? Bubugbugin din ba nito ang ginawa ng tatay ni Sandra sa kapatid nitong si Lupe?

– Ano kaya ang itsura ng Maldiaga na puro beki? Kung walang tunay na pag-ibig na umiiral sa Maldiagang inilarawan sa nobela, ang Maldiaga ba ng mga beki ay mundong walang pag-ibig at puro jerjer na lang?

– Kung ikaw ang may tatay na beki, gagawin mo rin ba ang ginawa ni AJ na suportahan ang tinitibok ng puso ng nanay niyang si Ester na nagmamahal kay Sara. OK lang ba sa’yo na masunod ang sinisigaw ng damdamin ng beki mong tatay at ang lalakeng mahal niya, kahit masira pa ang buhay mag-asawa ng isa tulad nina Sara at Pio?

– Mas marami na nga ba talagang beki ang tulad ni Bessie ngayon, na pinaglalaruan lamang ang puso ng isang taong umaasa sa kanyang pagmamahal? Kung ganito ang sitwasyon sa kasalukuyan, dapat na bang mawalan ng pag-asa ng mga pangit na beki at pagtuunan na lang ang kanilang mga pangarap tulad ni Lucas?

Wala akong duda sa ganda ng nobelang ito. Dumako lang talaga sa utak ko ang mga katanungang ito bilang gabay sa aking mga kapanalig sa gay community kung paano nila mamanduhin ang kanilang mga puso pagdating sa pagmamahal. Ang Para Kay B, para sa akin, ay bibliya ng pag-ibig. Isang kumpol ng realidad na nagbibigay sa bawat tao ng mga senaryong maaaring kaharapin ng mga taong nagmamahal. Para sa akin, ang Para Kay B ay para rin sa mga beki na mas mataas ang tendency na magmahal nang sobra — parang ako.

.

10:28PM, June 04, 2011

2010 YEARENDER: Cluttered Ideas, Moodswings At Mga Pangyayaring Naiwan Sa Memorya Ko Noong Huling Taon Ng Unang Dekada Ng Ikalawang Milenyo

Isang pagbabalik-tanaw at pagtanaw ng utang na loob sa matatapos na taong dalawang libo’t sampu.

 

Para sa kapakanan ng aking malikot at gulo-gulong kaisipan, ay tutuldukan ko ang aking buhay sa taong 2010 ng mga bagay na bumuhay ng aking dugo ngayong taon. Wala namang mawawala kung magbahagi ako sa inyo ng iilan. Hehe!

 

Nawala. Marami ring mga bagay ang nawala sa akin ngayong taon. Nawalan ng ganang magtrabaho, nawalan ng mga matatagal nang kaibigan, nawalan ng iilang mga permanenteng kaaway, nawalan ng lola, nawalan ng lovelife, nawalan ng pagkakataong ipakita ang aking kakayahan bilang pinuno, nawalan ng ganang makipag-text at makipagtalamitam sa mga beki; at nawalan ng oportunidad na pumayat.

 

Oportunidad. Nung mga panahong hindi ko na hilig ang text ay bumalik ang pagmamahal ko sa pagsusulat ng mga kuwento, tula, sanaysay, at kung anu-anong mga pananaw sa mga bagay-bagay. Lahat ng ito’y naibahagi ko sa aking Facebook Notes at sa aking Aurora Metropolis (https://aurorametropolis.wordpress.com) blog account. Nung bumalik naman ang gana kong makisalamuha sa beki world, ay nabigyan ako ng tyansang maging events manager at graphics designer para sa matagumpay na “HBOX Singing Icon: The Second Battle”, isang malaking singing competition ng mga bimale singers. Dahil dun ay maraming mga karanasan ang aking naranasan at maraming mga tao ang di ko inaasahang maituturing na mga kaibigan.

 

Kaibigan. Bukod sa HBOX ay napasali rin ako sa iba’t ibang clan nung bumalik ako sa beki world, matapos ang apat na buwang pagkasawa. Nariyan ang Madrigal (na Glam na ngayon), BMA, C24, MBS, at ang binuo kong clan na Nucleus One. Marami rin akong naging mga bagong kakilala’t kasundo sa labas ng aking mga naging clan tulad ng mga waiter sa Starlites, mga founder at officer ng ibang clan, mga crush, mga ex ng aking mga kaibigan, ang may-ari ng computer shop na aking nirerentahan, ang dalawang matatandang dalagang may-ari ng tindahang aking nilo-loadan, at marami pang ibang hindi ko na matandaan. Sila ang mga taong nagbigay sa akin ng iilang eksenang nagpakulit ng aking taon.

 

Eksena. Tumambling ang kaluluwa ko sa mga ride ng Star City, pumunta ng Tagaytay sa gabi para lang tumambay hanggang mag-umaga, nagbakasyon sa Morong, Bataan na walang dalang pera, bumoto sa National Elections sa kauna-unahang pagkakataon, nag-post ng message sa Facebook fanpage ni PNoy na binasa sa “News on Q”, napagkamalang babae, napagkamalang magnanakaw, lumala ang moodswing dahil sa insecurities, nagpahaba ulit ng buhok, nagpahaba ng pasensiya sa mga panahong paubos na ang aking ipon, nagpa-picture sa mascot sa McDonalds Pateros, binili ang “Kapitan Sino” at nakatanggap ng regalong “Ang Mga Kaibigan Ni Mama Susan”; naranasang lumakad kasama ng libu-libong mga bakla at tomboy noong Pride March sa Tomas Morato; naranasang ma-block ang SIM sa kaka-GM at magpalit ng SIM nang tatlong beses sa loob ng isang buwan; at ang pinakagusto ko sa lahat, ay maranasang wala ang yosi sa aking mga bisyo na aking napagtagumpayan at pinagpapasalamat.

 

Pasasalamat. Maraming salamat , unang-una, sa Diyos na lumikha sa akin dahil inabot ko pa ang 2010. Sa kabila ng mga di-magagandang bagay na aking nagawa at aking naranasan sa taong ito, naging patunay ang mga ito ng Kanyang presensiya bilang ating Panginoon, Tagapagligtas, Gabay, at Magulang – ang Siyang nagsasabi na kung walang problema, ay wala tayong matatanto at matututunan. Maraming salamat sa aking pamilya, na kahit nagiging problema sa amin ang pera ay hindi pa rin kami nabubuwag, di tulad ng ilang nasisira nang dahil sa mga materyal na pagkukulang. Maraming salamat sa mga nawalang bagay dahil kung hindi sila nawala ay hindi natin maaalala ang mga bagay na ating nakakalimutan minsan. Maraming salamat sa mga oportunidad na ibinigay dahil naipakita ko sa marami ang aking kakayahan bilang isang tao. Maraming salamat sa mga kaibigang nakilala, nakasama, patuloy na nagtitiwala at patuloy na nakakaugnayan hanggang sa kasalukuyan. Maraming salamat sa mga di-makakalimutang eksenang nagbigay sa akin ng kakaibang karanasan at kaalaman. Maraming salamat sa 2010 – utang na loob ko sa kanya ang lahat ng ito.

 

Habang sinusulat ko ang talang ito ay bisperas ng Pasko – hapon, makulimlim ang langit, nagmumukmok sa sulok ang alaga naming rabbit at aso, tulog ang nanay ko. Nandito ako sa sofa habang kaharap ang laptop at tinitipa ang mga salitang inyong nababasa na para bang nagdarasal. Kumikindat ang cursor. Nari-realize na cluttered na ang ideas ko. Napapangiti ako.

 

Isa lang ang ibig sabihin ng mga ito. Hindi natin alam kung kailan dumarating ang mga pangyayari sa ating buhay. Cluttered. Surprising. Pero magkagayunman, tayo’y magpasalamat sa mga biyayang kaloob ng magtatapos na taong ito at sa lahat na biyayang hatid ng magtatapos na dekada. May mga nabura man sa ating memorya, panatilihin pa rin natin ang mga alaala ng 2010 at tumanaw nang may positibong pananaw sa susunod na dekada ng ikalawang milenyo na sisimulan ng taong 2011.

 

#30# 2010. Maligayang Pasko at Manigong Bagong Dekada sa inyong lahat.

 

 

 

December 24, 2010

Friday 3:45pm