Ang COVID-19 at Mga Dapat Mapagtanto Ngayon ng Ating Bayan

2015-category-title-tambuli copy2020-AURORA-post-featured-03-covid

Habang tinitipa ang piyesang ito ay kasalukuyang napapailalim ang Metro Manila sa unang gabi ng month-long curfew dahil sa coronavirus disease (COVID-19). Kakaiba ang katahimikan ng hatinggabi, lalo na sa kung saan kami nakatira. Para sa akin ay mas mahirap makatulog dahil alam kong tatagal ang kakaibang pagbabagong ito sa buong Kamaynilaan sa susunod na mga araw.

Para sa marami, may dulot na panic at paranoia ang paghihigpit sa pangkaraniwang kilos at gawi ng mga naninirahan at nagtatrabaho sa Kalakhang Maynila. Pero kung ako ang tatanungin, mas nagtataka ako kung bakit ganito tayong mga Pinoy sa gitna ng sitwasyong ito. Hindi ko sinasabing hindi ako nangangamba o natatakot sa mga nangyayari, pero mas nananaig sa akin ang napakaraming pagtatanto sa kung paano tayo rumeresponde sa virus na pumipinsala sa buong mundo at sa iba pang virus na sumasabay na nampepeste sa ating mga Pilipino.

Una: Nararamdaman natin ang tunay na kapasidad ng mga lider para siguraduhing may nasasandalan tayo sa mga ganitong delikadong panahon.

May isang pahayag si Duterte kung saan ginawa niyang komedya ang COVID-19 na hahanapin niya at sasampalin niya. Sa kanyang national address, lantaran niyang sinabi na wala siyang alam at walang maitutulong ang mga hindi doktor na tulad niya laban sa COVID-19. Ang magagawa lang niya: i-mobilize ang pulis at militar sa community quarantine ng buong Kamaynilaan kung saan isa sa mga hakbang ay ang pagpapatupad ng curfew.

Malaki ang pagkakaiba ng mga sinasabi ni Duterte sa pagtugon ng dalawang babaeng umaangat sa pag-aksyon sa sitwasyong ito: si DOH Assistant Secretary Dr. Maria Rosario Vergeire at si Vice President Leni Robredo.

Marami ang humanga, kasama na ako, sa kung paano ilahad ni Dr. Vergeire ang mga importanteng detalye ukol sa sitwasyon ng COVID-19 sa ating bansa. Tinig ng isang may otoridad at kredibilidad ang mga pahayag ni Vergeire, lalo na kapag sinasagot niya ang media nang malinaw, walang alinlangan at may pakiramdam na mapagkakatiwalaan natin ang mga datos na binibigay niya sa atin.

Wala mang maliwanag na mandato ay hindi tumitigil ang tanggapan ni VP Leni sa napaka-produktibong paggamit ng social media sa pagpapakalat ng mga paalala sa kung paano tayo makakaiwas sa COVID-19, kahit pa maraming troll ang walang tigil na naninira sa kanya. Marami lalo ang humanga sa kanya noong ilabas ng Office of the Vice President ang dalawang video kung saan si VP Leni mismo ang nagtatanong sa mga eksperto tungkol sa mga pwedeng gawin ng iba’t ibang sektor para manatiling ligtas sa COVID-19 at kung saan nanawagan siyang magkaisa ang lahat laban sa COVID-19 dahil aniya, walang paraang malagpasan ito kundi ang isaisip ang kapakanan ng lahat”.

Pangalawa: Ngayon natin nakikita kung sino ang tunay na pinapaboran at prayoridad ng mga nasa kapangyarihan.

Bago pa tuluyang maisailalim ang bansa sa Code Red Sublevel 2 ay maraming mga kababayan natin, lalo na sa social media, ang naghihinalang pinapaboran ni Duterte ang China kaya hindi agad nagdeklara ng seryosong aksyon ang ating bayan laban sa COVID-19. Bago rin nito ay may mga pahayag siyang hindi niya pipigilan ang operasyon ng POGO kung saan ang kikitain daw ng Pilipinas dito ay gagamitin sa COVID-19 fund. Pero ang gobyerno rin mismo ang umamin na imbes na kumita ay tayo pa mismo ang lugi sa mga ito dahil hindi napapatawan ng buwis ang mga banyagang trabahador sa mga establisimyentong ito. At parang kabastusan na sa mismong live televised presidential address tungkol sa COVID-19 ay pinasalamatan niya ang China dahil sa alok daw na tulong kung hihingiin natin. Nakakatawang nakakainis na marinig ang papuri ng isang mataas na lider ng bansa ang isang tulong na hindi pa naibibigay at lalong hindi pa natin nagagamit. Tutang-tuta ba ang dating!

At speaking of tuta, sa parehong live televised address ni Duterte ay pinagmalaki niya ang “napakasipag” daw na si Bong Go dahil sa “pagtatrabaho” sa gitna ng COVID-19 scare. Pare-pareho nating alam na ang tanging magandang ginawa ni Bong Go kay Duterte ay sundan-sundan lang siya, patuloy na maging alalay at magsabi ng kanyang magic response na “Ipaparating ko po kay Pangulong Duterte blah blah blah.” Nakakabaliw din na dapat ay sabay silang magpa-test para malaman kung positibo o negatibo sila sa COVID-19. Malamang din na pare-pareho tayo ng mga tanong ngayon kung ano ba talaga si Bong Go sa buhay ni Digong: tuta, kerida… o ang tunay na nagpapatakbo ng Pilipinas?

Hindi ang China at si Bong Go ang dapat na bida ng ating bayan. Tulad ng maraming bansa, mas dapat nating kilalanin ang mga taong araw-araw na humaharap sa peligro para lang pangalagaan at pagalingin ang mga posibleng kaso ng COVID-19 at sila ring mga gumagawa ng paraan para mapabagal ang virus na kumalat sa ating bayan. Sila ang ating medical front liners at medical professionals na sa kabila ng kakulangan ng personal protective equipment (PPE) ay nagsisilbi nang walang humpay para mailigtas ang mga kababayan nating nahawaan ng COVID-19. Sila ngayon ang prayoridad ng maraming pribadong institusyon, kabilang na si Vice President Leni Robredo na ginamit ang social media upang tumulong na makalikom ng pondo para pambili ng PPEs ng mga front liner.

Pangatlo: Kung may aksyon na mas maaga ay posibleng hindi tayo naghahabol sa paglaban kontra COVID-19.

Sa hearing ng House of Representatives tungkol sa COVID-19 ay nilantad ni Bayan Muna Party-List Representative Carlos Zarate ang isang probisyon sa batas na nagbibigay ng pahintulot kay Health Secretary Francisco Duque III na magdeklara ng emergency kapag nagpapakita na ng banta ang isang epidemya, dito man sa Pilipinas o maging sa ibayong-dagat. Napaamin si Duque na kahit World Health Organization ang dapat na unang magdeklara nito ay may ligalidad siya na ipatupad ito nang mas maaga kung kinakailangan.

Sabihin na nating magdudulot ng panic ang maagang deklarasyon, pero Enero pa lang ay nasaksihan na natin kung gaano naging malaganap ang COVID-19 sa mga katabing bansa natin. Doon pa lang, dapat ay may paghahanda na ang mga kinauukulan sa posibleng pagpasok nito sa kanilang hurisdiksyon. Noong katapusan ng Enero ay nagsalita ang DOH tungkol sa unang confirmed case na galing mismo sa Wuhan, China kung saan nagsimula ang pagkalat ng virus, pero mahigit isang buwan pa ang lumipas bago ideklara ang state of national health emergency ng Malakanyang.

Mahirap ikaila ng pamahalaan ang hindi pagkahanda sa COVID-19. Isang halimbawa na talagang nagpalungkot sa akin ay ang Facebook post ng Philippine General Hospital (PGH) na nanghihingi ng donasyon ng alkohol at PPEs para sa kanilang mga staff. Walang masama na manghingi ng tulong, pero kung may maagang direktiba ang DOH ay pihadong maaga ring makakapaghanda ang PGH at iba pang public hospital para rito.

Pang-apat: Tayo mismo ay nawawalan ng tamang paghuhusga at walang malawak na pag-unawa kapag inuuna ang panic.

Sabihin na nating natural sa tao ang mag-panic sa mga ganitong sitwasyon. Pero kung tutuusin ay pinalala ng social media ang ugali nating ito. Mula bilang ng namatay hanggang sa mga pekeng gamot, nagkalat sa mga news feed natin ang fake news at mga twisted information tungkol sa datos na nilalabas ng mga otoridad at marami pa rin talagang napapaniwala ng mga ito. Isa pa sa mga kumakalat ay mga shame campaign sa mga taong ang ginagawa ay tumutulong na labanan ang pagkalat ng COVID-19. Ang iba pa sa mga sinisiraan ay mga public health expert na nagbabahagi ng mga tamang impormasyon ngunit binabanatan ng mga bayarang troll dahil tinatamaan ang pinapanigan nilang mga tao o grupo. Hindi na tayo lalayo, mga ka-DDS!

Sa kabilang banda naman ay hindi nagagawa ng marami intindihin ang sitwasyon bago umaksyon. Marami ang umubos ng 70% ethyl alcohol sa mga supermarket sa pag-aakalang maililigtas sila ng “pagligo” nito. Sabihin na nating bahagi ng paglilinis ng katawan ay disinfection na nagagawa ng paggamit ng alkohol. Pero ayon sa mga eksperto, ang disinfection ay ginagawa hindi lang sa sarili kundi sa mismong tahanan natin. May mga iminungkahing pamamaraan at mga produkto ang Center for Disease Control and Prevention ng Estados Unidos para sa disinfection na ligtas gamitin para sa kalusugan at para sa kapaligiran dahil importante rin na malinis ang tahanan, opisina, paaralan at lahat ng pampublikong lugar para hindi mabilis makahawa ang COVID-19.

Malungkot din na sa pagpa-panic natin ay may ilan tayong mga kababayan ang nakakalimutan natin na mas nangangailangan ng mga partikular na produkto. Ilan sa mga ito ang mga senior citizen na mas madaling mahawaan ng COVID-19. Nakakalimutan din ang mga walang tahanan na sana’y napagtutuunan din ng pansin ng mga ahensya ng gobyerno kung sila ay nakatuon sa home quarantine.

Ang kailangan natin ay pagiging alerto pero dapat tayo manatiling kalmado. Lalo lang palalalain ng pagpa-panic ang sitwasyon natin at, kung mamalasin, dahil dito ay magkakaroon pa ang gobyerno na tagalan ang kanilang community quarantine.

Panglima: Ayaw man natin masamain pero tila may naamoy tayo na isang hindi magandang senaryong pulitikal.

Alam kong hindi ito ang tamang panahon para tingnan ang pagkakaiba-iba ng ating paniniwalang pulitikal o panlipunan. Pero kung hindi lang ako ang nakakaisip na may mali sa pagpapatupad ng community quarantine, siguro nga ay tama ang nahihinuha ko.

Sa televised address ni Duterte ay inutos niya na paganahin ang militar at pulis para mapabuti ang implementasyon ng community quarantine sa buong Metro Manila. Pero hindi rin niya napigilan gamitin ang salitang lockdown sa prosesong ito. Tila OA ang paglalatag sa napakaraming armado sa lahat ng sulok ng Kamaynilaan na para bang nagsasabi na kapag hindi ka sumunod ay kamay na bakal ang dadampot sa iyo. Mismong si Justice Secretary Menardo Guevarra na ang nagpaliwanag na maaaring arestuhin ang isang tao kung ito ay magtatangkang pumasok o lumabas ng Metro Manila nang may dahas, pananakit o panunuhol sa mga otoridad.

Ganito rin ang sentimiyento ng ating Woke Lolo na si human rights lawyer Chel Diokno na sinasabing maaaring pilitin na sa puntong ito na naaayon sa batas, hindi PNP ang may direktiba kundi ang DOH. Maaari nilang harangin ang sinumang magpupumilit o piliting manatili sa quarantine area ang tatangging magpa-quarantine, pero hindi dapat arestuhin na parang humuhuli ng kriminal.

Bagaman itinatanggi ni Duterte na hindi martial law ang lockdown ng Metro Manila, may mga taong hindi mapigilang tawagin ito na “de facto martial law” dahil pilit nilalagay ni Duterte sa gitna ng kontrol ang pulis at militar, kahit pa sa kanya rin mismo nanggaling na si Duque bilang kalihim ng kalusugan ang puno ng kampanya kontra COVID-19. Tayo na rin mismo ang sumiguro na ang paglilinis ng ating rehiyon kontra sa virus ay hindi magiging daan para sa mga mapang-abuso na gamitin ang sitwasyon para dalhin tayo sa sitwasyong nagpahirap sa atin, 48 taon na ang nakakaraan.

Pang-anim at huli: COVID-19 pa ang nagturo sa atin ng tunay na pagmamalasakit bilang tao at pagiging makatao.

Aminin man natin o hindi, may mga pagkakataong galit na galit tayo sa mga Chinese dahil sa bansa nila nagmula ang COVID-19. Simula nang umingay ang balitang ito, kahit sinong singkit na yata, kahit pa mga Chinese Filipino ay kinokondena natin sa pagkalat ng virus dito sa ating bansa.

Oo, maraming iligal na Chinese nationals sa Pilipinas ngayon gawa ng maluwag na polisiya ng gobyernong Duterte sa rehimen ni Xi Jinping. Oo, sila yung mga bigla na lang pumasok sa ating bayan nang walang kaukulang dokumento at mga hindi sumusunod sa mga regulasyon, lalo na pagdating sa buwis. Oo, may ilan sa kanila na dinadala ang kagaspangan ng ugali dito sa atin at sila pa ang siga, maingay, maarte at mayabang gayong sila ang dayuhan.

Aminin man natin o hindi, dahil sa galit natin sa COVID-19, nakakalimutan natin maging tao at magpakatao. Tawagin nyo na akong ipokrito pero hindi natin dapat isisi sa isang buong lahi ang kasalanan ng iilan sa kanila. Sila man ay nahihiya sa nagawa ng kanilang mga kababayan at ginagawa ang lahat para makatulong sa atin kahit hindi natin hinihingi, mapatunayan lang na tulad natin, sila rin ay tao na apektado ng mga pagkakataong ito.

Maaaring magtagal pa ang pandemyang ito, pero harinawa, sa kabila ng lahat, ipakita natin ang kabutihan ng pagiging Pilipino. Hindi masamang punahin ang mga pagkakamali ng kahit sino, lalo na ng gobyerno. Pero hindi tamang gumawa ng mga gawa-gawang naratibo para lang siraan ang mga tao o grupong sinsero ang pagtulong. Matatapos natin ito nang sama-sama at tulong-tulong. Manatiling malusog, malinis, mahinahon, matino at matalino laban sa #COVID19.

 

Para sa latest update: i-follow ang Facebook page ng Department of Health.

 

 

article-stoper

May Siyam na Buhay ang Manunulat

2015-category-title-tambuli copy2019-headline-feature-aurora-9

Para sa isang manunulat, ang isang araw na hindi nakakapagsulat ng kahit ano ay isang mortal na kasalanan.

Pang-personal man o para sa trabaho, o kahit pa komentaryo sa mga isyu, ang tinta sa pluma ng manunulat ay dapat gamitin at abusuhin upang maubos at mapunan ng panibago. Kumbaga sa paghahalintulad, ang manunulat–tulad ng mga pusa–ay may siyam na buhay na kahit anong mangyari ay magbabalik sa paglalahad ng saloobin gamit ang mga letra.

Siyam na taong gulang na ang Aurora Metropolis ngayong buwan na ito. Nung una, hindi ko alam kung dapat pang ipagdiwang ng inyong lingkod ang sandaling ito dahil una, kahit pa may sarili nang domain name ay nanatili pa rin itong inactive. Para sa akin, malaking kasalanan ang mapabayaan ang Aurora na maaari sanang mag-ambag nang mas malaki pa hindi lang sa akin bilang manunulat kundi sa ating bansang nahihilig magbasa ng kung ano-ano. Lalo itong naging malaking kasalanan mula nang mapasok ako sa hanapbuhay na nalalapit sa pagsusulat pero mismong platform ko ay hindi ko masulatan para sana pwedeng pagkunan ng kabuhayan.

Ngunit sa kabila nito, naisip kong bigla na kahit pala maraming oras na natahimik ang Aurora ay napagtanto kong hindi pa siya patay, hindi rin naghihingalo. Hangga’t patuloy akong nagsusulat, para man sa aking social media accounts at para sa aking trabahong may kaakibat na mga adbokasiya, ang Aurora ay buhay at nakakapaghatid ng inspirasyon sa kahit sino nang walang humpay.

Ang mga katotohanang ito ang aking mga dahilan upang ipagdiwang ang ikasiyam na kaarawan ng aking pinakamamahal na tahanan bilang manunulat. Muli, hindi ko maipapangako na magiging aktibo muli ang Aurora, pero kukunin ko ang mga libreng pagkakataon para makapagsulat para dakilain ang Diyos, para magsilbing alternatibong tinig ng Inang Bayan at para bigyang-lakas ang damdamin ng mga Pilipino para sa kanilang kapakanan at para sa kanilang kinabukasan.

Maraming salamat sa mga kaibigan na patuloy na nagpapalakas ng loob sa akin na magsulat. Maraming salamat sa mga estrangherong nakaka-appreciate ng aking mga sulat at nanghihikayat na patuloy lang na magsulat. Higit sa lahat, maraming salamat sa Panginoon dahil pinapaalala Niya na ang talentong pahiram Niya ay mananatili kung gagamitin sa mga bagay para sa magagandang dahilan — lumagpas man ng siyam ang nagamit kong buhay bilang manunulat.

 

 

cropped-article-stoper.png

FAST POST 36: Maynila, Migraine at Misua

Tensyonado ang araw na ito para sa buong bansa. Tumambad ang mga tarpaulin na nakasukbit sa maraming overpass ng MMDA. Ang nakasulat:

Welcome to the Philippines, PROVINCE OF CHINA.

Mixed emotions — natawa, natakot, nagtaka, nainis, nagtanong.

Daan-daang taon nang kapiling natin ang mga Tsino. May bahid sila ng ating kultura at tayo mismo ay tinuring na natin itong bahagi ng ating buhay. Isa sila sa mga iilan na malayang nakakapasok sa atin na para bang bakasyunan lang nila ang Pilipinas. Kahit hindi kayo pumunta sa Binondo ay maraming patunay na marunong man silang mag-Tagalog o hindi, nakakagala sila sa kung saan-saan sa ating bansa.

Nakakatawang isipin na sa maraming siglo ng pinagsamahan ng dalawang bansa, pwede nang ituring na de facto province ng China ang Pilipinas. Magandang pakinggan sa aspeto ng turismo, pero hindi sa pulitikal na aspeto natin ngayon.

Ngayong araw ang ikalawang anibersaryo ng makasaysayang arbitral ruling pabor sa Pilipinas sa isyu ng mas karapat-dapat nating kilalanin ngayon na West Philippine Sea. Dalawang taon na sanang inaako ng ating pamahalaan ang dagat sa kaliwa natin pero parang nagpalutang-lutang na lang siya sa laot dahil hindi siya ipinapatupad.

May malalim na pag-ibig si Rodrigo Roa Duterte kay Xi Jinping at resulta ng “ispesyal na relasyon” nila ay ang pagiging panatiko ng Estado sa mga Tsino. Sa sobrang ispesyal, ang Palasyo na mismo ang nagsisilbing abugado ng China sa mga insidente ng pambu-bully ng Chinese Coast Guard sa ating mga mangingisda sa Panatag Shoal.

Hindi na marahil uso ang kolonyalismo sa ating panahon, ngunit malaki ang takot ng marami na sa mas kumplikadong paghanga ng pamahalaang Pilipinas sa China, soberenya, seguridad at ekonomiya natin ang lubos ding magdurusa. Pumasok sa malaking kasunduan ang Pilipinas kasama ang China na ang tawag ay Belt and Road Initiative na magtataguyod sa ambisyosong Build, Build, Build infrastructure program. Ang economic adventure na ito ay nagmitya ng pag-alala sa maraming ekonomista dahil may mga senaryo sa ibang parte ng daigdig na posibleng kahantangan ng bansa: bumuhos ang puhunan, hindi nabayaran, nabaon sa utang, nakompromiso ang kontrol ng pamahalaan sa sarili niyang bansa.

Sa agresibong pagpasok ng Beijing sa Maynila, nagtataka ang marami sa tagilid na trato ng gobyernong Duterte sa kanyang mga dayuhang “best friend”. Ito ba ay purong pagmamalasakit o paraan upang mabakuran ng China ang Asya sa impluwensya ng Kanluran at ng Estados Unidos?

Ang mga tarpaulin na kumalat sa Kamaynilaan ay may pulitikal na motibo — aminin man nila o hindi. Nagtuturuan ang mga Dilawan at mga DDS sa kung sino ang nagkabit ng mga iyon para takutin ang bayan sa hindi malayong posibilidad ng pagiging mas maimpluwensiya ng China sa Pilipinas.

Sa kabilang panig ng mga pangyayari ay may malilinaw na hinuha:

1. Nagsimulang lumutang ang pagiging “probinsya ng China” ang Pilipinas dahil sa biro ni Duterte kay Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua. Komedyante si Duterte, pero muli, sa klase ng kanyang pagmamahal sa China, hindi ba malabong mangyari iyon?

2. Matamlay si Duterte pagdating sa mga insidente ng pagtuntong ng Chinese Coard Guard sa ating teritoryo at militarisasyon ng mga maituturing nating sakop sa West PH Sea at mga inaangking isla sa Spratlys. Kaya ba ayaw niyang pumalag dahil ayaw niya ng gulo o talagang wala siyang pakialam kung angkinin ito ng China?

3. Maraming transaksyon ang mga Chinese corporation ngayon sa Pilipinas. Walang masama dito hanggang sa dumating ang isyu ng pagpayag nila sa construction firms na banned ng World Bank na sumali sa Marawi rehabilitation at ang kwestiyonableng pagpasok ng isang Chinese casino resort sa ngayo’y saradong Boracay. Marami pang bahagi ng Pilipinas ang may bago’t kaduda-dudang presensya ng Chinese firms at hindi rito nakikinabang ang ating mga kababayan. Ito ba ay lehitimong mga negosyo o mga transaksyong hinayaan lang dahil sa pabor ng gobyerno ng China?

Kumbaga sa tao, sumakit ang ulo ng Pilipinas sa pasabog ng mga tarpaulin sa buong araw. Parang migraine ko na nagpauwi sa akin nang maaga mula sa trabaho. Kahit namimintig ang ulo ko ay hindi mawala sa isip ko ang mga nangyari ngayon.

Umuwi akong ang ulam ay misua — isang pagkaing Tsino na inampon na ng ating panlasa. Napaisip ako at natawa: paano kaya kung ang bantang iyon ay totoo? Okay lang ba na pasakop ang Pilipinas dahil “best friend” naman tayo ng China, sabi ni Duterte? O kung hindi, kailan tayo magpapahayag ng pagtutol sa pambu-bully at pangunguha ng oportunidad ng China sa Pilipinas dahil masyadong nahuhumaling ang gobyerno natin sa kanila?