Hinihintay ko ang bahaghari sa Maynila

2015-category-title-dear-manila2019-headline-feature-bahaghari

This article is part of Aurora Metropolis’ #Manila448 Series in celebration of Araw ng Maynila. The views expressed by the author does not reflect the view of organizations he represents or he is affiliated with.


 

May isa akong pinangarap
na makita sa alapaap:
bahagharing titingin sa ‘tin
at malugod na kilalanin
ang Manileñong tulad natin.
Tomboy man, butch, beki o bakla
na nakatira sa Maynila
ay Kanya ring mga nilikha.
Kami man ay may karapatan
na dapat ay maprotektahan
laban sa mga karahasan.
Sa simula ng bagong araw,
hangad natin nawa’y mapukaw
sila sa ating munting sigaw.
Maging ganap nawa ang gabay
Para sa siyudad ng Maynila’y
Lahat, magkakapantay-pantay.

 

#Manila448

 

 

cropped-article-stoper.png

Kabayaran ng Kalayaan

2015-category-title-tambuli copy2019-headline-feature-kalayaan

Naniniwala ba kayong may katumbas na halaga ang kalayaan ng ating bansa?

Hindi lingid sa ating kasaysayan na binenta tayo ng mga Kastila sa Amerika sa halagang 20 milyong dolyares sa pamamagitan ng Treaty of Paris noong December 10, 1898. Kahit pa idineklara ni Emilio Aguinaldo ang kalayaan sa Kawit anim na buwan bago ang Kasunduan, karamihan pa rin sa mga bahagi ng bansa ang nakapailalim sa Hari ng Espanya at nakompromiso ang Pilipinas pabor sa mga Amerikano para lang matigil ang Spanish-American War.

Ilang dekada ang lumipas, ipinaubaya ng pamahalaang sibil ng Estados Unidos ang kasarinlan sa Pilipinas pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig noong July 4, 1946. Maaaring nakalaya tayo sa mga dayuhang mananakop pagdating sa pagpapatakbo ng pamahalaan, pero malinaw na nagkaroon pa rin ng kompromiso pagdating sa komersyo, militarisasyon at relasyong diplomatiko.

Muntik nang maging kompromiso ang buhay ng milyon-milyong tao sa EDSA para maipagtanggol ang demokrasya mula sa militar na hawak pa rin noon ng diktador na si Ferdinand Marcos. Sa kabutihan ng tadhana, hindi na kailangang dumaan sa dahas ang rebolusyon at nagkusang umalis ang pamilyang Marcos. February 25, 1986 nang muling lumaya ang ating bansa mula sa diktadura.

Pera, impluwensya, buhay. Anuman ang naging kabayaran ng ating tinatamasang kalayaan ngayon, isipin natin na may responsibilidad tayo bilang mga malayang mamamayan na pahalagahan at pangalagaan ito. Maraming nakompromiso para lang malaya tayong gumalaw, makapagsalita at mamili para sa sarili natin, para sa pamilya natin at para sa bayan natin.

Ngayong ika-121 anibersaryo ng ating kalayaan, paalala sa atin na huwag sasayangin ang pribilehiyo ng kalayaan. Huwag nating hayaang pasindak sa takot, karahasan at panlilinlang para isuko ang ating kalayaan. Gamitin ang kalayaan sa makabayang paraan, pero huwag sosobra para lang masikil ang kalayaan ng iba.

Mabuhay ang kalayaan. Mabuhay ang Republika ng Pilipinas!

#Kalayaan2019

 

 

cropped-article-stoper.png

May Siyam na Buhay ang Manunulat

2015-category-title-tambuli copy2019-headline-feature-aurora-9

Para sa isang manunulat, ang isang araw na hindi nakakapagsulat ng kahit ano ay isang mortal na kasalanan.

Pang-personal man o para sa trabaho, o kahit pa komentaryo sa mga isyu, ang tinta sa pluma ng manunulat ay dapat gamitin at abusuhin upang maubos at mapunan ng panibago. Kumbaga sa paghahalintulad, ang manunulat–tulad ng mga pusa–ay may siyam na buhay na kahit anong mangyari ay magbabalik sa paglalahad ng saloobin gamit ang mga letra.

Siyam na taong gulang na ang Aurora Metropolis ngayong buwan na ito. Nung una, hindi ko alam kung dapat pang ipagdiwang ng inyong lingkod ang sandaling ito dahil una, kahit pa may sarili nang domain name ay nanatili pa rin itong inactive. Para sa akin, malaking kasalanan ang mapabayaan ang Aurora na maaari sanang mag-ambag nang mas malaki pa hindi lang sa akin bilang manunulat kundi sa ating bansang nahihilig magbasa ng kung ano-ano. Lalo itong naging malaking kasalanan mula nang mapasok ako sa hanapbuhay na nalalapit sa pagsusulat pero mismong platform ko ay hindi ko masulatan para sana pwedeng pagkunan ng kabuhayan.

Ngunit sa kabila nito, naisip kong bigla na kahit pala maraming oras na natahimik ang Aurora ay napagtanto kong hindi pa siya patay, hindi rin naghihingalo. Hangga’t patuloy akong nagsusulat, para man sa aking social media accounts at para sa aking trabahong may kaakibat na mga adbokasiya, ang Aurora ay buhay at nakakapaghatid ng inspirasyon sa kahit sino nang walang humpay.

Ang mga katotohanang ito ang aking mga dahilan upang ipagdiwang ang ikasiyam na kaarawan ng aking pinakamamahal na tahanan bilang manunulat. Muli, hindi ko maipapangako na magiging aktibo muli ang Aurora, pero kukunin ko ang mga libreng pagkakataon para makapagsulat para dakilain ang Diyos, para magsilbing alternatibong tinig ng Inang Bayan at para bigyang-lakas ang damdamin ng mga Pilipino para sa kanilang kapakanan at para sa kanilang kinabukasan.

Maraming salamat sa mga kaibigan na patuloy na nagpapalakas ng loob sa akin na magsulat. Maraming salamat sa mga estrangherong nakaka-appreciate ng aking mga sulat at nanghihikayat na patuloy lang na magsulat. Higit sa lahat, maraming salamat sa Panginoon dahil pinapaalala Niya na ang talentong pahiram Niya ay mananatili kung gagamitin sa mga bagay para sa magagandang dahilan — lumagpas man ng siyam ang nagamit kong buhay bilang manunulat.

 

 

cropped-article-stoper.png