Post #143: Si Bonifacio, Ang Katatagan Ng Mga Pilipino At Ang Kabayanihan Ng Mundo

#Boni150

Ito ang ika-isang daan at apatnapu’t tatlong handog ng Aurora Metropolis na inilathala ngayong importanteng araw na ito, ang ika-150 anibersaryo ng kapanganakan ni Gat. Andres Bonifacio. Ang ika-143 artikulong ito (kung saan ang 143 ay nangangahulugang ‘I love you’) ay alay para sa lahat ng nagmamahal sa bansang Pilipinas, lalo na ngayong nakakaranas tayo ng napakaraming pagsubok bilang isang mamamayang Pilipino.

“Pakatandaang lagi na ang tunay na pagibig sa Dios ay siya ring pagibig sa Tinubuan at iyan din ang pagibig sa kapwa.” – Andres Bonifacio, Sampung Utos ng mga Anak ng Bayan

Ang mga aral ni Gat. Andres Bonifacio sa kasalukuyang trahedya ng ating bansa.

Ang mga aral ni Gat. Andres Bonifacio sa kasalukuyang trahedya ng ating bansa.

Ang paghagupit ni Super Typhoon Yolanda (na may international name na Haiyan) sa Samar at Leyte; ang pagtama ng magnitude 7.2 major earthquake sa Cebu at Bohol; ang mapangahas na pagsakop ng mga rebelde na nagresulta sa biglaang giyera sa lungsod ng Zamboanga at mga kontrobersiyang pulitikal sa luklukan ng pambansang pamahalaan sa Kalakhang Maynila ay hindi na mga bagong problema sa ating bansa. Mas masalimuot man ang pinsala at bilang ng mga taong apektado sa mga kalamidad ngayon, noon pa’y pinatunayan na ng ating mga ninuno na sa pagtatapos ng anumang unos, likha man iyon ng kalikasan o kalupitang gawa ng tao, may kakayahan tayong mga Pilipino na muling mabuhay nang may dignidad at umahon nang may nililingong pag-unlad.

Maging ang pagtatanggol ng Estados Unidos mula sa panggigipit ng Tsina sa isyu ng West Philippine Sea, ang pakikipaglaban para sa pagmamay-ari ng Kalayaan Group of Islands (mas kilala bilang Spratly Islands) at Sabah; o ang pagkakaisa ng maraming bansa na tumulong sa mga naapektuhan ng mga nakalipas na trahedya sa Kabisayaan ay hindi na rin ganoong kakaiba. Dumaan man tayo sa mahigit tatlong siglong pananakop, tumindig ang Pilipinas sa mga pagsubok ng ating mga dayuhang mananakop na tayo ay karapat-dapat na makilala sa pandaigdigang ugnayan at kilalanin ng mundo bilang bansang may libo-libo’t hiwa-hiwalay na isla, ngunit pinag-uugnay ng pagmamahal sa kalayaan at sa bayan.

Naitala sa kasaysayan na noon pa man, nakakaranas na ang Pilipinas ng mga natural na kalamidad dahil sa heograpikal na kalagayan nito. Magkagayunman, sa ilang beses na inulan, nilindol o pinutukan ng bulkan ang mga bayang apektado nito ay unti-unting nakakabangon at nakakabalik sa kaunlarang meron ang mga ito. Bukod dito, napagtagumpayan rin ng bansa ang mga digmaan at kaguluhang likha ng tao na nakalikha ng napakahabang listahan ng mga bayaning hinahangaan natin. Nanatili ang mga sinaunang Pilipino na maging matatag sa pananampalataya’t paniniwala sa Diyos, sa pagiging matapang, makatao at mapagkalinga sa kanilang mga kababayan – lahat ay bunsod ng maigting na pag-ibig sa kanilang tinubuang lupa. Ngunit higit sa lahat, silang mga ninuno natin ay minsang nagkusa sa pagbibigay ng tulong sa iba sa pinakasimpleng paraang kaya nila. Sila ang naging matibay na ehemplo ng bayanihan sa mga oras ng trahedyang dinaranas ng bansa tungo sa kaayusan at kasarinlan.

Sa araw na ito na ang buong bansa ay nagdiriwang ng ika-150 anibersaryo ng kapanganakan ng pinakadakilang anak ng Tundo at Supremo ng bawat Pilipino na si Gat. Andres Bonifacio, tila napapanahon para sa ating lahat na konektahin ang nakaraan, kasalukuyan at kinabukasan tungo sa pag-unawa sa mga kasalukuyang nangyayari sa ating bayan. Tila umiikot lang ang mga senaryo ngayon at noong panahon ni Bonifacio, kasama ang napakarami pang bayani’t mga personalidad na nabuhay sa kanilang salinlahi. Sa puntong ito, maaaring nagagalak si Bonifacio sa kasalukuyang mga anak ng bayan na umiibig sa Pilipinas at umaaruga sa mga kapwa Pilipino, lalo na ngayon na ang buong bansa’y nasa gitna ng krisis.

Tulad ni Bonifacio, marami sa mga naging biktima ang patuloy na namumuhay sa katatagan, pananalig sa Panginoon at natitirang pag-asa sa gitna ng ng trahedya. Kahit gutom, uhaw, nawalan ng tahanan o minamahal, ang ilan sa kanila’y piniling dumamay at makibahagi sa pagtulong sa kapwa nila nasalanta. Tulad din ng ating bayani, walang alinlangang ginawa ng mga pulis at sundalo ang kanilang tungkulin nang doble sa kanilang tipikal na responsibilidad. Higit pa sa pagiging tagapagpatupad ng batas, nagsilbi silang karpintero, arkitekto, doktor, nars, guro at lingkod bayang handang maging pundasyon ng mga apektadong lugar hanggang unti-unti silang makatindig nang normal. Mas kahanga-hangang katangian ang ipinakita ng mga ordinaryong taong nagsilbing volunteer na, tulad ni Bonifacio, ay inambag ang sariling oras, boses, lakas at kakayahan upang makatulong at maging katuwang sa mga pinagdaraanan ng mga kababayan. Nabura ang mga harang na naghihiwalay sa mga mahirap, middle class at mayaman sa loob ng mga relief warehouse at evacuation center kung saan sama-sama silang kumikilos para sa iisang layunin at panalangin.

Marahil ay ikinatutuwa ring masaksihan ni Bonifacio ang pagbabalik sa Pilipinas ng bulto-bultong puwersa ng mga dayuhan sa lahat ng sulok ng daigdig, hindi upang sakupin tayong muli, kundi upang maging pinakabagong mga bayani para sa ating bansa. Sa mga pagsubok na dinanas ng bansa ay nakita nating nagtagpo para sa iisang hangarin ang mga bansang matagal nang  magkakaalyado, ang mga dating nagtapos ang ugnayan dahil sa digmaan at kahit ang may mga nagpapatuloy na hidwaan. Kahit din sa kabila ng mga isyung kinakaharap ng kani-kanilang mga pamahalaan at lipunan, nagsikap silang ipadala ang kanilang puwersang pang-militar, volunteers at maging tulong pinansyal ng mga mamamayan nito upang makadagdag sa muling pag-angat ng mga naapektuhan.

Ipinanganak noong 1863 sa Tundo, Maynila, isa’t kalahating siglo na ang nakararaan, dumating sa ating lipunan ang isang Andres Bonifacio. Ang kanyang kapanganakan ay tila ba isang simbolikong pagdating ng pag-asang hangad ng isang bansang noo’y naka-kadena sa kolonya at nangangarap ng malayang buhay bilang tao at bilang Pilipino. At ngayong mismong araw na ito ng kanyang kaarawan, nawa’y maging instrumento ang buhay ng “Hamak na Dakila” upang muling magdala ng pag-asa sa mga kababayan nating sa ngayon ay sumisilip ng liwanag mula sa ilalim ng mga guho. Kaakibat ang mga bayani mula sa iba’t ibang lahi ng daigdig, ang ispiritu ng kanyang kabayanihan at kadakilaan ay manatili sa mga susunod pang henerasyon ng mga Pilipino. At tulad ng kalayaang kanyang pinagpagurang makamtan bago siya pumanaw, patuloy na magiging bahagi ang mga aral na iniwan ni Bonifacio sa muling pagbangon ng ating bayang patuloy na lumalaban sa hamon ng panahon.

Mabuhay si Gat. Andres Bonifacio! Mabuhay ang buong mundo! Mabuhay ang matatag na lahing Pilipino!

DEMOLISYON Welcome Remarks: Hindi Pa Huli Para Itama Ang Mga Mali

Talumpati ng inyong lingkod bilang pagbati sa mga nagsipagdalo sa DEMOLISYON na ginanap kahapon, Oktubre 18, 2013, sa Bulwagang Leandro V. Locsin, NCCA Intramuros, Maynila. Ang DEMOLISYON ay isang pagpupulong na nakatuon sa kamalayan ukol sa mga heritage site sa lungsod ng Maynila na nanganganib nang masira dahil sa kapabayaan ng mga tao. Kasama rin dito ang pagpapakilala sa panauhing pandangal nito na si dating Manila Mayor Alfredo Lim na siyang tagapagsimula ng nasabing pagpupulong.

Ang may-akda habang inaabot ang certificate of appreciation kay dating Manila Mayor Alfredo Lim kasama ang mga kinatawan ng KKM at G. Franco Sena, pangulo ng UAPSA-PLM

Ang may-akda habang inaabot ang certificate of appreciation kay dating Manila Mayor Alfredo Lim kasama ang mga kinatawan ng KKM at G. Franco Sena, pangulo ng UAPSA-PLM

Logo ng DEMOLISYON at mga smahang nagsama-sama upang maisakatuparan ito.

Logo ng DEMOLISYON at mga samahang nagsama-sama upang maisakatuparan ito.

Our beloved mayor Alfredo Lim, first congressional district councilor Niño dela Cruz, former youth bureau director Arch. Dunhill Villaruel, PLM College of Mass Communication dean, my mentor, Prof. Ludmila Labagnoy, United Architects of the Philippines Student Auxiliary-PLM Chapter president Daniel Franco Seña, distinguished speakers, special guests, participants from different universities and organizations, colleagues at Katipunan ng Kabataang Maaasahan, kabataan ng Maynila, kabataang Pilipino, isang magandang umaga po at maligayang pagdating sa pagpupulong na ito, ang DEMOLISYON.

Bago po ang lahat, ang buong sambayanan ay nalulungkot sa naganap na lindol noong October 15 sa Kabisayaan. Halos daang tao na ang nasawi, dumarami pa ang bilang ng sugatan at nawawala at lumalaki pa ang halaga ng mga nasirang imprastraktura. Ngunit ang tunay na nakakadurog ng puso para sa akin ay ang pagkasira ng napakaraming simbahang itinuturing nang kayamanan ng bansa.

They are not just religious buildings for Catholic Filipinos. These churches played their significant part in Philippine history. From their architectural designs to thousands of known and unknown stories about them, these churches are indeed symbols of our identity as God fearing and freedom loving nation.

Marami tayong nalulungkot at nasasayangan sa pagkawasak ng mga ito, but I know many of us are thinking that these sudden event may be a wakeup call for all Filipinos by God, by Mother Nature and by our Motherland to give extra attention in protecting our national treasures for our future generation. These important structures were built and maintained by our ancestors not just to create a living symbol of a strong institution but to share the legacy of our race to the world that every Filipino must be proud of.

I hate to say this but the October 15 major earthquake happened on the week of Demolisyon. I can’t say that it is a perfect timing but we are somehow fortunate here inside the Bulwagang Leandro V. Locsin to establish a realization out of hundreds of wisdom that we are going to hear today. A realization that here in city of Manila alone, we have so many old churches, ancestral houses, historical sites and heritage structures. All of them are priceless because they reflect our almost 400-year-old history and our colorful city culture. They also need our help.

Mulat tayong lahat na minsang naglakad sa inaapakan nating daan ang ating mga idolong bayani. Yung inaakala nating mga nakakatakot na lugar ay minsang pinagtanghalan ng mga pinakamagagaling na artista noon o di kaya’y naging meeting place ng mga leader natin noon para sa ganap na kalayaan ng ating bansa. Yung inaakala nating pader lang ang siyang nag-alaga hindi lang sa lupain ng Maynila kundi sa karangalan ng mismong pangalan nito. Na baka ang pinapabayaan nating mga lumang bahay o gusali ay naging pundasyon sa kasaganahan na meron ang ating lungsod at kasarinlang meron ang ating bansa sa ngayon.

Today, DEMOLISYON will help you involve with the advocacy of heritage conservation. We will explore the Old Manila and will help you shape ideas on how we can bring back the glory days of our beloved city. We will help you on how to make a difference out of simple social action and usage of modern technology. We will help you to understand a potential process of renovating an institution that is currently being ruined by corrupt practices and some greedy politicians.

Gigibain natin ang prinsipyo ng salitang DEMOLISYON at tayong mga kabataan na narito ang magsisilbing construction worker na tutulong sa mga tagapagsulong ng adbokasiyang ito na gibain ang ganitong pag-iisip ng ilang indibidwal, grupo’t korporasyon.

Hindi na natin maibabalik ang dati pero may panahon pa para itama ang mga mali. Save our heritage sites by knowing their rights.

On behalf of Katipunan ng Kabataang Maaasahan, United Architects of the Philippines Student Auxiliary-PLM Chapter and PLM College of Architecture and Urban Planning, I welcome you to DEMOLISYON, a one-day conference on youth involvement in protecting and maintaining historical zones and structures within the city of Manila. Enjoy, learn and be involved. Maraming salamat po.

It is with great pride to introduce to you our guest of honor as he formally start DEMOLISYON. He serves as an inspiration for the Manilenyo youth. He might not be a perfect leader for everybody, but what he did for Manila for more than a decade was really exemplary and he left his greatest political legacy for the good of his beloved Manilans. Please welcome, former Manila’s Finest police officer, former director of the National Bureau of Investigation, former secretary of the Interior and Local Government, former Philippine senator, former mayor of the capital city and the 1st recipient of our organization’s Supremo ng Kabataang Manilenyo citation, Hon. Alfredo S. Lim.