Rated PG: Timplahan ng Disiplinang May Kurot na Pang-unawa

Ang rebyu na ito ay ipinasa sa National Youth Commission (NYC) bilang bahagi ng paggunita sa Children’s Month ngayong buwan ng Oktubre. Malugod kong binabahagi rito sa Aurora Metropolis ang pananaw sa isang makabuluhang pagtatanghal sa entablado ukol sa pagpapalaganap ng adbokasiyang “positive discipline” sa mga kabataang Pilipino.

Ang entablado ng PETA bago magsimula ang Rated PG.

Ang entablado ng PETA bago magsimula ang Rated PG.

Ang PETA Phinma Theater kung saan ginanap ang dulang Rated PG.

Ang PETA Phinma Theater kung saan ginanap ang dulang Rated PG.

Ang PETA Theater Center sa New Manila, Quezon City,

Ang PETA Theater Center sa New Manila, Quezon City. Napakahirap hanapin. Haha!

Marami sa ating mga Pilipino noon at ngayon ang dumaan sa pisikal na pagdidisiplina ng magulang noong panahon ng ating pagkabata. Habang tayo’y lumalaki, marami naman sa atin ang naintindihan ang gustong iparating ng nanay, tatay o mga tagapag-alaga natin sa tuwing nagagawa nila ito. Dahil dito, maaga tayong natuto sa pagkakakilanlan ng tama o paggawa ng nararapat para sa ating sariling kapakanan. Sa kabila nito, nakakalungkot isiping may mga iilang ang epekto ng ganitong disiplina ay nagdudulot ng tila matagalang bangungot na nadadala nila sa kanilang puso habambuhay. Binubunga nito ang isang pagkataong puno ng poot, pangamba at kawalang pag-asang nagsimula sa maagang pagkamulat sa karahasan sa loob mismo ng tahanan, paaralan o pamayanan.

Bilang magulang ng bansa, may mga ligal na probisyon at mga panukalang batas ang ating pamahalaan upang tumugon sa masamang epekto sa kabataan ng ating nakasanayang pagdidisiplina na kilala bilang “corporal punishment”. Pinapaalala nito sa mga magulang at tagapag-alaga ang kanilang mga limitasyon sa pagbibigay ng parusa. Bukod dito, inaatasan rin sila ng batas na ipaliwanag sa bata ang mga aral o akmang dahilan na kaakibat ng kanilang pagdidisiplina. Sa pamamagitan ng mga polisiyang ito, iginigiit ng estado na mabura sa lipunan ang “corporal punishment” at sa halip ay maisalin sa mas kaaya-ayang katawagang tinatawag na “positive discipline”.

Sinisikap ng ilang organisasyon at pribadong institusyon na tulungan ang mga ahensiya ng gobyerno upang ipalaganap ang kaalaman ukol sa adbokasiya ng “positive discipline” para sa kapakanan ng kabataang Pilipino. Nagsasagawa ang mga ito ng mga gawain at programang nagpapamulat sa lahat, bata man o matanda, sa karapatan ng mga kabataang sumasakop sa loob ng pamilya, barangay, eskwela at sa lipunang kanilang ginagalawan. Isa sa mga grupong tumataguyod sa pagpapahayag ng mga karapatang ito ay ang mga nasa larangan ng sining, partikular sa industriya ng teatro. Dito aktibo ang Philippine Educational Theater Association o PETA.

Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Children’s Month ngayong Oktubre, ang PETA, sa pamamagitan ng PETA Advocate Right to Safety Zone for Children (PETA ARTS Zone Project) kasama ang terre des Hommes-Germany (international children’s right organization) at German Federal Ministry for Economic Cooperation and Development ay naghandog ng isang makabuluhang pagtatanghal na nagpapakita na ang tamang pagdidisiplina sa bata ay magdudulot ng kabutihan, hindi lang sa kanyang katauhan kundi sa lahat ng aspeto ng pamilya at komunidad.

Pinamagatang “Rated PG”, ito ay kuwentong umiikot sa isang pamilyang hindi naiiba sa tipikal na pamilyang Pilipino. Si Joselle, bilang inang nagnanais ng magandang kinabukasan para sa pamilya, ay nagbabalak na magtrabaho sa ibang bansa upang masiguro ang pagtatapos ng pag-aaral ng mga anak na sina Rosalie at Tonton. Hindi maiiwasang mag-alala ni Joselle sa pagsubaybay sa gawi’t pag-uugali ng mga ito dahil masyado ring tutok sa pagha-hanapbuhay ang asawang si Romy. Napaka-kaunti ng oras na ama ng pamilya upang panatilihin ang magandang moral ng kanyang mga anak na sa panahon ngayon ay mas nangangailangan ng tamang paggabay. Sa pagkamulat niya sa mundo ng pagdadalaga, si Rosalie, ang panganay sa pamilya, ay nakakaranas na ng mga pangyayari kung saan bukas siya sa mga di-kaaya-ayang gawain. Dahil sa sobrang paghihigpit at pagdududa ni Joselle sa mga ginagawa niya, hindi na naging malapit ang loob ni Rosalie sa kanyang ina na sa kanyang isipan ay hindi siya naiintindihan nito. Si Tonton naman, ang bunso ay nagiging sobrang pilyo na umaabot sa sitwasyong hindi niya na alam na ang kanyang ginagawa ay hindi na tama. Dahil sa pagiging pasaway, napapasabak si Tonton sa mga away at napapagaya sa hindi magagandang gawi ng iba nyang mga kaklase tulad ng pagmumura o pagsuway sa kanilang guro. Sa mga tulad nito’y nasusubukan ang kakayahan ni Joselle bilang nanay na mas nakatuon sa pagdidisiplina ng mga anak nang hindi gumagamit ng pisikal na parusa tulad ng pamamalo, pangungurot at iba pa. Lumaki man sina Joselle at Romy sa ganitong pagpaparusa noong sila’y bata pa, ayaw niyang gayahin ang naranasan nito sa kanyang mga magulang.

Bukod sa problema ng pamilya ni Joselle, ipinakita rin dito ang mga posibleng resulta sa mga kabataan ng pagiging salat sa patnubay ng mga magulang dahil sa sobrang pagtatrabaho, pagkaabala sa pag-aalaga ng napakaraming supling at hindi pag-alam sa aktibidad o mga lugar na pinupuntahan nito. Ipinapakita rito ang iba’t ibang klase ng pagrerebelde ng mga kabataan tulad ng paninigarilyo o pag-inom ng alak, paghahanap ng atensyon ng iba sa pamamagitan ng pakikipag-text, pakikipag-away sa kalaro o kaklase o yung hindi na sinusunod ang utos ng kanilang magulang.

Dumaan ang mga pagsubok sa pamilya ni Joselle kung saan kinailangan na niyang gawin ang huling paraang naisip nila ni Romy, ang kausapin nang masinsinan sina Rosalie at Tonton. Dito narinig ng mag-asawa ang saloobin ng mga anak, lalo na ang panig ni Rosalie na lumala ang pagtatampo nang hindi siya payagan ni Joselle na sumali sa isang school dance competition. Ang pag-uusap na ito ang naging susi upang masolusyunan ang mga problema ng pamilya. Sa pagtatapos ng kanilang pag-uusap ay napagkasunduan nilang mag-uusap nang mas madalas kung may problemang kailangang solusyunan at hindi dadaanin sa mainit na komprontasyon ang anumang bagay na hindi pagkakasunduan. Nagtapos ang mga suliranin sa pagpapakita ni Joselle na ang bata ay mapapatino sa mahinahong disiplina nang hindi gumagamit ng marahas na pagpaparusa.

Tipikal man ang istorya ng Rated PG, sinasalamin ng 2010 Carlos Palanca Memorial Award for Literature awardee ang lahat ng mga pinakamahalagang isyung pang-pamilya at panlipunan na nakatuon sa mga kabataan. Sa pangunguna ng direktor na si Mae Quesada-Medina, manunulat nitong si Liza Magtoto, at likhang musika’t komposisyon ni Vincent de Jesus na idinerehe ni Dodjie Fernandez, naging magaan ang pagtatanghal ng Rated PG, marapat upang mapanood ng mga kabataan kasama ang kanilang mga magulang at guro. Higit sa lahat, epektibo ang naging pagganap ng mga tao sa ibabaw ng entablado na nagpatawa sa atin at nagbigay ng malinaw na larawan na nais iparating sa atin ng palabas na ito. Pinatunayan ng Rated PG at ng iba pang pagtatanghal ng PETA-ARTS Zone Project na ang kabataan ay hindi lang basta mga bata, sila’y mga buong tao na at may karapatang mabuhay nang maayos sa mundong nilikha Niya.

Ang Bus Ban At Ang “Modernong Intramuros” Na Maynila

Nakaugalian ko nang maging online lagi mula nang iwan ko ang Manila City Hall, gawa ng pagpapalit ng bagong administrasyon sa pamumuno ni dating Pangulong Joseph Estrada at re-electionist Vice Mayor Isko Moreno. Good news at bad news ito para sa akin, pero mas iniisip ko ang kabutihang dulot ng gawaing ito. Ang pagbubukas ng Facebook ay parang pagbabasa ko ng broadsheet, kung saan mas madaling makakuha ng mga balita para sa aking sarili at para sa pinapatakbo kong page na Manila Youth Interactive. Dito rin ako nakakakuha ng inspirasyon para makapagsulat muli ng kuwento at artikulo para sa Aurora Metropolis na madalang kong nagagawa nung mga panahong ako ay nasa serbisyo sa mga kabataan.

Heto ang buhay ko ngayon, nagigising para humanap ng kapaki-pakinabang na mga salita at nakakatulog sa kakahanap ng mga ito. Sa ganitong paraan, para pa rin akong naglilingkod sa mga kabataang nakikinabang sa mga impormasyong kailangan nilang malaman.

Sa kabila nito, tila hindi ko pa rin pinapakawalan ang sarili ko sa anino ng clock tower ng Maharnilad. Nakakahanap pa rin ng tiyempo ang tadhana na mangialam ako sa pulitika ng lokal na pamahalaan. Ginagalang ko nang taos sa puso at tanggap na nang buong buo ang pagkapanalo ni Erap at Isko bilang mga pinuno ng Maynila, ngunit narito pa rin sa loob ko ang pag-aalab na bantayan sila sa mga hindi nila dapat gagawin sa aking minamahal na lungsod. Kumbaga, hindi ko maitatago ang katotohanang kritiko ako ng kasalukuyang administrasyon sa lungsod. Hindi ninyo ako masisisi. Hindi ko sila binoto at kailangan nilang patunayan sa akin, bilang nagmamalasakit na Manilenyo, na hindi nagkamali ang mga taong muling naghalal sa kanila sa pwesto. Sabihin ko mang wala akong pakialam dahil hindi ko sila ibinoto, hindi ko maitatago ang malasakit ko sa Maynila. Dito ako nakatira, dito ako nabubuhay, at ang tanging pambawi ko sa mga nagawa ng lungsod sa akin ay protektahan siya sa pinakasimpleng pamamaraang kaya ko.

Hulyo 22. Umaga. Bumungad sa aking Facebook news feed ang balitang pinipigilan ng pamahalaang lungsod na papasukin ang mga bus sa Maynila bilang solusyon sa napakalalang sitwasyon ng trapiko. Hindi ang pagpasa ng ordinansa ang laman ng balita kundi pagkabigla’t galit ng mga mananakay ng bus dahil sa araw lang din na yaon nila nalaman na may ganitong batas na pala sa siyudad. Kahit ang mga bulwagang pambalitaan ay nagulantang dito dahil hindi umano nagpaabiso ang lokal na pamahalaan na magpapatupad sila agad-agad ng ganitong programa. Resulta nito ang malawakang kalituhan sa pagitan ng mga pasahero at mga bus driver na napagbubuntunan ng inis dahil dito.

Larawan mula sa Manila Bulletin Online

Larawan mula sa Manila Bulletin Online

Mabilis na ipinasa ng Sangguniang Panglungsod noong ika-16 ng Hulyo ang Council Resolution No. 48 na nagbabawal sa lahat ng bus na walang permanenteng terminal sa lungsod na manatili sa saan mang panig ng siyudad at kumuha ng pasahero sa nasasakupan ng Maynila. Kasabay nito ang paglalabas ng traffic guidelines kung saan sila hihinto’t pinahihintulutang magbaba at magsakay ng kanilang pasahero. Para naman sa mga bus na may terminal dito, lalo na sa mga bumibiyahe ng pa-probinsya, hinahayaan silang pumasok sa lungsod ngunit magbababa o magsasakay lamang ng kanilang mga pasahero sa mga himpilan nila. Sa pagsasakatuparan ng batas na ito’y hindi naabisuhan ng City Hall ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na siyang nangangasiwa sa ligalidad ng ruta ng public transportation sa bansa. Nilalabag umano ng Maynila ang batas trapiko dahil hinaharang umano nito ang mga ligal na bus na dumaan sa mga kalsada ng lungsod para makarating sa rutang itinakda ng kani-kanilang prangkisa. Para naman sa mga bus operator, malaking perwisyo ito para sa kanila dahil hindi lang sila nawawalan sila ng kita kundi sila rin ang unang naaagrabyado sa reklamo ng kanilang mga pasahero. Sa ilang araw na epektibo ang ordinansang ito’y naging kapansin-pansin ang napakaayos na daloy ng trapiko sa mga kalye, lalo na sa mga lugar na nirereklamo noon na masikip, mabigat at magulo dahil sa mga nagbabalagbagang bus.

Sa aking pagsubaybay sa mga detalye’t ibang mahahalagang impormasyon sa isyung ito, biglang pumasok sa aking gunita ang isang lugar na mahalaga sa kasaysayan ng Maynila — ang Intramuros. Sa loob ng mahigit tatlong siglo ay naging pinaka-eksklusibong distrito ng Pilipinas ang Intramuros. Patunay ang makakapal na pader na naghihiwalay sa mga Pilipinong “Indio” at sa noo’y itinuturing na korona ng pamahalaang kolonyal ng Espanya sa Asya Pasipiko. Kontrolado ng pamahalaan ang loob ng buong Intramuros na tila nasa loob ng isang malaking kamay na bakal ang pagpapatupad ng kaayusan sa distrito. Bukod sa naroon ang sentro ng gobyerno ay pinapatili nito ang mataas na pagtingin at paggalang ng lahat sa Intramuros bilang kabisera ng mga makapangyarihang Kastila hindi lang ng bansa kundi ng buong Malayong Silangan.

Hindi ba maganda ang ordinansang ito? Maaaring oo sa palagay ng marami. Masyado nang malaki ang Maynila at ang pangangailangan sa transportasyon ang isa sa mga pangangailangan upang gumalaw ang ekonomiya at pamumuhay dito. Narito pa rin ang ilan sa mga pinakaimportanteng kalsadang daanan patungo sa mga lugar ng hanapbuhay at mga paaralan sa kalakhan. Dahil sa batas na ito, ang mga dating nagtitipid na mananakay ay gagastos ng higit para sa pamasahe dahil sila’y magdadalawa o magtatatlong sakay papunta sa kanilang destinasyon.

Ngunit babalik ako sa konsepto ng Maynila bilang bagong Intramuros. Maaaring wala nang pader ang lungsod para maiwalay tayo sa iba pang bayan, pero dahil sa ordinansang ito ay nararamdaman kong muli ang tanyag na binakurang siyudad ng ika-16 na siglo. Positibo ang epekto? Para sa akin, positibo sa anggulong ito ay isang malaking hakbang na sa aking palagay ay makakatulong sa atin bilang mga disiplinadong Manilenyo. Marami sa atin ang hindi marunong sumunod sa batas trapiko na isa sa mga pinakapayak na regulasyon sa kahit saan mang bansa sa mundo. Kung saan-saan na lang tayo bumababa at sumasakay nang hindi namamalayang may tamang lugar pala para sa sakayan at babaan, lalo na sa mga pangunahing kalsada ng lungsod. Marami rin sa ating mga driver, bus man o jeepney, tricycle at iba pang uri ng transportasyon, ang hindi rin sumusunod sa itinakdang panuntunan sa pagkuha ng pasahero, bagkus, ginagawang kumpetisyon ang pagkuha ng mananakay sa kalye kahit hindi doon ang tamang sakayan. Sa iba namang hindi sa Maynila ang pangunahing ruta, problema sa kanila ang pag-balagbag sa mga kalsada na ginagawang paradahan para madaling makakuha ng pasahero.

Ang ordinansang ito ay tila isang kamay na bakal na kailangan sa loob ng ating lungsod. Maaaring mahirap at hindi kaaya-aya kung titingnan, ngunit naiintindihan ko ang kalaliman nito bilang isang solusyon, hindi lang sa problema ng trapiko sa Maynila kundi sa problema natin bilang mga tao. Dala natin ang pangalan ng bansa at obligasyon ng lokal na pamahalaan na panatilihin ang pinakamataas na paggalang sa Maynila bilang kabisera ng Pilipinas. Dapat tayong mga Manilenyo ang siya mismong nagbibigay-galang sa kung anong meron tayo sa loob ng lungsod tulad ng mga taong naninirahan noon sa Intramuros. Dapat tayong mga Manilenyo ang nagpapakita ng pinakamataas na disiplina, hindi lang sa kalye kundi sa aspeto ng pamumuhay na magdadala rin naman sa atin sa kaunlaran tulad ng mga Manilenyo noon sa Intramuros. Sa mga bus naman, nawa’y napag-isip-isip na ninyo na ang Maynila ay hindi lang basta tinatawiran para makarating lang sa inyong ruta. Ang Maynila ay tulad pa rin ng karangalang tinamasa ng Intramuros, isang matatag na lungsod na isinasaalang-alang ang kabutihan, kaligtasan at kaayusan ng nasasakupan nito. At tulad naman ng prinsipyo ni dating Mayor Alfredo Lim, sa Maynila, ang batas ay pinapatupad para sa lahat at walang taong mas mataas pa sa batas. Samakatuwid, bawat kalsada ng Maynila ay mahalaga kaya’t walang sasakyan, driver,operator o pasahero man ang dapat bumalagbag nang basta-basta, lalo na sa mga batas na isinasakatuparan dito.

Wala mang bus noong unang panahon, ngunit ang istriktong pagpapatupad ng batas tulad ng ordinansang ito ay para sa ikabubuti muli ng Maynila bilang susi sa kaunlaran. Nararanasan man natin ang perwisyong dulot nito sa kasalukuyan, tandaan natin na tayo’y dumaraan sa kalunos-lunos na proseso ng pagbabago na magpapatanto sa atin na tayo mismo ang may kasalanan kung bakit tayo nagkaroon ng ganitong problema. Sa sitwasyong ito, tayo mismo ang makakahanap ng libo-libong paraan para makapag-adjust sa mga pagbabago. Hindi tayo mga bobong umaasa lang sa instant at parang mga spoiled brat na magmamaktol kapag hindi naibigay ng pamahalaan ang gusto natin, kahit hindi na ito tama o nararapat.

Saludo ako sa pamunuan nina Mayor Erap at Vice Isko sa unang hakbang na kanilang pinapatupad sa kanilang unang termino sa Maynila. Nawa’y mapanindigan nila ang kagandahan ng regulasyong ito para sa pang-matagalang resulta ng kaayusan dito. Maliban sa mga pagkakamali tulad ng hindi maayos na malawakang pag-a-anunsyo nito sa publiko, hindi maayos na koordinasyon sa pambansang ahensyang may sakop nito at sa ilang mga bagay na dapat isaalang-alang bago ipatupad ang ordinansa (tulad ng kaaya-ayang loading and unloading bays at paglalagay ng jeepney terminals sa mga lugar na ito upang mapagsakyan ng mga pasahero galing sa labas ng Maynila), ang paghihigpit sa batas trapiko ay isang magandang solusyong dapat kaharapin ng lahat ng nakikinabang sa mga kalsada ng lungsod dahil dito magsisimulang dumaloy ang disiplina hindi lang ng sektor ng public transportation kundi nating lahat.

Sumusuporta po ang inyong lingkod sa hakbanging ito, ngunit MAS HIGIT AKONG NAGBABANTAY, muli, BILANG ISANG NAGMAMALASAKIT NA MANILENYO.