FAST POST 53: Napipikon Ako kay Russu

Ngayong gabi ay ipinapalabas ng Pinoy Big Brother ang pag-amin ng housemate na Russu Laurente sa pag-sang-ayon niya sa #YesToABSCBNShutdown sa isang tweet. Humingi siya ng sorry kay Kuya.

Alam kong bata pa si Russu at naging limitado ang impormasyon na nakikita at nababasa niya kaya niya sinuportahan ang pagpapasara ng ABS-CBN. Pero hindi inutil si Russu para hindi niya maisip na dahil sa sinabi niya ay ginatungan niya ang pagkawala ng trabaho ng libo-libong empleyado at pagkawala ng libangan at pinagkukunan ng balita’t impormasyon ng milyon-milyong Pilipinong hindi maabot ng ibang istasyon.

Personal sa akin ang mga nangyari sa ABS-CBN at hindi naman iyon maikakaila. Bilang Kapamilya, napipikon ako. Naluluha ako sa sobrang pagkapikon habang pinapanood ang pagso-sorry niya. Napipikon ako sa pagpapasalamat niya kay Kuya na nakapasok siya sa PBB. Napipikon ako na nag-cite pa siya ng Bible verse. Napipikon ako dahil kahit sabihin nating wala siyang bilang sa mga naging desisyon ng mga pumatay ng franchise renewal, isa siya ngayon sa nakikinabang sa mga bagay kung saan kasama siyang tumulak sa pagpatay ng pangarap ng mas maraming Pilipino.

Madaling magpatawad, pero mahirap makalimot. Hindi ako gaanong nagpo-post na humihiling na ma-evict na siya sa Bahay ni Kuya. Bakit? Dahil alam kong habang nananatili siya sa loob ay mari-realize niyang mali ang ginawa niya at kokonsensyahin siya nito habang nananatili siya sa industriya ng showbiz. Tama na para sa akin na kung sakaling makatuntong siya nang tuluyan sa pag-aartista ay tatatak sa pangalan niya ang non-renewal ng Kapamilya franchise sa libreng ere noong July 10, 2020.

#LabanKapamilya

FAST POST 52: Dealing with ‘Magagaling’ na ‘Dominant’

Galit ako sa post na ito. Sorry not sorry.

May kakaiba akong pet peeve, pero parang inadya nga siguro silang mapalapit sa akin. Sila ang mga tinatawag kong “dominant”. Ito yung mga taong pilit na kumokontrol sa buhay ng ibang tao nang wala sa lugar. Hindi mo sila boss, hindi mo sila superior, at minsan, hindi mo maintindihan kung bakit ini-insist nila ang nalalaman sila sa’yo. Isa silang uri ng control freak, pero ang problema sa kanila ay pinupuwersa nila ang kontrol nila dahil kinokontrol sila ng ibang mas malakas sa kanila.

Kilala ako ng ibang kaibigan ko na mapagbigay o masunurin. Mas magaling akong team member at mas gusto kong pangunahan ng mga taong alam kong may leadership skills. Pero natitiyempuhan talaga ako ng mga dominant na tao na, sa totoo lang, ay madalas na nagpapainit ng ulo ko. Yung tipong nakakangitngit kapag pinapakinggan mo ang boses nila na parang sila lang ang magaling o may nagagawa sa daigdig.

May isa akong dating kaibigan na gumawa ng term noon sa mga ganitong tulad ng tao: “manipulating b*tch”.

Pero isa talaga siguro sa mga malas ko ang magkaroon ng mga kaibigang tulad nila. Oo, kaibigan ko naman sila kung ituring kaya nakakapagpigil. Pero huwag nila akong simulan. Sa mga panahong hindi na rasonable ang pagka-b*tchesa nila, hindi nila pwedeng apakan ang abilidad ko.

At tulad ng paborito kong sinasabi… please, huwag ako!

FAST POST 51: Kailan Ka Handa?

Naging topic sa isang online advent recollection ang tungkol sa pagdating ng ating Panginoon. Walang nakakaalam, ika ng pari, kaya dapat tayong maging handa sa Kanyang pagbabalik sa lupa. Nagtanong siya sa lahat na kung ngayon Siya tutungong muli sa ating daigdig, tayo ba ay handa sa Kanya? Kasunod noon ay ang tanong na noon pa ako may sagot — tayo ba ay handa sa kamatayan?

Ako? Noon pa. 25 years old. Yun ang taning ko sa sarili ko. Hindi ko alam kung bakit pero pakiramdam ko ay tapos na ang misyon ko. Sa katunayan, naghanda na ako ng parang last will na nilagay ko dito sa blog, tatlong taon bago ako mag-beinte singko. Ang sinulat kong “Sa Aking Pagyao” ay mga habilin sa aking pamilya kung sakaling malapit na akong mawala sa mundo. May iilang kaibigan na nakaalam nito, at kung sakali ngang nandoon na tayo sa punto ng pamamayapa, ay sila na ang maghahain nito sa kanila.

Pero lumipas ang panahon. Buhay pa ako. After ng 25th birthday ko noong 2013, mas marami pang nangyari na hindi ko inakala. Ang isa rito ay yung mas napalapit pa ako sa aking Maylikha.

Alam kong handa na ako kahit anong oras, at lalo kong napatunayan na dapat talaga nating ihanda ang sarili natin sa pagdating Niya. Para sa akin, hindi tayo ang may hawak ng ating tadhana. Mananatili tayo kung kailan tayo kailangan ng ating daigdig.

Sa mga susunod na araw ay susulat ako ng updated version ng aking 2010 last will. Mas maraming nagbago at mas maraming dapat pag-iwanan ng habilin. Sana lahat tayo ay handa, sa kamatayan man o sa pagbabalik ng ating Panginoon. Mahalaga ito lalo’t sa mga panahong sinusubok tayo ng panahon, ang kinakapitan lang natin ay Siya at ang pag-asa.