FAST POST #17: Ano Ang Pagiging Kristiyano? (Base Sa Aking Mga Karanasan At Natutunan)

Wala akong iko-quote na Bible verse sa artikulong ito. Lahat ng ito ay base sa aking buhay bilang tagasunod ni Hesus bilang aking Diyos at Tagapagligtas. Kung anuman ang aking masabi, nawa’y galangin ito ng mga mambabasa. Hindi intensyon ng manunulat na manira ng grupo o relihiyon. (Masyadong maaga para sa Semana Santa pero eto ang nararamdaman kong isulat ngayon.)

Lumaki ako na isang mahinang klase ng Katoliko. Sa aking natatandaan, pumupunta lang ako sa simbahan kapag: 1.) New Year 2.) birthday ko 3.) Easter Eve/Salubong 4.) Simbang Gabi [at ilang taon ko siyang nakukumpleto sa parehas na oras, 3:00am] 5.) Christmas Eve [bago mag-Noche Buena] ; at 6.) New Year’s Eve [kapag malakas ang loob kong hindi mapuputukan ng mga paputok sa kalye papunta’t pauwi] . Minsan lang sa isang taon ako nagsisimba sa araw ng Linggo o magdasal bago matulog at pagkagising. Nag-a-antanda ako kapag napapadaan sa simbahan, pero ginagawa ko lang yun dahil nakasanayan ko na dahil nga ako’y isang Katoliko.

Nitong taon ay nagpasalamat ako dahil nabuksan ang aking puso upang makilalang muli ang Diyos sa pamamagitan ng isang international youth organization na pinapatakbo ng isang born-again Christian group na base sa Korea. Naging masaya ako dahil nakakilala ako ng mga bagong kaibigan, Pilipino at Koreano, pero ang importante’y muli kong nakaharap si Hesus bilang nag-iisang nagligtas ng aking kaluluwa.

Wala akong nakitang masama sa kanilang mga pangaral dahil naniniwala akong ang mga Kristiyano, magkakaiba man ang sinasalihang grupo, ay nananalig sa kung ano ang inihayag ng Panginoon sa Bibliya. Nakabuti ang kanilang pagtuturo ng mga Salita ng Diyos upang guminhawa ang aking buhay-ispirituwal.

Wala akong nakitang mali sa grupo at kanilang turo, pero ang mali ay nasa iilang tao sa loob ng grupo. Habang tumatagal ay naramdaman ko ang isang pagkakamaling sa tingin ko’y hindi maka-Kristiyano — ang kawalan ng respeto at pagkait sa pagtanggap sa tunay na ako. Sa ilang buwang pagpo-focus ko sa pagbabasa ng Bibliya ay wala akong natandaang nambastos si Hesus o nagkondena sa pagkatao ng isang tao. Kahit ang makasalana’y Kanyang tinanggap at pinatawad ang mga kasalanan. Binigyan Niya ng pagkakataon ang lahat na makilala Siya at isapuso ang Kanyang mga aral nang walang pangmamata sa tunay na katangian ng mga taong Kanyang naengkwentro.

Ganoon ang inaasahan ko noong una, tinatanggi ang mga sitwasyong aking nakita na parang di makatarungan. Pero dahil sa mga sitwasyong di intensyonal ay napagtanto kong hindi sa lahat ng pagkakataon ay pwede mong buksan ang iyong puso sa lahat ng oras dahil hindi lahat ng nakakausap mo ay mapagkakatiwalaan mo at hindi lahat ng nakikinig sa’yo ay makakaintindi sa kalagayan mo.

Wala akong sama ng loob sa grupong ito dahil binigyan nila ako ng pagkakataon upang makilalang muli ang Diyos sa aking buhay. Binigyan nila ako ng daan upang ipakita ang talento ko bilang lider at bilang kapaki-pakinabang na kabataan. Nagpapasalamat ako sa Diyos at nakilala ko sila at natuto ng napakaraming bagay para maging isang tunay na Kristiyano.

Maaaring sa artikulong ito’y sasabihin ng iilan na ako’y “natisod” na sa paniniwala ko kay Hesus at sa Magandang Balita ng Panginoon. Maaaring maraming magagalit at madidismaya. Pero mula sa natutunan ko sa kanila, ang matutunang rumespeto at tanggapin ang kahinaan ng tao ay mga bagay na dapat taglayin ng isang Kristiyano. At kung totoo silang Kristiyano at totoong naging kaibigan nila ako, ay matatanggap nila at gagalangin ang desisyong ito na idinulog ko sa Panginoon sa sapat na panahon.

Maaaring natisod nga ako bago ko muling pahalagahan si Hesus. Pero katulad ng una kong sinabi sa Facebook, aalis lang ako sa grupo pero hindi sa pananampalataya. Ang Kristiyano ay mananatiling Kristiyano hangga’t buong puso kang naniniwala na si Hesus ang iyong Panginoon at Tagapagligtas. Maaaring kailangan ng isang grupo o simbahan para mapatatag ang iyong kaluluwa para kay Hesus. Magkagayunman, hindi sa grupo ng mga tao makikita ang kasiyahan, kundi sa paniniwala mo sa Kanya..Hangga’t nananalig ka kay Hesus at nananatili sa’yo ang katangiang maka-Kristiyano, lalo na ang paggalang, pagtanggap at pagtitiwala na Diyos lang ang magbibigay sa’yo ng pagbabago at Kaligtasan, ibibigay sa’yo ng Langit ang kanyang papuri, pasasalamat at biyayang hindi mo inaasahan.
Ngayon ko lang napagtanto na ako lang ang mali sa aking pagdududa sa aking kinagisnang paniniwala, pero matagal na pala akong iniligtas ni Hesus. Tinatago lang pala ng aking pag-iisip ang pananampalataya ko sa Kanya. Gumawa lang Siya ng mga sitwasyon upang makilala ko Siyang muli at manatili sa Kanya. Gumawa Siya ng paraan upang ipunla sa aking puso na hindi basehan ang pagpapalit ng relihiyon upang maibalik ako sa Kanyang bisig.

Eto ang tunay na muling pagsilang. Ang pagbabalik loob kay Hesus bilang mas kapaki-pakinabang Niyang lingkod. Ang pananatili sa tunay na paniniwalang Katoliko gamit ang mga karanasan at mga natutunan para maging matibay na Kristiyano.

Mas kakayanin ko nang dumalo sa mga misa tuwing Linggo, isasapuso ang bawat antandang aking gagawin kapag ako’y dumadaan sa harap ng simbahan, at magiging mas makabuluhan na ang aking magiging dasal tuwing gabi at umaga para magpasalamat sa buhay na kanyang ipinagkatiwala.

Sa Ngalan Ng Ama, Ng Anak, At Ng Espiritu Santo. Amen.

FAST POST #16: B-BER > Believe in Bolder and Exciting Realizations

PAALALA: Hindi ko po pino-promote si Justin Bieber sa title nito. Hindi niya po ako fan (kahit minsan sa buhay ko ay kumanta ako ng Baby at Eenie Meenie)

Kung naging blanko ako nitong Agosto, ngayon naman ay mananaig ang aking paniniwala na may magandang pangako para sa akin ang “ber” months.

Dito sa Pilipinas ay nagsisimula nang magbilang ang marami ng araw bago mag-Pasko. Hindi mo naman masasabing nagmamadali pero ang tingin ng mga tao sa “ber” months ay huling bugso ng paghahanda sa paggastos, paghahanap ng pagmamahal para hindi SMP o kaya maging maligalig na darating si Santa at tutuparin ang kanilang kahilingan.

Ako? Nagdaan na ako sa mga paniniwalang iyon ng aking buhay. Hindi ko sinasabing hindi na ako dadaan pa roon, pero mas maganda kung magiging iba ang pagharap ko sa “ber” months.

25 years old na ako sa Marso pero hindi ko pa rin matanto ang pagtanggap sa realidad ng daigdig. Dumaan na ako sa mga puntong ikondena ang ginagalawan kong mundo dahil wala namang tamang nangyayari rito. Pero naisip kong mali ako dahil hindi naman ito makakatulong na madagdagan ang tunay na kaligayahan sa buhay.

Ang pagtingin sa realidad ay isa sa mga bagay na napakahirap gawin. Dahil ba sa sobrang pangit ng katotohanan kaya ayaw natin makita? Siguro. Pwede. Pero kung naroon tayo sa sitwasyong makikita natin ang katotohanan bilang inspirasyon, lakas ng loob, at katibayan na tatagan ang ating pananampalataya, maaaring ito pa ang magbigay sa atin ng katiting na pag-asa at kahit papaano’y magdala sa atin ng walang kaplastikang kasayahan.

Uulitin ko po: Hindi po ako fan ni Justin Bieber kahit may mga pagkakataong na-LSS ako sa That Should Be Me at You Smile, I Smile

B-BER, Believe in Bolder and Exciting Realizations. Paniniwala sa mas lantad at kapana-panabik na katotohanan/realidad. Ganito ko gustong kaharapin ang natitirang mga buwan ng taong 2012 – ang mga “ber” month. Aaminin kong nabuhay ako sa pantasya, pangarap at panaginip sa mga taon ng aking buhay. Walang masama rito. Pero sa mga nalalabing panahon bago ako tumuntong sa edad na 25, dapat ko na sigurong tanggapin nang buong puso ang katotohanan ng buhay, hindi lang ng sa akin kundi ng aking mga taong nakakasalamuha at ang mundong aking kinalalagakan.

Ang pananalig sa realidad na may positibong pag-iisip at ngiti sa mga labi ang nagbibigay sa atin ng lakas at karunungan upang suungin ang buhay. Binigay sa atin ng Diyos sa pananampalataya sa Kanya, sa Kanyang mga salita at Kanyang mga gawa upang iparamdam sa atin na sa kabila ng kapangitan ng realidad, nariyan ang mga ito upang ibigay sa atin ang pagtingin nang tama at may timbang sa realidad kung saan tayo nabubuhay. Kapana-panabik itong pagsubok ng Panginoon sa atin, hindi lang natin natatanto nang lubusan.

Ngayon, sa unang araw ng Setyembre 2012 ay tatanaw ako hanggang sa December 31, 2012 kay Bieber, este sa ano pala… (hehe! patawa kalbo) sa pagharap sa realidad ng buhay nang may pananabik at pagtitiwalang sa basura ay may gintong makukuha; na sa pangit ay may gandang masisilayan; sa kawalan ay may liwanag na matatanaw; at sa kalungkutan ay may kasiyahang mararamdaman.

Ang Pagiging Pinuno Gamit Ang Tunay Na Puso

Ang pinuno ba’y ipinapanganak o hinuhubog ng mga karanasan ng kanyang buhay?

Minsan ko nang narinig sa aking mga guro noong elementarya na ako’y magiging isang magaling na lider paglaki ko. Tumatatak ito sa aking isipan hanggang sa ngayon. Kung tutuusin, isa itong compliment, tama? Pero nang aking pagnilay-nilayan ang papuring ito, may nakabiting tanong sa aking sarili: ano nga ang magaling na pinuno? Magaling nga ba talaga akong pinuno?

Bilang estudyante, hindi ko inasam na tumuntong sa entablado ng graduation ceremonies noong elementary at high school bilang isang honor student. Makapasa lang, OK na. Magkagayunman, mas aktibo ako sa mga gawain kung saan dahil na rin sa aking mga nalalaman ay ako ang napipiling maging lider ng isang pangkat o grupo. Kung may matatanggap na karangalan ay ako ang unang makakasagap, at kung may pagkakamaling hindi inaasahan, ako ang unang tatanggap ng sisi. Ganito lang ba talaga tumatakbo ang buhay ng isang lider?

Dumating sa buhay ko ang isang senaryong sinubok ang aking karakter bilang pinuno nang sumali ako sa isang programang hain ng pamahalaang lungsod ng Maynila para sa mga kabataan. Oo, mayabang ako sa puntong iyon dahil sa dami ng pinagdaanan ko sa maraming bagay ay magaling na ako at halos alam ko na ang lahat. Gayundin ang tingin sa akin ng iba kaya mas lalo pa akong tumataas, kaya ganun na lang ang tiwala sa akin ng mga mas nakakataas para hawakan ang grupo ng kabataan mula sa aming distrito. Dumaan ang mga papuri sa aking harapan na tila binubuhat ako sa rurok ng langit, tila walang katapusang ginhawa na ayoko nang bumaba sa pedestal ng iba. Pero natapos ang mga ito at dumating ang tunay na hamon. Worst case scenario, kumbaga. Naghahanda ang lahat ng distrito para sa closing ceremonies ng programa kaya’t lahat ng preparasyon ay nakatuon sa mga officer ng grupo, kung saan ako ang mas nakakaangat (kahit hindi ako ang presidente). Dumating sa punto na dahil alam nilang marami kang alam ay iaasa nila sa’yo ang mga responsibilidad at tinatanggap mo kahit di mo na kaya. Ang pinakamasakit sa lahat ay ang expectation nila sa’yo, na kapag hindi mo sila nakumbinsi na ang ginagawa mo ay tama ay ikaw pa ang mapapasama. Dito ako tuluyang sumuko at dito ko napagtanto na hindi lang sila ang mahina kundi ako mismo. Natapos ang programa na hindi ako naging kumportable, bagkus, para akong kulay pula na mainit sa mata ng marami.

Pumasok ang taong 2012 na napakaraming pangakong gustong ialay para sa aking kinabukasan, pero may isang pagkakataong binigay sa akin ang Diyos para masagot ang isang malaking tanong sa aking isipan — ang pagkakaroon ng pagkakataong maging lider sa Kanyang paningin.

Hindi ko aakalaing ang pagiging kinatawan ng mga kabataan ng Tundo sa 2011 World Camp Philippines na inorganisa ng International Youth Fellowship (IYF) ang magiging susi para masagot ang tanong na ito. Hindi ko gaanong sineryoso ang youth convention na ito dahil may mga bagay doon na lubos kong pinagtatakhan gaya ng pag-alam sa mundo ng puso ng mga kabataang lider. Mundo ng puso? Alam ko may mamimilosopo sa inyo sa mga salitang iyon gaya ko nang una kong marinig iyon. Ang hindi ko alam, planado pala ang lahat ng ito. Planado Niya.

Sa World Camp na iyon ay nanalo ako sa isang eleksyon bilang youth head of advertising, at ang nakakatawa roon ay sobra sobra pa sa majority votes ang nakuha ko. Hindi ko pa rin sineryoso ang pagkakahalal kong iyon. Hindi ko sineryoso ang pagkakataong iyon hanggang dumating ang Korean Camp noong Enero na inorganisa rin ng IYF. Sumama ako sa Korean Camp para makakita ng maraming Koreano, makapamasyal sa Nueva Ecija na hindi ko pa napuntahan noon, at lumayo sa napakaingay na Maynila. To sum it up, gusto ko ng comfort at peace of mind… pero higit pa roon ang nakuha ko. Sa isang linggo ko sa Korean Camp kasama ang grupo ng Korean student volunteers ay nakita ko sa kanila ang mga ngiting di matumbasan sa tuwing nakakasalamuha nila at natuturuan ang mga kabataang Pilipino. Yun yung mga ngiting galing sa puso na talagang nakakahawa. Kahit sa gitna ng pagod, puyat at tinding init ng panahon (dahil hindi sila ganoong sanay sa klima ng bansa) ay patuloy pa rin silang masaya sa kanilang ginagawa na tila ayaw nilang matapos ang mga aktibidad para sa mga kabataan. Ang iba sa kanila’y naging kaibigan ko, at nang dumating ang oras na paalis na sila’y dito ako nanghinayang at nalungkot, pero alam kong hindi rito nagtatapos ang lahat. Dito nag-uumpisa ang kasagutan ng aking matagal nang katanungan.

Pagkatapos ng Korean Camp ay nagtuloy-tuloy ako sa pagiging aktibong miyembro ng IYF. Nakikibahagi ako sa kanilang mga aktibidad kung saan natututo na rin akong makisalamuha nang bahagya sa iba’t ibang klase ng tao. Pero ang pinakaimportante sa lahat ay nang makilala ko ang aking sarili bilang pinuno gamit ang aking tunay na puso.

Tayong lahat ay pinuno sa ating sariling pamamaraan, pero ang hindi natin maiaalis ay ating pagiging makasalanan. Hindi tayo magagaling na pinuno, bagkus, tayo’y punung-puno ng kasamaan sa ating puso. Pero dahil sa mga pagkakataong ibinigay sa akin ng Panginoon sa pamamagitan ng IYF, nalaman ko na ngayon na ang tunay na lider ay hindi mataas kaysa Diyos. Alam dapat ng tunay na lider ang buhay ng tunay at nag-iisang pinakamagaling na pinuno sa kasaysayan ng mundo. Ang tunay na lider ay hindi naglilingkod sa tao, kundi naglilingkod para sa ikalulugod ng Maykapal. Alam ng tunay na lider na siya’y makasalanan at hindi nararapat na umakyat sa langit. Ang tunay na lider, ginagamit ang kanyang tunay na puso at yun ay ang pusong dapat na kumunekta lagi-lagi sa ating Panginoon.

 Sa paparating na Abril 11-13 ay gaganapin ang 2012 IYF World Camp Philippines sa Maynila… at hindi na lamang ako basta participant lang. Isa na ako sa mga bahagi ng event na ito at isa na ako ngayon sa mga kabataang gustong magpakilala sa kanila ng mundo ng puso sa iba pang kabataang lider. Sa aking kakayahan, gusto kong maging pinuno hindi lang para sa mga tao, gusto ko ring maging pinuno na matuwid sa paningin ng tunay na lider nating lahat, walang iba, kundi ang ating Panginoon.

2012 IYF World Camp Philippines Official Poster