FAST POST 35: Ang Pagbabalik

July 28, 2015 noong huli akong sumulat ng Fast Post.

Ito yung part ng Aurora na sobrang random at less-edited. On-the-spot, walang photo, walang graphic design. Kung ano ang nakita ko sa paligid, yun ang mabilis kong isusulat.

Sumabay sa pagtamlay ng pagsusulat ko ang pamamahinga ng Fast Post, kahit ito ang pinakaposible kong ilagay sa Aurora. Muntik ko na siyang makalimutan hanggang sa pumunta ako sa Google Play Store at nakita ang app ng WordPress para sa smart phone. Dati, kailangan kong magbukas ng laptop para magsulat kahit ng Fast Post. Pero iba talaga ang nagagawa ng teknolohiya.

Ngayong ang Aurora ay pormal nang blog site, ibabalik ko ang Fast Post bilang bahagi ng major overhaul ko ng buong blog. Napakaraming pwedeng isulat lalo na ngayong hinaharap ng bayan ang napakaraming pagsubok. Asahang mas maraming Fast Post ang mababasa ng mga tumatangkilik sa inyong lingkod.

 

article-stoper

FAST POST #31: Kape | Pader

aurora - kape pader copy

Nitong hapon lang ay napagdesisyunan namin ng aking kaibigan na magkape sa sweets shop sa hotel na pinapaandar ng isang unibersidad sa Intramuros. Sa harapan ng daan-daang estudyanteng naglalakad sa labas ng salamin, ang pagnamnam sa kapeng iniinom ko ay siya na ring pagnamnam ko sa gandang taglay ng pader ng lumang lungsod.

Masarap ang churros at ang caramel dip. Masarap din ang kape. Kaya na-inspire akong sumulat nito. :) (Kuha ni Diane Denise J. Daseco)

Masarap ang churros at ang caramel dip. Masarap din ang kape. Kaya na-inspire akong sumulat nito. 🙂 (Kuha ni Diane Denise J. Daseco)

Hindi kasing-tamis ng caramel dip ng churros ang dinanas ng Maynila pagkatapos ng kanyang pagkawasak noong digmaan, pitumpung taon na ang nakararaan. Magkagayunman, tulad ng pagkagat ko sa churros ay nalalasap ng aking isip ang mga kuwentong sa mahigit apat na raang taon ay pinatamis ng karangalang pinanghawakan nito.

Kahit malamig, ang tapang ng kapeng hinihigop ko’y aking nararamdaman. Ngunit pumitik sa utak ko ang realidad – ramdam pa ba o pinapahalagahan pa ba ng henerasyong ito ang katapangang itinaglay ng pader ng Intramuros? Ito na raw ang panahong kung kailan ang dakilang kalasag na nagtanggol sa kabisera noon ay isa na lamang simpleng pader sa paningin ng marami. Sa kabila niyon, marami man ang hindi nakakaalam ng kanyang natatanging nakaraan ay binubuhay pa rin nito ang puso ng Maynila. Ang mga kabataang masayang tumatambay, naglalaro, gumagala o nagbabasa ng kanilang mga aralin dito – silang mga kabataan ang nagpapanatili sa ating isip ng dahilan kung bakit itinayo ang pader ng Intramuros. Ito ay ang protektahan ang kapayapaan para sa kaligayahan ng kanyang bayan.

Ang kape at ang pader ng Intramuros ay parang pag-ibig – makisig pero mapagmahal.

FAST POST #29: Wake Me Up When September Ends

Matatapos ang buwan ng Setyembre na may dinaramdam ang aking katawan.

Habang tinitipa ang artikulong ito ay ikalawang araw na akong may sakit. Akala ko noong una ay normal na pangangalay lang ng aking kaliwang binti ang problema. Hindi ko nagawang makapunta sa isang ispesyal na pagdiriwang dahil dito at sobra ko itong ikinalungkot. Dumating ang gabi at dito ko naramdamang mainit na ang katawan ko. Nilalagnat na ako, sabi ko sa aking sarili. Pinilit kong hindi magpahalatang ganoon na kainit ang pakiramdam ko dahil ayoko ring mag-alala ang mga tao sa aming tahanan. Ayoko na ring maging karagdagan sa alalahanin nila.

Sa kalaliman ng gabi ay dumating sa aking pag-iisip ang napakaraming bagay. Paano na ang mga inaasikaso kong aktibidad para sa mga kabataan? Paano na ang mga bagay na gusto ko pang gawin sa hinaharap? Paano ko na maitatama ang mga nagawa kong mali? Napakaraming tanong ang dumating sa aking utak, pero ang hindi ko inaasahan ay ang tuldok ng lahat ng ito. Natatakot akong mamatay, at kung mangyayari man ito ay dapat na akong maghanda.

Kanina, gumising akong ang tumutugtog sa radyo ay “What A Wonderful World” ni Stevie Wonder. Nakatatak pa rin sa aking isipan ang kamatayan kaya’t bago bumangon ay nagsimula ako sa panalangin. Buhay pa ako at sobra ko itong ipinagpapasalamat sa Panginoon. Magkagayunman, sa unang pagtayo ko sa araw na ito ay nanatili pa rin sa aking pag-iisip ang mga dapat kong gawin. Pabilis nang pabilis ang oras kaya’t hindi talaga tamang dumating ang sakit na ito. Lumala ang aking lagnat, ngunit hindi pwedeng maapektuhan nito ang mga kinakailangan sa mga susunod na araw. Sa gitna ng pagkabahalang ito ay pumitik sa akin ang isang bagay na nakalimutan kong mapagtanto.

Ang pagkakaroon ko ng sakit ay tila ba isang panggising sa akin ng Diyos. Hindi ko alam kung para saan, para kanino o para sa anong sitwasyon, pero itinuring ko itong paalala na kailangan kong mahalin ang aking sarili, lalo na ang aking kalusugan. Bukod pa roon, mukhang marami rin akong nakakalimutan dahil sa sobrang pagkaabala sa mga bagay-bagay na hindi ko mailarawan gamit ang mga salita. Sa huli, habang patuloy na lumalaban sa aking nararamdaman hanggang sa mga oras na ito, dito pumasok sa akin na ang kamatayan ay bahagi ng paghahanda ng tao sa ating pagbabalik sa Kanya. Kaya habang tayo’y nabubuhay pa ay gawin natin ang lahat, lalo na sa ikabubuti ng ating mga sarili. Sa pagtatapos ng ating buhay, lahat tayo ay babalik sa Kanya at ikararangal na ang pinahiram Niyang katawan sa atin ay napangalagaan natin ayon sa kung paano tayo nabuhay sa mundong nilikha ng Langit para sa minamahal Niyang mga nilalang.

At tulad nga ng pamagat ng isang banyagang awitin, ginising ako ng Panginoon sa pagsasara ng buwan ng Setyembre. Bahala na Siya sa akin, at kung ipag-aadya man ng karugtong na buhay, ay kailangan ko nang bumangon sa Kanyang panggigising.