Tambuli: Sampung Taon Ng Pagsusulat Para sa Lahat

(TAMBULI ang pangalan ng opinion column ng may-akda noong siya’y bahagi pa ng Ang Pamantasan (AP), ang opisyal na pahayagan ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila)

Ang larawan ng inyong lingkod na ginamit para sa kanyang kolum na "Tambuli" (2004-2005)

Ang larawan ng inyong lingkod na ginamit para sa kanyang kolum na “Tambuli” (2004-2005)

Mahal ko ang pagsusulat… pero tulad ng proseso ng pag-ibig, dumaan ako sa napakatagal at masalimuot na mga karanasan bago ako tuluyang mahalin ng aking mga sinusulat at mahalin ang aking sarili bilang tunay na manunulat. Para sa isang nilalang na sagana sa mga di-malilimutang alaala, itinulak ko ang sarili ko sa mundong kung saan ang mga tao ay nabubuhay sa mga salitang iniiwan nila bago tumawid sa kamatayan. Para sa akin, ang pagsusulat ay hindi lang talento o kakayahan, kundi kayamanang pinagpapaguran at pinakikinabangan sa takdang panahon.

Nagkaroon ako ng matinding interes sa pagsali sa newspaper sa aking paaralan noong elementary at high school. Pangarap ng inyong lingkod ang mailathala ang aking gawa sa pahayagang isang beses lang sa isang taon kung lumabas. Malakas ang loob ko dahil matataas lagi ang nakukuha kong marka sa mga sulatin. Ngunit sa iilang pgkakataong sinubukan kong kumuha ng pagsusulit sa dyaryo ng eskwela ay kabaligtaran nito ang nangyayari – rejected.

 

Tumuntong ako sa kolehiyo na hindi dinala ang ambisyong magsulat. Pero tila nahinog na ang panahon at mismong tadhana na ang nagbibigay sa akin ng oras upang patunayan ang meron ako pagdating sa pagsusulat.

Unang linggo ng Hulyo 2004, sampung taon ang nakalipas, sa bulletin board sa ground floor ng Gusaling Lacson. Nakita ko at ng aking mga kaklase ang isang anunsyo kung saan ang unibersidad ay naghahanap ng mga bagong staff writer sa Ang Pamantasan, ang opisyal na dyaryo ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila. Marami sa mga kamag-aral ko ang interesadong sumali sa competitive examinations, at dahil interesado sila ay naging interesado na rin ako. Sa huling araw ng submission ng application form ay natuklasan kong iilan na lang kaming mga tutuloy sa pagsusulit sa AP. Hindi ko makakalimutan ang hapong iyon habang hawak ang form ko – ang hapong bibitawan ko ang isang desisyong babago ng aking buhay. “Wala nang atrasan!” Yan ang natatandaan kong sinabi ko at saka ko pinasa ang aking aplikasyon.

Ika-24 ng Hulyo 2004, kabado ako sa araw ng exam. Hindi pa kasi ako gaanong bihasa sa malalim na Ingles na siyang wikang gamit sa mga artikulong sinusulat sa AP. Mukha ring may mga karanasan na sa campus journalism ang mga kasama kong kumukuha ng pagsusulit. Ngunit sa loob-loob ko, kung ano ang alam ko ay yun ang gagamitin ko. Hindi na pwedeng mag-back out. Tinapos ko ang exam nang magaan ang loob at hindi tulad noon, wala akong hinihintay na resulta.

Lumipas ang mga araw at patuloy kong inoobersabahan ang buhay kolehiyo. Tutok ako sa pag-aaral at ginagamay ang mga pagsubok bilang freshman ng isang prestihiyosong unibersidad. Katatapos lang ng isang seminar sa gymnasium nang makasalubong namin sa hallway ng Gusaling Villegas ang presidente ng student council. Kami ang hinahanap niya, ako at isa ko pang kaklase na nagbigay sa amin ng kaba. Sinundan na lang namin siya at papunta kami sa Gusaling Atienza. Halos malapit na kami sa isa sa mga room nang itanong namin kung saan kami pupunta. “Nakapasa kayo sa AP! May interview kayo ngayon!”

Sa isang silid ay naroon at nakaupo ang labindalawang mag-aaral kung saan ang ilan sa kanila’y pamilyar sa aking paningin. Pinapuwesto kaming dalawa sa bandang gitna at sinabihang maghintay na tawagin para sa interview. Sa paglibot ng aking mata’y napansin kong sa itsura pa lang ay makikita ang pagkakaiba ng kanilang mga karakter. Sa pagpapakilala namin ay dito ko nalamang hindi lahat kami ay nasa kursong Mass Communication. Mayroong Accountancy, Business Administration, Education, Psychology at Social Work.

Dumating na ang pagkakataon ng aking panayam. Wala akong gaanong natatandaan noong oras na iyon kundi may anim na tao sa aking harapan at ilan sa kanila’y masasabing mga “makapangyarihan” sa Pamantasan. Hindi ko rin matandaan kung ano ang mga itinanong nila, kung ano ang mga naging sagot ko at kung ano ang pakiramdam ko nang matapos ang interview.

Ilang araw lang ang lumipas ay lumabas ang resulta. Nakapasa ako sa screening at opisyal na naging miyembro ng editorial board ng AP sa ika-25 taon nito. Nagbalik-tanaw sa akin ang lahat ng panahong nangarap akong magsulat at mailathala ang aking artikulo sa pahayagang nababasa ng aking mga kapwa mag-aaral. Ang aking pangarap ay nagkaroon ng katuparan pero ang kaakibat nito ang mas malaki pang hamon – ang aking kumplikadong buhay bilang estudyante at mamamahayag.

Matindi ang mga pagsubok sa loob ng college publication. Hindi na ito basta-bastang pagsusulat ng balita at lathalain. Mahirap sa tulad kong baguhan ang magipit sa mga bagay-bagay noong panahong naiipit sa dalawang pwersa ang AP. Sa kabila ng pagsuporta ng marami, may mga pangyayaring di-inaasahang maikokompromiso para maprotektahan ang karapatan sa kalayaan ng pamamahayag. Isa sa mga ito ang pagkalagay sa alanganin ng aking estado sa Pamantasan. Sa tuwing naiisip ko ang kinahinatnan ng senaryong ito, nananatili ang matatag kong paniniwalang hindi ako nagsisisi sa kung anuman ang naging parte ko sa AP noong panahong iyon. Hindi ko pinagsisisihan na pinasok ko ang pagiging rebelde sa panulat dahil alam kong tama kami sa paraan ng pakikipaglaban para sa katotohanan. Naging biktima man ako, nanalig akong sa dulo ng kadiliman ay may liwanag – ito nga ay naganap.

"THE BIG 5". Kapag tinanong mo kung sino sila sa AP, sila yung mga taong gagawin ang lahat para makalusot at makapaglabas ng issue noong panahong ang AP ay nasa estado ng paghahanap muli ng pagkakakilanlan nito sa loob ng PLM.

“THE BIG 5”. Kapag tinanong mo kung sino sila sa AP, sila yung mga taong gagawin ang lahat para makalusot at makapaglabas ng issue noong panahong ang AP ay nasa estado ng paghahanap muli ng pagkakakilanlan nito sa loob ng PLM.

Tatlong taon akong naging bahagi ng AP ngunit isang ugat ng puso ko ang patuloy na dinadaluyan ng aking dugo papunta sa institusyong ito. Ang pinagpatuloy na pakikibaka ng aming samahan laban sa noo’y malupit na pamunuan ng PLM ay maituturing na kasaysayan at hanggang sa kasalukuyan ay pinakikinabangan ng mga sumunod sa amin. Ang aking dugong manunulat ay pinadaloy ko sa ibang kabataang tulad ko ay nangarap at marami sa kanila’y naging matagumpay. Masaya akong alam nila na lubos ko silang ipinagmamalaki.

Ang mga aral na natutunan ko sa loob ng student publication ay naging sandata ko sa napakaraming sitwasyon. Naging gamit ko ang mga ito sa patuloy kong pagtuklas sa napakalaking daigdig ng panitikan, usaping panlipunan at pangkalahatang kaunlaran. Lahat ng ito’y naghubog sa akin bilang taong ang nais para sa lahat ay maayos na kaisipan tungo sa maayos na lipunan.

Patuloy kong dadalhin ang tambuling binuo ko, sampung taon ang nakakaraan… at sisiguraduhin kong ang tambuling iyon ay patuloy pa ring magiging kapaki-pakinabang, hindi lang ako bilang manunulat kundi ako bilang Pilipinong naglilingkod sa bayan.

Sampung taon ang nakalipas. May nag-iba pero alam ko, nananalaytay pa rin sa lahat ang "Dugong Manunulat".

Sampung taon ang nakalipas. May nag-iba pero alam ko, nananalaytay pa rin sa lahat ang “Dugong Manunulat”.

Inspirational Message Para Sa Mga Manunulat Ng Aking Pamantasang Mahal

Ito ay isang mensaheng ipinahatid para sa Publication Staff 2012-2013 ng Ang Pamantasan, ang official student publication ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) nang ganapin ang kanilang team building activity noong July 29 sa Cavite.

***

Ang Pamantasan (AP)

Magandang araw sa ating lahat. Unang-una, nais kong humingi ng paumanhin sa hindi ko pagdalo ngayon dahil sa ilang mga naiwang gawain dito sa Maynila. Maaaring sa mga darating na araw ay makikita ko kayo’t makakausap nang personal tungkol sa maraming bagay.

Binabati ko kayong mga nakapasa bilang mga bagong mamamahayag at manunulat ng Ang Pamantasan. Hindi sa naglalagay ako ng pangamba sa inyong mga puso, pero ang pagiging kasapi ng isa sa mga pinakaaktibong organisasyon sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila ay hindi isang medalyang dapat ipagyabang sa lahat. Ang AP ay isang pagsubok para sa isang estudyanteng ang hangarin ay ihatid sa kanyang kapwa estudyante ang nangyayari sa kanilang paligid at kung ano ang kanilang magagawa para sa kapakanan ng unibersidad.

Ang pagiging bahagi ng AP, bilang mata, tenga, ilong, dila, balat at puso ng lahat ng mag-aaral, ay isang pagkakataon upang ibahagi ang iyong dedikasyon, hindi lang para sa mga kapwa estudyante o para sa mga tao sa loob ng Pamantasan. Bilang iskolar ng Maynila, kayo ay naglilingkod sa mamamayan tulad ng isang tunay na journalist. Tangan ninyo ang panulat na makakapagpabago o makakapagpatatag sa pananaw, paniniwala, pag-iisip at panlasa ng mga kabataang sa kasalukuyan ay walang pakialam sa mga nangyayari sa kanyang kapaligiran. Ang AP ay binuo hindi lang para ihayag ang saloobin ng PLMayer sa mga hinaing at opinyon sa institusyon, kundi para maging salamin ng isang PLMayer sa mga bagay na dapat nyang gawin bilang produktibong parte ng Pamantasan at ng bayan.

Gayundin, ang AP ay isang organisasyong ang hangarin ay magkaroon ng iisang puso, hindi lang bumuo ng pagkakaibigan kundi magkaroon ng iisang puso para paglingkuran ang Pamantasan. Ang organisasyon ay hindi tatakbo dahil lang sa galaw ng isang tao. Ang AP ay isang pangunahing organisasyon na nagpapakita ng tunay na pagkakaisa at disiplina sa tinatamasang kalayaan. Ang responsableng panulat ay kailangan upang maging kapaki-pakinabang ang salita ng bawat isa. Kasama nito ang pagtuturingan ninyo bilang magkakapamilya at magkakapatid na magtutulungan at magdadamayan sa bawat gawain.

Umaasa sa inyo ang mga mag-aaral. Kayo ang magiging tagapagpatupad ng hiling ng marami na marinig ang boses ng kabataan at mag-aaral sa administrasyon ng unibersidad o sa tagapamuno ng ating pamahalaan. Maging responsable, maging mapanuri, maging isang tunay na modelo ng disiplina at ng katotohanan.

Sa walong taon kong konektado sa AP ay nasaksihan ko ang mga pagbabago. Naririto kaming mga kuya’t ate ninyo upang bigyan kayo ng mga payong maaaring makatulong sa pamamahala ninyo ng AP. Hindi kami mangingialam sa kung paano ninyo pamamahalaan ang AP, bagkus, pipilitin namin maging tagapangaral ng aming mga karanasan bilang mga batang mamamahayag na minsang nagalak, naiyak, nakipaglaban, nakiisa at nakipagtawanan sa mga nangyayari sa loob ng ating eskuwelahan. Ito lang ang aming magiging parte, dagdag pa ang aming panalangin na bigyan kayo ng Diyos ng karunungan upang magampanan ninyo ang tungkulin sa Pamantasan at sa bayan.

Sa ika-33 taon ng paglathala, nawa’y maging instrumento kayo ng katotohanan, kagalingan, pagkamalikhain at karangalan sa loob ng Pamantasan. Uulitin ko, ang AP ay hindi isang medalyang iyong ipagmamalaki sa lahat. Ang AP ay isang pagkakataon upang ipakita sa lahat na ikaw, bilang estudyante at kabataan ng Maynila, ay may magagawa para sa Diyos, para sa bayan at para sa kinabukasan.

Sa ngalan ng daan-daang patnugot at manunulat sa nakalipas na 33 taon, tinatanggap namin kayo nang buong puso, ang Editorial Board at ang lahat ng mga bagong manunulat, sa institusyong aming patuloy na minamahal at ikinararangal, ang tunay na tagapagbantay ng katotohanan at demokrasya para sa PLM, para sa Maynila, para sa Pilipinas.

Para sa malayang pamamahayag, MABUHAY KAYO , ANG PAMANTASAN PUBLICATION STAFF 2012-2013.