FAST POST #14: Dahilan Ka Ng Isang Milyong Komedya

(Para Sa Hari Ng Komedya Sa Pilipinas, SLN)

I. biro
ang batang Tundo
na nagtitinda
ng mani’t pakwan
sa harapan ng
isang sinehan,
nasa gitna ng
dusa at luksa
ng kahirapan,
pero siya ay
nagsumikap na
malagpasan ang
mga biro ng
mundo’t tadhana.

II. ngiti
sya nga si Golay,
ang namamayat
na mananayaw
at mang-aawit
sa entablado,
dugo ay bayan
ang unang labas
sa pelikula,
at kalauna’y
nagpasimulang
magpangiti sa
telebisyon sa
buhay artista.

III. bungisngis
sya nga si Pidol,
isang artistang
sumimbulo ng
bumubungisngis
na Pilipino,
ang manggagawang
nagmamahal sa
kanyang pag-arte,
tatay ng bayan,
baklang palaban,
at sagisag ng
realidad ng
ating lipunan.

IV. tawa
si Pacifica,
Fefita’t Omeng,
John Puruntong man
o Kevin Cosme,
si Markova at
Father Jejemon,
artistang walang
limitasyon sa
pagpapatawa,
walang inindang
anumang pagod
sa sambayanan.

V. halakhak
higit kumulang
na ngang pitumpung
taong halakhak
ang iniambag
sa mga Pinoy
mula pa noon
hanggang sa ngayon,
ang komedya nyang
inihain sa
Pilipinas ay
mananatiling
kayamanan at
kasaysayan.

VI. komedya
haring tunay ng
komedyang Pinoy,
hindi luha ang
aming pabaon
sa’yong pagpanaw,
dahilan ka ng
aming pagbiro,
ng pagpapangiti,
ng pagbungisngis
at ng pagtawa,
pagdiriwang ng
iyong buhay ang
aming pagtanaw.

VII. alamat
ang Panginoon
ay sobrang saya
sa’yong pagbalik
sa Kanyang piling,
isa kang tunay,
walang kapantay
na ngang alamat
ng pinilakang
tabing ng Pinas,
kami’y saludo
sa’yong dakilang
kontribusyon sa
iyong larangan.

MABUHAY KA, MANG DOLPHY.
MARAMING SALAMAT!
MANANATILING KAMING NGINGITI
AT PANANATILIHING BUHAY
ANG MASAYA MONG ALAALA.

 

 

Rodolfo “Dolphy” Vera Quizon, Sr. (July 25, 1928-July 10, 2012)

Photo courtesy of ABS-CBN News Online

Si Kevin Cosme At Ako: Pagsaludo Ng Aking Henerasyon Kay Dolphy

(Habang tinitipa ang artikulong ito’y naaninagan ko sa aking news feed sa Facebook na muling nakararanas ng pneumonia ang King of Comedy na si Dolphy na ilang araw na ring nananatili sa ospital dahil sa kanyang matagal nang sakit.)

[Lumaki ako sa panahong si Kevin Cosme ang solidong imahe ng napakraming tatay sa lipunang Pilipino. Biro man sa aking nakagisnang kamusmusan ang taguring “Baldo”, sa paraang iyon ay para ko na ring naging tatay si Mang Dolphy, at sa nangyayari ngayon sa kanya, naroon rin ang takot at pag-aalala na anumang oras mula ngayon ay mawawala na sa aming piling ang aking tatay, ang tatay ng henerasyong kinalakhan ko.]

***

Sino ba sa hindi nakakaalala ng sitcom na “Home Along da Riles” sa ABS-CBN Channel 2? Walang sinuman ang makakalimot sa programang ito, lalong-lalo na ang tulad kong namulat sa kasikatan ng telebisyon noong dekada ’90.

Dahil sa palabas na ito’y nagpatuloy ang pagiging simbolo ni Dolphy bilang ama, mula kay John H. Puruntong sa longest-running sitcom na “John En Marsha” hanggang sa  tumawid sa katauhan ni Kevin Cosme. Isa ito sa mga di-mapapantayang programa sa nabanggit na dekada na nagpatatag ng kanyang estado bilang Hari ng Komedya sa Pilipinas. Higit pa roon, halos lahat ng nag-umpisang magkaisip nang panahong iyon ay tinuring si Kevin Cosme bilang kanilang pangalawang tatay… at kasama ako sa mga iyon.

Sa aming pamilya’y walang Huwebes ng gabi na nilagpasan namin ang istorya nito. Sa kasagsagan ng kasikatan ng “Home Along da Riles” ay sumikat din si “Baldo”, ang bunsong anak ni Kevin Cosme na ginampanan ng noo’y matabang bata na si Vandolph Quizon (anak ni Mang Dolphy kay Vanessa Laxamana na kilala bilang si Alma Moreno) , Sobrang taba ko noon (kahit hanggang ngayon) at pareho pa kami ng buhok ni Vandolph kaya’t ang biro sa akin ng lahat ay “Baldo”. Nakasanayan ko iyon dahil sa tuwing manonood kami ng “Home Along” at ipapakita si Baldo ay sa akin sila tumitingin at tumatawa. Nakakainis talaga pero napagtanto ko namang totoo iyon. “Anak ni Kevin Cosme” ang isa sa naging bansag sa akin noon ayon sa aking pagkakatanda, kaya’t minsan ay parang feel ko na anak talaga ako ni Mang Kevin.

Lumaki ako sa panahong si Kevin Cosme ang solidong imahe ng napakraming tatay sa lipunang Pilipino. Biro man sa aking nakagisnang kamusmusan ang taguring “Baldo”, sa paraang iyon ay para ko na ring naging tatay si Mang Dolphy, at sa nangyayari ngayon sa kanya, naroon rin ang takot at pag-aalala na anumang oras mula ngayon ay mawawala na sa aming piling ang aking tatay, ang tatay ng henerasyong kinalakhan ko.

Kung ako ang tatanungin ay hindi magiging kasing-saya ang telebisyon at pelikula ng dekada ’90 kung wala si Mang Dolphy. Isa siya sa mga dahilan para tumawa ang mga Pilipino sa mga panahong iyon kaya’t hindi maitatangging malaki ang naging impluwensiya niya sa mga kasing-edad ko ngayon. Ang kalagayan ngayon ni Mang Dolphy ay masasabi nating “given” na dahil na rin sa palagi niyang pagkakasakit at pagtanda. Pero pilit niyang ikinukubli ito sa mga nakaraang taong patuloy pa rin siyang nagtatrabaho para sa industriya.

Naging bulalas din ng napakaraming mamamayan ang panawagang gawin nang Pambansang Alagad Ng Sining si Mang Dolphy habang siya ay nasa piling pa rin natin. Bagama’t nakatanggap na siya ng maraming makasaysayang pagkilala ay iba pa rin ang pagkilalang binibigay ng larangan ng sining at ng pamahalaang Pilipinas sa mga taong tulad ni Mang Dolphy na nag-ambag ng gabundok na impluwensiya at tuwa sa napakaraming henerasyon ng mga Pilipino. Malamig pa rin ang tugon ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) ukol dito kaya’t marami ang nalulungkot sa pahayag na ito ng ahensiya.

Sa kabila nito, hindi man siya magawaran ng National Artist award ay tayo na mismo ang nagluklok sa kanya sa ganitong pedestal. Maaaring pormalidad lang ang pagsusuot ng medalya ng pagiging National Artist, pero tulad ni Jose Rizal, si Dolphy ay isa nang National Artist kahit walang pormal na kasulatan. TAUMBAYAN NA MISMO ANG NAGGAGAWAD SA KANYA NITO.

Kahit minsan ay hindi ko nakausap, ni nakamayan man lang si Mang Dolphy kahit lagi ko siyang nakikita noon sa loob ng bakuran ng ABS-CBN. Pero kung bibigyan ng pagkakataon, gusto kong magpasalamat sa kanya bilang bata noon na kahawig ni Baldo na napatawa niya sa panonood ng “Home Along da Riles”. Gusto kong ibigay sa kanya ang gawad ng pagsaludo mula sa henerasyon ng dekada ’90. Gusto kong sabihin na ako, ang batang napagkakamalang si Baldo, ay nagpapasalamat kay Tatay Kevin sa pagiging mabuti’t responsableng ama sa kanyang mga anak na tagapagtangkilik ng telebisyong Pinoy.

Dumaan man ang tren at magiba man ang bahay mo dahil sa pagyugyog sa riles ay naririto kaming mga anak mo para ipanalangin ang iyong paggaling. Mahal ka ng Diyos, Mang Dolphy! Kaya mo yan, Tatay Kevin!