Sa Aking Pagyao…

Ito ay isang panitikang patungkol sa kahilingan ng isang namayapa. Ito ay isang likha lamang ng aking isipan, pero maaaring ito ang aking maging mga kahilingan kung ako’y mamayapa. Hehe! Salamat!

SA AKING PAGYAO…

Sa wakas, hindi na ako makakaramdam ng anumang sakit mula sa naghihikahos na mundong ito. Mawawala na rin sa aking pandinig ang mga mapanghusgang pananalita ng mga taong wala namang nalalaman sa mga tunay na hinanaing ng aking puso. Napagod na nga’ng sobra ang aking katawang lupa’t ang aking napakatagal na misyon sa Kanyang mapanubok na lupain ay tuluyan nang nagwakas.

Ngunit pahintulutan ninyo akong mag-iwan ng mga pasabi sa inyong mga nagmahal sa akin at mga napamahal na sa akin. Pakinggan n’yo nawa ang mga ihahayag ko, pagka’t ito ang aking mga pinakaninanais na mangyari sa mga nalalabi kong oras dito sa daigdig.

Sa aking pagyao,

… hayaan n’yo akong mahimlay na ang kasuotan ay aking pambahay lamang, at nakahigang nakagilid, nakabaluktot at parang normal na natutulog lang. Ayokong tuwid ang aking mga paa, at nakasuot ng baro’t itim na pantalon na tila ba magsisilbing abay sa isang kasal. Aakyat ako sa hagdanang may libong baitang at lubhang nakakapagod kung magiging mabigat ang aking kasuotan. Gusto ko ring bigyan n’yo ako ng isang malambot na unan upang may mayakap – at pakisama na rin ang aking little stuffed toy na si Robi para makatabi ko sa pagtulog;

… hayaan n’yong marinig ang mga kanta mula sa aking XpressMusic phone. Ipinagbabawal kong tumugtog ang anumang pang-lamay na tugtog sa aking lamay at libing. Ito ay sa dahilang binibigyan n’yo lamang ng dahilan ang inyong mga sarili para maging malungkot at umiyak. Pero kung talagang ayaw ninyo ng mga hilig kong pang-soundtrip, huwag na lang kayong magpatugtog – o kaya’y ikabit na lang ang earphone sa magkabila kong tainga at ikabit sa aking cellphone para ako lang ang mag-enjoy sa aking mga paboritong kanta;

… hayaan n’yong bigyan kayo ng mga oras ng pag-iyak sa aking harapan. Lumuha kayo kapag nalaman ninyong ako’y namayapa na, nakita sa unang pagkakataon ang aking namamahingang katawan, at sa huling araw ng aking lamay – baka magkaiyakan tayo, at alam kong ayaw mong mangyari yun (LoL) ;

… hayaan n’yong humiling ako ng regalong alam kong paghihirapan pero binigay ninyo nang taos-puso. Lumikha kayo ng isang tula o isang matalinhagang sanaysay na nagpapatungkol sa akin, mabuti man o masama. Pagsama-samahan ninyo ang mga ito, kasama ng mga lathalain at panitikang aking ginawa, paki-bookbind at itabi ninyo sa aking himlayan. Mababagot ako nang sobra sa paglalakbay, kaya’t mas mabuting may mababasa akong makapagpapahalakhak at makapagbibigay ng inspirasyon sa akin – at P.S., gusto ko yung may pagka-comedy at mala-Bob Ong;

… hayaan n’yong matikman ko sa huling pagkakataon ang aking mga kinababaliwang pagkain. Ipagluto n’yo ako ng aking paboritong sinigang na baboy na sobra ang asim, isang tasang kanin, at isang galong malamig na tubig. Gusto ko ring malasap ng aking panlasa ang napakalamig na hagod ng mocca frappucino ng Starbucks – dapat venti ang size at may kasamang old-fashioned doughnut. Hehe;

… hayaan n’yong marinig ko ang inyong mga tinig. Malayo ninyong maibubulong ang mga naging sama ng loob ninyo sa akin, at pagkatapos ng mga iyon, tanggapin ninyo ang aking tapat na paghingi ng tawad. Paumanhin sa kung anumang mga ginawa kong nakapagpasama ng inyong kalooban. Para namang sa mga nagkasala sa akin, kung meron man, ay buong-puso ko naman kayong pinapatawad. Tulad nga ng lagi nating sinasabi, kung ang Diyos nga ay marunong magpatawad, tayo pa kayang mga tao? Kaya huwag ka nang mag-alala, maging mapayapa nawa ang iyong isipan – bati na tayo. Ü ;

… hayaan n’yong maramdaman ko ang totoong pagmamahal na hinangad kong makamit nang maraming beses, ngunit walang tumagal ni isa. Hinihingi ko ang iyong yakap at halik, kahit man lang sa oras ng aking libing. Wala naman akong matinding galit nung may minahal ka na higit sa ‘kin, kaya’t huwag kang mag-alala o ma-guilty. Pansamantala lang ang mga tampo, inis at sama ng loob, pero makalipas ng maikling panahong iyo’y nag-iba ako ng landas at hinayaan kong maging masaya ka. Hinahangad ko ang iyong kaligayahan – ganyan kita kamahal eh. Mwahugs! XD ;

… at ang huli, (at maaaring ang pinakaseryoso sa aking mga sasabihin…) nais ko sanang dalhin ninyo ako sa huling hantungan ng buhay habang umuulan. Habang pababa sa hukay ay iparinig n’yo ang inyong mga tinig habang inaawit ang kantang inyong naisip na ihandog para sa akin. Maghulog kayo ng mga talulot ng sampaguita bago ninyo ako tuluyang iwan at hayaang makapagpahinga. Ang mga talulot na iyon ang magbibigay ng bango sa aking naglalakbay na kaluluwa patungo sa Kanyang paraiso. At isa pa, huwag kayong umiyak sa aking libing. Kumaway kayo nang may maaliwalas na maaaninag sa inyong mga mukha dahil ayokong isipin nating parehas na hindi na tayo magkikita.

Hanggang dito na lang muna. Masaya ako dahil naging parte kayo ng buhay ko, at nagagalak akong maging parte ng mga buhay n’yo.

P.S. Ayokong magsabihan tayo ng ‘Paalam’, dahil kahit alam kong medyo matatagalan, ay magkikita pa rin tayo na kasama Siya. Magkakakuwentuhan tayong muli sa Kanyang Paraisong puno ng saya.

June 30, 2010 3:32 pm

LemOrven

Bakit Ka Nakipag-BREAK Kung Makikipagbalikan Ka Rin?

Ang artikulong ay isinulat ko noong isang taon, sa paniniwalang naging ganito ang aking pananaw sa mga nangyaring hiwalayan noon ng ilan sa aking mga mababait na kaibigan. Una itong nailathala sa aking dating Multiply account, at sa ngayon, itinatanggi kong ito na ang perspective ko pagdating sa mga hiwalayan. Enjoy!

Siguradong lahat tayo ay nakaranas na ng break-up, ito man ay sitwasyong nakipag-break ka o siya ang nakipag-break sa’yo.

Breaking Up Is Hard To Do“.

Naniniwala ako sa sinasabi ng sikat na kantang ito ng The Carpenters. Mahirap talagang magsara ng isang relasyon kung talagang napamahal sa’yo nang sobra ang taong iyon.  Maraming dahilan ang hiwalayan na umaabot pa sa puntong hindi pagkakaintindihan at pagsisiraan nang dalawang partido, hanggang sa tuluyan na silang maghiwalay ng landas.

BREAKING UP (ellipses)

Naranasan ninyo na bang maging ganito ang past relationships ninyo? Yung tipong natapos na ang lahat, pero hindi mo akalain, may karugtong pa pala?

LOVE IS LOVELIER THE SECOND TIME AROUND

TADHANA mismo ang maglalapit sa inyong dalawa.

Most of the relationships na nasisira ay hindi na talaga nauuwi sa magandang samahan. Pero don’t you think kung bakit nagkakaroon ng balikan ang isang nasira na’ng pagmamahalan?

Naayos na ang problema. – Nagkahiwalay dahil nagkaroon ng problemang personal noon. Hindi ba nakatulong ang partner para kahit papaano’y ma-resolba o gumaan ang problema?

Bumalik ang nararamdaman. – Nung manawa ka sa relationship ninyo, pinili mo “kunwari” na kailangan mo munang mag-isip-isip kung mahal ka ba talaga niya. Pero ang totoo, humanap ka lang nang mas “sweet at malinamnam” kaysa kanya. Pero kapag nagsawa na rin sa mga ipinalit at na-realize mong mahal ka talaga nang iniwan niya, babalikan mo siya.

May inunang priority.That means, you are a lesser priority within your romantic timeframe. Simple lang – wala ka sa red alert list niya pagdating sa atensyon.

Bakit ka nakipag-break kung makikipagbalikan ka rin? Isa lang ang ibig sabihin nun, sa isang relasyon, choosy din tayo. Nasa atin na nga ang pagmamahal, naghahanap ka pa ng iba pag hindi sapat. Pero kung wala ka na’ng nahanap, babalik ka sa kanya.

Kung ganito ang balak mong gawin, sayang, sana hindi mo na lang siya iniwan, dahil baka siya ang masuwerteng makahanap nang mas higit pa sa’yo.

April 03, 2009, Intramuros, Manila

LemOrven

LOVING MY GAY BOSS: Magandang Panaginip At Kuwento Ng Pag-ibig

Ang istoryang ito ay aking isinulat noong 2007. Salamat sa isang dating minamahal na tinatawag kong “Dreamboy” – dahil siya ang inspirasyon ko nang isulat ko ang gay love story na ito. Enjoy!

LOVING MY GAY BOSS: MAGANDANG PANAGINIP AT KUWENTO NG PAG-IBIG

Sulat ako nang sulat ng mga akda at nababasa ng mga taong kulang sa pag-ibig – tulad ko.

Gawa ako nang gawa ng mga tulang binibigkas ng mga makatang nag-iisa sa buhay – tulad ko.

Isip ako nang isip ng mga eksenang kakikiligan ng mga taong tigang sa pagmamahal – tulad ko.

Ako si Timmy. Dalawang taon na ang nakalilipas nang makapagtapos ako ng kursong Literature sa isang premyadong unibersidad sa Hilaga. Nang matapos ako sa pag-aaral, nakuha ako agad bilang writer sa “Pen and Paper”, isang sikat na literary magazine at nakilala bilang si Love Arch. Sa loob ng humigit-kumulang dalawang taon, nakagawa na ako nang libu-libong mga tula, daan-daang mga sanaysay, at dalawampung seryenobelang inilimbag, hindi lang sa magazine na pinagtatrabahuhan ko, kundi sa mga sikat na literature websites sa buong mundo. Unti-unting umangat ang aking pangalan at dahil sa karangalang iyon, ay matagumpay akong nakapaglabas ng isang librong nobela ng pag-ibig na sobrang tinangkilik ng aking mga masusugid na mambabasa sa magazine.

Sa totoo lang, hindi ko pa naranasan ang mga nakakakilig na eksenang gawa-gawa ng aking imahinasyon. Minsan nga, nagbiro ang mga katrabaho ko na humanap na raw ako ng prospect na magmamahal sa akin. Pero ang lagi kong sagot sa kanila – “Naku, OK lang akong mag-isa, kaysa masaktan pa ako sa pagkakamaling gagawin ko.” Nanatili ang mga katagang iyon hanggang sa dumating sa buhay ko si L.A.

Sobrang nakakapagod at bad trip ang Lunes ng hapon. Halos maidlip ako sa loob ng aking opisina nang may kumatok sa pinto.

“Excuse me, eto po ba ang office ni Love Arch?”

“Pasok!” sagot ko sa nagtanong mula sa labas ng pintuan.

Pumasok ang isang maputing lalaki, may katangkaran, at mukhang mahiyain. Pumasok siyang medyo nakayuko at tila nahihiyang humarap sa akin.

“Sino ka?”

“Ako po si Lester Angelo Fuentes. Bago pong writer dito sa ‘Pen and Paper’.”

Naiilang ako sa mga taong nakatungo sa akin. Hindi naman ako napakataas na tao para yukuan ng sinuman, kaya sinuway ko siya at sinabi kong tingnan niya ako. Sa pag-angat ng kanyang mukha’y nasilayan ko ang isang mala-anghel na tingin at ang maaliwalas niyang itsura na tila nakapagpalambot sa bato kong araw.

“Yan naman pala e. May itsure ka naman pala eh. Hindi mo kelangang yumuko.”

“Ganun po ba? Kayo rin po naman, cute po pala kayo.”

Nagulat ako sa sinabi niya. Hindi ko alam kung ang narinig ko ay totoo o gawa lang ng inaantok kong utak.

“Anong kelangan mo sa ‘kin?”

“Ako po yung magiging trainee na in-assign po sa inyo.”

“Ah, ikaw pala yun. Sige, upo ka muna Lester Angelo…”

“…L.A. na lang po.”

“Sige L.A., please sit down. Sasabihin ko kung ano ang mga maitutulong mo sa akin at kung ano ang mga dapat mong matutunan sa mga trabaho natin dito sa Pen and Paper…”

Sa halos isang buwan at sa araw-araw na papasok ako, lagi siyang nakadikit sa akin at sinusundan ako sa lahat ng mga pupuntahan at mga gagawin ko sa opisina. May oras na kapag tinuturuan ko siyang hubugin ang kanyang pagsusulat, ay para lang kaming magkabarkadang nagba-bonding sa isang masayang activity. Mas palagi ko nga siyang kasabay sa pagkain ng lunch at dinner sa paborito kong fastfood store. Ayaw ko ring pino-“po” niya ako dahil magkasing-edad lang kami at hindi naman yun kawalan sa paggalang niya sa akin bilang head writer ng “Pen and Paper”.

Isang gabi, nagsama-sama ang buong pool of writers para mag-enjoy sa nalalapit na paglabas ng sinasabi naming pinakamagandang isyu ng “Pen and Paper”. Nagdiwang kami sa bahay ng aming editor-in-chief na si Jessie at talagang kantahan, inuman, kuwentuhan, at tawanan ang ginawa namin. Tila wala ng bukas ang kasiyahan dahil pagkatapos nito’y abala na naman ang lahat sa mga bagong konsepto ng next issue.

Naglaro kami ng “Share or Dare” bilang bahagi ng aming bonding session. Naglagay sila ng bote sa gitna at pinaikot ito. Kung kanino tuturo ang ulunan ng bote ay siya ang tatanungin ng lahat na parang kriminal na ini-interrogate, pero kapag hindi na-satisfy ang nagtanong sa sagot, ay magpapagawa ang lahat ng “dare” na gagawin nito sa isa sa amin.

Sa pagsisimula ng laro, unang tumutok ang bote sa pinakabagong naming miyembro na si L.A. Ako naman ang masuwerteng unang nagtanong sa kanya.

“Yung totoo lang, may natutunan ka ba sa ‘kin?”

“Marami akong natutunan sa’yo at parang naging makulay ang mga ideya ko sa pagsusulat. Salamat talaga.”

Naghiyawan ang aming mga kasamahan at nagtawanan nang marinig nila iyon.

Sumunod na nagtanong si Jessie. “L.A., kanino mo idinde-dedicate ang pinaka-una mong published article sa ‘Pen and Paper’?”

Sa tinagal ko sa Pen and Paper ay ngayon lang kami nagkaroon ng isang trainee na sa kaunting panahon pa lang ng pananatili sa magazine ay matagumpay na nakapagsulat ng isang magandang artikulo. Sabi nga ni Jessie,napakaganda ng pinasa nitong article at walang dudang mas gagaling pa siya kapag nahasa pa nang husto. Pero ang kataka-taka, hindi man lang pinabasa sa ‘kin ni L.A. yun.

“Yung article na ‘yon ay para sa taong lalong nagpasigla sa hilig ko sa pagsusulat… at nagpasigla ng nananahimik kong mundo… siguro malalaman n’yo na lang ‘pag lumabas na yung magazine sa Monday.”

Na-curious ang lahat sa sinasabi ni Jessie na “napakagandang article” ni L.A., at maging akong nagsanay sa kanya ay nahiwagaan sa kanyang itinatago. Ngumingiti-ngiti lang si Jessie dahil siya lang sa lahat ang nakabasa non.

Ang sunod naman na nagtanong ay ang writer assistant ni Ms. Greta na si Aliya. “Anong impression mo kay Boss Timmy? ‘Di ba lagi kayong magkasama niyan kahit saan?”

Naghiyawan ang mga inutil naming mga katrabaho at tipong kinikilig sa tanong na binitawan ni Aliya. Halatang namula si L.A sa tanong at ako nama’y ngumiti lang sa kalokohang pinag-iisip nila. Naramdaman kong nahihiyang sagutin ni L.A. ang tanong kaya pinagpasiyahan ko munang lumabas para hindi marinig ang kanyang sasabihin.

“Boss Timmy, wag kang lalabas! Dapat nga marinig mo yung sasabihin ng trainee mo eh!” giit ng isa naming senior writer na si Anthony.

Sumang-ayon ang halos lahat sa sinabi ni Anthony na kelangan kong marinig ang sagot ni L.A. Patuloy pa ring nakayuko sa gitna ng malalakas na asaran si L.A.

“Nahihiya siya eh. Labas muna ako para makapagsalita siya, OK?”

Sa gitna ng pagpipigil sa ‘kin ng ilan naming kasamahan, sa aking pagtayo’y biglang nagsalita si L.A. na ikinagulat ng lahat ng mga naroon.

“Mahal ko na siya… at wala akong pakialam kahit bakla siya. Mahal ko siya.”

Nagulat ako sa katagang sinabi niya at lalong naghagalpakan sa kilig at tawanan ang iba. Sa puntong iyo’y ako naman ang napayuko at namula. Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa katawan at bigla akong napatakbo palabas ng kuwartong ‘yon.

Tulala akong nakaupo sa damuhan, sa gitna ng magagandang bulaklak sa hardin ng bahay ni Jessie. Nag-iisip kung kelangan ko bang seryosohin ang aking mga narinig o biruan lang yon na dapat kong ikatawa. Pero ang totoo, dahil napamahal na rin siya sa akin at yun ang unang beses na tumibok ang puso ko nang tulad nito sa isang lalake. Pero kailangan ko yung iwasan – dahil ayokong maramdaman ang nararamdaman ng mga tauhan ko sa aking mga sinulat, ang masaktan dahil nagmahal.

“Timmy…”

Umugong ang isang boses mula sa aking likuran… si L.A. Nahihiya akong lingunin siya dahil hindi rin ako makakatingin sa kanya nang maayos. Nagulat ako dahil ilang sandali lamang ay niyakap niya ako nang mahigpit.

“Hindi ko lang napigilan ang totoong nararamdaman ko. Hindi ko alam kung bakit at paano, pero maniwala ka, mahal na kita.”

Tumulo ang aking luha sa aking mga narinig. Hindi ko akalaing ang isang taong tulad ko’y makakapagpaibig ako ng isang tulad niya.

Hindi ako makakilos sa mga pangyayaring nagaganap. Hinawakan niya ang aking kamay at hinalikan iyon at tila naramdaman ko ang init ng pagmamahal na nararamdaman ko lang sa ‘king mga sinusulat. Hindi ko napigilan ang pagpikit ng aking mga mata at dinama ang kanyang yakap ng tunay na pagmamahal…

… at tuluyan akong nagising sa alarm ng aking cellphone. Dumilat ang aking mata na iniisip ang panaginip na iyon.

“Uy Timothy Obrecillo! Baklang ‘to! Ilusyonado! Gising na! Panaginip lang yun!” ang aking sinasabi habang sinasampal-sampal ang aking pisngi para magising. Pagkatapos non ay lumingon ako sa orasan – 5:05p.m.

“Out na pala.”

Ihahanda ko na ang aking sarili at ang aking mga babasahing mga artikulo nang may kumatok sa labas ng aking opisina.

“Pasok!” – si Sir Jessie pala yon.

“Mukhang pagod ka ah!”

“Oo nga po Sir Jessie. Nakaidlip nga ako e.”

“Mukha nga, may muta ka pa,” ang nakakatawang banat ni Sir Jessie sa akin. “Anyway, may papabasa ako sa’yo! Well, for me, this piece is definitely superb, pero mas magaling ka sa creative story writing kaya kukunin ko ang opinyon mo.”

Contribution?”

“Oo, galing sa applicant na gustong pumasok na writer dito.”

Inabot sa akin ni Jessie ang envelope na naglalaman ng nasabing artikulo.

“Nasa labas ng office yung nagsulat niyan. Papasukin ko ba?”

“Sige. Ayos lang.” Pinapasok ni Jessie ang nasabing nagsulat ng artikulong iyon. Pumasok ang isang maputing lalaki, may katangkaran, at mukhang mahiyain. Pumasok siyang medyo nakayuko at tila nahihiyang humarap sa akin.

“Anong pangalan mo?”

“Ako po si Lester Angelo Fuentes. Nag-a-apply pong writer dito sa ‘Pen and Paper’.”

Nagulat ako sa kanyang narinig – Lester Angelo Fuentes. Parang pamilyar.

Dahil naiilang ako sa mga taong nakatungo sa akin, sinuway ko siya at sinabi kong tingnan niya ako. Sa pag-angat ng kanyang mukha’y nasilayan ko ang kanyang malaanghel na tingin at ang maaliwalas nitong itsura… na siyang ikinagulat ko.

Agad kong binuksan ang envelope para makita ang article na kanyang ginawa.

“Title: Loving My Boss. By: Lester Angelo Q. Fuentes.”

Napatingin ako sa kanya. Nakangiti siyang nakatingin sa akin na tila may ibig iparating.

“Sana magustuhan mo, Timmy…”

At sa puntong iyon, ako’y napaluha at agad na tumayo para yakapin ang lalaking nasa aking harapan. Kung totoo na talaga, o kahit isang patong na panaginip na naman ang L.A. na aking niyayakap, ay may napatunayan akong isang bagay – ang patuloy na maghintay at maniwala sa paparating na isang tunay na pag-iibig.

Created and Written 22 June 2007. Tondo, Manila / 14:00 Philippines

LemOrven