FAST POST 36: Maynila, Migraine at Misua

Tensyonado ang araw na ito para sa buong bansa. Tumambad ang mga tarpaulin na nakasukbit sa maraming overpass ng MMDA. Ang nakasulat:

Welcome to the Philippines, PROVINCE OF CHINA.

Mixed emotions — natawa, natakot, nagtaka, nainis, nagtanong.

Daan-daang taon nang kapiling natin ang mga Tsino. May bahid sila ng ating kultura at tayo mismo ay tinuring na natin itong bahagi ng ating buhay. Isa sila sa mga iilan na malayang nakakapasok sa atin na para bang bakasyunan lang nila ang Pilipinas. Kahit hindi kayo pumunta sa Binondo ay maraming patunay na marunong man silang mag-Tagalog o hindi, nakakagala sila sa kung saan-saan sa ating bansa.

Nakakatawang isipin na sa maraming siglo ng pinagsamahan ng dalawang bansa, pwede nang ituring na de facto province ng China ang Pilipinas. Magandang pakinggan sa aspeto ng turismo, pero hindi sa pulitikal na aspeto natin ngayon.

Ngayong araw ang ikalawang anibersaryo ng makasaysayang arbitral ruling pabor sa Pilipinas sa isyu ng mas karapat-dapat nating kilalanin ngayon na West Philippine Sea. Dalawang taon na sanang inaako ng ating pamahalaan ang dagat sa kaliwa natin pero parang nagpalutang-lutang na lang siya sa laot dahil hindi siya ipinapatupad.

May malalim na pag-ibig si Rodrigo Roa Duterte kay Xi Jinping at resulta ng “ispesyal na relasyon” nila ay ang pagiging panatiko ng Estado sa mga Tsino. Sa sobrang ispesyal, ang Palasyo na mismo ang nagsisilbing abugado ng China sa mga insidente ng pambu-bully ng Chinese Coast Guard sa ating mga mangingisda sa Panatag Shoal.

Hindi na marahil uso ang kolonyalismo sa ating panahon, ngunit malaki ang takot ng marami na sa mas kumplikadong paghanga ng pamahalaang Pilipinas sa China, soberenya, seguridad at ekonomiya natin ang lubos ding magdurusa. Pumasok sa malaking kasunduan ang Pilipinas kasama ang China na ang tawag ay Belt and Road Initiative na magtataguyod sa ambisyosong Build, Build, Build infrastructure program. Ang economic adventure na ito ay nagmitya ng pag-alala sa maraming ekonomista dahil may mga senaryo sa ibang parte ng daigdig na posibleng kahantangan ng bansa: bumuhos ang puhunan, hindi nabayaran, nabaon sa utang, nakompromiso ang kontrol ng pamahalaan sa sarili niyang bansa.

Sa agresibong pagpasok ng Beijing sa Maynila, nagtataka ang marami sa tagilid na trato ng gobyernong Duterte sa kanyang mga dayuhang “best friend”. Ito ba ay purong pagmamalasakit o paraan upang mabakuran ng China ang Asya sa impluwensya ng Kanluran at ng Estados Unidos?

Ang mga tarpaulin na kumalat sa Kamaynilaan ay may pulitikal na motibo — aminin man nila o hindi. Nagtuturuan ang mga Dilawan at mga DDS sa kung sino ang nagkabit ng mga iyon para takutin ang bayan sa hindi malayong posibilidad ng pagiging mas maimpluwensiya ng China sa Pilipinas.

Sa kabilang panig ng mga pangyayari ay may malilinaw na hinuha:

1. Nagsimulang lumutang ang pagiging “probinsya ng China” ang Pilipinas dahil sa biro ni Duterte kay Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua. Komedyante si Duterte, pero muli, sa klase ng kanyang pagmamahal sa China, hindi ba malabong mangyari iyon?

2. Matamlay si Duterte pagdating sa mga insidente ng pagtuntong ng Chinese Coard Guard sa ating teritoryo at militarisasyon ng mga maituturing nating sakop sa West PH Sea at mga inaangking isla sa Spratlys. Kaya ba ayaw niyang pumalag dahil ayaw niya ng gulo o talagang wala siyang pakialam kung angkinin ito ng China?

3. Maraming transaksyon ang mga Chinese corporation ngayon sa Pilipinas. Walang masama dito hanggang sa dumating ang isyu ng pagpayag nila sa construction firms na banned ng World Bank na sumali sa Marawi rehabilitation at ang kwestiyonableng pagpasok ng isang Chinese casino resort sa ngayo’y saradong Boracay. Marami pang bahagi ng Pilipinas ang may bago’t kaduda-dudang presensya ng Chinese firms at hindi rito nakikinabang ang ating mga kababayan. Ito ba ay lehitimong mga negosyo o mga transaksyong hinayaan lang dahil sa pabor ng gobyerno ng China?

Kumbaga sa tao, sumakit ang ulo ng Pilipinas sa pasabog ng mga tarpaulin sa buong araw. Parang migraine ko na nagpauwi sa akin nang maaga mula sa trabaho. Kahit namimintig ang ulo ko ay hindi mawala sa isip ko ang mga nangyari ngayon.

Umuwi akong ang ulam ay misua — isang pagkaing Tsino na inampon na ng ating panlasa. Napaisip ako at natawa: paano kaya kung ang bantang iyon ay totoo? Okay lang ba na pasakop ang Pilipinas dahil “best friend” naman tayo ng China, sabi ni Duterte? O kung hindi, kailan tayo magpapahayag ng pagtutol sa pambu-bully at pangunguha ng oportunidad ng China sa Pilipinas dahil masyadong nahuhumaling ang gobyerno natin sa kanila?

FAST POST #11: David Laban Kay Goliath Para Sa Karangalan Ng Mga Isla At Ng Karagatan

Hinihiwalay ko ang mga kaibigan kong Tsino sa kung anumang mababanggit ko ukol sa paksang ito.

West Philippine Sea. Kalayaan Group of Islands. Panatag Shoal.

Mula nang mag-umpisa ang petisyon ng Pilipinas sa karapatan ukol sa teritoryo ay tila nagsimula na rin ang pagbangga natin sa sinasabing susunod na superpower ng daigdig, ang China. Sinasabi ng magkabilang kampo na madadaan sa diplomasya at ligal na pamamaraan ang pagtatalo ng dalawang bansa sa pagpapalit ng pangalan ng South China Sea bilang West Philippine Sea at ang pag-angkin sa Scarborough Shoal na tinatawag nating Panatag Shoal. Hindi ito ang unang beses na nasangkot sa agawan ng teritoryo ng dalawang bansa dahil noon pa ma’y nagtatalo sila sa pagmamay-ari ng Spratly Islands na tinatawag nating Kalayaan Group of Islands. ( na unang tinalakay dito sa Aurora Metropolis – Ang Spratlys Ay Para Sa Pilipinas. Sana Maisip Ito Ng China )

Kung titingnan ang mapa ng Asya Pasipiko, ang lahat ng pinag-aagawang isla ay napakalapit sa baybayin ng Pilipinas. Maging ang South China Sea ay nakatapat nang buo sa ating bansa. Sa kabila nito, iginigiit ng China na sa kanila ang lahat ng islang sakop ng South China Sea.ay sakop ng China, at may nagsabing maging ang Pilipinas ay teritoryo ng China. Kung susuriin ang International Treaty on the Law of the Seas (ITLOS), ang mga islang pinag-aagawan tulad ng Panatag Shoal at karamihan sa mga isla ng Kalayaan Group of Islands ay nasasakop ng soberenya ng Pilipinas, samantalang ang China ay mahigit 500 NM (nautical miles) ang layo sa mga islang ito. Pero ang basehan ng China ay ang kanilang kasaysayan at ang kasaysayang ito ay patuloy nilang tinuturo sa kanilang mga eskuwelahan.

Dahil sa gusot na ito’y pinagbabawalan na ng pamahalaan ng China ang pagpunta ng kanilang mga mamamayan sa ating bansa at pagharang ng mga produkto ng Pilipinas na papasok sa kanilang bansa. Malaking dagok ito sa export industry natin dahil isa sa mga malalaking market ng Pilipinas ay ang China. Naramdaman din agad ang epekto nito sa ating turismo, lalo na sa Boracay kung saan maraming Tsino ang bumibisita rito buwan-buwan.

Tunay na isa ngang David vs. Goliath ang nangyayaring stand-off na ito ng Pilipinas at China. Oo. Tayo ang pinakaapektado sa hidwaang ito dahil ang kinakalaban natin ay isang dragong unti-unting gumagalaw at maaaring kumontrol sa ekonomiya ng mundo sa hinaharap. Sa kabila ng pagiging superpower, tila naninigurado ito sa pagpapalaki ng kanyang teritoryo upang maging lubos ang kapangyarihan na pati ang maliit na islang tulad ng Panatag Shoal at ang Kalayaan Group of Islands ay kanyang inaangkin. Maaaring sa kasaysayan ay kinilala ang sinasabing pagmamay-ari ng China sa South China Sea, pero sa modernong panahon, panahon na upang ipakita sa mundo kung anong bansa talaga ang nakakasakop sa karagatang ito.

Ginagamit ng China ang kanyang lakas upang gipitin tayo, pero sa palagay ko, hindi ito dapat maging hadlang sa atin dahil hindi lang sila ang bansang nakikinabang sa ating pinagmamalaking produkto’t maipagmamalaking mga kakayahan. Marahil ay kaya nilang maapektuhan ang ating turismo at ekonomiya, pero sa palagay ko, mas marami pang bansa ang nagtitiwala’t sumusuporta sa atin. Oo. Tayo si David na bumabangga kay Goliath para sa karangalan ng mga isla at ng karagatan. Tayo ang sumusunod sa diplomasya at ligal na pamamaraan kaya wala tayong dapat ikapangamba sa ating mga hakbangin.

Oo. Tayo si David. At dahil tayo ang nasa tama, darating ang panahon na tayo ang mananaig. Walang maliit na hindi nakakapuwing. Tandaan nila yan.

CINEMALAYA SA AKING MATA #04: DILIM /Cuchera/

SENARYO BAGO MAPANOOD ANG PELIKULA: Sa lahat ng pelikula ng Cinemalaya ngayong taon, ito talaga ang pinaka-interesado akong panoorin. Bakit? Nagtaka ako kung bakit isang mangkok ng okra ang nasa tapat ng poster ng Cuchera na nasa exhibit sa tapat ng Tanghalang Aurelio Tolentino, kung saan may mga bagay doon na naka-display na naging malaki ang kontribusyon sa mga tampok na pelikula. Bakit nga ba okra? Para sa akin, dumami ang pakahulugan ng okra sa klase ng buhay natin ngayon pagkatapos kong mapanood ang obra ni Joseph Israel Laban. Naalala ko ang “Maynila Sa Kuko Ng Liwanag” ni Lino Brocka sa pelikulang ito. Isang istorya kung gaano naging mas mapusok pa ang mga tao para lang makaahon sa buhay – siya ang Cuchera.

 

 

Habang patagal nang patagal, habang patuloy ang pag-unlad ng lahat ng aspeto sa lipunan, habang lumalawak ang isipan ng mga tao sa mga bagay-bagay, marami ang nagsasabing lalong dumidilim ang mundong ating ginagalawan. Ang kadilimang ito ang nagpapayaman sa iilang tao at nagpapahirap naman sa iba. Pero sa mga naghihikahos, ang kadilimang ito ay nagsilbing pagkakataon para kumapit sa patalim, para mamuhay nang maluwag sa gitna ng dilim.

 

Maituturing na isang pangmulat-mata sa realidad ng kasalukuyang panahon ang Cuchera. Pinagkabit-kabit na kuwento ng mga taong nabubuhay sa pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot gamit ang mga ‘drug mule’ o tinatawag nilang mola. Dito idinetalye ang proseso ng paglilipat ng droga mula sa Pilipinas papunta sa Tsina at kung paano ito nakaapekto sa mga taong sangkot sa ganitong uri ng iligal na negosyo.

 

Matagal na sa ganitong kalakaran si Isabel, at sa gabing ito, sa halip na siya ang magmomola, ay siya naman ang susubok na sumabak sa pamumuhunan ng pagdadala ng mga kapsula ng droga mula rito sa bansa papunta ng Macau. Mula sa mga dayuhang naging suki niya ang ikakalakal niyang mga kapsula at ito ay kanyang ipupunla sa mga kabataang may iba’t ibang pangangailangan, mga first timer sa ganitong negosyo. Nariyan si Enzo na isang callboy na gustong magkaroon ng ekstrang pera upang pambayad sa kanyang utang sa humahawak sa kanya; si Lolita na nangangailangan ng pampagamot sa ate niyang nasira ang ulo dahil sa pagiging mola; at si Jonathan na pumalit sa kanyang kasintahang si Clarissa upang patunayang kaya niyang gawin ang lahat upang maipakita ang tunay na pagmamahal sa dalaga. Lahat sila ay naranasan sa kauna-unahang pagkakataon ang paglagakan ni Isabel ng mga kapsula sa loob ng kani-kanilang katawan. Una sa bibig, at upang maipasok ito sa kanilang sikmura ay kinakailangan nilang kumain ng nilagang okra upang dumulas ang kapsula sa kanilang lalamunan. Kapag hindi na kaya sa bibig ay sa ‘ibang butas’ naman pilit na ipapasok ang mga kapsula. Kapag naipasok na ang mga kapsula ay ihahanda na ang kanilang mga pekeng pasaporte at ticket, tutungo sa Macau at hahanapin ang contact na paghahatiran nila ng mga kapsula. Pero dahil nga first time nila, ay dinanas nila ang hirap na gawin ang mga iyon, ang hirap na may kaba na baka sila’y masuplong ng mga kinauukulan.

 

Hindi isang kathang isip na kuwento ito dahil nangyayari ito sa napakarami nating kababayan. Ginagawa nila ito upang kahit papaano’y makaahon sa kahirapan. Masasabi nating may ibang nakakalusot, pero sa pinakahuling istadistika, humigit kumulang sa 100 Pilipino ang nakakulong sa iba’t ibang bilangguan sa Tsina dahil nahuli sila sa gawaing ito. Nitong Pebrero lang ay nahatulan ng kamatayan ang tatlo sa kanila dahil sa negosyong ito. Ang pagmomola ay naging panibagong istilo ng mga malalaking sindikato upang maipasok ang droga sa ibang bansa kaya’t hirap ang ating pamahalaan kung paanong hindi makakapasok sa Pilipinas o hindi makakaalis ng bansa ang mga dumadala nito. Ang istoryang ito ay isa lamang sa daan-daan pa, kaya’t sana ay maging mas maigting ang gobyerno sa paglaban sa kalakalang ito.

 

Salamin ng totoong buhay ang paksa ng pelikula kaya’t hindi rito kinakailangan ng sobrang pag-arte at ito ang lubos na kapuri-puri sa mga artistang gumanap sa Cuchera. Para talaga kay Ma. Isabel Lopez ang tauhang si Isabel dahil nakuha nito ang pagganap bilang tumatandang prostitute na magaslaw ang galaw at pananalita. Napantayan din nito ang pagganap ni Simon Ibarra bilang si Samuel, ang asawa ni Isabel na kahit may mapupusok na gawain ay naging suportado sa kanyang kalagayan ng kanyang kabiyak. Naging katangi-tangi rin ang pagganap ng iba pang artista tulad nina CJ Ramos (gumanap na Lobo na adik at mahalay na pamangkin ni Isabel), Sue Prado (gumanap na Lolita) at ang gumanap na kumare ni Isabel na gumagawa ng pekeng pasaporte na tila matrona kung bumato ng kanyang nakakatawang mga linya.

 

Hindi madali ang gumawa ng pelikula sa gabi, kaya hinahangaan ko ang mga tao sa likod ng teknikal na aspeto nito. Naging maganda camera technique ang blur effect at pagiging malikot ng mga anggulo nito. Hindi naging ganoong kakumplikado ang paglalapat sa musika at naging tama lang ang mga ilaw. Tugma ang pananaw ng script sa kondisyon ng mga tunay na masa at hindi ginagawang detalyado ang mga salita upang ilarawan ang mga nagaganap. Walang duda na ang casting nito ay kapuri-puri dahil epektibo ang kanilang pag-arte kahit hindi nagsasalita.

 

Ang kadiliman ay mayroon ding katapusan, hindi man natin alam kung kailan. Kung ang magpapatalo tayo sa dilim ng lipunan, patuloy tayong magagamit ng mga mapang-abuso. Bagama’t iligal ang kanilang mga ginagawa, bigyan natin sila ng pag-unawa dahil hindi naman nila ito gagawin kung hindi nangangailangang umahon sa naghihikahos na pamumuhay. Sa kabila ng lahat, tayo ay mga taong sumusuong sa anumang laban upang mabuhay. Nagkataong ito ang pinili nila, pero balang araw, matatapos din ito at lahat tayo ay magiging maayos at tutungo sa kaliwanagan.