Para Kay Mayor Lim

2015-category-title-tambuli copy2015-post-featured-image-tambuli-OPEN-LETTER-TO-MAYOR-LIM

Ika-21 ng Disyembre 2015

Para kay Kgg. Alfredo Siojo Lim:

Magandang araw po! Nawa’y nasa mabuti po kayong kalagayan sa panahong nakarating po sa inyo ang mensaheng ito.

Kinunan po ang larawang ito noong October 18, 2013, ilang minuto bago magsimula ang event na inorganisa ng aking grupong Katipunan ng Kabataang Maaasahan tungkol sa mga heritage site at structure sa Maynila.

Nilapitan kita’t personal na pinasalamatan sa pagpapaunlak sa aking imbitasyon na magbigay ng inspirational message. Alam kong may pagkakataon kang hindi ito puntahan dahil noong mga panahong iyon ay hindi na ikaw ang alkalde ng Maynila. Sobra-sobra talaga ang pasasalamat ko dahil nandun ka. Kinumusta kita at sinabi mong maayos ka naman, tinatapos lang ang mga naiwang commitment at mamamahinga na muna sa serbisyo publiko. Nalungkot ako nang marinig ko yun (obvious sa picture hehe), kaya iniwas mo ang tingin mo’t pinunta ang usapan na patungkol sa topic ng event.

Ngunit sa ilang pangungusap lang ay nagbago ang tono ng beses mo. Ang sumunod mong sinabi ang hindi ko malilimutan sa maikling pag-uusap nating iyon.

“Ituloy mo lang ang mga ginagawa mo para sa kabataan natin. Kailangan nila ng mga ganito.”

Ilang araw bago ka bumaba sa puwesto, June 7, 2013, nagdesisyon akong manumpang maglilingkod bilang youth volunteer ng Maynila sa harapan mo. Naniniwala kasi akong hindi ka lang mayor kundi bilang lolo ko. Wala akong kinagisnang lolo sa aking kamusmusan kaya sa tuwing nakikita’t nakakamano sa’yo ay parang lolo na rin kita. Pinili kong sa’yo kumuha ng basbas dahil ikaw ang nagsilbing inspirasyon ko mula nang hamunin ako ng siyudad na gumawa ng mga bagay para sa bayan.

Nung mga oras ding iyon, sinorpresa mo ako nang ipagkatiwala mo sa akin ang pinakahuling youth project sa iyong ikaapat na termino – ang Manila Young Leaders’ Assembly.

Dalawang taon ang dumaan at narito pa rin po ako: nagbo-volunteer at patuloy na lumilikha ng mga bagay para makatulong sa mahal nating siyudad.

“Pwede ka namang magpabayad sa mga ginagawa mo, ‘di ba? Bakit kailangan mo yang gawin nang libre? Kailangan mo rin namang kumita para mabuhay, ‘di ba?”

Binubulabog ako ng mga tanong na ito mula sa mga taong nawiwirduhan sa mga ginagawa ko. Marami pang version ang mga tanong na yan, pero isa lang ang sagot sa kanila:

ITO LANG ANG KAYA KONG GAWIN PARA MAIBALIK SA MAYNILA ANG KABUTIHANG IDINULOT NIYA SA AKIN.

Alam na alam kong responsibilidad ng estado na pag-aralin ang kanyang mamamayan. Alam na alam ko rin na kahit hindi ikaw ang maging mayor ay gagawin pa rin ito ng City Hall dahil nga sila ang responsable rito. Alam na alam ko rin na kahit hindi ikaw ang nakaupo ay mayroon pa ring libreng serbisyo para sa mga nangangailangan.

Ngunit hindi ito ang punto ko… at hindi ito ang nangyayari sa Maynila ngayon.

Bilang produkto ng pampublikong sistema ng edukasyon, nais kong ihandog ang aking talento dahil responsibilidad ko rin ito bilang Manilenyo. Masyado tayong nagpapayaman pero para kanino? Para sa sarili o pamilya? Nagbabayad naman tayo ng tax kaya nakakatulong pa rin tayo, ganun ba?

Obligasyon ng City Hall ang libreng serbisyo ngunit dahil sa interes ng iilan ay maraming hindi nakakaramdam nito. May bayad sa mga ospital, lumalaki ang binabayaran ng mga kawawang negosyante, mahal ang bayad ng renta sa mga puwesto sa mga palengke, o nagbabayad tayo sa mga bagay na pwedeng gawing libre para sa mga Manilenyo. Pero may napupuntahan ba ang mga binabayad natin? Wala. Para saan ang sakripisyo? Sa alak na iniinom nila gabi-gabi?

Kahit gaano pa karaming pera ang bumagsak sa kaban ng lungsod, kung wala naman tayong itinatanim na pagmamahal dito, hindi kailanman uunlad ang isang siyudad. Iyon ang ginagawa ko sa abot ng makakaya ko – ang mamuhunan ng pag-ibig at pagkilala sa kasaysayan, kultura at kagandahan ng Maynila.

Natutunan ko po ang mga iyon nang dahil sa inyo, Mayor Lim.

Darating na naman ang eleksyon.

Matagal po akong nag-isip kung may ikakampanya pa akong tao o grupo. Masyado nang magulo ang pulitika ng Maynila at nawawalan na rin ako ng pag-asang magkakaroon pa ng isang pamahalaang totoong nagkakalinga, hindi lang sa mga Manilenyo kundi sa kasaysayan at kulturang ipinamana sa atin ng ating mga ninuno’t nakalipas na mga pinuno. Aaminin ko po, may mga naging pagkukulang din po ang nakaraang panunungkulan ninyo na nagbigay sa akin ng alinlangan kung karapat-dapat pa kayong ibalik sa puwesto.

Sa huli, napagtanto kong bilang mamamayan ay kailangan kong bumoto at kumampanya sa mga taong may tinatanaw na maganda’t makatotohanang bukas para sa siyudad. Kailangan kong ihalal ang mga taong sa tingin ko ay totoong nagmamalasakit at hindi mag-pose lang sa picture. Kailangan kong dalhin sa pamumuno ang taong malinis ang hangarin sa paglilingkod at hindi dadalhin sa kahihiyan ang image ng siyudad dahil sa dumi ng kanyang pagkatao.

Lahat ng qualification pong nabanggit ko ay sa inyo pa rin nakaturo. KAYO PA RIN PO ANG PINIPILI KONG PAMBATO BILANG ALKALDENG MAGWAWAGI SA 2016.

Kailanman ay hindi ko kinonsidera ang edad sa abilidad para mamuno at gumawa ng mga desisyon para sa ikabubuti ng nasasakupan nito. Sa inyo ko po nasaksihan na ang paglilingkod sa bayan ay nakakagaan ng pakiramdam na parang nakakabata ng edad. Pinatunayan nyo po iyon at walang dudang kayang-kaya nyo pa po kaming pamunuan.

Bilang kabataang lider, handa po akong maging instrumento upang maibalik ang nawalang liwanag sa kabisera ng Republika ng Pilipinas. Handa po akong ikampanya kayo sa paparating na halalan.

Kaya ngayong araw na ito, sa iyong ika-86 na kaarawan, hayagan ko pong hinahayag ang aking suporta at nangangakong ipapakalat sa mga kapwa ko Manilenyo na nagkamali sila ng paglagay ng mga pulitikong ginamit ang kanilang kahinaan upang mapaniwala sa mga panaginip na kalauna’y naging bangungot sa marami.

Ito lang po ang maibibigay kong regalo sa’yo – ang panibagong pagtitiwala sa iyong kakayahan bilang aming ama sa lungsod ng Maynila.

Maligayang kaarawan po, mahal naming alkalde!

Gumagalang,
Lem Leal Santiago
Batang Tundo, Proud Manileño.

(Unang inilathala sa aking Facebook page: https://www.facebook.com/lemorvensantiago/posts/10205021308593943)

 

AURORA-NEW-LOGO-2015 copy_small

Kabataan. Kasaysayan. Kinabukasan.

Masyadong mabilis ang mga pangyayari ngayong buwan na ito. Halos hindi ako nakapagsulat para sa ikatlong anibersaryo ng Aurora Metropolis dahil sa biglaang pagdating nito. Hindi ko inaasahan na walang kasing laki ang natanggap kong karangalan bilang isang kabataang lider ng lungsod ng Maynila. Pagkatapos ng panunumpa ng paglilingkod ng Katipunan ng Kabataang Maaasahan (KKM) kung saan ako ang tagapagtatag, inadya ng Panginoon sa pamamagitan ni Manila Mayor Alfredo S. Lim na ipagkatiwala sa akin ang isang malakihang proyekto na pinondohan ng lungsod sa pamamagitan ng Youth Development and Welfare Bureau. Ito ay ang makabuluhang pagpupulong ng mga kabataan, ang kauna-unahang Manila Young Leaders Assembly, na ginanap nitong ika-22 hanggang 23 ng Hunyo 2013 sa El Cielito Hotel, Boys Scouts of the Philippines Complex, Mt. Makiling National Park, Los Banos, Laguna.

Nais kong ibahagi sa inyo ang pinakamahalagang talumpati ng aking buhay, ang opening speech ng inyong lingkod sa Manila Young Leaders Assembly. Isang karangalang itanghal ang isang programang inihahandog para sa mga piling kabataang lider ng lungsod. Isang karangalang hindi malilimot ng aking puso’t isipan magpakailanman.

Cover page ng inyong lingkod sa Facebook. Habang nagtatalumpati sa Manila Young Leaders Assembly.

Cover page ng inyong lingkod sa Facebook. Habang nagtatalumpati sa Manila Young Leaders Assembly.

Hinihiling ko na tayo’y tumayong muli sa ikatlong pagkakataon. Alam nyo naman po kung bakit natin ipinagdiriwang ang araw na ito. Ano po ba ang meron sa Lunes? (Sumagot ang mga kalahok nang sabay-sabay ng “Araw ng Maynila”) Bilang pagdiriwang, pakikiisa at pagmamahal sa pinakadakilang lungsod sa buong bansa, kantahin po natin ang Awit ng Maynila.

(Muling nagsabay-sabay na umawit ang lahat ng “Awit ng Maynila”)

Tanging lungsod naming mahal,
tampok ng Silanganan
Patungo sa kaunlaran
at kaligayahan.

Nasa kanya ang pangarap,
dunong, lakas, pag-unlad.
Ang Maynila’y tanging perlas
ng bayan, ngayo’t bukas.

Maynila, O Maynila!
Dalhin mo ang bandila.
Maynila, O Maynila!
At itanghal itong bansa.

Maynila, O Maynila!
Dalhin mo ang bandila.
Maynila, O Maynila!
At itanghal itong bansa.

Maraming salamat po. Pwede na po kayong magsiupo.

Arch. Dunhill E. Villaruel, direktor ng Youth Development and Welfare Bureau. Kgg. Nino M. dela Cruz, konsehal ng Unang Distrito ng Maynila. Sa officers at coordinators ng Youth Development and Welfare Bureau. Sa kapwa ko kabataan ng Maynila, sabi nga ni Jeorna, isang napakagandang umaga po sa inyong lahat.

Natutunan ko lang ito noong Thursday, kausapin po ninyo ang katabi nyo. Sabihin po ninyo, “be a blessing for me”. (Sabay na sasabihin ng mga kalahok sa kanilang katabi ang nasabing kataga.)

Yung nangyayari sa atin ngayon, ang Manila Young Leaders Assembly, isa siyang blessing para sa akin. Hindi lang para sa akin kundi para sa kabataan ng Maynila. Isang biyayang ipinagkaloob ng Panginoon at ginamit niya ang pamahalaang lungsod ng Maynila, at siyempre pa, ang ating pinakamamahal na ama, Kgg. Alfredo S. Lim.

Napakaraming pinagdaaanan bago marating ang event na ito. 2011, ise-share ko lang, nang simulan namin ang Samahan ng Kabataang Maaasahan o SKM. Hindi ganoon kadali para sa akin na isang taong ayaw maglingkod sa gobyerno, na pamunuan ang isang organisasyong maglilingkod para sa gobyerno at para sa mga kabataan. Maraming testigo at naririto ang mga testigo sa kung gaano kahirap na bumuo ng isang pagkakaibigan, at sa kabila ng pagkakaibigan na iyon ay mabubuo ang isang organisasyong magtataguyod sa gusto ng ating mahal na Alkalde Alfredo S. Lim. Maraming nag-away, maraming nagkatampuhan, maraming hindi nagkaunawaan pero akala ko doon matatapos iyon. Akala ko, wala na. Akala ko, hopeless na. Naging active pa rin ako, hindi naman ako huminto doon. Naging personal ang advocacy ko kasi hindi naman nahihinto sa iisang grupo ang pagmamahal mo sa iyong bayan. Pwede mong dalhin sa pansarili mo. Naging active ako sa social media through Facebook. Sinimulan ko ang isang fanpage, ang Manila Youth Interactive na ako lang ang nagpapatakbo just to inform them sa mga impormasyon at mga balitang kailangan nilang malaman. At noong 2012, October, nang kumatok si Bb. Jeorna sa aming tahanan upang magpatulong sa closing G.I.P. Batch 02-2012. Doon ko lang naalala na meron pala akong naiwanang misyon sa buhay. Naging member rin ako ng isang international organization pero masyado akong lumingon sa global perspective na nakakalimuan ko na mayroon pala akong naiwanan sa sarili kong lungsod. Dito na nabuhay ang SKM, pero naisip ko na gusto ko ng mas matatag pang pundasyon para sa organisasyon kong ito. Kaya sa konsultasyon ko kay Konsehal dela Cruz at Arch. Villaruel na ibahin nang konti ang pangalan ng organisasyon at yun ay naging Katipunan ng Kabataang Maaasahan. Blessing-in-disguise na 150th birth anniversary ni Gat. Andres Bonifacio ngayon, so I want to make this year a memorable year for me and for the organization. Maraming nangyari, politically, sa lungsod ng Maynila. Very sad, pero sabi ko, hindi mahihinto sa isang napakasaklap na katapusan ang pagtulong sa Inang Bayan. Pagkatapos ng eleksyon, masakit man ang kalooban ng marami, ay kailangan naming ipagpatuloy ang kung ano ang nasimulan namin.

Sana mapaabot ng dalawa nating gwapong pinuno ang pasasalamat kong muli kay Mayor Alfredo S. Lim. Isang malaking biyayang 15 times ang laki ng ibinalik ng lungsod ng Maynila sa pagod, determinasyon at paghihirap ng mga kabataan ng Maynila upang itayo ang Katipunan ng Kabataang Maaasahan. At napakaswerte talaga ninyo, napakaswerte, na kasama ko kayo sa biyayang ito kaya narito po kayo ngayon sa lalawigan ng Laguna para maging participant ng Manila Young Leaders Assembly. Palakpakin nyo naman po ang mga sarili ninyo. (Nagpalakpakan ang mga kalahok.)

Ang purpose po ng Manila Young Leaders Assembly ay napakasimple lang. Marami sa atin ang nakalingon sa mga pananaw na masyadong malawak o masyadong malayo tulad ko noon na masyadong nakatingin sa perspective ng ibang kultura at perspective ng ibang lahi. Pero maiisip natin na pwede tayong maging huwarang kabataan kung maglo-localize tayo. That means, pwede tayong maging magaling sa sarili nating perspective dito sa sarili nating lupa at iyon ay ang lungsod ng Maynila.

Ang purpose nito, unang-una, imulat ang lokal na pananaw tungo sa sitwasyon na magpapaunlad ng kabataan. Hindi na tayo lalayo, sa Maynila pa lang, maraming delinkwenteng mga kabataan. Sad to say, marami sa kanila ang nalulugmok sa bisyo, nalulugmok sa kawalan ng pormal na edukasyon. Dito pa lang sa puntong ito, ay makakakuha tayo ng ideya kung paano tayo makakatulong bilang mga susunod na lider ng ating bansa at ng ating lungsod.

Pangalawa ay iangat ang kasaysayan para maging basehan upang makakuha tayo ng mga solusyon. Marami sa atin ang umaamin na hindi magaling sa History. Na nagte-tres sa Philippine History and Government at pumapasang-awa sa Heograpiya, Kasaysayan at Sibika. Hindi ba natin naisip na lagi nating sinasabi, “history repeats itself”, pero kung di maganda ang pinanggalingan nating kasaysayan, gugustuhin pa ba nating maulit ito? Sa pamamagitan ng Manila Young Leaders Assembly, gusto naming ipamukha na napakahalaga ng kasaysayan ng Pilipinas, specifically ng kasaysayan ng lungsod ng Maynila. Masyadong malaki at masyadong mahalaga ang kasaysayan ng ating lungsod sa kasaysayan ng ating bansa. Tandaan natin na tayo ang nagdadala ng bandila ng Pilipinas. Tayo ang korona ng Republika. Kaya’t napakahalaga na tayo mismong mga kabataan ay nagpapahalaga sa sarili nating kasaysayan dahil sigurado ako na nandoon ang solusyon. Nandoon ang solusyon sa lahat ng problema, nandoon ang mga pinakamahalagang factors para makaahon tayo sa kahirapan, makaahon tayo sa kung anong meron tayo at patuloy pa rin nating nararamdaman na naroon pa rin tayo sa kasaysayang iyon.

Ang pangatlo, ang hangarin ng Manila Young Leaders Assembly ay matuto ang kabataan sa kapwa kabataan. Usually, nakikinig tayo sa mga lecture ng mas matatanda pa sa atin. Yung mga tipong fetus ka pa lang, sila, nagtatrabaho na sa professional world. Hangarin ng pagpupulong na ito ang matuto tayo sa isa’t isa. Matuto tayo sa kaalaman ng katabi natin, nasa likod natin, nasa harap natin. Tayo mismo ang matututo sa karunungan ng isa’t isa. Gusto ko, dito sa bulwagang ito, ay iikot ang karunungan, at paglabas natin, ang karunungang ito ay lalaki pa nang lalaki at makakaapekto hindi lang sa animnapung kabataang napili. Maaaring sa inyong mga unibersidad, maaaring sa inyong mga komunidad at maaaring mismo sa inyong mga sariling pamilya ay makakaapekto ang kung anumang natutunan nyo sa katabi ninyo, sa kapwa niyo kabataan na minsa’y stranger sa inyo, pero alam ko, pagtapos ng dalawang araw na ito, magiging kaibigan ninyo sila, magiging kasama nyo sila sa pag-unlad, at magiging kapwa lider nyo sila ng inyong mga organisasyon, sa mga komunidad at sa pamantasan.

Sobrang thankful ako sa City Hall sa napakalaking opportunity na ibinigay sa Katipunan ng Kabataang Maaasahan. Hindi naman hangad na maging miyembro kayong lahat ng organisasyon, bagkus, gusto namin na paglabas natin ng assembly na ito, kami ay magiging maliit ngunit mahalagang instrumento upang ipaalala na ang “TUNAY” na kabataan ay tunay na pag-asa ng Lungsod ng Maynila at ng Republika ng Pilipinas. Maraming salamat po.

#iwearyellow

yellow_logo_OFF copy

#iwearyellow

UNANG-UNA SA LAHAT, inaasahan ko na ang pakiramdam ng isang taong may sinusuportahan sa pulitika, pero hindi ko mawari ang iniisip sa akin ng marami, lalo na ng mga kaibigan ko na meron akong pinapanigan.

Hindi na bago sa pamilya ang magkaroon ng koneksyon sa pulitika. Nagsimula ito noong kalagitnaan ng dekada ’90 nang mapasok ang aking kuya sa Manila City Hall dahil sa paglalaro niya ng basketball. Minsan siyang naging bahagi ng official basketball team ng Lungsod ng Maynila sa isang kumpetisyon sa Vietnam. Dahil sa kanyang kontribusyon sa karangalan ng lungsod ay binarayan naman ito ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng permanenteng hanapbuhay.

Utang na loob. Maaaring ito ang nakikita ng marami nang magdesisyon siyang suportahan si Mayor Alfredo Lim sa pagkapangulo noong 1998. Gayundin ang naging suporta ng pamilya dahil naabot namin ang anumang tulong na natanggap ng kuya ko mula sa gobyerno. Bagama’t natalo, hindi natigil ang paghangang ito sa alkalde at hanggang sa kasalukuyan ay masasabi kong isa siya sa mga “die-hard supporter” ng butihing mayor.

Utang na loob. Hindi sa ganitong punto ko masasabi ang ginagawa kong hakbang sa buhay ko, ang ituloy ang tapat na pagtangkilik sa muling pagtakbo ni Mayor Lim sa kanyang huling termino bilang punong lungsod ng Maynila. Ang utang na loob ay isang bagay na may kapalit pagkatapos mong gawin ang pabor. Maaaring marami sa mga tagasuporta ng sinumang kandidatong nananalo ang naghahangad ng kabayaran kung sakaling magwagi ang kanilang sinuportahang pulitiko, pero buong puso kong sinasabi na wala akong hinihintay na kapalit sa mga ginagawa ko.

#iwearyellow. Lumabas ang kampanyang ito sa aking gunita nang pinagpaplanuhan kong gumawa ng isang proyektong papakinabangan ng aking itinayong organisasyon. Hindi ko nakita noon na malalagay ako sa sitwasyong magiging bahagi ng pamahalaan na magtataguyod sa kapakanan ng mga kabataan. Pero nandito na ako at tinatanggap ko nang buo ang tinalaga sa akin ng tadhana. Sa tatlong salita nabuo ang konsepto ng kampanyang ito: tiwala, paniniwala, paninindigan.

#iwearyellow. Marami man ang nagsasabing nalalayo ang imahe ng kasalukuyang Maynila, kumpara sa mga kalapit na lungsod sa Metro Manila. Pero dahil kay Mayor Lim, sa tulong ng pagtataguyod ng kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III sa magandang moral ng gobyerno at ng mga opisyal dito, pilit niyang binubuo ang moral na estado ng lungsod na naghihikayat sa mga Manilenyo na makiisa sa mga proyekto nito na magdadala sa ating lahat, hindi sa iilan, ng magandang resulta.

Nakatutok ang mata ng bansa sa halalang magaganap sa Maynila at hindi mahuhulaan kung sino ang tunay na nananaig sa balota ng mga Manilenyo. Ngunit alam kong matatalino ang mga ito upang makilala kung sino ang nararapat na magpatakbo ng isang Maynilang may mataas na kalidad ng moral na magbubunga nang maganda sa mga mamamayan nito. At ang kampanyang #iwearyellow ang magpapamulat sa lahat, lalong-lalo na sa mga kabataan, na dapat mangialam at makiisa ang ating sektor sa pagbibigay-liwanag sa mga botante. Kung ano ang tama. Kung ano ang dapat. Kung sino ang karapat-dapat sa tiwala ng mga mamamayan ng natatanging lungsod ng Maynila.