FAST POST #29: Wake Me Up When September Ends

Matatapos ang buwan ng Setyembre na may dinaramdam ang aking katawan.

Habang tinitipa ang artikulong ito ay ikalawang araw na akong may sakit. Akala ko noong una ay normal na pangangalay lang ng aking kaliwang binti ang problema. Hindi ko nagawang makapunta sa isang ispesyal na pagdiriwang dahil dito at sobra ko itong ikinalungkot. Dumating ang gabi at dito ko naramdamang mainit na ang katawan ko. Nilalagnat na ako, sabi ko sa aking sarili. Pinilit kong hindi magpahalatang ganoon na kainit ang pakiramdam ko dahil ayoko ring mag-alala ang mga tao sa aming tahanan. Ayoko na ring maging karagdagan sa alalahanin nila.

Sa kalaliman ng gabi ay dumating sa aking pag-iisip ang napakaraming bagay. Paano na ang mga inaasikaso kong aktibidad para sa mga kabataan? Paano na ang mga bagay na gusto ko pang gawin sa hinaharap? Paano ko na maitatama ang mga nagawa kong mali? Napakaraming tanong ang dumating sa aking utak, pero ang hindi ko inaasahan ay ang tuldok ng lahat ng ito. Natatakot akong mamatay, at kung mangyayari man ito ay dapat na akong maghanda.

Kanina, gumising akong ang tumutugtog sa radyo ay “What A Wonderful World” ni Stevie Wonder. Nakatatak pa rin sa aking isipan ang kamatayan kaya’t bago bumangon ay nagsimula ako sa panalangin. Buhay pa ako at sobra ko itong ipinagpapasalamat sa Panginoon. Magkagayunman, sa unang pagtayo ko sa araw na ito ay nanatili pa rin sa aking pag-iisip ang mga dapat kong gawin. Pabilis nang pabilis ang oras kaya’t hindi talaga tamang dumating ang sakit na ito. Lumala ang aking lagnat, ngunit hindi pwedeng maapektuhan nito ang mga kinakailangan sa mga susunod na araw. Sa gitna ng pagkabahalang ito ay pumitik sa akin ang isang bagay na nakalimutan kong mapagtanto.

Ang pagkakaroon ko ng sakit ay tila ba isang panggising sa akin ng Diyos. Hindi ko alam kung para saan, para kanino o para sa anong sitwasyon, pero itinuring ko itong paalala na kailangan kong mahalin ang aking sarili, lalo na ang aking kalusugan. Bukod pa roon, mukhang marami rin akong nakakalimutan dahil sa sobrang pagkaabala sa mga bagay-bagay na hindi ko mailarawan gamit ang mga salita. Sa huli, habang patuloy na lumalaban sa aking nararamdaman hanggang sa mga oras na ito, dito pumasok sa akin na ang kamatayan ay bahagi ng paghahanda ng tao sa ating pagbabalik sa Kanya. Kaya habang tayo’y nabubuhay pa ay gawin natin ang lahat, lalo na sa ikabubuti ng ating mga sarili. Sa pagtatapos ng ating buhay, lahat tayo ay babalik sa Kanya at ikararangal na ang pinahiram Niyang katawan sa atin ay napangalagaan natin ayon sa kung paano tayo nabuhay sa mundong nilikha ng Langit para sa minamahal Niyang mga nilalang.

At tulad nga ng pamagat ng isang banyagang awitin, ginising ako ng Panginoon sa pagsasara ng buwan ng Setyembre. Bahala na Siya sa akin, at kung ipag-aadya man ng karugtong na buhay, ay kailangan ko nang bumangon sa Kanyang panggigising.

FAST POST #22: Babang Luksa

Nang subukan kong balikan ang isang artikulo noong isang taon ay hindi ko mapigilang lumuha. Tila bumalik ang pakiramdam ng pangungulila sa pagkawala ng isang kapatid, isang kapamilya at isang kaibigan.

Isang taon na ang nakalilipas nang pumanaw si Bunny, ang aming kuneho. Hindi ko naman matatanggi na nasa puso ko pa rin ang kalungkutan, na sa tuwing makakakita ako ng kuneho ay siyang lagi ang tangi kong naaalala.

Tulad ng isang namatayan, sa paggunita ng unang anibersaryo ng kanyang kamatayan, ay kinakailangan ko nang mag-babang luksa. Marahil ay ito na ang panahon upang tanggapin nang buo ang kanyang kamatayan.

Mananatili siyang buhay sa aking alaala. Lagi mo kaming bantayan, Bunny.

 

Punyal Ng Luhang Nagmamahal

Ginawa ko ang panitikang ito (hindi ko alam kung matatawag ko itong sanaysay o mas maikling kuwento) noong 2006. Marahil ito ang gagawin ng mga taong binigo ng inakala niyang tunay na pagmamahal. Nawa’y magustuhan ninyo. Enjoy!

Punyal ng Luhang Nagmamahal

Ipinangako natin sa harap ng dambana na tayo’y magiging isa habambuhay. Pinabasbas natin sa Kanya ang sagisag ng ating walang hanggang pag-irog. Inihayag mo sa ngalan Niya ang iyong sumpa na ako’y iaandukha sa hirap at ligaya.
Hindi ko mawari, pero namuhay naman tayong puno ng pagmamahalan. Nagkaroon tayo ng sariling pugad at mga retasong ating huhubugin para sa hinaharap. Nagsalo tayo sa iisang kama, na dama ang katapatang sa ati’y napugal.

Ngunit bakit ganoon? Sadya bang may taning ang pag-ibig? Bakit nasaktan sa piling mo? Lahat ba ng iyong mga pangako’y nalimot mo na, o nililimot mong sadya? Lahat ba ng ating mga nabuong pangarap ba’y tunay, o talagang isang kalokohan? At ang iyong pagmamahal, talaga bang tadhana ang sumira, o ikaw ang pumutol sa kadena?

Heto ako ngayon, kaharap mo’t nananangis. Lumuluha nang malalim sa kalooban habang umiihip ang hangin sa damuhang iyong kinalalagakan. Bilang huling handog, narito ang mga rosas, simbulo ng tunay na pag-ibig na hindi mo pinahalagahan. Iiwan ko ito sa iyong hantungang tuluyan kong lilimutin. Kasama mong malilibing ang mga pangarap na huwad na ating inumpisahan. Kahit ganoon, inaamin kong minahal kita nang higit pa sa buhay ko. Pero hindi ako nagsisisi na ang kamay kong may hawak na punyal ang tumapos sa kabuktutan mo. Paalam at manatili nawa ang iyong kaluluwa sa katahimikan.

Reposted from my Facebook Account, published July 31, 2010
LemOrven