Sa panulukan ng Pinpin at Escolta

Sa panulukan ng Pinpin at Escolta

Habang ikaw ay sabik na hinihintay,
Nanunuot sa aking lalamunan
Ang sorbetes na kulay puti’t luntian,
Nakasilip sa bintana,
Umaasa.

‘Di masama
Pero alam kong ‘di tama
Ang magpunla ng aking nararamdaman,
Sabayan pa ng sanlaksang kabaliwan
Na nagpamanhid sa pusong walang malay.

Unti-unti nyang tinutunaw ang laman
Ng nanlamig at sumasablay kong buhay.
Bawat dila,
Tikim at nginig ng saya
Ay may sakit, luha sa kinabukasan.

Lumipas ang lamig, init ay bumigla
Sa kalamnan
Kong dinaya ng sarap, tamis, ginhawa.
Gising na nga bang tuluyan
Sa pag-ibig na ‘di pwede maging tunay?

Pagngiti ko’y lumungkot, tumamlay
sa pagbukas ng pintuan
nang dagling magpasyang ika’y hiwalayan.
Alam ko na
Kahit mahirap, wala na’ng magagawa.

Ang hapdi sa ‘king isipan,
‘Di ko kaya
Na umakyat sa jeep kung saan sasakay.
Dapat sa sarili’y ipaunawa
Na tanggapin ang pawang katotohanan.

Palayo na ako sa Calle Escolta,
Tila umalis na rin sa kasalanan
At ilusyon ng maling pagmamahalan.
Nais ko nang humiwalay.
Ayoko na.

#

Paano Umibig Ang Beki… Alamin!

Personal na pananaw. Ang mga istadistikang ihahain ay obserbasyon lamang ng may-akda.

.

Paano Umibig Ang Beki…


Sa perspektibo ng mga beki, (o mga lalakeng may pusong babae, medyo may konting agwat sa definition ng bakla) ang pag-ibig ay hindi dapat mawala, literal na dapat magkaroon pagkatapos mawalan.

Sa dalawang taon kong naging expose sa mundo ng male bisexuals,  nakita ko kung paano nagsimula, nabuo, nag-grow at nasira ang kani-kanilang lovelife. Sila yung mga taong “malakas” mag-demand kapag naghanap at nawalan ng minamahal.

Normal sa atin na maghanap ng kaparehang walang masasabi ang ibang tao, bagkus, yung tipong kakainggitan ka ng iba dahil pagmamay-ari mo siya. Pero sa perspektibo ng mga beki, 9 sa 10 beki ang naghahanap ng makisig at may itsurang kapareha. Sila yung tipong kung maghahanap sila sa mga social networking sites ay nagre-require ng magandang profile picture. 6 sa 10 beki ang naghahanap ng complete package, yung gwapo na, makisig na, matalino pa at may career pa.

4 sa 10 beki couple LANG ang nagtatagal sa relasyon ng mahigit isang taon. 7 sa 10 gay couples ang tumatagal ang relasyon na hindi hihigit sa anim na buwan. Mabilis magsawa ang mga beki sa kanilang kapareha, kaya kung tatantiyahin, 7 sa 10 beki ang may kapasidad na magtaksil sa kanyang partner. Sila yung nakikipagtalik at nakikipaglandian pa sa iba kahit may mga boyfriend na sila.

Kapag dumarating na ang puntong hiwalayan, 2 sa 10 beki ang parang “wala lang” sa kanila ang nangyaring breakup. 5 sa 10 ang dinaramdam nang sobra ang hiwalayan ng humigit-kumulang tatlong linggo. Pero ang nakakatuwa, 8 sa 10 beki ang “bitter” sa hiwalayan. Parehas nito ang bilang ng agad na naghahanap ng kapalit sa nawala.

Uso rin sa kulturang beki ang “orgy” at “fubu”, sila yung 4 to 10 beki na gustong maging “happy go lucky” o cool lang sa buhay. Yung tipong mas trip na maging “single and happy to mingle”.

Pero ang hindi ko maitatatwa, masarap magmahal ang mga beki kaysa straight na lalaki. Hiwalay sa personal na paniniwala, nakita kong mas malambing ang mga beki sa kanilang mga partner. Mas concern sa kung ano ang ginagawa’t pinagkakaabalahan ng kanilang mga karelasyon. At mas maraming kayang ikuwento tungkol sa kanilang buhay sa loob ng maikling panahon lamang.

Para sa karamihan sa beki, napakakonti ng oras – sobrang limited. Ang laging iniisip na sa larangan ng pag-ibig, live life to the fullest – kaya kailangang ma-experience ang lahat.

Kaya kung magmamahal ka ng beki, kapatid, get ready for the worst and expect the sweetest yet most challenging part of your lovelife. =)

August 07, 2010 8:10pm

LemOrven

Punyal Ng Luhang Nagmamahal

Ginawa ko ang panitikang ito (hindi ko alam kung matatawag ko itong sanaysay o mas maikling kuwento) noong 2006. Marahil ito ang gagawin ng mga taong binigo ng inakala niyang tunay na pagmamahal. Nawa’y magustuhan ninyo. Enjoy!

Punyal ng Luhang Nagmamahal

Ipinangako natin sa harap ng dambana na tayo’y magiging isa habambuhay. Pinabasbas natin sa Kanya ang sagisag ng ating walang hanggang pag-irog. Inihayag mo sa ngalan Niya ang iyong sumpa na ako’y iaandukha sa hirap at ligaya.
Hindi ko mawari, pero namuhay naman tayong puno ng pagmamahalan. Nagkaroon tayo ng sariling pugad at mga retasong ating huhubugin para sa hinaharap. Nagsalo tayo sa iisang kama, na dama ang katapatang sa ati’y napugal.

Ngunit bakit ganoon? Sadya bang may taning ang pag-ibig? Bakit nasaktan sa piling mo? Lahat ba ng iyong mga pangako’y nalimot mo na, o nililimot mong sadya? Lahat ba ng ating mga nabuong pangarap ba’y tunay, o talagang isang kalokohan? At ang iyong pagmamahal, talaga bang tadhana ang sumira, o ikaw ang pumutol sa kadena?

Heto ako ngayon, kaharap mo’t nananangis. Lumuluha nang malalim sa kalooban habang umiihip ang hangin sa damuhang iyong kinalalagakan. Bilang huling handog, narito ang mga rosas, simbulo ng tunay na pag-ibig na hindi mo pinahalagahan. Iiwan ko ito sa iyong hantungang tuluyan kong lilimutin. Kasama mong malilibing ang mga pangarap na huwad na ating inumpisahan. Kahit ganoon, inaamin kong minahal kita nang higit pa sa buhay ko. Pero hindi ako nagsisisi na ang kamay kong may hawak na punyal ang tumapos sa kabuktutan mo. Paalam at manatili nawa ang iyong kaluluwa sa katahimikan.

Reposted from my Facebook Account, published July 31, 2010
LemOrven