Ang Sampung Taon Kong “Constant”

2015-category-title-tambuli copy2020-headline-feature-fb-aurora-10

 

Kung may ituturing akong hindi nagbago sa buhay ko, ito ay ang Aurora Metropolis.

Hindi ako tumigil sa pagsusulat sa labas ng blog na ito. Pagsusulat ang ikinabubuhay ko, pero noon pa man ay sa pagsusulat ako nabubuhay at sa pagsusulat ko nararamdaman na buhay ako. Sa lahat ng trabahong pinasok ko at adbokasiyang kinabilangan ko, hindi nawala ni isang sandali na hindi ako sumusulat gamit ang kamay, gamit ang keypad sa smartphone of keyboard sa laptop. Kahit sa maraming panaginip ay nagsusulat ako. Sa pagsusulat ko laging naaalala ang nakaraan at nakikita ang personal kong kinabukasan. Ang pagsusulat ay paalala na may katapusan ang buhay, pero pagsusulat din ang paalala kung bakit kailangang magtuloy-tuloy ang buhay.

Pero hindi magiging malaking bahagi ng buhay ko ang pagsusulat kung hindi dumating ang Aurora sa akin. Ito ang nagpausbong ng pangarap kong makapagsalita sa mas maraming tao gamit ang aking mga titik. Ito ang naging kanlungan ng mga kakaibang kuwentong binubuo ng aking imahinasyon at susi kung bakit may pananaw akong magagamit ng mga kabataan para sa kanilang masusing pag-aaral ng mundo. Ito ang naging paaralan ko para sanayin ang sarili na magsulat para sa sarili at iro rin ang naging pahayagan ko para hubugin ang sarili na magsarili para sa iba at para sa bayan.

Hindi ako naging masyadong active sa Aurora dahil sa tatlong rason:
– Busy sa trabaho
– Mas nahikayat sa social media
– Museo ang tingin ko rito.

Museo ang turing ko sa Aurora Metropolis. Dahil gusto na ang bawat ititipa ko rito ay mga natatangi kong lathala. Hindi na ako sumusulat dito dahil gusto ko lang. Gusto ko na kapag pinindot ko ang “New Post” ay mabibigyan ko ng sustansya ang aking mga isusulat. Hindi ito sikat na blog at lalong hindi ako sikat na blogger, pero alam ko na may mga taong nakikita ang Aurora na sisidlan ng inspirasyon para sa kani-kanilang obra. Ang Aurora ay anak ko, at minamana niya ang konti pero sobrang personal na makahulugang mga pananaw ko.

Ang Aurora Metropolis at pagsusulat ang mga constant ko sa nagdaang sampung taon. Hangga’t patuloy ako ng naghahabi ng mga kwento at komentaryo ay mananatili siyang buhay, mananatili akong buhay.

 

 

cropped-article-stoper.png

2014 YEARENDER: #fortheloveofheritage

Minsan kong nabanggit sa isa sa aking mga Facebook post noong 2013 na gugulatin ko ang buong mundo sa 2014. Nang bitawan ko ang mga salitang iyon, bukas ang aking isipan sa realidad na binigyan ko ng pinakamalaking hamon ang aking sarili bilang isang Manilenyo at bilang isang Pilipino. Nagdaan nga ang tatlong daan at animnapu’t limang araw, masasabi kong hindi naging basta-basta ang taong magtatapos. Sa kabila niyon, hindi naman ako nabigo sa aking binitawang pangako. Katuwang ang daan-daang indibidwal na aking nakasalamuha, ipinagmamalaki kong sabihin na ginulat ko ang daigdig ngayong 2014.

Rescue, revive, relive Escolta!

Ilang buwan mula nang lisanin ko ang paglilingkod bilang kabataang lider ng pamahalaang lokal ng Maynila ay dinala ako ng aking mga prinsipyo sa isang tagong kalye sa tabi ng Ilog Pasig. Ang Escolta ay nakilala bilang isa sa mga pinakaunang pangunahing kalsada sa Pilipinas at siyang nagsilbing pangunahing pook pang-kalakalan ng bansa noong ika-19 dantaon. Kaiba sa kanyang katanyagan sa nakaraang apat na siglo, ang Escolta ngayon ay tinuturing na lamang bilang isang simpleng kalye sa Maynila na hindi nabigyan ng nararapat na pagkilala sa kanyang mga naging kontribusyon sa lipunan. Gamit ang kakayahang hinubog ng tadhana sa nakalipas na mga taon ay tumulong ako sa muling pagbuhay ng makasaysayang lugar na ito. Kasama ang mga kapanalig sa Heritage Conservation Society-Youth (HCS-Y) at Escolta Commercial Association Inc. (ECAI), naipalawig sa taong ito ang awareness campaign upang makilala ng mas nakararami ang Escolta. Bawat buwan ay naitatampok sa telebisyon, pahayagan, Internet at social media ang Escolta. Dahil dito’y mas dumami na ang mga taong gusto siyang makilala nang lubusan at karamihan sa kanila ay mga kabataan. Marami pang dapat gawin pero tiwala akong mapagtatagumpayan namin ito.

#selfiEscolta

Sa mga event na in-organize ko, ang #selfiEscolta noong July 5 na ang masasabi kong pinaka-makahulugan sa lahat. Bilang kauna-unahang street heritage festival sa Maynila, ibinandera namin sa madla ang kahalagahan ng Escolta sa pamamagitan ng sunod-sunod na tour, art market at night concert. Sa kabila ng muntikan nang pagka-postpone nito at iba pang naging problema, aberya at pagsubok habang dinadaos ang #selfiEscolta, ipinagpapasalamat ko sa Maykapal na naging matagumpay ang event na ito. Nagbukas ito ng mas maraming oportunidad upang dayuhin at kilalanin ng mga kapwa Pilipino at banyaga ang Escolta.

Boses ng Escolta

Nasanay akong magsalita sa harap ng maraming tao bilang youth leader ng lungsod. Ngayong taon, malugod kong ibinahagi sa marami ang lumalaking adbokasiya ng Escolta Revival Movement. Mula PLM, La Salle Dasma at UST hanggang Inquirer, TV5 at ANC, ginamit ko ang aking kakayahang mangaral upang ilahad kung gaano kaimportante ang Escolta sa kasaysayan at kung paano makakatulong ang sambayanan sa muli nitong pagsigla.

Mula Antipolo hanggang Iloilo

Bilang aktibong kasapi ng HCS-Y ay nagkaroon ako ng pagkakataong mapasyalan ang maraming lugar kung saan makikita ang mga kayamanang hindi matutumbasan ng modernisasyon at bagong teknolohiya. Ito ang mga istrukturang naging saksi ng pagbabago ng ating lipunan ay nananatiling nakatindig at ipinapakita kung gaano karangya ang Pilipinas noon. Nariyan ang mga bahay sa Malabon, ang Santos House ng Antipolo, ang aking muling pagbabalik sa makasaysayang lungsod ng Malolos at ang napakagandang downtown ng Iloilo City.

Mula artista hanggang Arsobispo

Hindi sumagi sa aking mga ambisyon ang makilala, makamayan at makausap ang mga personalidad na magiging mahalagang bahagi ng kasaysayan sa hinaharap. Sabi ko nga, kung panahon lang ngayon ng Kastila o Amerikano, masasabi ko nang napakasuwerte kong indio. Nakadaupang-palad ko ang anak ni Comedy King Dolphy na si Eric Quizon upang hingiin ang basbas ng pamilya upang itampok ang kanyang dakilang ama sa Escolta. Hindi ko aakalaing makakasama ko sa adbokasiya ang tanyag na arkitektong si ICOMOS Philippines president Arch. Dominic Galicia. Nakausap at nakatext ko rin sa ilang pambihirang pagkakataon si MMDA Chairman Francis Tolentino. Naging personal na kaibigan naman namin ang butihing administrator ng Intramuros na si Atty. Marco Sardillo. Nakakamangha rin na makamusta ang dalawang mayor ng Maynila: sina Hon. Alfredo Lim at dating Pangulong Joseph Estrada. Higit sa lahat, nakakataba ng puso ang mahawakan ang kamay, maka-selfie at biglaang maimbitahan nang personal sa kanyang Noche Buena ng Inyong Kabunyian, Luis Antonio Cardinal G. Tagle, ang arsobispo ng Maynila.

Kung ano-ano

Patuloy pa rin akong nagsusulat, bagaman hindi gaanong makapag-post sa Aurora Metropolis. Pinipilit ko pa ring tuparin ang aking pangarap na makagawa ng libro karamay ang naluluma ko nang laptop at ilang tasa ng kape. Baka next time na lang. Hindi rin mawawala ang mga inuman session, magdamagang heart-to-heart conversation sa ilang mga kaibigan at ang magmahal-at-mahalin moments. Masarap ding malasing paminsan-minsan basta kasama ang mga taong pinagkakatiwalaan mo. Natututo na akong tumawid sa manipis na pisi para magtagumpay. Naniniwala pa rin ako sa tuwid na daan. Kahit di nagsisimba, marunong pa rin akong magdasal sa Kanya sa mga oras ng problema at saya. Masaya ang buhay at walang dahilan para malugmok sa kalungkutan.

Pangarap para sa Maynila

Pinili kong mahalin ang lungsod ng Maynila dahil alam kong karapat-dapat siyang mahalin. Bilang kabisera ng Pilipinas, pinapangarap ko ang mas maganda at mas maunlad na siyudad kung saan ang lahat ay nabubuhay nang payak at maligaya. Sa kabila ng patuloy na pagbura sa mga importanteng bakas ng kanyang nakaraan, hangad kong mamulat ang lahat – ang gobyerno at mga kapwa ko Manilenyo – sa katotohanang ang pagpapahalaga sa kasaysayan ay kaakibat ng pag-unlad ng ating tanging lungsod sa kinabukasan. Hindi lahat ng luma ay hindi na kapaki-pakinabang.

Pasasalamat at pagkilala

Hindi matatapos ang artikulong ito nang hindi nagpapasalamat sa lahat ng naging bahagi ng aking paglalakbay sa taong magtatapos.

Salamat sa aking mga kasama sa HCS-Y, lalong lalo na sa pamunuan at mga aktibong kasapi dito. Patuloy nating ipaglaban ang karapatan ng mga kayamanan ng ating bayan. Mabuhay po kayo!

Salamat sa mga namumuno sa ECAI, lalong lalo na kina Ms. Cely Sibalucca, Ms. Marites Manapat, at kina Sir Robert at Ms. Lorraine Sylianteng sa lahat ng tulong at suportang binibigay ninyo sa inyong lingkod habang ginagawa ang aking mga dapat gawin sa Escolta.

Salamat sa mga taong kumikilala sa Escolta at patuloy na kumikilala sa makulay na nakaraan, kasalukuyan at hinaharap ng minamahal nating Queen of Manila’s Streets. Darating ang panahon na makakamit din niya ang karangalang nararapat para sa kanya.

Salamat sa Heritage Conservation Society sa pangunguna nina Ms. Gemma Cruz-Araneta at Mr. Ivan Henares sa pagtitiwala sa mga kabataan upang maging sundalo ng ating adbokasiya.

Salamat sa aking mga kaibigan: Cherry Aggabao, Prof. Neriz Gabelo, Macky Macarayan, outgoing PLM-College of Mass Communication dean Ludmila Labagnoy, Stephen John Pamorada, Clara Buenconsejo at Jericho Carrillo ng HCS-Y; Sir Marco Sardillo, Marcus Luna, Christopher Hernandez, at Herbert Eamon Bacani at Albert Ampong ng HBOX.

Salamat sa’yo Escolta dahil dama kong ako’y iyong pinagkakatiwalaan. Mananatili ako sa’yo hangaang sa iyong muling pagsigla.

Salamat sa aking pamilya na patuloy na umuunawa sa akin. Sa kabila ng pagsubok na ating nararanasan ngayon, nawa’y manatili tayong malakas at manalig sa Maykapal. Kaya natin ito!

At ang pinakahuli, maraming salamat sa ating Panginoong Hesukristo, sa ating Inang Maria at Poong Sto. Nino. Salamat po sa pagbibigay Ninyo ng tuloy-tuloy na biyaya, sorpresa at talento upang gawin ang aking misyon sa mundong ito. Patuloy po Ninyong basbasan ang aming lungsod at tanging bansa ng pagpapala at lakas upang harapin ang mga pagsubok. Inaalay po namin ang tagumpay ng aming bayan sa Inyong karangalan. Amen.

Halos katumbas ng pagmamahal sa ating pamilya at Diyos ang pag-ibig natin sa ating bayan. Hangad ko na mas maraming Pilipino ang magmahal sa bansang ito sa darating na taon, lalo pa’t isa ito sa mga mahahalagang sangkap ng kaunlaran. Ang 2014 ay isang pahiwatig na tayo, bilang Pilipino ay nabubuhay nang may dahilan at ito ay para mahalin ang bayang ipinagkatiwala sa atin ng Langit. Sana’y pahalagahan natin ito.

RANDOM THOUGHTS: Doseng Paragraphs sa Dose Dose Katorse

Hindi ko alam ang naiisip ng ibang tao sa akin at sa mga ginagawa ko. Pero mahirap sa akin na maramdaman na ang mga taong alam mong makakaintindi sa’yo ay silang mga taong titingin sa’yo nang masama. Walang problema sa akin kung marinig ang kung anumang puna o poot na sasabihin nila. Mas mabuting malaman ko ang mga iyon kaysa manahimik at pag-usapan ako nang di ko nalalaman. Dama kong ayaw nilang gawin ito kaya hahayaan ko na lang.

Masyadong maraming nangyayari sa paligid, pero kailangan kong maging mas alerto at mas malakas. Hindi man ako ang ideal na mukha ng isang martir, dapat kong ipanatili sa aking isip at kamalayan na kailangan ako ng aking mga tinutulungan. Kailangan ako ng aking lungsod at ng aking bayan.

Mahirap pagsabayin ang buhay ng isang lingkod bayan at buhay ng isang nagmamahal. Gayunman, mas pinili ko ang una dahil alam kong mas masaya ako doon. Masaktan man ako ay may mga dadamay, at magpapakita ng pagmamahal at suporta. Ngunit mali ka sa iniisip mong takot akong masaktan ng pag-ibig. Sanay na ako at marunong na rin akong mag-injection ng pampamanhid sa sarili ko. Nariyan na siya pero handa siyang maghintay, sabi nya. For now, friends with benefits muna kami. No strings attached.

Bago ang phone ko. Matagal ko itong pinaghandaan pero dumating nang biglaan. Maraming salamat po sa inyo.

Sa dami ng ginawa ko ngayong taon ay hindi ko na natuloy ang pagsusulat ng manuscript ng plano kong libro. Di bale, makakapaghintay naman iyon. Alam kong hindi ako magsasawang magsulat. Sana lang ay hindi magsawa ang pagsusulat sa akin.

Halos wala akong naipasok na entry sa Aurora Metropolis nung nakaraang buwan. Di ko na naisulat ang mga istoryang sinulat ng utak ko pero di na-save ng mga daliri ko. Nagsisiwalaan na silang isa-isa. Sana bumalik sila kapag di na ako busy.

Sa di inaasahan ay nagkita kami ng college crush ko sa isang kapihan sa Makati. Alam kong kilala pa niya ako dahil ilang beses ko siyang nahuling nakatingin sa akin. Alam ko yun dahil direkta akong nakatingin sa kanya. Pagkatapos ng isang minuto, mukhang di siya nakatiis kaya siya na ang unang bumati. Nag-ri-replay sa utak ko ang last three sentences niya bago siya tuluyang umalis: “Ankyut na ng pagka-chubby mo ngayon. Sana makasama ako sa advocacy mo soon. Message na lang kita sa Facebook tapos kape tayo next time.” (P.S.: May anak na siya pero walang asawa. May chance! Haha!)

May natanggap akong email na nagpalakas ng senyales na kailangan ko nang mag-ipon para makapunta ng Palawan. Susundin ko ba ang tinatahak ng signus na yun?

Hindi pa natatapos ang taon at marami nang naka-lineup na gagawin sa 2015. Sumabay pa ang wirdong panaginip na kinakausap ako ni PNoy sa harap ng maraming tao. Lalo akong kinabahan sa pwedeng mangyari.

May tatlong kaibigan akong ikakasal next year. Naalala ko ang tanong sa akin ng kaklase ko nung high school: “Tayo, kailan kaya ikakasal?” Naninindigan ako sa sagot ko: “Lalakad ako sa wedding march… pero bilang best man o groom’s man lang.”

Masama raw ang isang tao na hinihintay ang kamatayan ng iba… pero paano kung nahihirapan na siya sa buhay? Gugustuhin mo bang mabuhay pa siya sa pagdurusa?

Masaya ako sa ginagawa ko. Kahit ano pa ang di magandang interpretasyon ng iba sa mga ginagawa ko, mananatili ako sa paniniwalang hindi ko ito ginagawa para sa sarili ko o para sa kanila. Ginagawa ko ito dahil alam kong binigay sa akin ito ng Panginoon para makatulong sa kinabukasan ng aking bayan.

aurora-1212