TATLONG BATA SA PUSOD NG DIGMAAN: Pananaw Sa Pelikulang “Captive” ni Brillante Ma Mendoza

Babala: Kung nagbabalak pa lang kayong panoorin ang pelikula ay mangyaring huwag munang basahin ang artikulong ito. Maaaring may mabanggit ditong mga eksena at makaapekto sa inyong pananabik sa panonood ng obra maestrang magpapaiba ng ating pananaw sa isang bahagi ng di-makakalimutang pangyayari sa kasaysayan ng Pilipinas.

Wala na yatang bansa sa mundo ang hindi nakaranas ng digmaan. Iba’t ibang grupo o paksyon ang nagbabanggaan para sa kani-kanilang paninindigang maaaring nagbusod sa pansariling intensiyon at paniniwala sa relihiyon, ideolohiya at pananaw sa pulitika. Kabayaran nito ang bawat dugong pumapatak na parang ulan sa bawat kapatagan at kabundukan kung saan nagaganap ang kaguluhan. Kapalit nito ang napakaraming nasayang na buhay para makamit ang minimithing paghahari ng kanilang pinaniniwalaan. Kinakalimutan ang presensiya ng kapayapaan at pagkakaintindihan upang magbigay-daan sa pananaig ng galit sa kalaban.

Ang Mindanao, sa maraming taon ay naging huling hantungan ng libo-libong Pilipino, sibilyan man, sundalo, rebelde o terorista, at kahit ng mga dayuhang pare-parehong naging biktima ng digmaan. Sa kabila ng mga dapat ipagmalaking likas na yaman at kultura ay nababahiran ito ng pagkakakilanlan bilang isang lupaing walang katahimikan at pugad ng mga pinakamabibigat na banta sa seguridad, hindi lang dito kundi ng buong daigdig. Isang paraisong sa kasaysayan ay naging simbulo ng relihiyong Islam sa Pilipinas at kalauna’y naging simbulo ng takot at terorismo ng ating bansa.

Naging malagim na panahon sa kasaysayan ng Mindanao, partikular sa mga lalawigan ng Basilan at Zamboanga ang mga unang taon ng bagong milenyo (2000 hanggang 2002) at ito ang naging sentro ng pelikulang “Captive” na idinerehe ni 2009 Cannes International Film Festival Best Director Brillante Ma Mendoza, isang Pilipino. Hango sa mga aktwal na pangyayari mula noong Dos Palmas kidnapping incident, Lamitan Siege hanggang sa malawakang opensiba laban sa teroristang Al Qaeda/Abu Sayyaf, ang “Captive” ay nagsilbing mata ng mga tagapanood sa mga tunay na kwento’t karanasan ng mga hostage, militar, mga mamamayan ng Mindanao na karamiha’y Muslim at mismong mga rebeldeng suspek na naging bahagi ng digmaang ito.

Ipinakita rito ang paglalakbay ng mga hostage at terorista na umanggulo sa napakaraming perspektibong hindi naging lantad sa mga ordinaryong Pilipinong nakibalita rito noon. Magkagayunman, lumutang dito ang tatlong batang naging bahagi ng ilang eksenang napakamakahulugan sa pelikula:

Ang Sanggol Na Isinilang Sa Sinapupunan Ng Makasaysayang Tunggalian. Walang magulang ang gustong ipanganak ang kanyang supling sa gitna ng digmaan at sa piling ng mga taong tinutugis ng kinauukulan. Nakakadurog ng puso ang eksena kung saan isinisilang ng isang ina ang kanyang sanggol habang nagbabakbakan ang mga rebelde’t sundalo sa Dr. Jose Ma. Torres Hospital kung saan naganap ang makasaysayang Lamitan Siege sa Basilan noong 2001. Habang unti-unting inilalabas ang bata sa sinapupunan ng babae ay kasagsagan ng opensiba ng pamahalaan para mailigtas ang mga hostage at mga pasyente ng ospital. Nakalungkot na sa ganito kalagim na sitwasyon unang madarama ng sanggol ang mundong kanyang kalalakhan. Ngunit sa kabila niyon, naging simbulo niya ang pagsibol ng bagong pag-asa ng Inang Bayan upang maibalik ang kapayapaan.

Ang Musmos Na Nadamay Sa Gitgitan Ng Mga Terorista’t Pamahalaan. Ang makasama sa isang masaklap na karanasan tulad ng hostage taking ay di isang pangyayaring madaling kalimutan. Marami sa mga nagiging biktima nito’y nakakaranas ng trauma, lalong lalo na sa mga bata. Ang batang lalake sa pelikula na anak ng isa sa mga hostage ang naglalarawan dito. Sa kanyang murang edad ay dinaranas niya ang pagpapahirap ng mga rebelde kung saan wala siyang sapat na kaalaman sa mga pinaglalaban nito. Sa mga tulad niya, na dapat ay paglalaro at pag-aaral ang ginagawa ay nagiging biktima ng ganitong klaseng karahasan na maaaring mag-iwan ng malaking sugat sa kanyang isipan hanggang sa kanyang pagtanda.

Ang Kawal Na Namulat Sa Laban Ng Relihiyong Dinadalanginan. Maitutiring ding biktima ng digmaan ang mga rebelde na tila binulag ng kanilang mga paniniwala at handa silang pumatay at mamatay para rito. Ngunit mas kalunos-lunos ang makita sa sitwasyong ito ang mga mandirigmang bata na minulat ng mga nakatatanda na maging marahas para sa kanilang ideolohiya at relihiyosong paniniwala. Katulad ni Ahmed, isang batang miyembro ng Abu Sayyaf sa pelikula na tila sinubok na ng pag-iisa at ng mga pagkakataon para maging bihasa sa pakikipaglaban. Pilit niyang kinakalimutan ang mabuhay nang ayon sa kanyang edad at nagdesisyong ihinto ang pag-aaral nang mamatay ang kanyang magulang. Tila matanda siya kung humawak ng baril at magtago sa kagubatan para protektahan ang paniniwalang aniya ay alinsunod na pahayag ng Banal Na Koran. Sa tinuturing niyang Jihad o “Banal na Digmaan” ay handa niyang ibuwis ang kanyang buhay at kumitil ng ibang buhay gamit ang kanyang mga kamay para sa umano’y tagumpay ng relihiyong Islam at ng hinihinging kalayaan ng mga Pilipinong Muslim aa Mindanao.

Hindi ganito kalinaw na idinitalye ng alinmang pelikula o dokumentaryo ang ganitong perspektibo ng “Captive” na umiikot sa naging trato ng mga terorista sa kanilang mga bihag. Bagama’t ito’y isang kwentong ginawa lamang mula sa mga tunay na pangyayari, sa ganitong punto’y naging matagumpay ang pelikula, sa pangunguna ni Mendoza na maihatid ang posibleng mga pangyayari sa loob mismo ng teritoryo ng mga taong tinuturing na kalaban ng bayan.

Si Rolando Mendoza, Si Venus Raj, At Ang Kapalaran Ng Pilipinas Sa Paningin Ng Mundo

.

Isang pananaw sa hindi normal na simula ng huling linggo ng Agosto para sa bansang Pilipinas.

Lunes ng gabi, ika-23 araw ng Agosto 2010. Nagngangalit ang kidlat at kulog at umiyak ang kalangitan sa Lungsod ng Maynila. Hindi kakaiba sa bansa dahil panahon na ng tag-ulan, pero hindi normal na gabi para sa bansang nag-uumpisa nang simulan ang bagong pagbabago sa bagong administrasyon.

Hinostage ang tourist bus ng mga Hong Kong nationals, kabilang ang ilang Pilipinong kasama nito ng isang dating pulis na kinilalang si senior police inspector Rolando Mendoza. Nauwi ang lahat sa isang madugong katapusan mula sa mapayapang paghingi nito ng demand sa pamahalaan dahil sa di-umano’y hindi makatarungang pagkakatanggal sa kanya sa serbisyo. Namatay si Mendoza sa kalunus-lunos nitong itsura, at sa mga oras na ito’ysampu na ang kumpirmadong patay at ilan pa ang ginagamot sa iba’t ibang mga ospital. Kagabi, halos wala pang isang oras pagkatapos ng insidente ay naglabas na ng travel ban ang pamahalaang Hong Kong at ilang mga bansa sa Asya laban sa Pilipinas. Naibalita sa mga international media outlet at nagimbal ang sambayanan sa isang hostage drama na nagpadagdag ng pangamba sa mata ng buong mundo…

(Larawan mula sa Associated Press)

.

Martes ng umaga, ika-24 ng Agosto 2010 (gabi sa Estados Unidos). Maaliwalas ang takbo ng mga ulap at walang binabadyang sama ng panahon. Isang kakatwang umaga mula sa isang malagim na gabi. Isang umagang muling ipinagbubunyi nating mga Pilipino sa loob ng 11 taon.

Nagawa ni Binibining Pilipinas-Universe Maria Venus Raj na ilagay ang Pilipinas sa Top 5 ng prestihiyosong Miss Universe 2010. Matatandaang ang pinakahuling Pilipinang nakapasok sa elite circle ng Top Miss Universe contenders ay si Miriam Quiambao noong 1999 sa Trinidad and Tobago. Sinubaybayan ng buong bayan sa telebisyon ang coronation night  at sinuportahan naman ng mga Pinoy sa Amerika na nanood sa mismong venue sa Mandalay Bay sa Las Vegas, Nevada USA, ginawa ni Raj ang kanyang makakaya upang makamit ang korona ng kagandahan na naging mailap sa ating bansa sa mahigit na tatlong dekada. Hindi man nagtagumpay, nakuha niya ang 4th runner-up position at ang nag-iisang Asyanong nakapasok sa top spot ng kompetisyon sa taong ito…

Trahedya, tagumpay, hindi maipaliwanag na emosyon, nakakabulabog na mga sitwasyon.

Maraming nagsasabing ang mga nangyayari kagabi ay isang kahiya-hiyang senaryo para sa ating bansa sa paningin ng ibang bansa. Maraming nagsasabing ang nangyari kanina ang babawi sa kahihiyang natanggap ng Pilipinas kagabi, kahit papaano.

Masakit sa mga nakaligtas ang maalalang namatay ang kanilang mga kaibigan sa kanilang tabi – sa isang kagimbal-gimbal na sandali. Masakit para sa isang taong nanghihingi ng katarungan ang nakikitang sinasaktan ang kanyang mga kaanak sa sitwasyong siya lang ang dapat na harapin. Masakit para sa ating bansa na sa isang iglap, sa isang eksenang ang isang naagrabiyado ay naghahangad na malinis ang kanyang pangalan, ang siyang magbibigay-dungis sa isyung panseguridad ng Pilipinas.

Sa kabilang banda, masayang makita na ang kinatawan natin ay nagtagumpay gamit ang kagandahang likas sa isang Pilipina. Masayang maramdamang isa tayo sa may pinakamagagandang nilalang sa buong mundo sa taong ito. Masaya pa ring sabihin, kahit papaano, na ikinararangal kong isa akong Pilipino.

Kung anuman ang mga nangyari sa atin sa mga nalalabing araw ng buwang ito, sabihin na nating ito’y itinadhana. Kung ito ang tadhana ng ating bayang minamahal, masasabi kong alam ng Diyos na kakayanin natin ang nagaganap sa kasalukuyan. Lagi nating sinasabi, hindi Niya tayo bibigyan ng pagsubok na hindi natin kayang solusyunan.

.

.

August 24, 2010 4:32pm

LemOrven