Pagtatapos. Pag-uumpisa. Pagpapatuloy.

– WAKAS –

Nitong hapon lang ay matagumpay na naisagawa ang isang pagdiriwang ng pasasalamat ng mga kabataan ng lungsod ng Maynila sa mga empleyado ng Youth Development and Welfare Bureau (YDWB) na naging magulang nila’t kapatid nang sila’y naging bahagi ng Government Internship Program (GIP) at Special Program for Employment of Students (SPES). Napagkatiwalaan ang inyong lingkod na pangunahan ang pag-oorganisa sa kaganapang ito kaya kahit nakakapagod ay naging masaya naman ako habang pinaplano ang gawaing ito.

Aaminin ko, hindi madali para sa akin ang gumawa ng programang magtatapos sa isang maligayang kabanata ng buhay ng maraming kabataang tulad ko. Sa loob ng dalawang taon, malaki ang naging impluwensiya sa akin ng pagiging youth leader at government volunteer kung saan nakakilala ako ng napakaraming kaibigan, at sumubok ng napakaraming karanasan. Sa mga panahong ito’y umunlad ang aking kakayahan at kamalayan sa mga isyung nakakaapekto sa mga kabataan, dahilan upang maging ako’y produktibong kasapi ng lipunan. Ngunit dahil sa hindi inaasahang pagkakataon noong eleksyon ay natapos ang makabuluhang sandaling ito para sa akin sa apat na sulok sa loob ng Manila City Hall.

Kung iisipin, hiindi ako makapaniwalang ako ang mamamahala sa palatuntunang ito. Ilang beses na rin akong umiyak at nalungkot dahil dito. At sa palatuntunang ako ang isa sa mga pangunahing humabi, tila opisyal ko na ring tinutuldukan ang aking responsibilidad sa ahensiyang pangkabataan ng lokal na pamahalaan.

– SIMULA –

Isang linggo pagkatapos ang pagkatalo ni Mayor Alfredo Lim laban kay dating Pangulong Joseph Estrada sa pagka-alkalde ng lungsod, napagdesisyunan kong sumama sa leadership camp ng mga kabataan ng ikalawang distrito. Bukod sa kailangan ko na rin ng bakasyon sa labas ng kalungsuran ay gusto ko ring magkaroon ng pagkakataong makapagnilay sa mga kaisipang bumagabag sa aking kaluluwa na dulot ng pagkatalo ng partidong aking kinabibilangan. Hindi ito ang unang pagkakataon na sumali ako sa naturang leadership camp na ginanap sa Pangil, Laguna ngunit may isang lugar akong pinagkaitan kong puntahan. Isang paraisong hindi ko akalaing magbibigay ng kasagutan sa aking di kumportableng puso.

At sa aking pagbabalik sa Ambon-Ambon ay panimula ng isang bagong pahina ng aking buhay — mga bagong kaibigan at pagtawid sa panibagong lugar na ituturing kong tahanan. Sa maiksing panahong ito’y napuno ng halakhakan, kwentuhan at pagtatanto ang dalawang araw na camp kung saan nakagaanan ng loob ang ilan sa mga kabataang may alab ng pagkakaisa at pagbabago para sa kanilang kapwa. Sila ang mga kabataan ng “D2 Organisasyon ay Sikat” (DOS), ang isa sa mga pangunahing youth organization sa District 2 ng Maynila. Sa kanila ako nakakuha ng panibagong inspirasyon at panghikayat na huwag tumitig sa kabiguan ng pagkatalo, bagkus, ay humabi ng simula mula rito.

Nakakabigla man ang mga pangyayari sa mga nagdaang araw, inadya marahil ng Maykapal na lumikha ng dagdag kabanata para sa aking buhay bilang kabataang lider ng lungsod. Tulad sa mga panulat, hindi iisang tuldok lamang ang maaaring tumapos sa isang makabuluhang talata. At kung ihahambing sa sitwasyon, ang pagkatalo ay hindi hudyat ng katapusan, kundi posibleng magbuo ng panimulang tagumpay tulad ng mga bagong kaibigan.

– SUSUNOD –

Sa huling bahagi ng programa’y nagbanggit ng isang kataga ang aming direktor, Arch. Dunhill Villaruel, na tila nagpabigat sa aking pakiramdam, pakiramdam na talagang tapos na nga ang lahat. “Signing off”. Pero sa kalagitnaan ng kabigatang ito ay may pumitik sa aking hinuha. Nakalimutan kong hindi pa talaga tapos ang tunay na dahilan ng palatuntunang ito. Pansamantalang tapos na ang terminong may tapat at malinis na paglilingkod sa lungsod, ngunit kung ibabalik ko ang aking realisasyon habang ako’y nagninilay sa ilalim ng bumabagsak na tubig mula sa talon ng Ambon-Ambon, sa aking puso at sa aking isip, tuloy-tuloy pa ang aming laban.

Tulad ng aking sinabi, posibleng binuklat na ng Diyos ang susunod na libro ng aking kasaysayan at ayokong biguin ang tadhana sa pagkakataong ito. Nariyan ang DOS, ang panibagong mga kabataan at kaibigan, at mga bagong sitwasyon na iikot sa aking mundo. Batid kong may kadahilanan ang mga ito at kung anuman ang mga pangyayaring ito, susi iyon na dapat kong panindigan ang pagbabagong sinimulan ko, dalawang taon na ang nakararaan. Hindi magiging sagabal ang itinuring kong wakas upang hindi magpatuloy sa paglalakbay na ito.

Narito ako, ang inyong manunulat, ang inyong lingkod, na nagsasara ng lumang wakas at mag-uumpisa sa bagong simula, at susunod sa tuloy-tuloy na pangako para sa Panginoon, para sa Inang Bayan at para sa kinabukasan ng kapwa ko kabataan.

Ang manunulat kasama ang mga kasapi ng DOS.

Ang manunulat kasama ang mga kasapi ng DOS.

JUAN KABATAAN: Panalangin Para Sa Malinis Na Halalan

WRITER’S NOTE: Napakasaya kong likhain ang dasal na ito dahil para sa akin, panalangin ang isa sa mga pinakamakapangyarihang sandata nating mga Pilipino upang makamit natin ang maayos at malinis na halalan. Nawa’y maging hudyat si Juan Kabataan upang mapanatili natin ang kapayapaan sa eleksyon, hindi lang sa paparating na Mayo 13, kundi sa mga susunod pang halalan sa lungsod ng Maynila na aking ikinararangal at sa ating bansang labis na minamahal.

Isang produksyon ng KATIPUNAN NG KABATAANG MAAASAHAN


JUAN KABATAAN
PANALANGIN PARA SA MALINIS NA HALALAN

Panginoon, kami’y nagpapasalamat sa bigay Mong buhay —
buhay na Iyong itinakda upang pangalagaan ang mundong Iyong obra;
buhay na Iyong pinahiram upang ibahagi sa aming kapwa;
at buhay na Iyong binigyang lakas upang paunlarin ang lipunang Iyong likha.

Ngayong eleksyon ay hinihingi namin ang Iyong gabay —
gabay para sa mga kakandidatong lider ng lungsod naming mahal;
gabay para sa mga magbabantay ng mga balotang kinalalagakan ng mga inihalal;
at gabay para sa mga boboto, gamit ang talino, dangal at mataimtim na dasal.

Amang kataas-taasan, hangad namin sa halalang ito ang pag-unlad —
pag-unlad na magpapaginhawa sa buhay ng bawat nangangailangan;
pag-unlad na magsasaayos sa sistema ng magsisilbi sa pamahalaan;
at pag-unlad na magdadala sa lahat ng magandang kinabukasan.

Nawa kaming mga kabataan ay magsilbing Iyong imahe —
imahe ng mamamayang nagtitiwala sa mga manunungkulang uupo;
imahe ng konsensyang nagpapaalalang maging tapat ang mga partidong tatakbo;
at imahe ng pwersang handang tumulong at makiisa sa mga bubuo ng gobyerno.

Buong pananampalataya kaming dumadalangin;
Nawa’y Iyong pakinggan at dinggin;
Ang aming papuri, parangal at pinagsama-samang hangarin;
Sa Iyo’y inaakyat namin.

Para sa aming hinahangad na masaganang kinabukasan, para sa Pilipinas na aming mahal na Inang Bayan, at para kay Hesukristong aming nag-iisa’t dinadakila naming Panginoon.

Amen.

Ang Suweldo Ng Simpleng Empleyado Ng Gobyerno…

lim-vs-isko copy

UNA SA LAHAT: Sa ngalan ng aking kalayaan sa malayang pamamahayag ay sinusulat ko ang artikulong ito bilang paglalahad ng aking damdamin sa nangyayari sa aking pinakakamahal na Maynila. May pinapanigan ang sulating ito dahil sa pakiwari ko’y ito ang masakit na katotohanan na nagaganap sa pulitika ng lungsod. Anumang komentong ilalathala ng sinuman ay buong tatanggapin at gagalangin ng may-akda. Maraming salamat po.

 

Humihingi ako ng paumanhin sa mga masusugid na sumusubaybay sa Aurora Metropolis dahil sa napakamadalang kong pagpo-post ng entries sa blog na ito. Nitong mga nakaraang buwan ay tinutukan ang aking isa pang karera – ang pagiging lider ng mga kabataan sa ilalim ng pamahalaang lungsod ng Maynila. Nakakapagod man ay napakasaya kong gabayan ang mga kabataan, partikular sa Tundo na unang distrito ng lungsod, sa iba’t ibang gawaing maaaring magpaunlad ng kanilang buhay sa hinaharap. Hindi madaling trabaho na maging kuya ka sa mga binata’t dalagang walang malinaw na direksyon sa buhay kaya’t nakagagaan sa loob na makita mong sa simpleng mga salita’y nabibigyang-linaw mo ang kanilang prinsipyo para sa kinabukasan.

Nagsisilbi akong youth leader at office volunteer para sa Manila Youth Development and Welfare Bureau. Bagama’t hindi regular na hanapbuhay, itinuturing ko itong utang na loob sa gobyerno ng lungsod dahil naging susi ang mga programa ng opisina para malaman kong may magagawa ako sa mga kapwa ko kabataan. Buong puso akong tinatanggap ng mga bumubuo ng tanggapan sapagkat sa maliit kong pamamaraan ay natutulungan ko sila, wala man silang naibibigay sa aking permanenteng sweldo. Sa ngayon, dahil pinapairal ko pa ang aking prinsipyo na magkusa para sa ikauunlad ng aking kapwa at para maging produktibo sa bansa, ay hindi bumubulaga sa aking utak na nararapat ay may kapalit na salapi ang aking serbisyo.

Sweldo. Sa pamahalaan, pambansa man o lokal, isang isyung hindi maalis-alis ay ang sinasabing napakaliit na sahod ng mga empleyado. Minsan, kung hindi dahil sa maliit, nagiging alburuto ng mga manggagawa ng pamahalaan ang delay ng perang kanilang pinagpaguran. Karamihan sa kanila’y may mga pamilya o may pinaglalaanan kaya’t hindi mo sila masisisi na ireklamo nila ang mga bagay na ito. Lalo pang umigting ang bugso ng damdamin ng mga taong gobyerno nang pumutok ang balitang namimigay ng milyun-milyon ang pinuno ng Mataas na Kapulungan na si Senate President Juan Ponce Enrile nang basta-basta sa mga kapwa niya senador bilang “regalo”. Ligal man itong gawin, bilang simpleng mamamayan, ay nakakapanghinayang na isipin na kung ang perang itinuturing nilang “regalo” ay pinantutulong na lang sa mga nangangailangan na tulad ng mga empleyado ng gobyerno, pihadong mas gagaan ang kanilang pasanin at magkakaroon ng motivation ang mga ito na mas pagbutihin ang paglilingkod sa bayan.

Sweldo. Hindi lingid sa kaalaman ng marami ang isyung diumano’y hindi napapasweldo nang tama ng Manila City Hall ang mga empleyado nito, lalo na ang casual at non-regular employees. Sa kasalukuyan ay may mga kilala akong nararanasan ang ganitong problema na nagiging dahilan upang bumaba ang moral nila para pumasok sa trabaho.

Maaaring mali ako, pero sa ilang taong pagkakakilala ko sa takbo ng Maharnilad (dahil matagal na ring naghahanap-buhay dito ang aking kapatid at asawa nito), sinisisi ko ang mga pantal sa pinipilit na ayusing pulitika sa lungsod. May mga nagsasabing dapat sisihin si Alkalde Alfredo Lim sa pangyayaring ito, pero siya nga ba talaga ang may kasalanan? Sa akin, HINDI.

Ilang termino nang naglilingkod si Lim sa Maynila at sa kanyang pamamalakad bilang ama ng kabisera ng Pilipinas, hindi nito napabayaan ang anumang sistema sa lokal na pamahalaan. Bagkus, pinipilit niyang pairalin ang political will para maging balanse ang takbo nito. Maaaring mali akong muli, pero sa aking hinuha’t pagkakaalam, sa patuloy na pagbalanse ng alkalde sa Maynila’y marami siyang nababangga. Sino? Ang mismong legislative body ng lungsod, ang City Council na karamiha’y kaalyado ng kanyang dating kasanggang si Bise Alkalde Francisco Domagoso, mas kilala bilang si Isko Moreno, ang tinuturing na malaking makinaryang tumutuligsa sa pamamalakad ng Alkalde. Silang may kakayahan upang pigilan ang anumang panukalang magpapausad sa gobyerno ng Maynila. Ang mga ito’y kapanalig ni Moreno, na hindi lingid sa marami, ay tinuring nang anak ni Lim na hinahanda niya sanang pamanahan ng Maynila gamit ang mas nararapat na paraan ng pamamahala. Sa kasamaang palad, ito ay tumiwalag kay Lim at kumampi sa isang dating Alkalde ng dati’y bayan ng San Juan, dating senador, dating bise presidente, at ika-13 pangulo ng Republika ng Pilipinas na si Joseph Estrada na kagulat-gulat na tatakbo bilang mayor ng lungsod. Hindi rin kaila ang maagang paninira nito sa alkaldeng nagsilbing tatay niya sa pamamahay na pinagtulungan nilang itaguyod na sa huli’y siya rin ang pipilit na bubuwag.

Maaaring mali ako, pero bilang mamamayang may pakialam sa sistema ng lungsod at kabataang nagnanais ng katiwa-tiwalang pamumuno para sa Maynila, masakit mang isipin na isang marumi’t nananadyang pulitika ang kumikitil sa karapatan ng simpleng empleyado ng lungsod na matanggap ang kanyang sweldo sa tamang oras. May mga tao sa City Hall na dapat ay naglilingkod nang tama ay tila nandadamay sa pag-ipit ng kapwa para lang masira ang imahe ng isang taong kilala nang nagsisilbi nang tapat sa Maynila. Kung ang sistemang iniatang sa makinarya para maging agresibo sa pagkuha ng trono ng lungsod ay paninira’t panggigipit, bahala nang ang mga iniipit ninyo ang humusga sa inyo dahil dama ko at dama ng marami ang tunay ninyong intensyon. Matuto tayong lumaban nang patas dahil ito ang tunay na pakahulugan ng malinis na pamumulitika.

Sweldo. Wala akong maisip na solusyon sa mga kaibigan ko sa Manila City Hall na nakararanas ng pagka-delay sa sahod at sa libo-libong simpleng empleyado ng gobyerno saan man sa Pilipinas na may parehong problema. Ako, bilang kabataang naglilingkod para sa kapwa ko kabataang may tinatanaw ring magandang bukas para sa ating bayan, nawa’y maging aral sa atin ang senaryong ito. Walang katumbas na halaga ng pera ang tunay na paglilingkod sa bansa, pero bilang mga lingkod sa pamahalaan sa hinaharap, ang bawat sentimong ating pinagtatrabahuhan ay malaking bagay na hindi pinagkakait ng mga lider na totoong nagsisilbi nang tama.