Pangarap. Dunong. Lakas. Pag-unlad. Maynila. Isang tula ng pag-asa

2015-category-title-dear-manila2018-post-image-dearmanila-manila447-01

This poem is part of Aurora Metropolis’ #Manila447 Series in celebration of Araw ng Maynila. The views expressed by the author does not reflect the view of all organizations he represent or he is affiliated with.


 

PANGARAP. DUNONG. LAKAS. PAG-UNLAD. MAYNILA
Isang tula ng pag-asa

 

Gusto kong makita at mahanap,
Siyudad kung sa’n ating nilalasap,
Pamumuhay na may hinaharap,
Mamamayang may mga pangarap.

Kabiserang ganap ang pagsulong,
Gobyernong handa laging tumulong,
Sa pagsubok ay hindi uurong,
May galing at walang hanggang dunong.

Kagitingan niya ay sadyang likas,
Kisig niya’y hinding-hindi aalpas,
Ganda’t tingkad man niya ay lumipas,
Kasaysayan niya’y tunay na lakas.

Ang kanyang tunay na hinahangad,
Bayang Manileñong may dignidad,
Tapat, ‘di maihahalintulad,
Kapit-bisig para sa pag-unlad.

Patuloy mong dalhin ang bandila,
Ikaw ang natatangi niyang tala,
Ngalan mo’y laging idadakila,
Pagpugay nami’y sa’yo, Maynila!

 

 

AURORA-NEW-LOGO-2015 copy_small

Maynila, kabihasnan nga ba ng mga bigong pangarap?

2015-category-title-dear-manila2016-post-featured-image-dear-manila-maynila-bigong-pangarap copy

Noong 1571, pormal na iniangat ng mananakop na si Miguel Lopez de Legazpi ang Maynila bilang isa sa mga pinakaunang lungsod ng noo’y kakatuklas lang niyang lupain na kalauna’y tatawaging Pilipinas. Ilang taon pagkatapos niyon, sa basbas ni Haring Felipe II, iniatas dito ang taguring “Insigne y Siempre Leal Cuidad” o “Most Distinguished and Ever Loyal City”, isang patunay ng napakalaking kumpyansa ng Espanya sa Maynila bilang kabisera ng kanyang kaharian sa Silangan. Mula noon, nabuo ang mas maraming pangarap ng bawat taong naging bahagi ng komersyo at pamumuhay sa lungsod. Sa loob ng mahigit tatlong siglo, marami sa mga pangarap na ito’y namunga at nagtagumpay, ngunit marami rin sa mga ito ang nabigo’t itinapon sa kawalan ang mga nasirang ninanasa.

Nang tuluyan nang ipinasa ng Espanya ang pamumuno ng Pilipinas sa Estados Unidos, natanaw ng marami na maisasakatuparan ang mga naudlot na pangarap sa pagpasok ng bagong panahon. Simbulo ng mga pangakong ito ang Maynila kung saan nasaksihan ang unti-unting pagbabago ng lipunang Pilipino. Umusbong ang komersyalisasyon at nakisabay din ang mga Pilipinong punong-puno ng ambisyon sa pagtatanim ng mga bagong binhi ng pag-asa. Tulad ng dati, marami ang nagsitagumpay pero marami pa rin ang nabigo’t patuloy na nilalabanan ang hamon ng modernismo.

Ngunit tulad ng pinaniniwalaan nating lahat, sadyang mapagbiro talaga ang tadhana. Huminto ang napakaraming pangarap sa pagdating ng mga Hapon. Halos nagdilim ang siyudad sa ilalim ng namumulang araw na nakaguhit sa watawat ng mga bagong mananakop. Hindi nagtagal, halos lahat ng mga pangarap na naging matayog ay natumbang parang tinangay ng alon ng pinagsamang tubig at dugo. Nawasak ang Maynila. Ang dating sagisag ng matagumpay na lipunang Pilipino, di kalauna’y naiwang durog, halos walang buhay, nanlulumo at bigo.

Saglit na tinanggal ang korona sa dating reyna noong 1948 habang dahan-dahan nitong ibinabangon ang mga pangarap na minsa’y naging simbulo ng iba pang pangarap. Maraming nagsasabing unti-unti na itong nanunumbalik, pero mas marami ang hindi sumasang-ayon. Dumating ang 1976 na hindi naisakatuparan ang pagtatayo ng isang bagong kabisera kaya’t nanumbalik sa Maynila ang dakilang karangalan bilang kabisera ng Republika na noo’y itinago sa mapanlinlang na “bagong lipunan”. Dumami ang mga nangarap na iniwan ang kani-kanilang mga sinilangan para mamuhunan ng ambisyon sa Maynila. Hindi nagbago ang pattern: marami ang nagtagumpay ngunit mas marami ang nabigo. Ang masakit na katotohanan sa senaryong ito: silang mga bigo ay naging parte na rin ng unti-unting pagkabigo na maibalik sa realidad ang mga bagay na sa mga aklat ng kasaysayan na lang nakikita. Patuloy ang rehabilitasyon. Patuloy ang pagpipilit na ibalik ang modelo ng isang tunay na lungsod. Patuloy ang paglalagay ng mga kolorete na para bang reynang inaayusan para sa mga haring gustong manligaw dito. Patuloy ang buhay, ngunit tila panahon na rin ang sumuko sa kanyang pagbabalik-karangalan.

Sumiklab ang makasaysayang pag-aaklas noong 1986, naupo ang limang pangulo, apat na alkalde at kung sino-sinong mga opisyal ng gobyernong nangakong ibabalik ang tinagurian nilang “old glory” ng Maynila. Lahat ay nauwi sa plano, sa mga pangako at di nagtagal ay naging panaginip na lang. Hindi tumigil ang pagdagsa ng mga nangangarap at nabibigo na maikukumpara sa malinis na tubig na nahuhulog mula sa tuktok ng bundok pero mauuwi lang sa maburak at mabahong ilog. May mga pangarap na patuloy na nagtatagumpay pero di kalaunan ay iiwan ang nagsilbing lupang yumakap sa kani-kanilang mga binhi noong sila’y papalago pa lang. May mga pangarap ding nananatili pang nakatindig ngunit sa nagmamadaling pagbabago ng panahon ay tila wala nang kasiguraduhan kung magtatagal pa sila’t patuloy pang masisilayan ang susunod na salinlahi. Sa bilis ng pag-ikot ng mga kamay ng orasan ay ganun din kabilis ang kanilang pag-agnas, pagkalaglag ng pira-piraso nilang mga parte at unti-unting pagkalusaw dahil sa paglimot. Ang kabihasnang minsang kasabay na nangarap ng mga tao ay nagiging libingan na ng mga nabigong pangarap at pangako.

Sa kabila nito, marami pa rin ang mga nagmamahal sa Maynila. Sila ang mga taong buong ingat na naglalakip ng mga pangarap ng Maynila sa kanilang puso’t isipan. Para na raw silang tanga sa paningin ng mga nagpapanggap na nagpapakatotoo, pero ang totoo, silang mga ‘eksperto’ ang tanga sa katotohanang ang mga pangarap na binuo para sa Maynila ay hindi kailanman mabibigo. Ang mga pangarap na ito’y dapat mahigpit na pinaninindigan ng sinuman, pamahalaan man o kanyang mamamayan hanggang dumating ang panahong may kakayahan na silang maisakatuparan. Ang mga pangarap ay hindi nabibigo, bagkus, ito’y nananatili’t naghihintay sa ihip ng hanging may dala ng tamang pagkakataon.

May panibagong tatlong taon na naman na paparating. Marami pa rin ang naniniwalang sa pagkapanalong muli ng bagong alkalde at mga kapwa pulitiko nito ay mananatili ang kabisera sa dilim at kawalang pag-asa. Sa panahong ito, magsilbi nawang maliliit na sigla ng liwanag ang mga nagmamahal sa Maynila, lalong lalo ang mga mismong ipinanganak, lumaki at bumuo ng sariling pangarap dito. Habang hindi pa dumarating ang katuparan ng kanyang mga bigong pangarap, iakibat nawa ng mga kislap na ito ang pagganap sa mabigat na tungkulin bilang makabayan, makatao at marangal na Pilipino. Tulad ng anumang ambisyon ng bawat tao, umuusad lamang ang mga pangarap na ito kung pinapaandar ng gawa’t determinasyon at iyon ay magmumula mismo sa mga taong ipinagmamalaki ang kanilang sarili bilang Manilenyo.

 

AURORA-NEW-LOGO-2015 copy_small

Si Andrey Khanov, Ang Bahagdan Ng Mga Nagbabasang Pilipino At Ang Kinabukasan Ng Wikang Filipino

Maaaring huli na ang artikulong ito para sa paggunita ng Buwan Ng Wka, pero sa pamamagitan nito’y nananalig ang sulating ito na hindi pa huli ang lahat para MAS pahalagahan pa natin ang ating lenggwahe’t kulturang pilit na natatabunan ng makabagong panahon.

Noong nakaraang linggo’y naitampok ni ABS-CBN News Senior Political Correspondent Lynda Jumilla-Abalos (@lyndajumilla) ang naganap na pagpupulong ng mga pinuno ng mga bansang kasapi ng Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) sa Vladivostok, Russia. Ngunit bago ang nasabing pulong ay nakilala ni Jumilla ang isang Russian volunteer na nagpamangha sa napakaraming Pilipino dahil sa kanyang matatas na pagta-Tagalog.

Maaaring hindi natatangi sa buong mundo ang tulad ni Andrey Khanov, 19, estudyante ng Moscow State University, pero sa isang bansang tulad ng Russia ay may isang estudyanteng nagkaroon ng panahon upang matutunan ang wika’t kultura ng isang bansang nasa alanganing estado ang ekonomiya, lipunan at pag-alala sa kasaysayang unti-unting nilalamon ng modernisasyon.

Isa sa mga hangad ni Khanov, ayon sa balita, kung bakit niya napili ang Pilipinas bilang lugar ng kanyang interes ay upang makatulong na makilala ang bansa sa kanyang bansa. Siguradong marami sa atin ang kahit papaano’y may kaalaman sa kontribusyon ng Russia sa kasaysayan ng daigdig. Sa layunin niyang ito’y maibabahagi ni Khanov ang handog ng Pilipinas at ng mga Pilipino sa mundo, at maipalaganap ang ating kulturang tunay na natatangi sa lahat. Dito rin ay mas nakikita natin kung gaano kahalaga ang pagpapahalaga ng ISANG BANYAGA sa ating SARILING WIKA.

Nitong Linggo naman ay naiulat sa TV Patrol Weekend ang pagbaba ng bilang ng mga Pinoy na nahihilig sa pagbabasa at ng mga Pinoy na bumibili ng libro. Ayon sa pananaliksik ng National Book Development Board, mas nahihilig pa raw tayo ngayon sa mga outdoor activity, lalong-lalo na ang mga kabataan sa kasalukuyan. Kaakibat nito ang pagbaba ng bahagdan ng mga bumibili ng mga aklat na hindi konektado sa eskuwela tulad ng mga novel, self help books at iba pa.

Hindi na kagulat-gulat ang sitwasyong ito na masasabi nating may kaugnayan sa kalunos-lunos na kalagayan ng edukasyon sa Pilipinas at ang namimiligrong lagay ng pagpapanatili ng mga sipi at istrukturang magpapakita ng ating kasaysayan at kultura sa mga susunod pang henerasyon ng mga Pilipino. Ang pagbabasa ang isa sa mga pundasyon ng karunungan, kapantay ng pagsusulat na inuumpisahan sa ating pagkabata. Ito ay pangunahing obligasyon ng mga magulang, ng pamilya, ng paaralan at ng pamahalaan upang lumaki tayong umuunlad gamit ang ganitong basikong kaalaman. Parte ng pag-unlad ng isang tao ang pagdiskubre ng mga bagay na patungkol sa agham, sining, paniniwala’t pananalig sa Diyos, at ang pagpapanatili ng kasaysayan at kulturang hinubog at ipinagtanggol ng ating mga bayani sa loob ng daan-daang taon.

Ano ang kaugnayan ni Khanov sa isyung ito? Sa unang tingin, sasabihin nating pareho lang tayo ni Khanov na gustong makilala ang kultura ng ibang bansa upang umunlad ang personal na karanasan at kaalaman sa mundo. Totoo. Pero ang kaibahan ni Khanov sa atin ay ang pagkilala ng kanyang lahi sa kahalagahan ng kultura’t kasaysayan, hindi lang sa ating kasalukuyang lipunan kundi sa ating sariling pamumuhay. Matatag ang bansang Russia sa pagbibigay nito ng importansya sa sining, panitikan, musika, pelikula, sayaw at maging sa mga produkto nila. Pero tayong mga Pilipino? Bilang mga indibidwal, gaano kabigat ang binibigay nating pansin sa sariling wika, sining, literatura, sayaw at mga bagay na gawa natin habang pinagtitiyagaan nating matuto ng salitang Korean, o pagkaadik sa KPOP at Korean drama o pagkalulong natin sa American action comics o Japanese manga? Gaano tayo kalalim sa pagsasalita ng wikang Filipino habang pinaglalaanan natin ng pera’t oras ang pag-e-enroll sa intensive foreign language classes? Paano tayo gumawa ng mga de-kalibreng pelikula at kanta na walang impluwensiya ng banyagang panlasa?

Hindi kaila sa atin na ang ating panahon ay nasa Internet age na. Lahat ng impormasyong ating kailangan ay ise-search mo na lang sa Google at mababasa sa Wikipedia. Ganito na rin ang kalakaran sa maraming bansa sa daigdig, pero bakit kahit gaano pa tayo ka-Internet savvy ay mabagal pa rin ang ating pag-unlad bilang ekonomiya at bilang isang bansa? Ito ay sa dahilang hindi natin pinaglalaanan ng masinsinang atensiyon ang pinakaposte ng karunungan — ang pagkatuto na magbasa ng aklat.

Ang aklat ay maituturing na kayamanang ibinahagi ng manunulat nito para maipasa ang kaalaman, emosyon at inspirasyong nagpamulat at nagpaunlad sa kanya bilang tao. Isang pribilehiyo ang makapagbasa ng aklat na hinabi ng mga magagaling na manunulat na nabuhay sa digmaan, paghihirap at kawalang pag-asa. Hindi mae-edit ng sinuman ang kaalamang nakalagay sa libro, lalo na kung isang eksperto at subok na totoo ang mga nakapaloob dito. Ang pagbili ng libro ay parang pagrerenta ng 24 oras sa isang internet shop. Mas nagtatagal kaysa ebooks sa IPad na kapag nalintikan ng virus ay mawawala na.

Ang pagkatuklas kay Khanov at pagkilala sa napakaraming dayuhang nagkakainteres sa ating wika’t kultura ay isang paalala sa ating lahat. Isang paalalang kinakailangan ng Pilipinas upang mapagtanto nating walang sinumang umuunlad ang hindi nagpapahalaga sa ugat ng kanyang katanyagan. Si Dr. Jose Rizal na mismo, ang Pambansang Bayani ng bansa ang nagsabi, na ang di marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda. At alam na alam natin na ang di marunong lumingon sa pinanggalingan ay di makararating sa paroroonan.

Hindi lamang sila mga pangungusap na tinuran para makapambola tulad ng ginagawa ng maraming pulitiko. Ang mga ito’y hinabi upang pakinabangan para lahat tayo’y makapagkamit ng kaunlarang naghihintay lang sa atin sa tamang patutunguhan.

 

Sanggunian:

Russian na magaling managalog, sinabulong si PNoyhttp://www.abs-cbnnews.com/video/nation/09/07/12/tagalog-speaking-russian-welcomes-pnoy-vladivostok

Business Nightly – Filipino-speaking Russian helps with APEC summithttp://anc.abs-cbnnews.com/videos/2262/filipino-speaking-russian-helps-with-apec-summit/