Sa panulukan ng Pinpin at Escolta

Sa panulukan ng Pinpin at Escolta

Habang ikaw ay sabik na hinihintay,
Nanunuot sa aking lalamunan
Ang sorbetes na kulay puti’t luntian,
Nakasilip sa bintana,
Umaasa.

‘Di masama
Pero alam kong ‘di tama
Ang magpunla ng aking nararamdaman,
Sabayan pa ng sanlaksang kabaliwan
Na nagpamanhid sa pusong walang malay.

Unti-unti nyang tinutunaw ang laman
Ng nanlamig at sumasablay kong buhay.
Bawat dila,
Tikim at nginig ng saya
Ay may sakit, luha sa kinabukasan.

Lumipas ang lamig, init ay bumigla
Sa kalamnan
Kong dinaya ng sarap, tamis, ginhawa.
Gising na nga bang tuluyan
Sa pag-ibig na ‘di pwede maging tunay?

Pagngiti ko’y lumungkot, tumamlay
sa pagbukas ng pintuan
nang dagling magpasyang ika’y hiwalayan.
Alam ko na
Kahit mahirap, wala na’ng magagawa.

Ang hapdi sa ‘king isipan,
‘Di ko kaya
Na umakyat sa jeep kung saan sasakay.
Dapat sa sarili’y ipaunawa
Na tanggapin ang pawang katotohanan.

Palayo na ako sa Calle Escolta,
Tila umalis na rin sa kasalanan
At ilusyon ng maling pagmamahalan.
Nais ko nang humiwalay.
Ayoko na.

#

FAST POST #26: No Classes Due To Strong Prayers Of Students

PAALALA: Kung estudyante ka at babasahin mo ang artikulong ito, ihanda mo ang sarili mo na makonsensya at mag-isip-isip kung tama bang matuwa ka sa mga pangyayaring pabor sa’yo pero hindi pabor sa maraming tao.

habagat01

Larawan noong kasagsagan ng Habagat noong Agosto 2012.

habagat02

Larawan noong kasagsagan ng Habagat noong Agosto 2012.

habagat03

Larawan noong kasagsagan ng Habagat noong Agosto 2012.

Habang tinitipa ang artikulong ito ay pangalawang araw nang sinuspinde ng pamahalaan ang klase sa mga unibersidad dahil sa bugso ng Habagat na pinaigting ng bagyong Maring. Nagbunyi ang maraming estudyante dahil daw lalong napahaba ang LONG WEEKEND (special non-working day ang August 21 dahil sa death anniversary ng dating senador Ninoy Aquino) at maraming time para mag-DOTA, mag-Facebook at mag-EMO.

Pero ang pinaka-kumuha talaga ng aking atensyon (na noon ko pa napapansin pero ngayon ko lang kinainisan) ay yung mga tweet at post na kalat na kalat sa social media: “NO CLASSES DUE TO STRONG PRAYERS OF STUDENTS”.

Nakakatawa siya noong una, pero sa mga totoong gumawa ng birong ito, nanalangin ka ngang walang pasok, PERO…

1.) Naisip mo bang may naghihirap sa gitna ng rumaragasang baha habang pinagsisigawan mo sa Facebook ang kalandian o ka-emo-han mo?
2.) Naisip mo bang may nagugutom habang nakahilata ka sa sofa at kumakain ng paborito mong chichiryang hindi naman masustansya?
3.) Naisip mo bang may mga batang nagkakasakit habang lulong ka sa kung anumang online game na nilalaro mo?
4.) Naisip mo bang maraming palayang nasira habang nasa kama ka’t nagpapataas ng level sa Candy Crush?
5.) Naisip mo ba ang mga guro mong mawawalan ng sweldo habang nagpapakasaya ka sa hashtag na #walangpasok?
6.) Naisip mo ba ang mga estudyanteng nawalan ng eskwela’t gustong mag-aral habang ayaw mong pumasok dahil sa tinatamad ka lang?
7.) Naisip mo ba ang mga magulang mong nagpapaaral sa’yo habang may oras ka naman pero hindi mo pa ginagawa ang mga assignment mo?
8.) Naisip mo bang tumulong sa simpleng paraan na kaya mo kaysa humingi ng pampa-load?
9.) Naisip mo bang ihanda ang sarili mo sa posibleng mangyari sa mga kaganapang tulad nito kaysa isipin ang gagalaan mo sa susunod na araw?
10.) NAISIP MO BANG IPAGDASAL ANG KALIGTASAN NG LAHAT KAYSA IPAGDASAL MONG WALA KANG PASOK?

Aminado akong noong estudyante ako ay tuwang tuwa ako kapag walang pasok kapag may bagyo, pero hindi ko ginawang biro na ipagdasal kong mawalan ng pasok kaysa ialay ang panalangin sa mga kababayan nating nakatapak sa hukay ang isang paa nila patungo sa kamatayan dahil sa trahedyang kinakaharap nila.

FAST POST #13: “Anong Drama?”

[“Anong drama?” Ito ang isang comment na natanggap ko kagabi sa isang kaibigan nang mag-post ako sa Facebook tungkol sa “tampo” ko sa isang bagong kaibigan. Nakuha ko pang depensahan ang komento ng kaibigan kong ito, pero pagka-pindot ng enter key ay tila bigla akong nabuhusan ng tubig. Napahinto. Napaisip nang malalim. Bumuntong-hininga. Nauntog sa isang malaking katotohanan.]

***

Hindi ko maibigay yung eksaktong dahilan kung bakit ako naging emo (emotional or read: over sa pag-e-express ng emotions) pero tandang-tanda ko pa na nagsimula ang pagtaas ng drama levels ko noong December 2006. Ito ang unang pagkakataon na sumali ako sa “clan”, isang social networking trend gamit ang cellphone at na-in love sa taong sa cellphone ko lang nakakausap. (Sun Cellular pa lang ang carrier noon ng unlicall at unlitext) Seloso kasi ako kaya’t lahat ng kaartehan ay sinasabi ko at tinetext ko, kaya’t ang epekto nun ay nagagawa kong maging pa-sweet sa text at tawag kapag kausap ko siya.

Kung hindi ako nagkakamali ay nauso ang terminong emo noong mga bandang 2007 o 2008, na patungkol sa isang music format ng tugtog na umusbong mula sa alternative rock genre. Kasabay ng mga senti moment ko ay ang pagkahilig ko sa mga emo music, kaya’t binansagan ko na ang sarili ko na EMO mula noon. Sa paglago ng ganitong klaseng mga kanta, natanto kong unti-unti na rin palang lumalala ang kaemohan ko sa buong katauhan ko. Marami na akong nasirang pakikisama (kaibigan man, ka-flirt, ka-M.U. at mga past romantic relationship ko) dahil sa ganitong behavior ko. Napasama ang imahe ko sa maraming tao kapag umiiral ang pagiging emo sa maling lugar o sitwasyon. Pinilit kong dahan-dahang ibaba ang level ng pagiging emo ko, pero naging mahirap ito para sa akin lalo na noong naging libre ang paglalabas ng aking emo sentiments nang dahil sa Facebook at Twitter. Kahit ang blog kong ito’y nabuo dahil sa kaemohan ko sa pagiging hopeless romantic ko. (nakakatawa, nakakahiya pero yun ang totoo)

“Anong drama?” Ito ang isang comment na natanggap ko kagabi sa isang kaibigan nang mag-post ako sa Facebook tungkol sa “tampo” ko sa isang bagong kaibigan. Nakuha ko pang depensahan ang komento ng kaibigan kong ito, pero pagka-pindot ng enter key ay tila bigla akong nabuhusan ng tubig. Napahinto. Napaisip nang malalim. Bumuntong-hininga. Nauntog sa isang malaking katotohanan.

*PAALALA: Ang susunod na mga pangungusap ay maaaring maglaman ng mga kaemohan ng may-akda. Pakiunawa po. Maraming salamat.*

Malaya tayong nakakapagbulalas ng ating emosyon. Sa pamamagitan ng maraming pamamaraan ay naipaparamdam natin ang ating mga saloobin. Madalas, dahil libre nating gawin ito ay nakakalimutan nating mag-preno ng ating mga salita na ang nagiging resulta ay maaaring sakit o insulto sa mga taong pinatutungkulan/tatamaan nito. Tila para tayong nagiging kotseng sira ang preno na anumang oras ay pwedeng makaaksidente at makasakit ng mga tao.

Hindi naman talaga masamang magpaka-emo. Ngunit sa aking sitwasyon, na-realize ko na maraming beses akong umabuso sa pagiging emo ko. Maaaring naging daan ito upang mabuksan ang aking malikhaing puso’t kaisipan (tulad ng Aurora Metropolis), pero naging mitsa rin ito sa akin na maging sobrang sensitibo sa kung anong mga salita o kilos ang umaapekto sa akin. Tanda kong hindi ako sobrang sensitibo bago pumasok sa akin ang ganitong kaisipan. Marahil na rin siguro sa pagpipilit na magkaroon ng lovelife (hahaha) at pagiging sobrang involve sa pagkatao’t maging emosyon ng mga taong kinakaibigan/kaibigan/nagugustuhan/minamahal ko. Ganito rin ang epekto kapag ako’y binabalewala sa lahat ng bagay at sitwasyon na madalas kong ikinatatampo sa mga kinakaibigan/kaibigan/nagugustuhan/minamahal ko.

“Anong drama?” Naging alarm sa akin ang comment na iyon ng aking kaibigan (dahil na rin siguro na siya’y isa sa mga tumutulong sa akin upang palakasin ang pananampalataya ko sa Panginoon) na hanggang sa mga oras na ito’y malalim kong pinag-iisipan nang paulit-ulit. Dumating sa aking puso ang binabalak kong unti-unting “pagbabago” sa ganitong klaseng aspeto ng aking buhay. Ngunit sa huli, nitong gabi lang ay kinatok ni Hesus ang aking puso at hindi hinayaang masunod ang pagbabalak para sa aking sarili. Hahayaan ko Siyang gumawa ng paraan upang mabawasan ang pag-uugali kong ito.

Muli. Hindi masamang mag-emo. Ito ay nilalagay sa lugar at binabagayan ng sitwasyon. Ipapaayos ko sa Diyos ang preno ng aking puso upang gumanda ang daloy ng aking puso sa puso ng iba. Hindi naman talaga maaalis ang drama sa ating buhay. Ang importanteng pakatandaan natin sa lahat ay ang katotohanang hindi matinding bugso ng emosyon ang nararapat na lumabas sa ating puso, kundi pagmamahal sa kapwa, pag-unawa sa mga bagay-bagay at pananampalataya sa ating unang mahal, ang ating Panginoon.