Kung Mangarap Ka’t Magising

(Ang pamagat ay kahalintulad sa isang pelikulang idinerehe ni Mike de Leon para sa LVN Pictures noong 1977 na kinatatampukan nina Christopher de Leon at Hilda Koronel. Walang kaugnayan ang laman ng sulating ito sa nasabing pelikula.)

Ang hukom at ang paaralang itinakda para sa kanyang dakilang pangalan.

Ang hukom at ang paaralang itinakda para sa kanyang dakilang pangalan.

Mahigit sampung taon na ang nakalilipas nang magtapos ako sa Jose Abad Santos High School sa Binondo. Aaminin ko, walang kasing saya ang naramdaman ko nang humakbang ako sa entablado, kunin ang rolyo ng papel na kunwari’y diploma at sinaksihan ang seremonyang simbulo ng pagwawakas ng kabanatang gusto ko sanang kalimutan. May mga malalapit sa akin ang nakakaalam kung gaano naging “makulay” ang buhay ko sa loob ng apat na taon na iyon. Tumuntong ako sa kolehiyo na pilit inaalis sa isip ang mga naranasan ko noong high school. Pero nanatili ang maliliit na multong nagbigay sa akin ng takot at pag-aalinlangan habang tinutuloy ang aking buhay-estudyante. Dumaan ang panahong hindi ko namamalayang ang mga sugat na iyon ay nagsilbing lakas ko sa mga nalagpasang pagsubok. Nang mapagtanto ko ito, tila gusto ko nang maalala nang paulit-ulit ang mga ito tulad ng isang libro ng kasaysayan kung saan ang mga pahina ng digmaan ay walang sawang binabalik-balikan.

Nitong Linggo lang ay muli kong binuklat ang kopya ko ng high school yearbook. Muli ko itong naalala noong Sabado habang kausap ang isa sa matatalik kong kaibigan at naisip ang isang bagay tungkol dito. Isa sa pinakadulong pahina ng yearbook ay ang “class prophecy”, isang kuwentong regular na sinusulat ng isa sa mga mag-aaral ng “Section One” para sa nasabing lathalain. Nasasaad dito ang kanyang panaginip – isang class reunion na magaganap, maraming taon pagkatapos ng graduation. Magarbo ang setting, lahat ng kanyang mga kasama sa maituturing na “star section” ay may magagandang kinalalagyan sa lipunan at higit sa lahat, nagkatuluyan ang mga magkasintahan na parang fairy tale… at may bonus pang mga anak! Ngunit natapos ang istorya sa realidad – nagising ang tagapagsalaysay sa loob ng kanilang classroom, sa paninita ng kanilang adviser dahil sa ingay ng kanyang mga kaklase.

Tunay ngang napakagandang panaginip, napakagandang mga pangarap na nagwakas sa hindi magandang paggising.

Lagi kong binabasa ang class prophecy mula pa noong natanggap ko ang yearbook ko… kahit hindi naman ako nabanggit doon. Pero natatandaan ko na sumulat din ako ng sarili kong class prophecy kung saan ang mga kaibigan ko (at ako) ang bida. Badtrip lang dahil hindi ko na ito mahanap. Sinulat ko iyon noong lahat kami ay nasa kolehiyo na’t medyo nakahanay sa tunay naming buhay noong panahong iyon ang takbo ng istorya. Hindi ko ito nilagay sa akto ng panaginip kundi sa konsepto ng aming kakayanan bilang mga taong ang gusto lang ay maging masaya sa simpleng buhay. Dati kasi’y nagsawa akong mangarap at natakot na magising sa wala, kaya madali kong natanggap na ang pangarap ay matutupad kapag nasa ulirat ka.

Sa aking pagkakatanda, karamihan sa mga ito’y nagkatotoo, pero ang iilan (kasama ang sa akin) ay hindi nangyari. Sa kabila niyon, tulad ng mga hindi natupad ang tadhana sa class prophecy, porke’t hindi nagkatotoo ang hula ay hindi na naging “maganda” ang kani-kanilang buhay. Maituturing ko ang sarili ko na kapareho ng tadhana nila.

Hindi man ako nag-ambisyon para sa aking sarili, ang pangarap ko sa mga tao at senaryo sa paligid ko ay natupad naman. Dito’y namulat akong masaya dahil parang pangarap ko na rin ang naisakatuparan. Dito ko rin napagtantong hindi pala dapat tayo tumigil sa pangangarap. Magising man tayo sa sitwasyong hindi natin inaasahan, isipin natin na isa itong paraan ng tadhana upang maging daan kung para tayo sa gusto nating mangyari. Pagdating ng tamang panahon, malalaman natin kung ang pangarap na iyon ay para sa atin o isang aral lamang na sapat para ating matutunan.

YESO: Isang Paggunita Sa Pandaigdigang Pagdiriwang Sa Araw Ng Mga Guro

Una kong ginamit ang pamagat ng sulating ito sa isang artikulong aking inilathala noong 2006 sa Ang Pamantasan, ang official student publication ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila. Isang tunay na simbulo ng mga guro ang yeso, o chalk sa Ingles dahil kahit anumang pasakit ang kanilang nararamdaman sa personal nilang buhay ay nagbabahagi pa rin sila ng kanilang kaalaman sa kanilang mga mag-aaral. Ako, na minsan naging estudyante, kung ano ang narating ng utak ko ngayon, ito ay utang na loob ko sa sampung alagad ng edukasyon na nagbigay sa akin ng kanilang karunungan na patuloy kong nagagamit saan man ako mapunta.

Hindi ako ekstraordinaryong tao sa lipunan, ni hindi pinangarap maging pinunong pulitikal ng bansa. Sa kabila nito’y pinagkatiwalaan pa rin ako ng iilan na sila’y pamunuan at ibahagi sa kanila ang aking nalalaman. Hindi ko pa natatapos ang aking pag-aaral sa kolehiyo, ngunit binigyan ako ng mga pribilehiyong magamit ang aking natutunan sa larangang aking gustong paglingkuran. Hindi lang ako ang nagsikap na marating ang mga ito. Lahat ng kasalukuyang nakakamit ko ay isang regalo para sa mga taong pinanggalingan ng aking intelektwal na pundasyon — ang aking mga guro.

Class pictures kasama ang aking mga paboritong guro.

Hindi ko pinangarap na maging guro, pero nagkaroon ng maraming pagkakataon na magturo sa iilang tao gamit ang mga natutunan ko sa aking mga titser. Para sa akin, hindi lang dumaan na parang ordinaryong tao ang ilan sa aking mga guro. Para sa akin, hindi lang ito isang propesyon para sa kanila, kundi malaking parte ng kanilang buhay. Para sa akin, hindi lang sila nagtuturo sa mga bata, kundi sila ang humuhubog sa mga taong huhubog ng kinabukasan. Para sa akin, hindi lang kaalaman ang kanilang kontribusyon para sa kanilang mga tinuturuan, kundi buong buhay nila ang mismong kontribusyon sa ating bansa.

Mula nang magsimula akong mag-aral ay may sampung guro akong aking laging ginugunita. Silang mga gurong nagpakita sa akin ng mga aral na patuloy kong baon sa aking buhay. Nais ko silang kilalanin sa payak na artikulong ito:

1. LINDA (Erlinda Andal, I-4 Adviser, S.Y. 1994-1995, Isabelo delos Reyes Elementary School)
Sa kanyang gabay ay una kong naranasan ang parusa dahil sa pagiging pasaway at dito ko unang tinanggap ang aking pagkakamali bilang estudyante. Hindi ko maalala kung ano ang nagawa ko, pero dahil doon ay pinatayo niya ako sa likod ng malaking pintuan ng classroom namin nang halos tatlumpung minuto. Sa pagkakatanda ko’y hindi naman ako natakot, pero itinanda ko sa aking isip na hindi na uulitin ang bagay na iyon. Dito ko unang nai-set sa sarili ko ang tunay na disiplina. Ibinibigay ko kay Maam Andal ang pagkilala dahil bilang unang guro sa elementarya, hinanda niya ako sa buhay-estudyante na matagal-tagal ko pang kakaharapin. Mabait siya, sa aking pagkakatanda, pero ibinigay niya sa akin ang isang parusang maghahanda sa akin sa napakaraming hirap na aking daranasin sa hinaharap.

2. JOSIE (Josefina Soledad, IV-2 Adviser, S.Y. 1997-1998, Isabelo delos Reyes Elementary School)
“Banlag”. Hindi ko inisip na pagtawanan si Maam Soledad dahil sa kanyang kapansanan sa mata. Sa kabila niyon, nagturo siya nang higit sa kanyang kakayahan. Sa kanyang gabay ay nagsimula akong naging aktibo sa labas ng silid-aralan, ang maging student librarian. Suportado niya ako sa responsibilidad na ito kaya naging matiyaga ako sa pagpunta sa library kapag recess namin. Sa kanya ko natutunan ang matuto ng maraming bagay sa labas ng classroom.

3. ESTER (Estrellita Regala, VI-1 Adviser, S.Y. 1999-2000, Isabelo delos Reyes Elementary School)
Hindi siya ang aking unang terror teacher, pero siya ang tumatak sa akin dahil para siyang nanay ko. Tinuturing na isa sa mga de-kalibreng guro ng aming eskwela at sa ilang dekada ng kanyang pagtuturo ay kilala siyang terror. Nung makilala ko siya’y hindi siya ang masungit na titser na nilalarawan ng aking mga kapatid. Ang ilan sa kanila’y naging estudyante ni Maam Regala kaya kilala ko nang kaunti bago ko siya unti-unting nakilala, hindi bilang terror, kundi bilang pangalawang ina. Isa rin siya sa mga nagkumbinsi sa akin na maging involve sa mga extra-curricular activity tulad ng pagiging student assistant sa Reading Center. Pagkatapos ng klase’y tutulong kami sa pag-aayos ng mga libro at iba pang reading materials na amin ding nagagamit para sa aming mga assignment. Siya rin ang kauna-unahang taong hindi ko kamag-anak na kasamang manood ng sine, kung saan kasama niya ang anak niyang babae at sinama niya akong manood ng pelikula sa noo’y bagong Tutuban Mall Cinema. Sa lahat ng ito’y ginabayan ako ni Maam Regala na paigtingin ang disiplina at paghandaan ang mas mabibigat pang responsibilidad sa pag-aaral at sa buhay.

4. BELEN (Belen Taroma, HEKASI Teacher, 1999-2000, Isabelo delos Reyes Elementary School)
Kung meron akong tunay na terror teacher, ito ay si Maam Taroma, titser ko sa HEKASI. Kilala siya sa salitang “double-time!” dahil ayaw niya ng babagal-bagal sa kanyang mga pinapagawa. Namamalo sa kamay kapag hindi nakakasagot sa recitation at gusto niya na organisado ang notebook bago niya i-check. Mortal na magkabanggaan si Maam Taroma at ang adviser ko na si Maam Regala, at ilang beses din namin silang nakitang nagkaharap at nagtalo. Matapang si Maam Taroma pero matindi ang paninindigan. Noong panahong estudyante niya kami ay nagre-review siya para maging abugado kaya inilalarawan niya ang kagustuhan niya sa batas sa pamamagitan ng kanyang pagtuturo. Sa kanya ko unang natutunan ang disiplina ng kolehiyo dahil ganoon siya kahigpit. Sa kabila niyon ay marami akong natutunan sa kanya at hinding-hindi siya malilimutan ng kanyang mga naging estudyante tulad ng aking ilang kapatid na naging mag-aaral din niya.

5. MILA (Milagros Lagasca, I-1 Adviser, S.Y. 2000-2001, Jose Abad Santos High School)
Matangkad na babae at may tindig kung lumakad, pero hindi naitago ng mga tuyong lapnos na balat at nagdikit-dikit na daliri sa kamay ang kanyang nakaraan. Sa kabila ng trahedyang kanyang dinanas ay hindi ito naging hadlang upang ituloy ang pagtuturo nang marami pang taon. Si Maam Lagasca ay kapatid ng isa sa mga kilalang pulis noon at naging laman din ng balita nang minsang sunugin ang sarili dahil diumano sa bigong pag-ibig. Magaling na guro si Maam Lagasca na madali kong nakagaangan ng loob. Siya ang pinakamaagang titser sa eskwela noon at dahil maaga din ako kung pumasok kaya kami na ang nagbubukas ng faculty room. Siya ang aking kakwentuhan sa umaga bago ang flag ceremony kaya naging suking tambay din ako doon. Trademark ni Maam Lagasca ang pangungurot ng singit kapag walang assignment at nakadalawa rin ako sa kanya. Kinatakutan ko siya sa loob ng classroom pero sinisigurado niyang isa siyang kaibigan sa labas.

6. ANGIE (Angela Jarangote, Social Studies Teacher, S.Y. 2002-2003, Jose Abad Santos High School)
Kung may masasabi akong pinakapaborito kong guro, siya ay si Mam Angie. Isa sa mga pinakamatagal at pinakamagaling na guro ng aming eskwela, nakilala rin siya na terror teacher noong dekada 80. Sa kabila ng pagiging mahigpit sa loob ng classroom ay isa siyang relihiyosang babae na matatag na nananampalataya sa kapangyarihan ng dasal. Hindi ako nahirapang maging malapit kay Maam Angie dahil malaki rin ang aking interes sa Geography at Economics. Naalala ko pa na ang grupong aking pinamumunuan ang kinuha niyang mag-report sa demo teaching niya para sa Division of City Schools at hinding-hindi ko makakalimutan iyon. Bukod dun, siya ang lubos na nagbukas ng aking puso sa Diyos nang kunin niya ako bilang miyembro ng Marian Youth Movement, isang organisasyong maraming dekada na niyang pinamamahalaan. Pinanganak akong Katoliko pero siya ang nagturo sa akin na magdasal ng rosaryo, dahilan upang tuwing umaga, bago mag-flag ceremony ay ako ang nangunguna sa pagrorosaryo sa buong eskwela. Hindi natapos sa pagiging titser si Maam Angie dahil kahit noong nakapagtapos kami ng high school at nasa kolehiyo na ako ay isa siya sa mga kinasasabikan kong dalawin.

7. FINA (Adolfina Rebucas, IV-2 Adviser, S.Y. 2003-2004, Jose Abad Santos High School)
Isa sa mga pinakamagagaling na guro ng Ingles sa eskwela, napakapalad kong naging estudyante ni Maam Rebucas. Bukod kay Maam Angie, si Maam Rebucas lang ang gurong lubos kong pinagkakatiwalaan ang mga payo sa pag-aaral at pagiging estudyante. Masayahin at laging positibo sa pagtuturo, hindi ko siya malilimutan bilang aking huling gurong tagapayo noong high school.

8. LEILA (Leila Almeda, Social Studies Teacher, S.Y. 2003-2004, Jose Abad Santos High School)
Kung mababasa ito ng aking mga kamag-aral noong 4th year high school, malamang ay pagtawanan nila ako. Dito ako naumpisahang akusahan ng pagiging sipsip sa titser dahil ako at ang isa ko pang kaklase ang lagi niyang pinagkakatiwalaan at ako pa mismo ang sumusulat ng mga grado namin sa mismong grading book niya. Maprinsipyong guro, kahit may pagkatamad si Maam Leila at lagi naming niloloko kapag nakatalikod ay masasabi kong binigyan niya rin ako ng di malilimutang aral sa buhay.

9. LUDZ (Ludmila Labagnoy, College of Mass Communication Dean, Pamantasan of Lungsod ng Maynila)
Siya ang masasabi kong mentor sa mga ginagawa ko sa kasalukuyan. Hindi pa ako nakakapagtapos ng pag-aaral sa kolehiyo pero tulad ng nasabi ko’y nabibigyan ako ng oportunidad na maging bahagi ng mga produksyon o mga gawaing may koneksyon sa larangan ng mass communication. Isa ang mga payo ni Maam Ludz ang tunay na nagbibigay sa akin ng inspirasyon na gawin nang tama at nararapat ang mga ito. Kahit kaibigan ang turing namin sa kanya ay naroon pa rin ang aking pinakamataas na respetong aking mabibigay sa isng guro. Matagal naming dinasal na maging dekana siya ng College of Mass Communication (CMC) at natupad nga iyon. May kakulangan man sa mga pangangailangan ng kolehiyo’y inihahain ni Maam Ludz ang kanyang makakaya para sa karangalang itinaguyod ng mga nauna sa kanya. Kami rin na mga dati niyang estudyante ay suportado siya rito bilang kapalit ng mga payo’t kaalamang binigay niya sa amin bilang guro at tagapayo.

10. RAFFY (Rafael L. Santiago, Jr., Filipino Area Head, School of Multidisciplinary Studies, De La Salle-College of Saint Benilde)
Siya ang aking kuya. Maraming beses ko na siyang nabigo dahil sa mga pinaggagawa ko sa aking buhay. Magkagayunman ay patuloy niya pa rin akong sinusuportahan. Natatandaan ko pa noong bata ako na tinutulungan niya ako sa aking mga assignment kahit busy siya sa paggawa ng kanyang mga gagamitin sa pagtuturo noon sa Diliman Preparatory School at La Salle Green Hills. Hindi rin siya tumigil ng pagsuporta sa akin noong maging campus journalist ako sa PLM. Dismayado man ay hinayaan ako ng aking kuya na matuto sa tunay na eskwelahan ng buhay, ang realidad. Hindi man sapat na kabayaran ang tulungan ko siya sa kanyang mga kinakailangan sa pagtuturo sa St. Benilde, lagi kong dinadalangin ang kanyang kalusugan at lagi siyang gabayan ng Diyos sa kanyang mga ginagawa. Para sa akin, siya ang gurong kinakailangan ng mga kabataan sa ngayon. Proud na proud ako sa kanya.

Ang ilan sa kanila’y hindi ko man madalaw ngayon, ngunit ngayong World Teacher’s Day, idinadalangin ko sa Panginoon na kung nasaan man sila, ihatid nawa Niya ang aking pasasalamat dahil kung hindi dahil sa kanila, wala ako rito, natutong mag-isip, magsulat, manindigan at maging kapaki-pakinabang na mamamayan ng Diyos at ng bayan.

Para sa lahat ng mga guro sa buong Pilipinas at sa buong mundo… HAPPY TEACHER’S DAY!