FAST POST #11: David Laban Kay Goliath Para Sa Karangalan Ng Mga Isla At Ng Karagatan

Hinihiwalay ko ang mga kaibigan kong Tsino sa kung anumang mababanggit ko ukol sa paksang ito.

West Philippine Sea. Kalayaan Group of Islands. Panatag Shoal.

Mula nang mag-umpisa ang petisyon ng Pilipinas sa karapatan ukol sa teritoryo ay tila nagsimula na rin ang pagbangga natin sa sinasabing susunod na superpower ng daigdig, ang China. Sinasabi ng magkabilang kampo na madadaan sa diplomasya at ligal na pamamaraan ang pagtatalo ng dalawang bansa sa pagpapalit ng pangalan ng South China Sea bilang West Philippine Sea at ang pag-angkin sa Scarborough Shoal na tinatawag nating Panatag Shoal. Hindi ito ang unang beses na nasangkot sa agawan ng teritoryo ng dalawang bansa dahil noon pa ma’y nagtatalo sila sa pagmamay-ari ng Spratly Islands na tinatawag nating Kalayaan Group of Islands. ( na unang tinalakay dito sa Aurora Metropolis – Ang Spratlys Ay Para Sa Pilipinas. Sana Maisip Ito Ng China )

Kung titingnan ang mapa ng Asya Pasipiko, ang lahat ng pinag-aagawang isla ay napakalapit sa baybayin ng Pilipinas. Maging ang South China Sea ay nakatapat nang buo sa ating bansa. Sa kabila nito, iginigiit ng China na sa kanila ang lahat ng islang sakop ng South China Sea.ay sakop ng China, at may nagsabing maging ang Pilipinas ay teritoryo ng China. Kung susuriin ang International Treaty on the Law of the Seas (ITLOS), ang mga islang pinag-aagawan tulad ng Panatag Shoal at karamihan sa mga isla ng Kalayaan Group of Islands ay nasasakop ng soberenya ng Pilipinas, samantalang ang China ay mahigit 500 NM (nautical miles) ang layo sa mga islang ito. Pero ang basehan ng China ay ang kanilang kasaysayan at ang kasaysayang ito ay patuloy nilang tinuturo sa kanilang mga eskuwelahan.

Dahil sa gusot na ito’y pinagbabawalan na ng pamahalaan ng China ang pagpunta ng kanilang mga mamamayan sa ating bansa at pagharang ng mga produkto ng Pilipinas na papasok sa kanilang bansa. Malaking dagok ito sa export industry natin dahil isa sa mga malalaking market ng Pilipinas ay ang China. Naramdaman din agad ang epekto nito sa ating turismo, lalo na sa Boracay kung saan maraming Tsino ang bumibisita rito buwan-buwan.

Tunay na isa ngang David vs. Goliath ang nangyayaring stand-off na ito ng Pilipinas at China. Oo. Tayo ang pinakaapektado sa hidwaang ito dahil ang kinakalaban natin ay isang dragong unti-unting gumagalaw at maaaring kumontrol sa ekonomiya ng mundo sa hinaharap. Sa kabila ng pagiging superpower, tila naninigurado ito sa pagpapalaki ng kanyang teritoryo upang maging lubos ang kapangyarihan na pati ang maliit na islang tulad ng Panatag Shoal at ang Kalayaan Group of Islands ay kanyang inaangkin. Maaaring sa kasaysayan ay kinilala ang sinasabing pagmamay-ari ng China sa South China Sea, pero sa modernong panahon, panahon na upang ipakita sa mundo kung anong bansa talaga ang nakakasakop sa karagatang ito.

Ginagamit ng China ang kanyang lakas upang gipitin tayo, pero sa palagay ko, hindi ito dapat maging hadlang sa atin dahil hindi lang sila ang bansang nakikinabang sa ating pinagmamalaking produkto’t maipagmamalaking mga kakayahan. Marahil ay kaya nilang maapektuhan ang ating turismo at ekonomiya, pero sa palagay ko, mas marami pang bansa ang nagtitiwala’t sumusuporta sa atin. Oo. Tayo si David na bumabangga kay Goliath para sa karangalan ng mga isla at ng karagatan. Tayo ang sumusunod sa diplomasya at ligal na pamamaraan kaya wala tayong dapat ikapangamba sa ating mga hakbangin.

Oo. Tayo si David. At dahil tayo ang nasa tama, darating ang panahon na tayo ang mananaig. Walang maliit na hindi nakakapuwing. Tandaan nila yan.

Ang Spratlys Ay Para Sa Pilipinas. Sana Maisip Ito Ng China.

Ito ay isang pananaw na nagpaparating ng aking bugso ng damdamin bilang isang Pilipinong lumalaban para sa diplomatikong karapatan ng aking bansa. Humihingi na agad ako ng paumanhin sa mga kaibigan kong Tsino at Tsinoy na makakabasa’t makakaintindi ng lathalaing ito kung makakapagbanggit man ako ng mga sitwasyong sangkot kayo at lahing pinagmulan ninyo. Ito ay isang simpleng sanaysay ng mga masasakit na katotohanang kailangang pag-isipan at mapagtanto ng pamahalaan ng Republika ng mga Mamamayan ng Tsina. Ito sana’y lubos ninyong maunawaan dahil alam kong kahit singkit ang inyong mga mata, maputi ang inyong balat at ganap ang pagka-Tsino sa inyong buong panlabas ng katauhan, may dugong Pilipino na rin ang dumadaloy sa inyong sistema. Umaasa ako ng inyong simpatiya ukol dito.

 

+++

 

Maraming taon na’ng pinagdidiskusyunan ang pagmamay-ari sa isang maliit na grupo ng mga isla sa West Philippine Sea na diumano’y may malaking deposito ng langis at enerhiya. Ang Spratly Group of Islands o ang Kalayaan Group of Islands – isang pulutong ng mga pirasong lupa na bahagyang makikita kapag low tide at nawawala sa paningin kapag high tide – pero magkagayunman ay pinag-aagawan ng mga bansang nakapaligid sa karagatang dati’y tinatawag na South China Sea. Sa lahat ng nakikiagaw na bansa, ang hindi ko maintindihan ay ang pakikisali ng bansang Tsina sa pang-aangkin ng Spratlys. Paano? Bakit? Ano ang gusto nilang ipamukha sa atin?

 

Daan-daang taon na ang tagal ng pinagsamahan ng Tsina at Pilipinas sa napakaraming larangan ng buhay. Para sa atin, hindi na lamang basta-basta dayuhan ang tingin natin sa kanilang mga mamamayan kundi bahagi na rin ng ating kasaysayan at kultura. Milyun-milyong patunay ang nagpapakita ng impluwensiyang ito – sa pagkain, sa pilosopiya, sa pagpapatakbo ng mga negosyo’t industriya at marami pang iba.

 

Pero sa likod ng makulay na pagkakapatiran ng dalawang bansa sa matagal na panahon, hindi nito natakpan ang mga masasaklap na di-pagkakasundo ng mga Tsino at Pilipino sa napakaraming pagkakataon. Nariyan ang mga isyu ng pisikal na pang-aapi, pambabastos sa pagkakakilanlan ng mga pinagmamalaki nilang lahi, banggaan ng mga pinaniniwalaan at pagwaksi sa mga di magandang gawain ng isa’t isa. Marami sa mga ito ang muntikan nang makasira sa magandang diplomatiko’t pang-ekonomiyang ugnayan ng Tsina at Pilipinas, pero sabi nga ng marami, mas mahalaga pa rin ang matagal nang pinagsamahan kaysa pagtalunan ang mga bagay na maaari namang pag-usapan at solusyunan.

 

Tulad ng sabi ko kanina, hindi na dayuhan ang tingin natin sa mga Tsino. Sila ang mga pangunahing namumuhunan sa ekonomiya ng Pilipinas kaya’t bukas-palad natin silang tinatanggap sa ating lupain. Marami nang Tsino ang dito na nanirahan, nagkaanak, bumuo ng pamilya’t namuhunan sa kanilang mga negosyo. Ang iba nga sa kanila’y nakilala na dahil sa pagiging primera klaseng negosyante ng ating bansa. Sino ba ang mga may-ari ng SM, Robinson’s, Philippine Airlines, Manila Bulletin, 168 at ng napakarami pang malalaking korporasyon?

 

Kung tutuusin, mga Tsino ang pangunahing nagpapatakbo ng komersyo sa Pilipinas. Pero sa kabila nito, inaabuso ng iilan sa kanila ang kalayaang binibigay natin sa kanila. Kontraktwalisasyon, labis na oras ng trabaho, kulang sa non-wage benefits, at minsan pa’y sinasamantala ang kahirapan, ang ating pagiging mabait at masipag para maitawid ang kanilang mga gawaing hindi naaayon sa batas ng Republika. Hinahayaan nating pagalawain sa kanilang mga palad ang kapalaran ng ating mga kakayahan para lang maging progresibo ang ating ekonomiya. Ang iba pa sa kanila ay malayang nakakapasok ng bansa nang walang kaukulang dokumento. Sila pa ang may layang gumawa ng mga ilegal na aktibidad at mismong mga inosenteng Pilipino pa ang kanilang ginagamit upang isakatuparan ang mga ito.

 

Ang isyu ng pag-agaw ng Tsina sa Spratlys ay isang sitwasyong nagdadala sa aking hinala na tila gusto nilang sakupin ang ating lupain. Mukhang nais nilang ulitin ang ginawa sa atin noon ng Espanya at Amerika, na kahit milya-milya ang layo sa atin ay kinokonsidera nila tayong kolonya. Mahigit 500 NM ang distansya ng Tsina mula sa Spratlys. Ito ay sobrang layo kung ikukumpara sa distansya natin dito na 80 NM LANG ang layo mula sa Palawan. Ayon pa sa United Nations Convention on Law of the Seas, lahat ng nasasakupan ng 200 NM mula sa kalupaan ng bansa ay PAMAMAHALAAN AT PANGANGALAGAAN NG PAMAHALAAN NG REPUBLIKA NG PILIPINAS. Ibig lang sabihin nito, PASOK sa territorial jurisdiction natin ang Spratlys.

 

Kung ang pang-aangkin nilang ito ay kabayaran sa mga tinulong ng kanilang pamahalaan at ng kanilang mga mamamayan sa loob ng napakaraming taon, ito ay hindi katanggap-tanggap na dahilan. Gayundin, kung ang masyadong pagtutulak nila na mapasakanila ang Spratlys ay kabayaran sa mga nangyari sa Manila Hostage Crisis noong isang taon at ang pag-aangkat ng droga ng mga Pilipinong kanilang binitay sa kanila noong Marso, hindi pa rin ito sapat na kadahilanan. Noon pa man, sila ang unang tumuntong sa lupain natin upang ikalakal sa ibang lahi ang kanilang mga produkto. Ang mga mamamayan nila ang pumapasok sa mga gawaing di-kaaya-aya na pati Pilipino o kung sinumang nangangailangan ay dinadamay nila sa mga ito. Ang masakit pa, ang mga nadadamay ang nagbabayad sa kanilang kasalanan at tuluyang nagpapalayo sa kanilang mga pamilya na narito sa bansa. Sila ang dumadayo rito kaya’t sila ang dapat sumunod sa pinapairal nating batas at sa mga pandaigdigang batas na sinusunod din natin.

 

Walang humpay ang pasasalamat natin dahil isa ang Tsina sa mga nagdala sa Pilipinas sa modernong pamumuhay ngayon at sa mga susunod pang panahon. Maaaring nakagawa sila ng monopolyo ng negosyo sa ating bansa na nagkakaroon naman ng magagandang epekto sa buhay nating mga Pilipino. Pero sa usapang pananakop ng teritoryo, sana, maisip ng Tsina na wala na tayo sa panahong barbaro na nananakop ng mga lupain upang makahuthot ng kayamanang hindi para sa kanila. Lubos ang kapangyarihang pampulitikal at kakayahang pangmilitar ng Tsina, kumpara sa atin na ang pinanghahawakan lang ay ligal na kasunduang pang-teritoryal at paanyayang magkaroon ng pag-uusap sa isang maayos na diplomatikong pamamaraan.

 

Sana maisip ng Tsina na ang Spratlys, kung ito man ay may tinatagong ‘kayamanan’, at kung pinapahalagahan nila ang pagkakaibigang meron sila ng ating bansa, ay dapat na nilang ibalato sa atin dahil atin talaga ito at tayo ang mas nangangailangan ng mga ito.

 

 

June 15, 2011.11:49am