Kabataan. Kasaysayan. Kinabukasan.

Masyadong mabilis ang mga pangyayari ngayong buwan na ito. Halos hindi ako nakapagsulat para sa ikatlong anibersaryo ng Aurora Metropolis dahil sa biglaang pagdating nito. Hindi ko inaasahan na walang kasing laki ang natanggap kong karangalan bilang isang kabataang lider ng lungsod ng Maynila. Pagkatapos ng panunumpa ng paglilingkod ng Katipunan ng Kabataang Maaasahan (KKM) kung saan ako ang tagapagtatag, inadya ng Panginoon sa pamamagitan ni Manila Mayor Alfredo S. Lim na ipagkatiwala sa akin ang isang malakihang proyekto na pinondohan ng lungsod sa pamamagitan ng Youth Development and Welfare Bureau. Ito ay ang makabuluhang pagpupulong ng mga kabataan, ang kauna-unahang Manila Young Leaders Assembly, na ginanap nitong ika-22 hanggang 23 ng Hunyo 2013 sa El Cielito Hotel, Boys Scouts of the Philippines Complex, Mt. Makiling National Park, Los Banos, Laguna.

Nais kong ibahagi sa inyo ang pinakamahalagang talumpati ng aking buhay, ang opening speech ng inyong lingkod sa Manila Young Leaders Assembly. Isang karangalang itanghal ang isang programang inihahandog para sa mga piling kabataang lider ng lungsod. Isang karangalang hindi malilimot ng aking puso’t isipan magpakailanman.

Cover page ng inyong lingkod sa Facebook. Habang nagtatalumpati sa Manila Young Leaders Assembly.

Cover page ng inyong lingkod sa Facebook. Habang nagtatalumpati sa Manila Young Leaders Assembly.

Hinihiling ko na tayo’y tumayong muli sa ikatlong pagkakataon. Alam nyo naman po kung bakit natin ipinagdiriwang ang araw na ito. Ano po ba ang meron sa Lunes? (Sumagot ang mga kalahok nang sabay-sabay ng “Araw ng Maynila”) Bilang pagdiriwang, pakikiisa at pagmamahal sa pinakadakilang lungsod sa buong bansa, kantahin po natin ang Awit ng Maynila.

(Muling nagsabay-sabay na umawit ang lahat ng “Awit ng Maynila”)

Tanging lungsod naming mahal,
tampok ng Silanganan
Patungo sa kaunlaran
at kaligayahan.

Nasa kanya ang pangarap,
dunong, lakas, pag-unlad.
Ang Maynila’y tanging perlas
ng bayan, ngayo’t bukas.

Maynila, O Maynila!
Dalhin mo ang bandila.
Maynila, O Maynila!
At itanghal itong bansa.

Maynila, O Maynila!
Dalhin mo ang bandila.
Maynila, O Maynila!
At itanghal itong bansa.

Maraming salamat po. Pwede na po kayong magsiupo.

Arch. Dunhill E. Villaruel, direktor ng Youth Development and Welfare Bureau. Kgg. Nino M. dela Cruz, konsehal ng Unang Distrito ng Maynila. Sa officers at coordinators ng Youth Development and Welfare Bureau. Sa kapwa ko kabataan ng Maynila, sabi nga ni Jeorna, isang napakagandang umaga po sa inyong lahat.

Natutunan ko lang ito noong Thursday, kausapin po ninyo ang katabi nyo. Sabihin po ninyo, “be a blessing for me”. (Sabay na sasabihin ng mga kalahok sa kanilang katabi ang nasabing kataga.)

Yung nangyayari sa atin ngayon, ang Manila Young Leaders Assembly, isa siyang blessing para sa akin. Hindi lang para sa akin kundi para sa kabataan ng Maynila. Isang biyayang ipinagkaloob ng Panginoon at ginamit niya ang pamahalaang lungsod ng Maynila, at siyempre pa, ang ating pinakamamahal na ama, Kgg. Alfredo S. Lim.

Napakaraming pinagdaaanan bago marating ang event na ito. 2011, ise-share ko lang, nang simulan namin ang Samahan ng Kabataang Maaasahan o SKM. Hindi ganoon kadali para sa akin na isang taong ayaw maglingkod sa gobyerno, na pamunuan ang isang organisasyong maglilingkod para sa gobyerno at para sa mga kabataan. Maraming testigo at naririto ang mga testigo sa kung gaano kahirap na bumuo ng isang pagkakaibigan, at sa kabila ng pagkakaibigan na iyon ay mabubuo ang isang organisasyong magtataguyod sa gusto ng ating mahal na Alkalde Alfredo S. Lim. Maraming nag-away, maraming nagkatampuhan, maraming hindi nagkaunawaan pero akala ko doon matatapos iyon. Akala ko, wala na. Akala ko, hopeless na. Naging active pa rin ako, hindi naman ako huminto doon. Naging personal ang advocacy ko kasi hindi naman nahihinto sa iisang grupo ang pagmamahal mo sa iyong bayan. Pwede mong dalhin sa pansarili mo. Naging active ako sa social media through Facebook. Sinimulan ko ang isang fanpage, ang Manila Youth Interactive na ako lang ang nagpapatakbo just to inform them sa mga impormasyon at mga balitang kailangan nilang malaman. At noong 2012, October, nang kumatok si Bb. Jeorna sa aming tahanan upang magpatulong sa closing G.I.P. Batch 02-2012. Doon ko lang naalala na meron pala akong naiwanang misyon sa buhay. Naging member rin ako ng isang international organization pero masyado akong lumingon sa global perspective na nakakalimuan ko na mayroon pala akong naiwanan sa sarili kong lungsod. Dito na nabuhay ang SKM, pero naisip ko na gusto ko ng mas matatag pang pundasyon para sa organisasyon kong ito. Kaya sa konsultasyon ko kay Konsehal dela Cruz at Arch. Villaruel na ibahin nang konti ang pangalan ng organisasyon at yun ay naging Katipunan ng Kabataang Maaasahan. Blessing-in-disguise na 150th birth anniversary ni Gat. Andres Bonifacio ngayon, so I want to make this year a memorable year for me and for the organization. Maraming nangyari, politically, sa lungsod ng Maynila. Very sad, pero sabi ko, hindi mahihinto sa isang napakasaklap na katapusan ang pagtulong sa Inang Bayan. Pagkatapos ng eleksyon, masakit man ang kalooban ng marami, ay kailangan naming ipagpatuloy ang kung ano ang nasimulan namin.

Sana mapaabot ng dalawa nating gwapong pinuno ang pasasalamat kong muli kay Mayor Alfredo S. Lim. Isang malaking biyayang 15 times ang laki ng ibinalik ng lungsod ng Maynila sa pagod, determinasyon at paghihirap ng mga kabataan ng Maynila upang itayo ang Katipunan ng Kabataang Maaasahan. At napakaswerte talaga ninyo, napakaswerte, na kasama ko kayo sa biyayang ito kaya narito po kayo ngayon sa lalawigan ng Laguna para maging participant ng Manila Young Leaders Assembly. Palakpakin nyo naman po ang mga sarili ninyo. (Nagpalakpakan ang mga kalahok.)

Ang purpose po ng Manila Young Leaders Assembly ay napakasimple lang. Marami sa atin ang nakalingon sa mga pananaw na masyadong malawak o masyadong malayo tulad ko noon na masyadong nakatingin sa perspective ng ibang kultura at perspective ng ibang lahi. Pero maiisip natin na pwede tayong maging huwarang kabataan kung maglo-localize tayo. That means, pwede tayong maging magaling sa sarili nating perspective dito sa sarili nating lupa at iyon ay ang lungsod ng Maynila.

Ang purpose nito, unang-una, imulat ang lokal na pananaw tungo sa sitwasyon na magpapaunlad ng kabataan. Hindi na tayo lalayo, sa Maynila pa lang, maraming delinkwenteng mga kabataan. Sad to say, marami sa kanila ang nalulugmok sa bisyo, nalulugmok sa kawalan ng pormal na edukasyon. Dito pa lang sa puntong ito, ay makakakuha tayo ng ideya kung paano tayo makakatulong bilang mga susunod na lider ng ating bansa at ng ating lungsod.

Pangalawa ay iangat ang kasaysayan para maging basehan upang makakuha tayo ng mga solusyon. Marami sa atin ang umaamin na hindi magaling sa History. Na nagte-tres sa Philippine History and Government at pumapasang-awa sa Heograpiya, Kasaysayan at Sibika. Hindi ba natin naisip na lagi nating sinasabi, “history repeats itself”, pero kung di maganda ang pinanggalingan nating kasaysayan, gugustuhin pa ba nating maulit ito? Sa pamamagitan ng Manila Young Leaders Assembly, gusto naming ipamukha na napakahalaga ng kasaysayan ng Pilipinas, specifically ng kasaysayan ng lungsod ng Maynila. Masyadong malaki at masyadong mahalaga ang kasaysayan ng ating lungsod sa kasaysayan ng ating bansa. Tandaan natin na tayo ang nagdadala ng bandila ng Pilipinas. Tayo ang korona ng Republika. Kaya’t napakahalaga na tayo mismong mga kabataan ay nagpapahalaga sa sarili nating kasaysayan dahil sigurado ako na nandoon ang solusyon. Nandoon ang solusyon sa lahat ng problema, nandoon ang mga pinakamahalagang factors para makaahon tayo sa kahirapan, makaahon tayo sa kung anong meron tayo at patuloy pa rin nating nararamdaman na naroon pa rin tayo sa kasaysayang iyon.

Ang pangatlo, ang hangarin ng Manila Young Leaders Assembly ay matuto ang kabataan sa kapwa kabataan. Usually, nakikinig tayo sa mga lecture ng mas matatanda pa sa atin. Yung mga tipong fetus ka pa lang, sila, nagtatrabaho na sa professional world. Hangarin ng pagpupulong na ito ang matuto tayo sa isa’t isa. Matuto tayo sa kaalaman ng katabi natin, nasa likod natin, nasa harap natin. Tayo mismo ang matututo sa karunungan ng isa’t isa. Gusto ko, dito sa bulwagang ito, ay iikot ang karunungan, at paglabas natin, ang karunungang ito ay lalaki pa nang lalaki at makakaapekto hindi lang sa animnapung kabataang napili. Maaaring sa inyong mga unibersidad, maaaring sa inyong mga komunidad at maaaring mismo sa inyong mga sariling pamilya ay makakaapekto ang kung anumang natutunan nyo sa katabi ninyo, sa kapwa niyo kabataan na minsa’y stranger sa inyo, pero alam ko, pagtapos ng dalawang araw na ito, magiging kaibigan ninyo sila, magiging kasama nyo sila sa pag-unlad, at magiging kapwa lider nyo sila ng inyong mga organisasyon, sa mga komunidad at sa pamantasan.

Sobrang thankful ako sa City Hall sa napakalaking opportunity na ibinigay sa Katipunan ng Kabataang Maaasahan. Hindi naman hangad na maging miyembro kayong lahat ng organisasyon, bagkus, gusto namin na paglabas natin ng assembly na ito, kami ay magiging maliit ngunit mahalagang instrumento upang ipaalala na ang “TUNAY” na kabataan ay tunay na pag-asa ng Lungsod ng Maynila at ng Republika ng Pilipinas. Maraming salamat po.

GIP Batch 02-2011: Ang Kabataang Manilenyo Sa Loob Ng Dalawampung Araw

“When we were younger, our parents would always remind us not to talk to strangers. Good thing we do not totally listen. Because if we did, we could never find our dear friends. Because truly, every friend was once a stranger.”

Ang kabataan ang pag-asa ng bayan. Ito ang matalinhagang pangungusap na unang pinaniwalaan ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal at patuloy na naririnig at sinasabi ng maraming Pilipino hanggang sa kasalukuyan. Pero sa panahon ngayon, kung sino pa ang mas bata ay siya pa ang mas nauuna at nagmamadaling gawin ang mga bagay na hindi tama o hindi nararapat sa kanilang murang edad. May mga kabataang maagang dumarating sa maturity stage, at dahil madali silang tumuntong sa ganitong pagkakataon ay nakita nila ang mga pagsubok ng buhay sa pinakamabigat nitong estado. Hindi man pisikal na pagsubok, may mga tulad nila ang dumaranas ng emosyonal na paghihirap na nagpapadama sa kanila na hindi sila mahalaga, o ang pinakamalala, ay hindi sila karapat-dapat para magkaroon ng magandang kinabukasan sa mundong ito.

“GIP? Anong klaseng trabaho yun?” Ito ang unang tanong ko sa sarili nang sinabihan ako ng kuya ko na mag-apply sa Manila City Hall. Wala akong clue o ideya kung ano ang tungkuling pilit na ipapatrabaho sa akin ng kapatid ko, pero dahil napaka-adventurous ko at kahit anong bagay ay gusto kong gawin, ang madiin kong sagot sa kanya? GO!

Anim na distrito. Hindi hihigit sa isandaang kabataang may iba’t ibang edad at estado sa buhay. Sila ang mga makakasama ko sa GIP, ang Government Internship Program. Ito ay isang programang pinangangasiwaan ng Youth Development and Welfare Bureau (YDWB) na umaagapay sa mga out of school youth ng lungsod upang mahubog sila sa iba’t ibang aspeto ng buhay at para mas maging handa sa mga susunod na taon ng kanilang kabataan. Sila ang mga makakasama ko sa susunod na dalawampung araw. Ang bubuo ng Batch 02-2011. Sa paglibot ng aking mga mata sa kanilang itsura at tindig, bawat isa ay may karakter na maaaring matuklasan ko sa mga susunod na araw. Dalawang reaksyon nang malaman ko ang konsepto ng pinasukan kong ito – “ano raw??!” at “interesting!!!”

Sa mahigit na dalawampung araw ay nakilala ko kung ano talaga ang kabataang Manilenyo ngayon. Hayaan ninyong magbigay ako ng dalawampung pangalan upang katawanin ang mga katangiang lumalarawan sa tunay na imahe ng kabataan ng lungsod:

1. BARNEY – Ang Maynila ay pinamamahayan ng napakaraming beki. Lantad man o hindi, masasabi kong ang mga beki ang isa sa mga pinakamatatalino’t pinakanakakaaliw na mamamayan ng lungsod. Isa na rito si Barney. Noong una ko siyang nakita ay pinagtatawanan siya ng mga coordinator dahil beterano na siya sa GIP. Naka-tatlong GIP batch na siya pero mahiyain pa rin sa pagsasalita sa harapan ng maraming tao. Pero nung nakasama ko na siyang magtrabaho sa mga activity ay tinataglay niya ang maraming ideya at lubos ang kanyang partisipasyon upang maging maganda ang kalalabasan ng aming ginagawa. Binabagay niya ang kaartehan sa tamang sitwasyon, hindi tulad ng ibang beki. Naging malaking tulong siya sa akin dahil binigyan niya ako ng napakaraming ideya kung ano talaga ang tatakbuhin ng programang sinalihan ko. Walang duda kung bakit siya muling kinukuha ng YDWB upang maging kasali sa GIP.

2. MARICAR – Si Ate Maricar ang pinakauna kong nakilala at nakasundo sa GIP. Kung tama ako ay siya ang pinakamatanda sa batch. Meron na siyang dalawang anak at sumabak na sa napakaraming trabaho, pero piniling mag-GIP upang magkaroon ng pagkakaabalahan habang hinihintay ang inaasam na trabaho. Kinakatawan ni Ate Maricar ang matibay na babae para sa kanyang mga anak, ngunit mahina ang puso pagdating sa pagmamahal. Hindi ko siya masisisi sapagkat lahat naman tayo ay nagnanais na mahalin siya bilang tao, bilang kapareha at bilang nag-iisang babae ng kanyang minamahal. Pero hanga ako kay Ate kahit minsan ay sobrang harot niya. Isa siyang babae na puno ng aral para sa mga magiging ina at babae ng hinaharap.

3. JEFF – Kung titingnan mo ang taong ito ay para lang siyang tipikal na binata — sakto lang pumorma pero may appeal. Pero sa mga araw na magkakilala kami, makikita kung ano talaga si Jeff sa paraan ng kanyang pananalita. Hindi malayo ang edad sa akin ni Jeff pero bukambibig niya ang mga katagang ‘papunta pa lang sila, pabalik na ako’. Sa kanyang mga salita ay naniniwala ako sa kanya dahil hindi siya nahihiyang ihayag ang kanyang mga nalalaman at handa siyang ipaglaban ang kanyang mga sinasabi dahil alam niyang tama ito. Siya rin ang tipo ng taong marunong umiwas sa pananakit sa damdamin ng iba, dahil kung may masabi man siyang hindi maganda ay kinikimkim niya lang ito o kaya’y binubulong sa mga taong alam niyang mapagkakatiwalaan niya, at pakiramdam kong mapalad ako dahil isa ako sa mga iyon.

4. DIANE – Una kong napansin si Diane noong nakasakay kami sa Thomas & Friends train na kasama sa centennial convoy noong ika-100 kaarawan ni Doña Teodora Alonzo. Malaking babae pero makulit. Pero mas nakilala ko siya noong unang beses na nagkayayaan na magsaya ang ilang GIP sa isang billiard house na malapit lang sa amin. Sa mga nagdaang araw ay siya lang ang tanging pinagkukuwentuhan ko ng mga nangyayari sa akin na hindi pwedeng ilantad sa marami. Good listener. Kapalit niyon, handa rin akong makinig sa mga sasabihin niya at handang magbigay ng mga payo sa abot ng aking makakaya. Itinuturing ko na siyang isa sa mga pinakamatalik kong kaibigan ngayon at masaya ako na sa pagtatapos ng GIP ay may trabaho na siya sa call center kung saan una akong nagtrabaho noong 2008.

5. JEPOY – Tumatak sa akin ang taong ito dahil napakarami niyang sentimental songs sa kanyang cellphone. Sa panahon ngayon, mas kinagigiliwan ng maraming kabataan ang mga rap at gangsta songs. Hindi ko pinagtatawanan ang tipo ng musika ni Jepoy, mas natutuwa pa nga ako dahil nakikita sa kanyang personalidad na sa likod ng matapang niyang itsura ay may lambot sa kanyang puso na nirereserba sa tamang pagkakataon – at yun ang tunay na katangian ng tunay na lalaki. Ilang beses siyang nagtampo sa grupo dahil may mga bagay na hindi niya kayang gawin at tila hindi siya nakakaramdam ng suporta galing sa amin. Pero ipinakita niyang kaya niya iyon, na sa kabila ng kanyang kahinaan ay kakayanin niyang subukan ito upang maging tama ang lahat.

6. EIRO – Aaminin ko, noong una, si Eiro ang tipo ng babaeng makakasundo ko. Merong mga nakakaalam na hindi ko gusto ang pag-uugali niya lalo na kapag umaasta siyang magaling sa grupo. Ilang beses na rin siyang nakasakit ng damdamin ng iba naming kasamahan. Pero nag-iba ang lahat nang magsimula na kaming mag-practice ng aming closing presentation. Natural ang pagiging taklesa ni Eiro, pero marunong siyang humingi ng tawad sa kabila ng kanyang nagawa. Happy go lucky ang babaeng ito pero alam kong sa likod niyon ay isang babaeng maraming karanasang dapat na pagpulutan ng aral ng mga dalaga. Masaya akong isa si Eiro sa mga nakakasundo ko, lalo na pagdating sa mga kasiyahan. At sa kabila ng kanyang pagiging ‘itchy’, si Eiro ang isa sa mga babaeng masasabi kong taglay ang tibay at tapang ng isang babaeng dapat na mahalin nang tunay ng nararapat na lalaki.

7. ZEUS – Nakita ko kay Zeus ang dalawang mukha ng kabataan – isang masaya at isang may pinagdaraanan. Ipinapakita niya ang mukha ng kasiyahan sa pagkakataong masaya ang paligid. Makulit, maharot pero hindi nakakainis at masarap lambingin. Sa kabila niyon, ilang beses ko nang nakita sa kanyang mga mata ang lungkot na pilit niyang itinatago. Nung minsang humiwalay siya sa grupo at naki-bonding sa ibang distrito ay nagtaka ako at nalungkot sapagkat nawala ang makulit na Zeus na una kong nakilala. Pero nawala iyon nang sabihin na niya ang tunay na dahilan, at masaya akong hindi siya nagbabago. Siya ang pinakagusto kong ituring na nakababatang kapatid. Siya ang bunsong handa kong gabayan sa kanyang mga problema, damayan sa sayang kanyang nararamdaman, at bigyan siya ng suporta upang ilabas ang kakayahang hindi niya mailabas dahil walang nagbibigay sa kanya ng lakas ng loob para gawin iyon.

8. PRINCESS – Minsan ko lang nakita na tahimik ang babaeng ito, at yun ay ang pagkakataon na naka-headset siya at nagsa-soundtrip gamit ang kanyang cellphone. Si Princess ay maingay na babae, pero napapaiyak ng mga senti na kanta. Kung ilalarawan ko siya, masasabi kong nasa kategorya na siya ng isang ‘babaeng bakla’. Maharot man ay alam kong mahal na mahal niya ang kanyang boyfriend. Isa siya sa mga taong nagpaingay ng grupo namin at walang dudang nagpasaya sa amin. At kung saan, hindi lang mahiyain ang babaeng ito, maipapakita niya sa lahat ang kanyang ginintuang boses. Marahil, siya ang may pinakamagandang singing voice sa batch na ito.

9. KIKO – Una kong napansin ang taong ito nang maglaro ang Youth Bureau ng basketball sa San Andres Sports Complex, ang unang pagkakataon na nanood ng basketball game ang mga departamento ng Manila City Hall. Hindi ako makapaniwalang kayang maglaro ng isang matangkad pero patpating binata, kasama ang mga naglalakihan ang katawan. Pero mas naging malapit ako kay Sir Kiko nang magkaroon ng peace conference sa EARIST at makasabay ko siyang umuwi pagkatapos niyon. Ang pagsabay namin sa jeep sa halos tatlumpung minuto ay naging isang pintuang nagbukas sa akin sa kapirasong buhay ng tahimik na junior officer ng YDWB. Isa ring Abadian na tulad ko (nagtapos kami sa Jose Abad Santos High School), si Sir Kiko ay nag-iwan sa akin ng mga mahalagang paalala kung sakaling itutuloy ko ang paglilingkod sa Youth Bureau pagkatapos ng GIP. Isa siyang drummer at nagmula sa pamilya ng mga musikero, at pinatunayan niya ang kanyang galing nang tumugtog sila sa closing ceremonies ng GIP Batch 02-2011. Isa siya sa nakikita kong magiging kinabukasan ng Youth Bureau, isang lider na binubuo upang maging mas magaling sa hinaharap.

10. DHAVEY – Si Mam Dhavey na yata ang nakita kong pinakamaingay na babaeng supervisor na nakasama ko sa mga naging trabaho ko. Bilang coordinator ng grupong may pinakamaraming pasaway, hindi ko siya masisisi na bulyawan kami sa aming mga pagkukulang. Narinig ko niyang sinabi bago ang closing performance namin na kinakabahan sa gagawin namin, pero alam kong kahit papaano ay may konti siyang tiwala na gagalingan namin ang aming pagtatanghal. Ipinakita sa amin ni Mam Dhavey ang tunay na babaeng taga-Tundo na kahit dakdak nang dakdak ang bibig ay marunong dumiskarte at mabuhay sa gitna ng kagipitan, at nakita ko yan noong makapagluto kami ng simpleng pagkain upang iulam habang nag-eensanyo ng sayaw sa basketball court. Para sa akin, siya ang nanay namin na kahit pinapagalitan kami ay mahal na mahal kami.

11. IAN – Nakita ko ang sarili ko kay Ian noong high school pa ako, yung laging inaasar at pinagkakaisahan, may ginagawa mang katatawanan o wala. Sa kabila niyon, nasa kanya pa rin ang katangian ng isang lider na marunong magmando ng mga tao. Siya ang isa sa mga pinakabuhay ng batch at kung wala si Ian, malamang nganga ang batch.

12. CHERRY – Ang kabataang Manilenya ay may natural na kagandahan at angking katalinuhan, at kung kakatawanin ito ng isang taga-GIP, malamang ito ay si Cherry. Hindi kami kailanman nagkausap nang personal ng isa sa mga miyembro ng District 5, pero sa tuwing siya’y magsasalita sa mga reporting namin ay umaangat ang kanyang galing na kasabay ng mukhang napakaamo’t walang kapares.

13. ERICK – Kung hindi mo kakilala si Erick at naglalakad ka sa isang alanganing kalye, malamang katakutan mo siya. Pero para sa akin, isa siya sa mga iilang pinakatotoong taong nakilala ko sa GIP na karapat-dapat na kaibiganin. Makulit pero may lalim, si Erick din ang iilan lang sa mga taong hindi nakakalimot na batiin ako at hindi siya nabibigong pasayahin ako. Sa kabila ng kanyang masamang nakaraan, nararamdaman kong sa kanyang tuloy-tuloy na pagbabago ay magkakaroon siya ng makabuluhang kinabukasan.

14. JANE – Minsan ko lang nakasama si Jane at hindi ko rin siya nakausap nang personal sa buong panahon ng GIP. Ngunit sa mga obserbasyon ko sa kanya, ang dalagang ito ay isang modernong kabataang Manilenya. Happy go lucky si Jane pero hindi siya yung tulad ng iba na pinipilit magpakasosyal, siya yung tipong simple pero may dating. Mukha man siyang sosyal pero marunong siyang makisama kahit anong oras at kahit saan.

15. PAU – Masasabi kong siya ang team leader ng District 2 GIP. Tulad ko, isa rin siyang beki at taglay ang galing upang dalhin ang grupo sa mga activity. Hindi maarte si Pau at madaling pakisamahan. Masuwerte akong nakilala ko siya dahil iilang beki lang ang nakikilala ko na may utak at may kakayahan.

16. DAYANARA – Tulad ni Cherry, wala rin akong pagkakataon na makakwentuhan nang personal si Dayanara. Nakita ko sa tahimik at medyo nerdy na dalagang ito ang katalinuhan at kagalingan sa pagsasalita. Iilan siya sa mga tao sa batch na napapahanga ako kapag nasa harapan namin at nagre-report.

17. CHRISTIAN – Unang tumatak sa akin si Christian noong nagkaroon siya ng allergy dahil sa di kagandahang hangin sa Army Navy Club. May pagka-sensitibo ang kanyang kalusugan kaya’t kahit papaano’y nag-aalala kami sa kanya pag may inaalma siya sa kanyang katawan. Pero mas tumatak sa akin ay ang kanyang nakakalokong tawa. Isa siya sa mga taong ipinapakita sa akin na masaya siya sa mga nagawa ko para sa grupo. Sa mga tulad niya ay nakakakuha ako ng lakas ng loob na gumawa pa ng mas maganda sa aming mga activity at importante sa akin ang mga papuring iyon.

18. LHEN – Si Lhen ang kauna-unahang batchmate na hindi ko ka-distrito na nakapansin at pumuri sa aking mga nagawa sa mga activity ng GIP. Isa siya sa mga regular kong nakaka-bonding sa GIP at natutuwa akong nagkaroon siya ng pag-ibig mula sa aming grupo. Itinuturing nang ampon sa District 1, si Lhen ay isang simpleng babaeng hindi madaling pakisamahan at maging kaibigan.

19. JONO – Hindi ko siya gustong makasundo noong una — mukha kasing maangas ang dating niya. Dati, sa pakiwari ko’y hindi siya ang tipo ng lalaking gusto kong maging malapit na kaibigan dahil wala akong makitang unique sa taong ito. Maporma, may kotse, mukhang may kaya. Pero aaminin ko, naging judgmental ako kay Josefino a.k.a Jono. Sa kabila ng pagiging angat sa buhay, nakita ko sa kanya ang pagiging palakaibigan sa lahat at walang pinipiling lalapitan. Medyo nitong huli na lang kami nakakapag-usap ng taong ito dahil naging mailap ako sa kanya, di tulad ng ibang beki sa batch. Pero masaya ako na kahit papaano, naging OK ang tingin ko sa best escort ng batch.

20. JEORNA – Para sa akin, siya ang tunay na role model ng GIP. Nasa kanya ang mga katangian ng pagiging huwarang kabataan at ng susunod na magaling na lider. Si Jeorna ang tao na madaling maging kaibigan at sa pagkakakilala ko, siya ang tipong iniintindi ang kapakanan at ikabubuti ng iba. Maraming pagkakataon na nagka-bonding kaming dalawa dahil nakakasama namin siya sa grupo. Magaling na host, magaling na singer, mabait na kaibigan. Taglay niya ang kabataang dapat pamarisan ng kabataang Manilenyo. Mabuhay ka!

Marami pang pangalan ang gusto kong banggitin, o kung posible nga’y mabanggit ko ang pangalan ng lahat ng GIP Batch 02-2011 members. Magkagayunman, sa pagkakaiba-iba ng mga kabataang ito, nakilala ko man nang mabuti o dinaanan lang ng aking paningin, silang lahat ang nagpapatunay na kabataan pa rin ang pag-asa ng bayang ito. Sa dalawampung araw na ginugol ko sa ganitong programa, lalo akong nanindigan na umisip ng mga bagay at pamamaraan upang makatulong sa paghubog ng aking sarili, hindi lang bilang batang Manilenyo, kundi responsableng mamamayan ng Republika ng Pilipinas. Masasabi kong mapalad akong napadpad ako sa GIP dahil hindi ko aakailaing ang mga kabataang minsa’y istranghero sa aking mga mata ay magiging kaibigan ko na naging inspirasyon ko bilang tao, bilang makabayan at mapagmalasakit sa kapwa kabataan.

Pasasalamat: Taos pusong pasasalamat sa pamahalaang lungsod ng Maynila sa pangunguna ni Mayor Alfredo S. Lim, at sa tanggapan ng Youth Development and Welfare Bureau, lalong-lalo na sa direktor nitong si Arch. Dunhill E. Villaruel.