2013 YEARENDER: Ako At Ang Mga Kwento Ng Pagbangon at Pagbabago

Tila ang taong 2013 ang nagparamdam sa akin na nagugol ko na ang kalahating panahon ng aking buhay. Hindi naman dahil nalalapit na ako sa dulo ng aking makulay na paglalakbay, ngunit para bang sa dami ng nangyari sa aking ika-dalawapu’t limang taon sa daigdig ay pwede na akong magsabi ng “mission accomplished”. Sa kabila nito, napagtanto ko na ang lahat ng taong aking nakilala at mga karanasang nagawa ngayong 2013 ay umpisa pa lang ng panibagong yugto sa aklat ng inyong lingkod. Ito ay ang yugto na nagpapatatag sa akin bilang isang simpleng Pilipinong bahagi ng kwento ng pagbangon at pagbabago, hindi lang ng aking sarili kundi ng aking kapwa.

 

Kwento ng pagiging “kuya” sa mga kabataan ng Tundo

Sa nakalipas na dalawang taon ng pagkakaugnay sa ahensiya ng lokal na pamahalaan na naghahatid ng serbisyong pang-kabataan, ang pagiging volunteer coordinator ng District 1 para sa Batch 2013 ng Special Program for Employment of Students (SPES) marahil ang pinaka-mapangahas sa lahat para sa akin. Silang daan-daang high school at college students mula sa unang distrito ng Maynila na nagsama-sama upang gawing makabuluhan ang kanilang bakasyon, ang sumubok sa aking kakayahan at pasensya bilang isang youth leader. Sa loob ng humigit-kumulang dalawang buwan ay nakasama ko ang mga piling kabataang ito sa kanilang mga gawain at ginabayan sa bawat kilos o gawi. May mga naging kaibigan, nakaalitan, nakasamaan ng loob at nakasundo – pero lahat sila’y naging parte ng aking maigting na pagsasanay bilang kabataang pinuno. Ang mga kabataang ito ay hindi lang nagsilbing alagain para sa akin kapag sila’y nasa poder namin, kundi parang naging mga nakababatang kapatid na dapat alalahanin at alalayan.

Kwento ng pagpapahalaga sa kasaysayan ng lungsod

Nang muli kong buhayin ang aming organisasyong Katipunan ng Kabataang Maaasahan (KKM) ay ipinangako kong bibigyang importansya ang kasaysayan ng Maynila bilang instrumento sa pagpapaunlad ng kakayahang mamuno ng mga kabataan. Bilang punong kabisera ng bansa sa loob ng daan-daang taon, mayaman ang kasaysayan ng lungsod sa mga pangyayaring naghahatid sa atin ng mahalagang aral bilang isang Manilenyo at bilang isang Pilipino. Sinimulan ko ang adbokasiyang ito sa pagsasagawa ng kauna-unahang Manila Young Leaders Assembly na ginanap noong Hunyo 22-23 bilang bahagi ng pagdiriwang sa ika-442 Araw ng Maynila. Katuwang ang nakaraang administrasyon ng pamahalaang lungsod ng Maynila at Youth Development and Welfare Bureau, ang matagumpay na pagpupulong na ito’y naka-sentro sa pagpapahalaga sa pag-aaral ng kasaysayan dahil naniniwala ang inyong lingkod na dito natin makukuha ang solusyon sa kung anumang problema na kinakaharap ng ating siyudad at ng Pilipinas. Sinundan pa ito ng isa pang pagpupulong na pinamagatang Demolisyon noong ika-18 ng Oktubre, na tumalakay sa kung paano mapoprotektahan at papahalagahan ng mga kabataan ang mga heritage site sa Maynila na nanganganib mawasak dahil sa pag-unlad. Katulong ang United Architects of the Philippines Student Auxiliary-PLM Chapter (UAPSA-PLM) at PLM College of Architecture and Urban Planning, itinampok nito ang ilan sa mga kilalang personalidad sa industriya ng heritage conservation at social action na nagbigay-kaalaman at inspirasyon sa mga nagsipagdalo, na karamihan ay mga susunod na arkitekto at young heritage advocates ng ating bansa.

Kwento ng paninindigan sa tuwid na daan

Hindi na bago sa akin ang pagsuporta sa Partido Liberal na sinisimbulo ng kulay dilaw. Pero naging lantad ang pagsuportang ito nang muling tumakbo sa pagka-alkalde si Manila Mayor Alfredo Lim at apo niyang si Manila 1st District Councilor Niño dela Cruz. May mga nagsabing utang na loob lang daw ang pagtulong ko sa kanilang kampanya, pero para sa akin, kung iyon man ang itatawag nila sa paniniwala sa tunay at tapat na pamumuno, tatanggapin ko ang terminolohiyang iyon. Binigay ko ang aking makakaya upang ipakita sa lahat na ang prinsipyong dilaw sa Maynila ay hindi lang nakalingon sa pag-unlad na nakikita ng mata. Nanalo para sa kanyang ikatlong reeleksyon si Konsi (tawag namin kay Konsehal dela Cruz) ngunit sa di-inaasahan ay natalo sa napakaliit na lamang si Mayor Lim. Kung ako ang tatanungin ay hindi ito madaling tanggapin para sa tulad kong nananalig sa kanyang kakayahan bilang ama ng lungsod. Pero bilang isang mamamayan, ang pagtanggap sa pagkatalo ay isang hakbang upang ang buong Maynila ay umusad. Nagapi man sa halalan, alam kong marami pang matutulungan si Mayor Lim na tulad kong nagnanais ng magandang Maynila para sa kapwa ko kabataan. Hindi ako nahihiyang sabihing patuloy ko siyang sinusuportahan saan mang larangan ng paglilingkod siya muling mailalagay.

Kwento ng boluntirismo

Para sa akin, ang taong ito ang maituturing kong pinaka-natatanging panahon ng aking pagiging volunteer. Inadya ng Maykapal na buksan ang napakaraming pinto sa akin upang sa simpleng pamamaraan ay makatulong ako sa ating mga kababayan. Una na rito ang pagka-pormal ng aking pagiging youth volunteer leader sa Maynila nang ipanumpa ko sa pamahalaang lungsod noong ika-7 ng Hunyo ang KKM. Ito’y isang pambihirang pagkakataon para sa isang papasibol na samahan na mapagbigyan ng pagkakataong makapulong ang alkalde para itanghal ang nais gawin ng Katipunang ito para sa Maynila. Napabilang din ang inyong lingkod sa napiling tatlumpung kabataan upang maging kauna-unahang KaBayani o Kabataang Bayani ng National Youth Commission. Isa itong programang ang hangarin ay ipakilala sa mas maraming kabataan ang mga programa’t gawaing likha ng pamahalaan para sa kapakanan ng lahat ng kabataang Pilipino. Ang pagiging national youth volunteer din ang nagbigay sa akin ng daan upang makapunta sa lungsod ng Tacloban na kalunos-lunos na sinalanta ng bagyong Yolanda nitong Nobyembre. Ang karanasang ito bilang kinatawan ng Komisyon ang matinding sumubok sa akin bilang tao, bilang relief volunteer at bilang isang nagmamalasakit na Pilipino. Ang mapanubok na pag-a-assist at pagde-deliver ng relief goods mula Maynila hanggang Tacloban sa loob ng isang linggo ang nagbigay ng aral sa akin na sa gitna ng sakuna, lahat ng tulong, maliit man o malaki, ay isang makabuluhang pagtulong para sa mga nangangailangan.

Kwento ng mga pagkakataon

Mapalad akong napagbigyan ng tsansang makapunta at makiisa sa mga importanteng conferences ngayong taon. Bukod sa pag-o-organisa ng Manila Young Leaders Assembly at Demolisyon, naging bahagi rin ako sa writeshop bilang facilitator na bubuo sa youth participation guildelines ng Juvenile Justice and Welfare Act of 2013 na inorganisa ng NYC, Center for the Welfare of Children at Juvenile Justice and Welfare Council noong ika-23 ng Oktubre sa Mandaluyong. Ikinalulugod ko ring maging makasama sa volunteer group ng Heritage Conservation Summit 2013 na ginanap noong ika-9 ng Nobyembre sa Luxent Hotel, Lungsod Quezon na naglalayong iangat ang adbokasiya ng pagpapanatili ng lahat ng heritage sites sa buong Pilipinas sa mga namumuhunan, negosyante at mga pinuno ng lokal na pamahalaan. Sa naganap naman na Google Youth Leaders Summit 2.0 sa Mint College, Bonifacio Global City ay di-inaasahang makatanggap ako ng palakpakan mula sa mga nagsipagdalo bilang simpleng pagkilala sa aking naging paglalakbay sa Tacloban na tunay namang nakakataba ng puso. At bago matapos ang taon, nabiyayaan akong maging bahagi ng National Youth Congress 2013 na inorganisa ng NYC, Armed Forces of the Philippines at Gawad Kalinga Foundation sa GK Enchanted Farm sa Angat, Bulacan. Masuwerte akong makakilala ng iilang mga kabataang lider mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas na itinuturing kong mga bagong kaibigan sa paglilingkod-bayan.

Kwento kasama ang mga kaibigan

Nagpatuloy sa taong ito ang napakaraming “coffee bondings”, “birthday trips”, “videoke nights”, “grand eye balls” at iba pang mga di-planadong gala kasama ang mga minamahal kong kaibigan. Nagkaroon man ng ilang di-pagkakaintindihan o alitan, nabura nito ang katotohanang ang tunay na magkakaibigan ay isang grupo ng mga siraulong nauunawaan ang isa’t isa. Sila ang mga buhay na patunay na humihinga pa ako sa mundong ito sa kabila ng mga problemang nakakasalubong ko sa daan. Sila kasi ang bagsakan ko ng mga iyon at nagpapasalamat ako sa kanila dahil bahagi na rin sila ng aking itinuturing na pamilya. Kilala nyo na kung sino-sino kayo.

Kwento ng pasasalamat at pagbibigay-pugay

Ayokong tapusin ang 2013 nang hindi nagpapasalamat sa iilang taong ginawang posible ang ilan sa aking nabanggit. Kung wala sila ay wala rin ang mga karanasang iyon.

Maraming salamat kina dating Manila Mayor Alfredo S. Lim, Manila 1st district Councilor Niño M. dela Cruz at dating Youth Bureau director Architect Dunhill E. Villaruel na walang sawang sumuporta sa mga event na inorganisa ng KKM nitong taon;

Maraming salamat sa National Youth Commission, lalo na kina Chairman Leon G. Flores III, Mr. Patrick Umali, Ms. Christa Balonkita, Ms. Elsa Magdaleno at mga kapwa ko KaBayani na halos lahat ng activity ay kasama ko, Tin Baltazar at Ivan Ogatia;

Maraming salamat sa lahat ng kabataan ng lungsod ng Maynila, lalong-lalo na sa mga kasapi ng Katipunan ng Kabataang Maaasahan na sina Jerome Pamatian, Bernadeth Flores, Pearlie Resico, Ryan Diosana, Recy Nogueras, Gerand Binarao, Jeam Buhion at Cheng dela Cruz;

Maraming salamat kina Mr. Ivan Henares, Mr. Ivan Man-Dy at Ms. Gemma Cruz-Araneta ng Heritage Conservation Society; Prof. Ludmila R. Labagnoy ng PLM-College of Mass Communication; Daniel Franco B. Seña ng United Architects of the Philippines Student Auxiliary-PLM Chapter; at Mel Gabuya, Stephen John Pamorada, Clara Buenconsejo at ilan pang bumubuo ng Heritage Conservation Society-Youth;

Maraming salamat kina Mr. Lawrence Chan, Ms. Tats Manahan at Arch. Richard Bautista ng HCS; Ms. Inday Espina-Varona ng Change.Org, Atty. Romulo Macalintal at Mr. Paolo Bustamante ng The Filipinas blog na nagbigay ng kanilang oras para sa Demolisyon;

Maraming salamat sa aking kuya, Prof. Rafael Leal Santiago, Jr. sa patuloy na pagsuporta sa aking mga ginagawa na alam mo namang may kapupuntahan;

Maraming salamat sa lahat ng aking mga kaibigan, virtual friends from all over the world at sa mga patuloy na nagbabasa at nagpapakita ng paghanga sa Aurora Metropolis;

At maraming salamat sa nag-iisang Panginoon ng mundo, Panginoong Hesukristo, Mahal na Inang Maria, at Sto. Niño de Tondo. Alam ko pong marami na akong sabit sa Inyo, pero tapat at ipinagmamalaki ko pong sinasabi na ang Kayo po ang nasa puso ko at alam kong nananahan Kayo sa puso ko magpakailanman. Sa Inyong binigay na buhay at talento, lahat ng ito ay para sa ikabubuti ng aking sarili at ng kapwa ko, Amen.

 

Patuloy ang paglalahad ng ating sari-sariling kwento. Dumating man ang mga pagkakataong malungkot ang naaabutan nating pahina, lagi nating iisipin na hindi ito sinulat ng Maylikha para sa atin kung hindi naman natin kakayanin. Sa pagtatapos ng kwentong ito ngayong 2013, idinadalangin ko na gamitin Niya ang mga karanasang ito bilang maging sandata ko sa papasok na taong 2014. Kasabay ng kwento ng maraming tao, nawa’y maging matatag pa akong alagad ng Panginoon at ng Inang Bayan para tulungan ang aking kapwa sa pagbabago at pagbangon. Nang sa ganon, makamit na ng Pilipinas ang hinihintay nating kaunlaran at panatag ako na ito ay darating sa mabilis na kinabukasan.

Masaganang bagong taon sa ating lahat!

Ang Bus Ban At Ang “Modernong Intramuros” Na Maynila

Nakaugalian ko nang maging online lagi mula nang iwan ko ang Manila City Hall, gawa ng pagpapalit ng bagong administrasyon sa pamumuno ni dating Pangulong Joseph Estrada at re-electionist Vice Mayor Isko Moreno. Good news at bad news ito para sa akin, pero mas iniisip ko ang kabutihang dulot ng gawaing ito. Ang pagbubukas ng Facebook ay parang pagbabasa ko ng broadsheet, kung saan mas madaling makakuha ng mga balita para sa aking sarili at para sa pinapatakbo kong page na Manila Youth Interactive. Dito rin ako nakakakuha ng inspirasyon para makapagsulat muli ng kuwento at artikulo para sa Aurora Metropolis na madalang kong nagagawa nung mga panahong ako ay nasa serbisyo sa mga kabataan.

Heto ang buhay ko ngayon, nagigising para humanap ng kapaki-pakinabang na mga salita at nakakatulog sa kakahanap ng mga ito. Sa ganitong paraan, para pa rin akong naglilingkod sa mga kabataang nakikinabang sa mga impormasyong kailangan nilang malaman.

Sa kabila nito, tila hindi ko pa rin pinapakawalan ang sarili ko sa anino ng clock tower ng Maharnilad. Nakakahanap pa rin ng tiyempo ang tadhana na mangialam ako sa pulitika ng lokal na pamahalaan. Ginagalang ko nang taos sa puso at tanggap na nang buong buo ang pagkapanalo ni Erap at Isko bilang mga pinuno ng Maynila, ngunit narito pa rin sa loob ko ang pag-aalab na bantayan sila sa mga hindi nila dapat gagawin sa aking minamahal na lungsod. Kumbaga, hindi ko maitatago ang katotohanang kritiko ako ng kasalukuyang administrasyon sa lungsod. Hindi ninyo ako masisisi. Hindi ko sila binoto at kailangan nilang patunayan sa akin, bilang nagmamalasakit na Manilenyo, na hindi nagkamali ang mga taong muling naghalal sa kanila sa pwesto. Sabihin ko mang wala akong pakialam dahil hindi ko sila ibinoto, hindi ko maitatago ang malasakit ko sa Maynila. Dito ako nakatira, dito ako nabubuhay, at ang tanging pambawi ko sa mga nagawa ng lungsod sa akin ay protektahan siya sa pinakasimpleng pamamaraang kaya ko.

Hulyo 22. Umaga. Bumungad sa aking Facebook news feed ang balitang pinipigilan ng pamahalaang lungsod na papasukin ang mga bus sa Maynila bilang solusyon sa napakalalang sitwasyon ng trapiko. Hindi ang pagpasa ng ordinansa ang laman ng balita kundi pagkabigla’t galit ng mga mananakay ng bus dahil sa araw lang din na yaon nila nalaman na may ganitong batas na pala sa siyudad. Kahit ang mga bulwagang pambalitaan ay nagulantang dito dahil hindi umano nagpaabiso ang lokal na pamahalaan na magpapatupad sila agad-agad ng ganitong programa. Resulta nito ang malawakang kalituhan sa pagitan ng mga pasahero at mga bus driver na napagbubuntunan ng inis dahil dito.

Larawan mula sa Manila Bulletin Online

Larawan mula sa Manila Bulletin Online

Mabilis na ipinasa ng Sangguniang Panglungsod noong ika-16 ng Hulyo ang Council Resolution No. 48 na nagbabawal sa lahat ng bus na walang permanenteng terminal sa lungsod na manatili sa saan mang panig ng siyudad at kumuha ng pasahero sa nasasakupan ng Maynila. Kasabay nito ang paglalabas ng traffic guidelines kung saan sila hihinto’t pinahihintulutang magbaba at magsakay ng kanilang pasahero. Para naman sa mga bus na may terminal dito, lalo na sa mga bumibiyahe ng pa-probinsya, hinahayaan silang pumasok sa lungsod ngunit magbababa o magsasakay lamang ng kanilang mga pasahero sa mga himpilan nila. Sa pagsasakatuparan ng batas na ito’y hindi naabisuhan ng City Hall ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na siyang nangangasiwa sa ligalidad ng ruta ng public transportation sa bansa. Nilalabag umano ng Maynila ang batas trapiko dahil hinaharang umano nito ang mga ligal na bus na dumaan sa mga kalsada ng lungsod para makarating sa rutang itinakda ng kani-kanilang prangkisa. Para naman sa mga bus operator, malaking perwisyo ito para sa kanila dahil hindi lang sila nawawalan sila ng kita kundi sila rin ang unang naaagrabyado sa reklamo ng kanilang mga pasahero. Sa ilang araw na epektibo ang ordinansang ito’y naging kapansin-pansin ang napakaayos na daloy ng trapiko sa mga kalye, lalo na sa mga lugar na nirereklamo noon na masikip, mabigat at magulo dahil sa mga nagbabalagbagang bus.

Sa aking pagsubaybay sa mga detalye’t ibang mahahalagang impormasyon sa isyung ito, biglang pumasok sa aking gunita ang isang lugar na mahalaga sa kasaysayan ng Maynila — ang Intramuros. Sa loob ng mahigit tatlong siglo ay naging pinaka-eksklusibong distrito ng Pilipinas ang Intramuros. Patunay ang makakapal na pader na naghihiwalay sa mga Pilipinong “Indio” at sa noo’y itinuturing na korona ng pamahalaang kolonyal ng Espanya sa Asya Pasipiko. Kontrolado ng pamahalaan ang loob ng buong Intramuros na tila nasa loob ng isang malaking kamay na bakal ang pagpapatupad ng kaayusan sa distrito. Bukod sa naroon ang sentro ng gobyerno ay pinapatili nito ang mataas na pagtingin at paggalang ng lahat sa Intramuros bilang kabisera ng mga makapangyarihang Kastila hindi lang ng bansa kundi ng buong Malayong Silangan.

Hindi ba maganda ang ordinansang ito? Maaaring oo sa palagay ng marami. Masyado nang malaki ang Maynila at ang pangangailangan sa transportasyon ang isa sa mga pangangailangan upang gumalaw ang ekonomiya at pamumuhay dito. Narito pa rin ang ilan sa mga pinakaimportanteng kalsadang daanan patungo sa mga lugar ng hanapbuhay at mga paaralan sa kalakhan. Dahil sa batas na ito, ang mga dating nagtitipid na mananakay ay gagastos ng higit para sa pamasahe dahil sila’y magdadalawa o magtatatlong sakay papunta sa kanilang destinasyon.

Ngunit babalik ako sa konsepto ng Maynila bilang bagong Intramuros. Maaaring wala nang pader ang lungsod para maiwalay tayo sa iba pang bayan, pero dahil sa ordinansang ito ay nararamdaman kong muli ang tanyag na binakurang siyudad ng ika-16 na siglo. Positibo ang epekto? Para sa akin, positibo sa anggulong ito ay isang malaking hakbang na sa aking palagay ay makakatulong sa atin bilang mga disiplinadong Manilenyo. Marami sa atin ang hindi marunong sumunod sa batas trapiko na isa sa mga pinakapayak na regulasyon sa kahit saan mang bansa sa mundo. Kung saan-saan na lang tayo bumababa at sumasakay nang hindi namamalayang may tamang lugar pala para sa sakayan at babaan, lalo na sa mga pangunahing kalsada ng lungsod. Marami rin sa ating mga driver, bus man o jeepney, tricycle at iba pang uri ng transportasyon, ang hindi rin sumusunod sa itinakdang panuntunan sa pagkuha ng pasahero, bagkus, ginagawang kumpetisyon ang pagkuha ng mananakay sa kalye kahit hindi doon ang tamang sakayan. Sa iba namang hindi sa Maynila ang pangunahing ruta, problema sa kanila ang pag-balagbag sa mga kalsada na ginagawang paradahan para madaling makakuha ng pasahero.

Ang ordinansang ito ay tila isang kamay na bakal na kailangan sa loob ng ating lungsod. Maaaring mahirap at hindi kaaya-aya kung titingnan, ngunit naiintindihan ko ang kalaliman nito bilang isang solusyon, hindi lang sa problema ng trapiko sa Maynila kundi sa problema natin bilang mga tao. Dala natin ang pangalan ng bansa at obligasyon ng lokal na pamahalaan na panatilihin ang pinakamataas na paggalang sa Maynila bilang kabisera ng Pilipinas. Dapat tayong mga Manilenyo ang siya mismong nagbibigay-galang sa kung anong meron tayo sa loob ng lungsod tulad ng mga taong naninirahan noon sa Intramuros. Dapat tayong mga Manilenyo ang nagpapakita ng pinakamataas na disiplina, hindi lang sa kalye kundi sa aspeto ng pamumuhay na magdadala rin naman sa atin sa kaunlaran tulad ng mga Manilenyo noon sa Intramuros. Sa mga bus naman, nawa’y napag-isip-isip na ninyo na ang Maynila ay hindi lang basta tinatawiran para makarating lang sa inyong ruta. Ang Maynila ay tulad pa rin ng karangalang tinamasa ng Intramuros, isang matatag na lungsod na isinasaalang-alang ang kabutihan, kaligtasan at kaayusan ng nasasakupan nito. At tulad naman ng prinsipyo ni dating Mayor Alfredo Lim, sa Maynila, ang batas ay pinapatupad para sa lahat at walang taong mas mataas pa sa batas. Samakatuwid, bawat kalsada ng Maynila ay mahalaga kaya’t walang sasakyan, driver,operator o pasahero man ang dapat bumalagbag nang basta-basta, lalo na sa mga batas na isinasakatuparan dito.

Wala mang bus noong unang panahon, ngunit ang istriktong pagpapatupad ng batas tulad ng ordinansang ito ay para sa ikabubuti muli ng Maynila bilang susi sa kaunlaran. Nararanasan man natin ang perwisyong dulot nito sa kasalukuyan, tandaan natin na tayo’y dumaraan sa kalunos-lunos na proseso ng pagbabago na magpapatanto sa atin na tayo mismo ang may kasalanan kung bakit tayo nagkaroon ng ganitong problema. Sa sitwasyong ito, tayo mismo ang makakahanap ng libo-libong paraan para makapag-adjust sa mga pagbabago. Hindi tayo mga bobong umaasa lang sa instant at parang mga spoiled brat na magmamaktol kapag hindi naibigay ng pamahalaan ang gusto natin, kahit hindi na ito tama o nararapat.

Saludo ako sa pamunuan nina Mayor Erap at Vice Isko sa unang hakbang na kanilang pinapatupad sa kanilang unang termino sa Maynila. Nawa’y mapanindigan nila ang kagandahan ng regulasyong ito para sa pang-matagalang resulta ng kaayusan dito. Maliban sa mga pagkakamali tulad ng hindi maayos na malawakang pag-a-anunsyo nito sa publiko, hindi maayos na koordinasyon sa pambansang ahensyang may sakop nito at sa ilang mga bagay na dapat isaalang-alang bago ipatupad ang ordinansa (tulad ng kaaya-ayang loading and unloading bays at paglalagay ng jeepney terminals sa mga lugar na ito upang mapagsakyan ng mga pasahero galing sa labas ng Maynila), ang paghihigpit sa batas trapiko ay isang magandang solusyong dapat kaharapin ng lahat ng nakikinabang sa mga kalsada ng lungsod dahil dito magsisimulang dumaloy ang disiplina hindi lang ng sektor ng public transportation kundi nating lahat.

Sumusuporta po ang inyong lingkod sa hakbanging ito, ngunit MAS HIGIT AKONG NAGBABANTAY, muli, BILANG ISANG NAGMAMALASAKIT NA MANILENYO.

FAST POST #25: Huling Araw, Unang Araw…

Huling araw.
Ika-tatlumpung araw ng Hunyo.

Dalawampung taon na ang nakaraan nang maging mahalaga sa kasaysayan ng Pilipinas ang petsang ito. Sa araw na ito, isang beses sa tatlong taon o kaya’y isang beses sa anim na taon, ay nanunumpa ang mga lingkod ng bayan na inihahalal ng bayan upang tapat na maglingkod at maging produktibong bahagi ng pundasyon ng pamahalaan. Itinatanghal sa taumbayan ang isang indibidwal na pinagkatiwalaan ng mga boto sa nakalipas na halalan at mangangakong magiging karapat-dapat siya sa tiwalang ibinigay ng mga botanteng umaasa ng magandang bukas para sa sarili, sa pamilya at para sa komunidad na kanilang panirahan.

Hindi ganito kahalaga sa akin ang araw na ito, lalo na ngayon, ika-30 ng Hunyo 2013. Bagaman tanggap ko na ang isang “hindi inaasahang” pangyayari sa lungsod ng Maynila, may kirot pa rin sa aking puso at pagkabagabag sa aking utak ang pagsisimula ng isang bagong pamahalaan na may mga bahid na ng dungis sa pagkatao. Ang petsang ito magtatapos ang termino ni Manila Mayor Alfredo S. Lim, ang itinuturing na tunay na ama ng lungsod na siyang nagdala ng pamumunong may mataas na moral para sa pagseserbisyo sa mga taga-Maynila. Natalo man, naipakita sa resulta ng halalan ang napakahigpit na laban kung saan napapatunayan pa rin na siya ay lubos na pinagkakatiwalaan ng mga Manilenyo. Malungkot ako hindi dahil nakaanib ako sa kanyang kampanya noong nakaraang eleksyon. Malungkot ako dahil sa gitna ng kanyang edad ay naroon pa rin ang katapangan ng kanyang mga mata, tikas ng kanyang katawan at talas ng kanyang pag-iisip – isang pisikal na kapangyarihang sapat upang bigyan pa ng isang magandang termino ang pangunahing lungsod ng Pilipinas.

Pero sabi ng iba, minsan, gumagalaw ang tadhana ayon sa kagustuhan ng tao, at marahil ay eto na nga ang panahong iyon para sa lungsod. Ang pagkapanalo ni Manila Mayor at dating Pangulo ng Pilipinas Joseph Estrada ay puno ng kontrobersiya dulot ng kanyang masaklap na pagkakatanggal sa pagka-presidente, at mga kinaharap niyang kaso ng pandarambong at pagsira sa tiwala ng publiko. Hanggang sa ngayon ay nakadikit sa kanyang anino ang eskandalong iyon dahil kasalukuyang dinidinig sa Korte Suprema ang disqualification case laban sa kanya. Sa kabila niyon ay hinayaan siya ng Mataas na Hukuman ang kanyang panunumpa ngayong araw bilang bagong alkalde ng lungsod na ilang minuto mula ngayon ay magaganap na.

Unang araw.
Ika-tatlumpung araw ng Hunyo.

Masama ang loob ko sa masaklap na pangyayaring ito sa Maynila, ngunit patuloy akong nananatili sa prinsipyong isinapuso ko at wala akong dahilan upang lumabas sa paninindigang ito. Una kong nabanggit sa aking Facebook post na bilang bahagi ng isang panibagong laban sa maaaring “gawin” ng bagong gobyerno sa lungsod ay una kong lalabanan ang sarili ko. Hinamon ko ang aking sarili na paunlarin ang pisikal kong katangian upang mapaunlad ang aking moral, emosyonal at sosyal na katangian na siyang sandata ko sa paglilingkod sa mga kabataan.

Sabi ko sa isang kaibigan, hindi ako naniniwalang sa Hunyo a trenta ang huling araw ng isang gobyernong nagpatanto sa akin na pahalagahan ang ibinibigay ng pamahalaan at pagkatiwalaan ang mga lingkod-bayan ayon sa kanyang kakayahan at pag-uugali. Hangga’t nasa kalooban pa ng mga taong naninindigan ang kulay dilaw, ang araw na ito ang magiging unang araw ng isang panibagong pagtatayo sa prinsipyong dilaw sa lungsod ng Maynila. Sa pamamagitan nito ay gagamitin kong instrumento ang aking sarili upang ipakita sa sinumang mga “bumaligtad” na pinili nila ang kanilang desisyon para lamang magpadala sa agos ng kasikatan at panandaliang kagandahan. Marahil, kahit mahirap man para sa aking gawin ang bagay na ito dahil ilang beses na akong nabigong ituloy ito, eto na ang tamang panahon ng pagsisimula patungo sa mas matatag na ako. Eto na ang totoong hamon para sa akin bilang isang tao, bilang isang Manilenyo at bilang isang Pilipino.

Hindi ako natatakot na ilantad sa lahat na ako ay patutuloy na nakasuot ng dilaw sapagkat walang nagbigay sa akin ng ganitong klaseng pagtitiwala at pagpapahalaga kundi ang pamahalaang lungsod ng Maynila na pinamumunuan ni Mayor Lim. Ipinagpapasalamat ko sa Panginoon na binuwag niya ang aking kaisipan na walang tamang gagawin ang mga nakaupo sa pwesto kundi mangulimbat sa kaban ng bayan. Dahil sa prinsipyong dilaw mula sa Manila City Hall ay unti-unti kong natutunan ang “tunay na misyon” ko sa buhay na dati’y nagniningas lang sa aking kamulatan. Bilang pasasalamat at pagtanaw ng walang hanggang respeto ay maninindigan naman ako para sa pinaniniwalaan ni Mayor Lim at iyon ay sasalamin sa aking sarili sa susunod na tatlong taon para sa lungsod.

Gayunpaman, binabati ko si Mayor Joseph Estrada, sampu ng kanyang mga opisyal, sa pagtataguyod ng bagong pahina ng kasaysayan. Gamit ang prinsipyong dilaw, gagawin ko pa rin ang aking sinumpaang tungkulin na makatulong sa kabataan at makakatulong ng pamahalaan sa pagsasaayos ng Maynila. Tulad ng natutunan ko sa butihing Mayor Lim, magbibigay ako ng tiwala sa administrasyong ito, at sana lang, huwag nilang sirain ang pagtitiwalang ko na kahalintulad ng milyon-milyong Manilenyong nagtitiwala sa sinasabi ninyong “pagbuhay” sa glorya ng Maynila.

Kasiyahan nawa ako ng Panginoon.