CINEMALAYA SA AKING MATA #03: SALIW /Ang Sayaw Ng Dalawang Kaliwang Paa/

SENARYO BAGO MAPANOOD ANG PELIKULA: Hindi ko inaasahan na mapapanood ko ang pelikulang ito. Muli, nagpapasalamat ako sa kaibigan kong si Florence dahil tinulak niya akong tunghayan ang isang obrang ito sa Cinemalaya ngayong taon. Kasama sina PLM College of Mass Communication dean Prof. Ludmila Labagnoy at Prof. Neriz Gabelo, nanood kami ng pelikulang ito sa mismong gala night noong July 22 sa Tanghalang Nicanor Abelardo. Isa na namang natatanging pelikulang maglalaro sa iyong isipan at damdaming pampanitikan – ito ang “Ang Sayaw Ng Dalawang Kaliwang Paa” ni Alem Chua at Alvin Yapan, sa pakikipagtulungan ng Far Eastern University.

Mapanlinlang ang mundo ng panitikan. Bawat damdamin ay pilit na tinatago sa mga salita at bawat pintig ng puso’t isipan ay hinahalay ng mga taludtod at mga masining na hakbang. Sa kabila niyon, ang panitikan ay isang maingay na alulong upang ihayag ang tunay na pagmamahal at mariing pagsasamo sa hinihinging atensyon ng isang nilalang sa isa pa.

Ang pelikulang Ang Sayaw Ng Dalawang Kaliwang Paa ay isang napakagandang halimbawang nagpapakita ng pagsasanib ng literatura gamit ang mga letra at mga galaw ng katawan. Sumesentro ang istorya nito sa tatlong nilalang na may iba’t ibang hangarin patungo sa iisang resulta – pagmamahal.

Hinahangaan ng estudyanteng si Marlon ang kanyang maestra sa Panitikan ng Pilipinas na si Karen. Kilalang walang asawa sa kabila ng kanyang kagandahan, naging mapusok si Marlon na pasukin ang mundo ni Karen upang ito’y kanyang mapahanga at mabihag ang puso nito. Sa pagsunod nito kay Karen ay napag-alaman niyang nagtuturo pala ng sayaw ang una pagkatapos ng pagtuturo niya sa kolehiyo. Naging pagkakataon ito para sa kanya upang magpakitang-gilas sa kanyang babaeng hinahangaan, at sa tulong ng kaklaseng si Dennis ay kukuha siya ng ‘advance lesson’ sa pagsasayaw upang mabigla si Karen na may kakayahan siya sa nasabing sining. Nais ni Marlon na kung hindi man siya manaig sa klase ni Karen sa unibersidad ay mananaig siya sa pagsasayaw na magdadala sa paghanga ni Karen sa kanya. Naging malapit sina Marlon at Dennis, at dito rin naging bukas si Marlon sa buhay ni Karen sa likod ng literatura at sayaw. Di kinalaunan ay nakumpirma ni Karen na tinuturuan ni Dennis si Marlon bago pa man siya pumasok sa klase nito, at dahil dito’y nagkaroon ng sama ng loob si Marlon kay Dennis dahil akala nito’y sinumbong siya ng huli kay Karen. Naramdaman ni Karen ang tensyon sa dalawa at pinagkasundo sa pamamagitan ng sayaw. Sa paglalaro ng kanilang mga damdamin sa bawat hakbang ay nakuha nila ang sining ng pagsasayaw, at dito’y nakumbinsi nila si Karen na sa kanila ibigay ang dalawang pangunahing tauhan sa planong dance adaptation nito na base sa alamat ni Humadapnon. Ang gaganapang tauhan ni Dennis ay si Nagmalitong Yawa na nag-anyong lalaki bilang Sunmasakay na magtatanggol sa datung si Humadapnon sa kuwebang puno ng mga kababaihang nagnanasa sa kanya. Si Humadapnon ay gaganapan ni Marlon, at sa maiigting na pagsasanay sa mga kinakailangang eksena ay umigting din ang kanilang pagsasamahan – hindi na lang para mapasaya si Karen kundi para sa kanilang mga nililihim na nararamdaman sa isa’t isa.

Maraming nag-aakala na ang pelikulang ito ay isang pink film, o pelikulang tumatalakay sa same sex issues at sinasabing ginamit lamang ang kuwento ni Humadapnon upang pagtakpan ang anggulo ng romantikong damdamin ng dalawang parehong kasarian. Pagbibigyan ko ang mga nagsasabi ng mga ganoong perspektibo – oo, maaaring ituring na pink film ang obrang ito – pero hindi ito isang ordinaryong pink film na laging tumatalakay sa kalaswaan o makamundong relasyon ng dalawang lalaki. Ito ang pelikulang masasabi kong nabibilang sa iilang pelikulang nagpapamalas sa mga sarado ang utak na ang pagiging ispesyal ng mga same sex ay nagagamit sa produktibong paraan. Sa bawat saliw ng mga titik ay may kaakibat na pagkamalikhain upang mabuo ang sining ng sayaw. Ito ang pelikulang dapat pamarisan pagdating sa paggawa ng pink films dahil sa mga ganitong obra ay maitatanghal ang pagpapahalaga ng same sex sa panitikang unti-unti nang binabalewala ng mga Pilipino sa kasalukuyan.

Walang katumbas ang galing sa pagganap ni Jean Garcia bilang Karen. Tila umuurong ang kanyang edad nang unti-unti dahil kung nakilala natin siya bilang matandang dalagang si Miss Minchin sa “Sarah: Ang Munting Prinsesa” noon ay nakikita natin siya ngayon na sumasabak bilang isang mananayaw na tinalo pa ang mga kabataang babae. Ipinamalas din dito ni Garcia ang galing niya hindi lang sa pag-arte kundi sa pagbabasa ng mga obrang pampanitikan at sa aking pananaw ay nagawa niya ito nang tama at may damdamin. Gayundin sina Rocco Nacino at Paulo Avelino na naging sobrang galing sa pag-arte at sa pagsasayaw. Aaminin ko, hindi ko gusto ang kanilang pag-arte sa telebisyon, kaya nasorpresa ako dahil sobrang napahanga nila akong dalawa. Nakuha nila ang tunay na emosyon ng mga galaw at mata ng mga taong may nililihim tulad ng isang tunay na same sex. Kahit ang pagbato nila ng mga ‘cheesy’ na dialogue ay nabigyang katarungan nang mahusay. Dito natin mapapatunayan na ang artista’y magiging epektibo kung mabibigyan siya ng tamang role at script upang ilabas ang kanyang tinatagong galing. Nais ko ring palakpakan ang napakaayos na partisipasyon ng mga mag-aaral ng Far Eastern University (FEU) at ng Company Of Dance Artists (CODA).

Higit sa lahat, sobrang kapuri-puri ang teknikal na aspeto ng pelikula, bagama’t ito ay may limitadong budget lamang. Naging mas makabuluhan ang grandiyosong choreography rito dahil sa mga nilapat na orihinal na awitin at musika. Isa pa, napakasaya ring marinig sa ganitong klaseng pelikula ang mga obrang pampanitikan ng mga piling manunulat na nagbigay ng halaga at kulay sa pangunahing hangarin ng istorya. Para sa akin, isa ito sa mga tunay na art films at isang obrang nagpapaangat ng moral ng mga nasa same sex upang maging mahusay sa larangan ng sining na tunay na yaman ng bansang ito.

Ang sayaw ay isang biswal na panitikan. Ang isang magandang sayaw ay nakikita sa saliw ng mga hakbang kung saan mararamdaman ang emosyon ng isang tao kahit hindi siya nagsasalita. Gayundin ang pag-ibig, nararamdaman ang tunay na pagmamahal ng isang taon, hindi sa mga magagandang salitang sinasambit o sa mga galaw na nakakapagpakilig. Tulad ng sayaw, ang tunay na pag-ibig ay nakikita sa saliw ng mga hakbang kung saan mararamdaman ang sinseridad ng puso at pagiging totoo ng damdamin na para bang isang natatanging obra ng sining.

CINEMALAYA SA AKING MATA #02: HALAGA /Sawasdee Bangkok (2009, Thailand)/

SENARYO BAGO MAPANOOD ANG PELIKULA: Martes, Hulyo 19. Wala talaga akong interes na manood ng kahit anong pelikula sa Cinemalaya dahil nagipit ako sa budget noong araw na iyon. Pero dahil sa kaibigan kong si Che ay pinautang niya ako para samahan sila sa pelikulang target nilang panoorin. Sa kasamaang palad ay sold out na ang mga tiket para doon. Pinautang ako ni Che at bumili ng tiket para naman sa pelikulang papanoorin ng isa naming kaibigan na si Macky. Nag-bakasakali akong may tiket pa sa pelikulang iyon. Ang masaklap pa ay napakahaba ng pila sa box office kaya inabot ako ng 6:15pm, ang umpisang oras ng 3rd run ng showing sa lahat ng teatro. Talagang inis na inis ako dahil hindi ko na masisimulan ang target kong panoorin nun, at sa kamalas-malas, pagdating ko sa harapan ng box office ay sold out na rin ang pelikulang pinapanood na ni Macky. Nagtanong ako sa takilyero kung ano pa ang hindi sold out na pelikula at nagpakita siya ng dalawa – isang movie workshop at isang Thai movie. Pinili ko ang Thai movie, ang Sawasdee Bangkok na tumatakbo na noon sa loob ng Tanghalang Aurelio Tolentino (CCP Little Theater) – at late na ako ng 15 minutes nung pumasok ako roon.

 

 

Ano ang halaga? Sino ang mga taong dapat nating pahalagahan? Kailan tayo nagpapahalaga sa isang tao o sa isang sitwasyon? Bakit natin pinapahalagahan ang mga ito? Paano tayo magpahalaga?

 

Sa ganitong mga tanong nagkakaisa ang mga tampok sa Sawasdee Bangkok, isang nine-segment-short film anthology mula sa Thailand na unang ipinalabas noong 2009. Ito ay mga pelikulang idinerehe ng ilan sa mga pinakamagagaling na direktor ng nasabing bansa, kung saan tampok ang iba’t ibang mukha at mga kuwentong naganap sa napakagandang lungsod ng Bangkok. Apat lamang, sa halip na siyam, sa ang bukod tanging itinampok sa nakaraang Cinemalaya: ang Sightseeing (Wisit Sasanatieng), Bangkok Blues (Aditya Assarat), Pi Makham (Kongdej Jaturanrasamee) at Silence (Pen-ek Ratanaruang).

 

Sightseeing

Nanguna sa apat na pelikula ang Sightseeing – isang kuwento ng bulag na si Na na nakatira sa ilalim ng tulay at nabubuhay sa ganda ng Bangkok sa pamamagitan lamang ng casette tape na kanyang pagmamay-ari. Dito’y nakakilala siya ng isang istranghero na sinamahan siyang libutin ang Bangkok, at tulad ng kantang lagi niyang pinapakinggan sa casette tape, ang natatanging bukambibig lamang nito ay ang kagandahan ng lungsod. Nagtiwala siya sa taong ito na unang beses niya pa lamang na nakilala dahil ang paniniwala ni Na ay isa itong anghel na sumagip sa kanya nang siya’y muntik nang halayin ng dalawang lalaking lasing. Sa pamamagitan ng kanyang bagong kaibigan ay nilibot ni Na ang Bangkok at hindi ininda ang kawalan ng paningin upang damhin ang lungsod. Sa mga salita ng lalaking iyon ay parang nakikita na rin niya kung anong meron sa Bangkok, ngunit lahat ng mga salitang iyon ay tila parang isang alamat lamang. Ang Bangkok na sinasabi ng istrangherong iyon ay tila lungsod na likha at pinaunlad ng mga anghel sa kalangitan, pero ang katotohanan, ang lungsod na iyon ay puno ng pagsubok at puno ng mga patibong na kahit sino ay maaaring mahuli, masaktan at maaaring ikasawi ng isang buhay.

 

Sinasalamin ng Sightseeing ang halaga ng tiwala, bagama’t hindi naging maganda ang resulta ng pagtitiwala ni Na sa misteryosong lalaking ito. Nakumbinsi naman ako ni “Tak” Bongkot Kongmalai (gumanap na Na) sa kanyang pagganap bilang bulag na ginagamit ang kanyang pandinig at pang-amoy upang matukoy niya ang mga bagay at nangyayari sa kanyang paligid. Magkagayunman, sana’y hindi naging magalaw ang kanyang mga kamay na kumakapa ng kung ano-ano para lang masabi na siya ay bulag. Hindi naman naging akma ang pag-arte ng aktor na gumanap sa lalaking istranghero. Hindi ko man alam kung paano nila iarte ang kanilang mga salita, pero naniniwala akong mas gaganda pa ang banat ng mga nakakatawang linya kung maibabato ito sa mas nakakatawa pang pagganap.

 

May mga kuha ang kamera na tila hindi tugma sa pangangailangan ng eksena tulad nung pinapakita ang ilang mga lugar sa Bangkok na kanilang pinuntahan. Sa kabila noon, gusto ko ang mga unang eksena kung saan pinapakita kung gaano kahirap sa isang bulag ang mag-isa sa buhay. Naging patas naman ang trato ng musika sa eksena, lalo pa’t naging sentro ng aspetong ito ang kantang laging pinapatugtog ni Na sa kanyang casette.

 

Ang pinakaispesyal na eksena sa lahat para sa akin ay yung parteng sila ay nasa rotonda sila, kung saan parang nakakita ang kasamang lalaki ni Na na nagpagulo ng isip nito. Napakagandang simbolismo ang paggamit sa busina ng bus na tila alulong ng isang elepante na siyang importanteng hayop sa Thailand. Lubos nitong pinaparamdam na ang lungsod, tulad ng isang elepante, ay may pinapakitang kabaitan ngunit may tinatagong bangis.

 

Bangkok Blues

Sa Bangkok Blues naman ay isinama tayo ng dalawang magkaibigan sa isang abandonadong palaruan sa Bangkok. Sa katabing apartment nun ay pinipilit ayusin ni Louis ang kanyang problema sa kanyang minamahal na babae na si Sajee. Habang naghihintay, ang kaibigan naman ni Louis na si Ananda na mahilig mag-record ng mga tunog ng kapaligiran, ay naglibot-libot upang makahanap ng lugar para siya makasagap ng kanyang idadagdag sa koleksyon ng mga recording. Dito’y nakilala niya ang isang batang babae na humahangos sa sobrang pagod. Mula sa pagbibigay ng tulong ay nabahaginan pa ni Ananda ng interes ang batang babaeng ito sa kanyang hilig sa pagre-record ng mga tunog. Sa kabilang banda, tila hindi naayos ni Louis ang kanyang problema sa kanyang kasintahan. Samakatuwid, umuwi silang may magkaibang napulot na natutunan sa buhay na kung anuman ay hindi malinaw na nilahad.

 

“To love others, you must love yourself.”

“Memory lasts forever.”

 

Ipinarating sa atin ng Bangkok Blues ang halaga ng mga alaala at ng komunikasyon sa pagpapatibay ng anumang pagsasamahan. Ang dalawang magkaibigang ‘farang’ (expatriates) na ginampanan ng comedy team nina Ananda Everingham at Louis Scott ay tila lumagay sa medyo seryosong mga sitwasyon pero nagbabanatan din naman, tulad ng totoong magkaibigan. Ipinakita nilang dalawa na kahit ano pang lumabas na kalokohan sa kanilang bibig, ang mahalaga ay ipinaparamdam ng isang tao na kahit sa anong bagay ay buo ang suporta nito sa kanyang kaibigan. Si Sajee ay naging epektibo sa pagbabato nito ng mga linyang may mura, pabulyaw pero nakakatawa. Mas nakakatawa pa nang nakita ni Scott na suot ni Sajee ang kanyang T-shirt. Umalma ang huli at agad na hinubad ang suot na T-shirt at binato kay Louie na nasa baba ng terrace. Ang tauhang ginampanan naman ni Everingham ay may tinatago mula sa aksidenteng kanyang naranasan, kaya’t meron siyang benda sa kanyang kamay at ulo. Kalmado ang kanyang pag-arte at napakalimitado, akma lamang sa isang taong may kakaibang hilig na sining tulad ng pagre-record ng mga tunog. Naging makahulugan naman ang naging pagganap ng batang babae (hindi tinukoy ang pangalan) na naging palatanong tungkol sa hilig ni Ananda sa pagre-record ng tunog. Pinakagusto ko ang eksenang lumibot ang kamera sa lumang palaruan habang pinapakinggan ng batang babae ang recorded audio ni Ananda sa Central Park, New York. Isang pakahulugan na minsan, ang abandonadong lugar na kanilang kinalalagyan ay minsang naging lugar ng mga alaala ng mga batang naglaro rito at maaaring isa ang batang babaeng iyon sa mga nagdadala ng mga masasayang alaala mula sa lumang palaruan.

 

Hindi naman gaanong gumamit ng teknikal na aspeto sa produksyong ito pero naging sapat ang pagganap ng mga artista. Mas magiging maganda pa sana ang eksenang lumilibot ang kamera sa palaruan habang pinapakinggan ng batang babae ang mga tunog sa Central Park kung dinamihan pa nito ang anggulo at naging mas detalyado pa ang mga tunog sa recording at hindi lang tawanan ng mga bata. Hindi naging malinaw ang pagtatapos, ni nag-iwan ng tuldok kung tatapusin na ba ng tauhang ginampanan ni Scott ang panunuyo sa kasintahan o kung bakit biglang nawala sa eksena ang batang babae na kasama ni Everingham sa palaruan bago dumating si Scott.

 

Pi Makham

Hindi isang tipikal na love made overnight ang istorya ng Pi Makham. Tampok dito ang kuwento ng isang binatang naghahanap ng kanyang ama sa Bangkok at nakakilala ng isang prostitute na tahimik na nakatayo sa isang sulok ng Sanam Luang. Ang gabing iyon ay hindi isang ordinaryong gabi para sa binata at dalagang iyon dahil ipinaramdam sa pelikulang ito ang ilan sa mga makatotohanang senaryo sa lungsod tuwing gabi. Nakakagulat ang kuwento dahil hindi inaasahan na ang namumuong pagtitinginan ng dalawa ay tila isang panaginip lang – isang panaginip na para sa binata ay isang pangyayaring nanaisin niyang ulit-ulitin. Ang babaeng nakatalik, nakausap, nahalikan, nahawakan ang kamay at nakasama niya sa buong magdamag na parang higit pa sa na-pickup na prostitute ay kaluluwa pala ng isang dalagang pinatay sa lugar kung saan mismo nakita ng binata ang babaeng inuumpisahan na niyang mahalin.

 

Tulad ng nabanggit ay hindi inaasahan na ganito kadilim ang sinapit ng istorya sa pelikulang ito. Gayunpaman, napahanga ako sa pagganap ng dalawang artistang gumanap sa pelikula, lalo na sa gumanap na binata (Namo Thongkamnerd) na napatotohanan ang pagganap na probinsyanong hindi kailanman bumalik na pumunta sa isang lungsod. Ang pagiging ignorante sa Bangkok at ang mabilis na pagkahulog ng loob nito sa prostitute (Kalorin Nemayothin) ay isang realidad, lalo na sa isang binatang naging bigo sa pag-ibig at humahanap ng kalinga sa taong sa hindi inaasahan ay kapareho ng kanyang nakaraang minahal. Nadala nilang dalawa ang buong istorya na nanaig ang kilig at naramdaman ang pag-usbong ng emosyon sa pagitan ng dalawang nilalang sa gitna ng hindi ligtas na gabi sa lungsod.

 

Tila naging isang anyong pampanitikan ang pelikula dahil sa voice over na tila story teller na nagdedetalye sa lihim na saloobin ng mga bida at ilang mga paliwanag sa mga eksena na istorya. Hindi naging galawgaw ang mga kuha ng camera at naging mabuti ang hindi masyadong paggamit ng musical scoring upang mapagtuunan kung ano ang tunay na tunog ng isang lungsod kapag sumasapit ang gabi. Ang mga simbolismo tulad ng rebultong kuwago at ng sapatos ng ama ni Namo na natagpuan nila sa paanan ng tulay ay hindi naging ganoong kalinaw sa relasyon nito sa istorya, maliban sa pagsasabi ni Kalorin na huwag nang umasa si Namo na mahahanap pa niya ang kanyang amang sumabak sa Bangkok upang sumali sa mga kilos protesta laban sa pamahalaan. Naging malinaw, bagama’t mahiwaga ang katapusan ng kuwento na mag-iiwan sa inyo ng pagtindig ng balahibo, lalo pa’t noong pinakita ang larawan ng babae noong siya ay natagpuang patay sa Sanam Luang.

 

Para sa akin, isa itong pelikulang hindi malilimutan, bagama’t simple lang ang takbo ng istorya. Isang pag-ibig na hinintay na magtagpo, pero nakakapanghinayang na hindi naisakatuparan dahil sila ay nasa magkabilang dimensyon na ng buhay.

 

Silence

Pinakahuli sa mga tinampok na pelikula ng Sawasdee Bangkok ay ang Silence na patungkol sa isang mayamang dalaga na nasiraan ng kotse sa highway at nakatagpo ng isang binging taong grasa, na para sa perspektibo ng lahat ay nakakadiri at walang gagawing maganda. Minaliit ng dalaga ang kakayahan ng taong grasa na tipikal naman ng reaksyon ng lahat. Sa huli, sa kung ano-anong pagbubutingting nito sa kotse ay umandar ito. Sinubukang bayaran ng dalaga ang taong grasa, pero para sa huli, hindi ito ang kanyang hinihinging kapalit. Ang gusto niya lang na makamit ay sana, marinig nito ang simpleng pasasalamat ng dalaga sa kanyang nagawa.

 

Sa apat na pelikula ay ito, para sa akin, ang pinakamaganda’t pinakamakahulugan. Kung tutuusin, ang buong kuwento nito ay naging komedya pero naging kahanga-hanga ang pagtatapos nito dahil sa isang aral na tila nakakalimutan na ng ilang kabataan sa kasalukuyan – ang halaga ng paggalang at pasasalamat. Ang pagganap ni Ploy Horwang ay naging epektibo upang ipakita kung gaano kapusok ang mga kabataan sa modernong panahon, lalo pa’t nabubuhay sa karangyaan at mga bisyo sa buhay. Binibigyan ko rin ng pagkilala ang pagganap ni Nopachai Jayanama bilang dahil kahit wala siyang dialogue ay naging maganda ang pagdadala niya sa tauhan ng bingi’t mahiwagang taong grasa.

 

Simple lamang ang paghabi sa teknikal na aspeto ng pelikulang ito, mula sa nilapat na musika, kuha ng camera at editing. Medyo may konting hindi pagkatugma sa lighting, lalo na sa eksena sa highway. Gayundin sa bahaging kasama niya ang kaibigan sa bar sapagkat hindi ko naintindihan kung yung lalaki sa pinakaunang eksena nito ay nai-table sila o kasama talaga nila sa loob ng bar. Sa kabila ng mga iyon, hindi nito nahadlangan ang pinupunto ng pelikula dahil ang tunay na nagdala ng kuwento rito ay ang dalawang bida.

 

Totoong nakakaiyak ang huling bahagi ng pelikula, lalo pa’t sa ganoong pagkakataon mo pa matatanto ang realidad na mahalaga ang salitang ‘salamat’. Makabagbag-damdamin ang parteng iyon dahil mararamdaman mong siya ang tipong hindi marunong magpasalamat sa mga simple ngunit magagandang pangyayari sa kanyang buhay. Sana ganun din tayo. Gawin nating laging bukambibig ang pasasalamat dahil ito ay may halaga sa lahat ng tao.

 

Ang apat na pelikulang itinampok sa Sawasdee Bangkok ay nagbigay daan sa mga eksena kung saan nakikibaka ang ilang mga mamamayan sa gulong pampulitika sa Thailand noong mga panahong iyon. Matatandaang nagkaroon ng gusot ang pamahalaan nila mula nang mapatalsik sa puwesto ang kanilang dating Punong Ministro Thaksin Shinawatra. Ang paghahabi sa mga pelikulang ito ay isang pakahulugan ng pagkakaisa ng mga lumikha sa mga nabanggit na obra para isalin ang kanilang disposisyon sa nangyayari sa kanilang gobyerno. Walang dudang isa itong pagtatanghal na karapat-dapat na matampok sa mga film festival tulad ng Cinemalaya.

CINEMALAYA SA AKING MATA #01: PAGTATAKIP /Maskara [Laurice Guillen]/

SENARYO BAGO MAPANOOD ANG PELIKULA: Halos maraming taon din mula nang huli akong dumalo sa opening night ng Cinemalaya. Isang maigting na pagpapasalamat sa kaibigan kong si Florence na naging volunteer dun at nagkaroon ako ng pagkakataon para bumalik ang interes ko sa pagdalo sa mga mahahalagang kaganapan na may kaugnayan sa ating pinilakang tabing. Ang opening film ng Cinemalaya na huli kong napanood ay noong itinanghal ang Kubrador ni Jeffrey Jeturian, at alam kong sobrang tagal na nun dahil estudyante pa ako noong pinanood ko yun. Pero dahil sa naka-attend ako ng Cinemalaya 7 Opening, masaya akong sabihin na hindi na ako outdated sa independent film industry. Ngayon, muli kong binubuhay ang aking diwa sa Cinemalaya sa pamamagitan ng paggawa ng mga sulating nagbibigay ng aking pananaw sa ilang mga pelikulang itinampok dito ngayong taon – at unang-una diyan ang opening film, ang Maskara, mula sa direksyon ni Laurice Guillen at sa panulat ni Irina Feleo.

Sinasabi ng marami na ang pag-aartista ay para na ring pagbubukas ng libro ng iyong buhay sa napakaraming tao. Dahil isa ka ngang libro na binubuklat at handang basahin ng iyong mga tagahanga at kritiko, nararapat ay nakahanda ka ring mapuri, mapuna at posibleng masira. Pero kung natapos ang iyong buhay bilang isang artistang may iniwang makahulugang bakas sa industriyang nag-angat ng pangalan mo sa marami, paano kung sa huli nito’y mismong pamilya mo, na kasama mo lagi sa lahat ng nangyayari sa’yo, ay makatuklas ng isang lihim na kahit sa kanila ay tinago mo nang matagal na panahon? Sa tingin mo, paano sila tutugon sa rebelasyong ito?

 

Hindi kakaibang istorya ang Maskara ng batikang artista at direktor na si Laurice Guillen. Hindi ito bago, lalo na sa mga artistang may nilihim at nililihim na ibang pamilya o ibang anak sa kanilang mga ligal na pamilya. Sa kabila niyon, hindi inaasahan ang pag-ikot ng tadhana para sa mga pangunahing tauhan at hindi ito nag-iwan ng negatibong impresyon para sa taong naging puno’t dulo nito.

Nangyari ang mga rebelasyon sa ika-40 araw ng kamatayan ni Bobby. Nagsama-sama ang mga nakasama niya sa industriya at sinabi ang lahat ng mga magagandang alaala tungkol sa kanya. Nariyan ang kanyang pagiging mahusay na aktor, magaling na katrabaho, tunay na kaibigan at walang kapares na mentor para sa mga batang artistang nakahalubilo niya. Ngunit sa kabila ng imaheng iyon ay ang pagiging mabuti niyang ama sa anak na tinago niya sa kanyang kabiyak na si Helen. Sa kanyang pagkamatay ay nakilala ni Helen sa pamamagitan ng mga sulat si Anna, at sa pamamagitan din ng mga sulat na iyon, napagtanto niya ang malinaw na komunikasyon nito kay Bobby hanggang sa malapit na itong mamatay. Sa huli, nakilala rin nang personal ni Helen si Anna. Hindi man naging malinaw ay tinanggap ni Helen nang maluwag sa kanyang kalooban si Anna at tinuring itong naging bahagi ng makulay na buhay ni Bobby.

Walang dudang maganda ang pagkakahabi sa pelikula. Naging positibo ang pananaw ng kuwento nito lalo na sa perspektibo ng pagtanggap at pagmamahal. Hindi rin maikakailang makatotohanan ang istorya dahil binase ang karamihan dito sa kuwento ng namayapang Johnny Delgado na asawa ni Guillen at tatay ni Feleo, na siyang nagsulat ng screenplay at napakagaling na gumanap sa papel ni Anna. Ang lahat din ng mga nagsalita sa salu-salo sa 40 days ni Bobby ay ilan sa mga totoong nakasama ni Delgado sa trabaho at binago na lamang ang pangalan nito para sa kapakanan ng pelikula. Gayundin naman, naging mahusay ang pagganap ni Sharmaine Centenera-Buencamino bilang Helen na siyang pangunahing tauhan sa pelikula dahil sa mukha pa lang ay makikita na agad ang kinakailangang emosyon at hindi niya iniiwanang walang damdamin ang bawat salitang kanyang binibitawan. Kahit pasulpot-sulpot ay maganda din naman ang naging pagganap ni Tirso Cruz III sa papel na Bobby. Hinayaan niya tayong makita ang artistang hinahangad na maging katulad ng lahat na magaling at hindi mapili sa kanyang mga makakatrabaho. Sa kabila ng kanyang pagtatago sa anak ay hindi nito binalewala ang kanyang obligasyon dito at naging mabuti pa rin siyang tatay kay Anna at gayundin, ang pagiging mabuting padre de familia sa pamilya nila ni Helen.

Hindi naman ginawang kumplikado ang paglalapat ng musika at ilang post production technicalities. Naging tugma naman ang mga kuha ng camera sa mga eksena at nanatiling kalmado sa mata ang bawat eksena. Nagkaroon lang ng pagkahalata doon sa bahay nina Anna na hindi ganoong natural ang ilaw sa loob nito. Higit sa lahat, naging kapansin-pansin ang closing billboard dahil pinakita roon ang isang actual video ni Johnny Delgado habang sumasabay na umaawit sa tinutugtog sa isang restaurant sa Spain. Pinakita rito kung gaano kagiliw ang beteranong aktor sa kabila ng sakit na kanyang taglay noong siya ay nabubuhay pa.

Ang simbolo ng maskara ay maraming ibig sabihin. Sa industriya ng showbiz, ang maskara ay may kakambal. Kung may masayang maskara na humaharap lagi para pasayahin tayo, may nakasimangot ding maskara upang ipakita na sila ay tao rin: nalulungkot sa anumang pagsubok na kanilang pinagdaraanan. May isa pang pakahulugan ang maskara, ito ay para itago ang ilang bagay na hindi nais maipakita sa nakararami. Ang maskara ay gamit upang takpan ang tunay na sinasaloob ng isang tao. Pero magkagayunman, ang maskara para sa mga artista ay kung saan kapag mas epektibo ang pag-arte nila ay nakikita rito ang kanilang tunay na buhay.