Kabataan. Kasaysayan. Kinabukasan.

Masyadong mabilis ang mga pangyayari ngayong buwan na ito. Halos hindi ako nakapagsulat para sa ikatlong anibersaryo ng Aurora Metropolis dahil sa biglaang pagdating nito. Hindi ko inaasahan na walang kasing laki ang natanggap kong karangalan bilang isang kabataang lider ng lungsod ng Maynila. Pagkatapos ng panunumpa ng paglilingkod ng Katipunan ng Kabataang Maaasahan (KKM) kung saan ako ang tagapagtatag, inadya ng Panginoon sa pamamagitan ni Manila Mayor Alfredo S. Lim na ipagkatiwala sa akin ang isang malakihang proyekto na pinondohan ng lungsod sa pamamagitan ng Youth Development and Welfare Bureau. Ito ay ang makabuluhang pagpupulong ng mga kabataan, ang kauna-unahang Manila Young Leaders Assembly, na ginanap nitong ika-22 hanggang 23 ng Hunyo 2013 sa El Cielito Hotel, Boys Scouts of the Philippines Complex, Mt. Makiling National Park, Los Banos, Laguna.

Nais kong ibahagi sa inyo ang pinakamahalagang talumpati ng aking buhay, ang opening speech ng inyong lingkod sa Manila Young Leaders Assembly. Isang karangalang itanghal ang isang programang inihahandog para sa mga piling kabataang lider ng lungsod. Isang karangalang hindi malilimot ng aking puso’t isipan magpakailanman.

Cover page ng inyong lingkod sa Facebook. Habang nagtatalumpati sa Manila Young Leaders Assembly.

Cover page ng inyong lingkod sa Facebook. Habang nagtatalumpati sa Manila Young Leaders Assembly.

Hinihiling ko na tayo’y tumayong muli sa ikatlong pagkakataon. Alam nyo naman po kung bakit natin ipinagdiriwang ang araw na ito. Ano po ba ang meron sa Lunes? (Sumagot ang mga kalahok nang sabay-sabay ng “Araw ng Maynila”) Bilang pagdiriwang, pakikiisa at pagmamahal sa pinakadakilang lungsod sa buong bansa, kantahin po natin ang Awit ng Maynila.

(Muling nagsabay-sabay na umawit ang lahat ng “Awit ng Maynila”)

Tanging lungsod naming mahal,
tampok ng Silanganan
Patungo sa kaunlaran
at kaligayahan.

Nasa kanya ang pangarap,
dunong, lakas, pag-unlad.
Ang Maynila’y tanging perlas
ng bayan, ngayo’t bukas.

Maynila, O Maynila!
Dalhin mo ang bandila.
Maynila, O Maynila!
At itanghal itong bansa.

Maynila, O Maynila!
Dalhin mo ang bandila.
Maynila, O Maynila!
At itanghal itong bansa.

Maraming salamat po. Pwede na po kayong magsiupo.

Arch. Dunhill E. Villaruel, direktor ng Youth Development and Welfare Bureau. Kgg. Nino M. dela Cruz, konsehal ng Unang Distrito ng Maynila. Sa officers at coordinators ng Youth Development and Welfare Bureau. Sa kapwa ko kabataan ng Maynila, sabi nga ni Jeorna, isang napakagandang umaga po sa inyong lahat.

Natutunan ko lang ito noong Thursday, kausapin po ninyo ang katabi nyo. Sabihin po ninyo, “be a blessing for me”. (Sabay na sasabihin ng mga kalahok sa kanilang katabi ang nasabing kataga.)

Yung nangyayari sa atin ngayon, ang Manila Young Leaders Assembly, isa siyang blessing para sa akin. Hindi lang para sa akin kundi para sa kabataan ng Maynila. Isang biyayang ipinagkaloob ng Panginoon at ginamit niya ang pamahalaang lungsod ng Maynila, at siyempre pa, ang ating pinakamamahal na ama, Kgg. Alfredo S. Lim.

Napakaraming pinagdaaanan bago marating ang event na ito. 2011, ise-share ko lang, nang simulan namin ang Samahan ng Kabataang Maaasahan o SKM. Hindi ganoon kadali para sa akin na isang taong ayaw maglingkod sa gobyerno, na pamunuan ang isang organisasyong maglilingkod para sa gobyerno at para sa mga kabataan. Maraming testigo at naririto ang mga testigo sa kung gaano kahirap na bumuo ng isang pagkakaibigan, at sa kabila ng pagkakaibigan na iyon ay mabubuo ang isang organisasyong magtataguyod sa gusto ng ating mahal na Alkalde Alfredo S. Lim. Maraming nag-away, maraming nagkatampuhan, maraming hindi nagkaunawaan pero akala ko doon matatapos iyon. Akala ko, wala na. Akala ko, hopeless na. Naging active pa rin ako, hindi naman ako huminto doon. Naging personal ang advocacy ko kasi hindi naman nahihinto sa iisang grupo ang pagmamahal mo sa iyong bayan. Pwede mong dalhin sa pansarili mo. Naging active ako sa social media through Facebook. Sinimulan ko ang isang fanpage, ang Manila Youth Interactive na ako lang ang nagpapatakbo just to inform them sa mga impormasyon at mga balitang kailangan nilang malaman. At noong 2012, October, nang kumatok si Bb. Jeorna sa aming tahanan upang magpatulong sa closing G.I.P. Batch 02-2012. Doon ko lang naalala na meron pala akong naiwanang misyon sa buhay. Naging member rin ako ng isang international organization pero masyado akong lumingon sa global perspective na nakakalimuan ko na mayroon pala akong naiwanan sa sarili kong lungsod. Dito na nabuhay ang SKM, pero naisip ko na gusto ko ng mas matatag pang pundasyon para sa organisasyon kong ito. Kaya sa konsultasyon ko kay Konsehal dela Cruz at Arch. Villaruel na ibahin nang konti ang pangalan ng organisasyon at yun ay naging Katipunan ng Kabataang Maaasahan. Blessing-in-disguise na 150th birth anniversary ni Gat. Andres Bonifacio ngayon, so I want to make this year a memorable year for me and for the organization. Maraming nangyari, politically, sa lungsod ng Maynila. Very sad, pero sabi ko, hindi mahihinto sa isang napakasaklap na katapusan ang pagtulong sa Inang Bayan. Pagkatapos ng eleksyon, masakit man ang kalooban ng marami, ay kailangan naming ipagpatuloy ang kung ano ang nasimulan namin.

Sana mapaabot ng dalawa nating gwapong pinuno ang pasasalamat kong muli kay Mayor Alfredo S. Lim. Isang malaking biyayang 15 times ang laki ng ibinalik ng lungsod ng Maynila sa pagod, determinasyon at paghihirap ng mga kabataan ng Maynila upang itayo ang Katipunan ng Kabataang Maaasahan. At napakaswerte talaga ninyo, napakaswerte, na kasama ko kayo sa biyayang ito kaya narito po kayo ngayon sa lalawigan ng Laguna para maging participant ng Manila Young Leaders Assembly. Palakpakin nyo naman po ang mga sarili ninyo. (Nagpalakpakan ang mga kalahok.)

Ang purpose po ng Manila Young Leaders Assembly ay napakasimple lang. Marami sa atin ang nakalingon sa mga pananaw na masyadong malawak o masyadong malayo tulad ko noon na masyadong nakatingin sa perspective ng ibang kultura at perspective ng ibang lahi. Pero maiisip natin na pwede tayong maging huwarang kabataan kung maglo-localize tayo. That means, pwede tayong maging magaling sa sarili nating perspective dito sa sarili nating lupa at iyon ay ang lungsod ng Maynila.

Ang purpose nito, unang-una, imulat ang lokal na pananaw tungo sa sitwasyon na magpapaunlad ng kabataan. Hindi na tayo lalayo, sa Maynila pa lang, maraming delinkwenteng mga kabataan. Sad to say, marami sa kanila ang nalulugmok sa bisyo, nalulugmok sa kawalan ng pormal na edukasyon. Dito pa lang sa puntong ito, ay makakakuha tayo ng ideya kung paano tayo makakatulong bilang mga susunod na lider ng ating bansa at ng ating lungsod.

Pangalawa ay iangat ang kasaysayan para maging basehan upang makakuha tayo ng mga solusyon. Marami sa atin ang umaamin na hindi magaling sa History. Na nagte-tres sa Philippine History and Government at pumapasang-awa sa Heograpiya, Kasaysayan at Sibika. Hindi ba natin naisip na lagi nating sinasabi, “history repeats itself”, pero kung di maganda ang pinanggalingan nating kasaysayan, gugustuhin pa ba nating maulit ito? Sa pamamagitan ng Manila Young Leaders Assembly, gusto naming ipamukha na napakahalaga ng kasaysayan ng Pilipinas, specifically ng kasaysayan ng lungsod ng Maynila. Masyadong malaki at masyadong mahalaga ang kasaysayan ng ating lungsod sa kasaysayan ng ating bansa. Tandaan natin na tayo ang nagdadala ng bandila ng Pilipinas. Tayo ang korona ng Republika. Kaya’t napakahalaga na tayo mismong mga kabataan ay nagpapahalaga sa sarili nating kasaysayan dahil sigurado ako na nandoon ang solusyon. Nandoon ang solusyon sa lahat ng problema, nandoon ang mga pinakamahalagang factors para makaahon tayo sa kahirapan, makaahon tayo sa kung anong meron tayo at patuloy pa rin nating nararamdaman na naroon pa rin tayo sa kasaysayang iyon.

Ang pangatlo, ang hangarin ng Manila Young Leaders Assembly ay matuto ang kabataan sa kapwa kabataan. Usually, nakikinig tayo sa mga lecture ng mas matatanda pa sa atin. Yung mga tipong fetus ka pa lang, sila, nagtatrabaho na sa professional world. Hangarin ng pagpupulong na ito ang matuto tayo sa isa’t isa. Matuto tayo sa kaalaman ng katabi natin, nasa likod natin, nasa harap natin. Tayo mismo ang matututo sa karunungan ng isa’t isa. Gusto ko, dito sa bulwagang ito, ay iikot ang karunungan, at paglabas natin, ang karunungang ito ay lalaki pa nang lalaki at makakaapekto hindi lang sa animnapung kabataang napili. Maaaring sa inyong mga unibersidad, maaaring sa inyong mga komunidad at maaaring mismo sa inyong mga sariling pamilya ay makakaapekto ang kung anumang natutunan nyo sa katabi ninyo, sa kapwa niyo kabataan na minsa’y stranger sa inyo, pero alam ko, pagtapos ng dalawang araw na ito, magiging kaibigan ninyo sila, magiging kasama nyo sila sa pag-unlad, at magiging kapwa lider nyo sila ng inyong mga organisasyon, sa mga komunidad at sa pamantasan.

Sobrang thankful ako sa City Hall sa napakalaking opportunity na ibinigay sa Katipunan ng Kabataang Maaasahan. Hindi naman hangad na maging miyembro kayong lahat ng organisasyon, bagkus, gusto namin na paglabas natin ng assembly na ito, kami ay magiging maliit ngunit mahalagang instrumento upang ipaalala na ang “TUNAY” na kabataan ay tunay na pag-asa ng Lungsod ng Maynila at ng Republika ng Pilipinas. Maraming salamat po.

Hindi Ko Dama Ang Pagkatalo…

Habang tinitipa ko ang mga salitang ito’y nasa dikit na resulta ang botong natatanggap ng dalawang kandidato sa pagka-alkalde ng Maynila. Marami na ang nagsisuko, marami na ang nasayangan, may mga natuwa pero may mga taong patuloy pa ring naghihintay sa pinakahuling balotang darating sa main server ng Manila Board of Election Canvassers sa Ninoy Aquino Stadium.

Hindi malilimutang karanasan para sa akin ang halalang lokal ngayong taon. Unang-una, ngayon ko natutunang magtiwala at sumuporta nang buong puso sa mga taong nasa pulitika ng lungsod dahil pinatunayan nilang karapat-dapat silang pagkatiwalaan. Wala sa hinuha ko noon na maglilingkod ako sa pamahalaan katulad nila, ngunit dahil sa mga personalidad na ito’y naliwanagan ang puso ko na ang serbisyo publiko ay hindi lang parang pelikula o TV show na nagpapaaliw sa mga naghihikahos na sikmura, kundi totoong maka-Diyos at makabayang gawain para sa kapwa kong naghahangad din ng masaganang kinabukasan para sa Maynila.

Ang mga ito ang naging dahilan kung bakit ako nagdesisyong sumali sa panawagang dugtungan ang kanilang pagsisilbi bilang mga punong lungsod. Ang ikampanya sila para sa isa pang termino. Tulad ng iba, binigay ko ang aking natitirang oras upang iparamdam sa mga kapwa ko Manilenyo na nararapat silang bigyan ng panibagong pagkakataon upang maglingkod sa lahat. Pinaramdam ko kung ano ako ngayon nang dahil sa taong kinakampanya ko. Hindi tulad ng dati, lumalabas ako sa kalsada, bumubulyaw ng pagsuporta, nagsasalita nang may panghihikayat at may karangalang tinatayo ang aking sarili bilang taong naninindigan na ang mga taong ito ang dapat na mamuno sa pangunahing siyudad ng Pilipinas.

At dumating nga ang araw na ito, Mayo a trese, at mukhang hindi pabor sa panig namin ang eleksyong ito. Parang pakiramdam ko ay may balat ako sa puwet… (pinipilit ko lang magpatawa) … pero seryoso, tila masakit sa aking tapusin ang artikulong ito na sasabihing kung sa bilang ng boto ang pagbabasehan ay hindi pinalad ang minamahal naming Alkalde Alfredo S. Lim para sa kanyang huling termino.

Maaaring natalo si Mayor Lim sa bilang, pero hindi ko naramdaman na natalo siya sa lakas ng suporta. Saludo ako sa kanya dahil sa kanyang sinabi na magreretiro na siya at tatanggapin nang buo ang desisyon ng nakararaming Manilenyo kapag hindi siya nagtagumpay sa halalang ito. Dito ko siya lubos na iniidolo.

Napakaswerte ko at ng maraming kabataang Manilenyo ang naging bahagi ng programa ng isa sa pinakamagaling na punong lungsod sa kasaysayan ng mundo. Sa aking sariling paraan ay ipagpapatuloy ko ang adkobasiyang itinanim sa akin ni Mayor Lim at sa aking sariling kakayahan ay pagyayamanin ko ang legasiyang kanyang iiwan para sa Maynila. Katulad ng aking ikinampanya, patuloy kong dadalhin ang kulay dilaw sa aking isip, puso at kamalayan. Patuloy akong lilingon sa pagsikat ng naninilaw na araw at patuloy na tatahakin ang tuwid na daan sa paraang alam ko.

Maligayang bati sa inihalal na bagong alkalde, Ginoong Joseph Ejercito Estrada at muling inihalal na bise-alkalde, Ginoong Francisco “Isko Moreno” Domagoso. Nawa’y makita namin ang isang bagong mukha para sa lungsod naming mahal. Sa paraang alam ng kabataang Manilenyong hinubog ng aming minamahal na “Lolo” Fred, tutulong kami sa bagong administrasyon ng Maynila.

#iwearyellowlegacy

LIMLEGACY copy

FAST POST #23: Halalan 2013 – Nangangamba, Nananampalataya, Naninindigan…

Isa sa pinaka-makasaysayang hakbang na ipinatupad ng pamahalaan ng Pilipinas ay ang pagsasagawa ng automated election system noong 2010. Bagaman sa unang pagkakataong ginamit ang makabagong teknolohiya sa halalan dito sa bansa ay nagkaroon ng mga aberya at napakaraming sektor ang nagduda’t natakot sa inilabas na resulta ng mga precinct count optical scan (PCOS) machines, maituturing pa ring tagumpay sa pangkalahatan ang 2010 elections na nagluklok kay Senador Benigno “Noynoy” Aquino III bilang ika-15 pangulo ng Republika.

Bago maganap ang halalan ngayong araw na ito ay bumalik ang mga alinlangan sa kaayusan ng automated elections. Tiniyak man ng Commission on Elections (COMELEC) na magiging maganda ang sistema ng mga PCOS, ay naglabasan pa rin ang mga hinala ng pagkabalido ng magiging resulta nito bunsod ng gulong kinasangkutan ng Smartmatic-TIM sa IT provider nito sa Estados Unidos. Nagresulta ito ng pagka-delay ng source code ng mga PCOS, o ang human readable instruction sa paggamit ng mga makina kung sakaling may mangyaring hindi tama sa kalagitnaan ng pagpoproseso at transmission ng mga ito. Sa napakaraming isyung naglabasan, ngayong Mayo 13, Lunes, ay tuloy na tuloy na ang Halalan 2013.

Labinlimang minuto bago mag-ikapito ng umaga ay dumating na ako sa Mababang Paaralang Isabelo delos Reyes sa Tundo, ang eskuwela kung saan ako bumoboto. Maraming tulad ko ang naging maagap sa pagboto kaya’t nakakatuwang makita ang ganitong senaryo. Tumunog ang school alarm, hudyat ng pagbubukas ng halalan.

Precinct No, 0152-A. Madali kong nahanap ang aking presinto, agad na hinanap ang aking pangalan sa official list at umupo sa waiting list. Labinlimang minuto na ang nakalipas at hindi tulad ng mga kasama ko sa presinto ay pinilit kong maging kalmado sa hindi normal na paghihintay. Lumabas ang head ng board of election inspectors (BEIs) at sinabi sa mga naiinis nang botante na hindi gumagana ang PCOS machine at ilalagay ang mga balota sa isang itim na kahon, saka bibilangin pagkatapos ng alas-7:00 ng gabi. Sa puntong ito ay hindi ko na napigilang mangamba na hindi ko makakaharap ang makinang kinakapanabikan kong makita simula noong 2010. Kahit sinabi ng head ng BEIs na itinawag na nila sa Manila COMELEC office ang problemang ito’y pinipilit ko pa ring magtimpi ng pangamba sa nangyari. Itinatak ko nga sa sarili ko na hindi ako aalis sa presintong ito hangga’t hindi ko nakikitang kinakain ng PCOS ang aking balota.

Nagpatuloy ang mga minuto ng paghihintay at ang iba sa mga kasama ko’y sumambulat na ang galit sa sobrang tagal ng pagsasaayos. Habang nasa aking upuan ay nakita ko sa di kalayuan ang mga poll watcher ng partido ni mayoralty candidate Joseph “Erap” Estrada mula sa grupong Kaagapay. Nairita ako sa aking nakita nang may iilan sa kanila ang nanigarilyo sa mismong loob ng paaralan. Binabalewala nila ito kahit pa may mga paalalang nakapaskil sa paligid ng mga presinto. Hindi ako natakot at kinunan ko ng video ang isa sa kanila, ngunit hindi naman nila ako nahalata. Lalo lang nilang pinatunayan na tama ang pananampalataya kong si Mayor Alfredo S. Lim pa rin ang uupo sa pinakamataas na luklukan ng City Hall.

http://www.youtube.com/watch?v=dM_cSVZB4pc&feature=youtu.be

Dumaan ang mahigit isang oras na paghihintay. Upang hindi mabagot ay kinakabisado ko ang mga iboboto ko. Nilagay ko siya sa notepad ko sa smartphone para may kodigo ako habang bumoboto. Patuloy ang pagtagal ng oras at tuluyan na ngang nagalit ang mga katabi ko kaya hindi na ako nag-atubiling makialam sa sistema ng pila. Sa pakikisama ng mga kapwa ko botante ay naayos din kami at doon na nagsimulang sabihin sa amin na naayos na ang PCOS.

Sa loob ng dalawang oras na paghihintay ay nakapasok din ako sa presinto, pumirma sa listahan, kinuha ang balota at nilagay ang mga pinanindigan kong kandidato, at pinasok na nang tuluyan sa PCOS machine. Sa wakas, ako ang ika-41 matagumpay na botante sa aking presinto at natapos lang ang buong proseso sa loob lamang ng limang minuto.

Narito ang aking mga binoto:

SENATORS: Alcantara / Angara / Aquino / Belgica / Cayetano / Escudero / Hagedorn / Hontiveros / Legarda / Magsaysay, Ramon Jr. / Pimentel / Poe

PARTY-LIST: Agham

CONGRESSMAN: Asilo

MAYOR: Lim

VICE MAYOR: Veloso

COUNCILORS: Alfonso / Dela Cruz / Dumagat / Lim, Cristy / Lim, Moises / Venancio

Hindi perpekto ang mga makina kaya’t hindi mawawala ang posibilidad na magkaroon ito ng aberya. May ganito mang pangamba ay kailangan nating manampalataya sa hakbang ng mga awtoridad na mareresolbahan nila iyon. Tao pa rin ang kayang mag-manipula sa mga PCOS kaya’t kung maninindigan tayong magiging mapayapa at maayos ang halalan tulad ng pagtitiwala natin sa gobyerno, magiging maayos din ang takbo ng ating bansa kung saan bahagi ng proseso ang ating matiyagang pagboto.

#iwearyellow

Ang Daliri sa aking Kanang Kamay