2014 YEARSTARTER: Ang Paghahanda Sa Pagsasa-“Libro” Ng Aurora Metropolis

Pangarap ng bawat manunulat ang makapaglimbag ng kanilang sariling aklat. Para sa kanila, isa itong pagkaing niluto ng kanilang pinag-aralan para sa mga utak na gutom sa dagdag na kaalaman. Para naman sa iba, isa itong kapirasong punit ng kanilang karanasan para ibahagi sa mga taong tila may kakulangan sa buhay. Para sa ilan, isa itong mapa ng kanilang hindi malilimutang paglalakbay para ipakita sa lahat na ang lipunan ay punong-puno ng misteryo. Hangad ng bawat may-akda na isalin ang kanilang mga kuwento’t pananaw sa isang libro upang ipamulat sa mga mambabasa na ang daigdig, gaano man ito kabangis ay sadyang masaya at makulay.

Matagal ko nang hinahangad na makapaglathala ng sarili kong libro. Ito na lang ang nag-iisa kong childhood dream na nananatili sa aking gunita hanggang sa ngayon. Ilang beses akong nabigo na makapasok sa school paper noong elementarya’t hayskul, kaya maigi kong sinanay ang kakayahan kong magsulat. Ang pagpupursigi kong ito ay nagbunga nang mapalad akong makapasa bilang campus journalist at pagkatiwalaang maging kauna-unahang Filipino section editor ng Ang Pamantasan (AP), ang official student publication ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila. Isang matinding pagsubok bilang papasibol na manunulat ang maging bahagi ng AP sa mga panahong ang organisasyon ay nakikibaka para sa kalayaan sa malayang pamamahayag sa loob ng Pamantasan. Naging mitsa man ito ng aking kinabukasan, pinagpatuloy ko pa rin ang aking kayang gawin para sa publikasyon hanggang sa nararanasan na nito ang kalayaang pinaglaban naming mga patnugot noon.

Hindi ako nahinto sa pagsusulat nang matapos ang pagsisilbi ko sa AP. May mga nagawa akong blog accounts dati kung saan una kong isinapubliko ang mga artikulong hindi ko nailathala sa campus paper. Pa-minsan-minsan nama’y nagpo-post ako ng aking mga opinyon sa aking Facebook account sa pamamagitan ng Facebook Notes. Ngunit naging mas makahulugan ang aking pagiging manunulat nang iniluwal ko ang Aurora Metropolis, dahilan upang tuluyan kong mahalin ang pagsusulat bilang isang blogger. Mula sa isang blog site na tumatalakay sa pagkakapantay-pantay ng lahat ng kasarian, ang Aurora Metropolis ay naging tahanan ng mga kuwento’t pananaw na nagpaibig, nagbigay ng pag-asa at naglahad ng kakaibang perspektibo ng lipunan sa mata ng tulad kong simpleng youth leader ng Maynila. Hindi pa man ito ganoon kakilala sa ngayon, ngunit ipinagmamalaki kong ilan sa mga kuwento ng Aurora ay tumatak sa mga online reader mula sa iba’t ibang parte ng Pilipinas. Sa loob ng mahigit tatlong taon, nakakagalak sa puso na makita ang mataas na statistics at makatanggap ng mga positibong komento’t mensahe mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Hindi man ako regular na nakakapaghandog ng mga artikulo (dahil sa iba pang gawaing personal) ay ginagawa kong inspirasyon ang mga tumatangkilik at lantarang tagasuporta upang lumikha ng mga istorya’t komentaryong makakatulong sa kaisipan ng sinumang bumabasa rito.

Sabi sa astronomy, masuwerteng taon ko raw ang 2014, bagama’t susubukin nito ang haba ng pisi ko sa mga bagay-bagay. Hindi man ako sagarang nananalig sa kapangyarihan ng mga bituin, kukunin ko ang oportunidad na ito upang subukang saluhin ang ‘pagpapala’ ng araw, buwan at kalawakan para sa aking sariling kapalaran. Naging makabuluhan at makasaysayan ang 2013 ko, kaya sa pagkakataong ito, gusto kong pagtuunan ng pansin ngayong taon ang naiiwan kong pangarap noong ako’y bata. Ito ay ang magkaroon ng sarili kong aklat na ipapangalan sa blog kung nasaan kayo ngayon.

AURORA book cover copy

Book cover. Pwede na siguro yan. 🙂

Malugod kong ibinabahagi sa inyo na sinusulat ko na ang Aurora Metropolis: Sampung Kuwento Ng Pag-ibig At Mga Pananaw Mula Sa Makulay Kong Daigdig. Ito ay isang nobela na tungkol sa sampung istorya mula sa sampung iba’t ibang sitwasyong maaaring hindi natin napapansin sa lipunang Pilipino. Ang mga kuwentong ito ay pag-uugnayin ng mga mahalagang pangyayaring magpapatanto sa atin na ang lahat ng tao ay magkakaugnay ng buhay sa mga pinakamakukulay nilang pagkakataon. Nakatuon ang mga ito sa buhay ng mga kapatid natin sa LGBT community na magbibigay-diin sa importansya ng pagmamahal at pagkakapantay-pantay sa lahat ng aspeto dito sa ating bansa. Hindi ito isang ordinaryong LGBT story dahil nais nitong imulat tayo sa kamalayang tayo ay nabubuhay sa iisang mundo at nagiging bahagi ng isang yugto ng buhay ng bawat isa, anuman ang ating kasarian, kaugalian o kalagayan sa buhay. Tayo ay magkakadugtong ng puso’t isipan bilang mga taong umiibig, naniniwala at lumalaban sa lahat ng hamon ng panahon.

Hindi biro ang paghahandang ito upang maisakatuparan ang posibleng pagsasalibro ng blog na ito. Para sa mga tumatangkilik sa Aurora dito sa WordPress, patawarin po ninyo ako kung madalang akong makapagbigay ng mga post sa inyo. Pagbigyan po ninyo akong tuparin ang pangarap ng isang batang ang gamit na sandata para makatulong sa kapwa ay ang kanyang pagsusulat. Hahayaan ko kayong malaman kapag tapos nang maisulat ang Aurora sa iba nitong anyo. Nawa’y suportahan po ninyo ang paglilimbag at paglabas ng “Aurora Metropolis: Sampung Kuwento Ng Pag-ibig At Mga Pananaw Mula Sa Makulay Kong Daigdig”, at sana’y hindi po ako tamarin sa pagtupad ng mithiing ito. Maraming salamat po!

Si Andrey Khanov, Ang Bahagdan Ng Mga Nagbabasang Pilipino At Ang Kinabukasan Ng Wikang Filipino

Maaaring huli na ang artikulong ito para sa paggunita ng Buwan Ng Wka, pero sa pamamagitan nito’y nananalig ang sulating ito na hindi pa huli ang lahat para MAS pahalagahan pa natin ang ating lenggwahe’t kulturang pilit na natatabunan ng makabagong panahon.

Noong nakaraang linggo’y naitampok ni ABS-CBN News Senior Political Correspondent Lynda Jumilla-Abalos (@lyndajumilla) ang naganap na pagpupulong ng mga pinuno ng mga bansang kasapi ng Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) sa Vladivostok, Russia. Ngunit bago ang nasabing pulong ay nakilala ni Jumilla ang isang Russian volunteer na nagpamangha sa napakaraming Pilipino dahil sa kanyang matatas na pagta-Tagalog.

Maaaring hindi natatangi sa buong mundo ang tulad ni Andrey Khanov, 19, estudyante ng Moscow State University, pero sa isang bansang tulad ng Russia ay may isang estudyanteng nagkaroon ng panahon upang matutunan ang wika’t kultura ng isang bansang nasa alanganing estado ang ekonomiya, lipunan at pag-alala sa kasaysayang unti-unting nilalamon ng modernisasyon.

Isa sa mga hangad ni Khanov, ayon sa balita, kung bakit niya napili ang Pilipinas bilang lugar ng kanyang interes ay upang makatulong na makilala ang bansa sa kanyang bansa. Siguradong marami sa atin ang kahit papaano’y may kaalaman sa kontribusyon ng Russia sa kasaysayan ng daigdig. Sa layunin niyang ito’y maibabahagi ni Khanov ang handog ng Pilipinas at ng mga Pilipino sa mundo, at maipalaganap ang ating kulturang tunay na natatangi sa lahat. Dito rin ay mas nakikita natin kung gaano kahalaga ang pagpapahalaga ng ISANG BANYAGA sa ating SARILING WIKA.

Nitong Linggo naman ay naiulat sa TV Patrol Weekend ang pagbaba ng bilang ng mga Pinoy na nahihilig sa pagbabasa at ng mga Pinoy na bumibili ng libro. Ayon sa pananaliksik ng National Book Development Board, mas nahihilig pa raw tayo ngayon sa mga outdoor activity, lalong-lalo na ang mga kabataan sa kasalukuyan. Kaakibat nito ang pagbaba ng bahagdan ng mga bumibili ng mga aklat na hindi konektado sa eskuwela tulad ng mga novel, self help books at iba pa.

Hindi na kagulat-gulat ang sitwasyong ito na masasabi nating may kaugnayan sa kalunos-lunos na kalagayan ng edukasyon sa Pilipinas at ang namimiligrong lagay ng pagpapanatili ng mga sipi at istrukturang magpapakita ng ating kasaysayan at kultura sa mga susunod pang henerasyon ng mga Pilipino. Ang pagbabasa ang isa sa mga pundasyon ng karunungan, kapantay ng pagsusulat na inuumpisahan sa ating pagkabata. Ito ay pangunahing obligasyon ng mga magulang, ng pamilya, ng paaralan at ng pamahalaan upang lumaki tayong umuunlad gamit ang ganitong basikong kaalaman. Parte ng pag-unlad ng isang tao ang pagdiskubre ng mga bagay na patungkol sa agham, sining, paniniwala’t pananalig sa Diyos, at ang pagpapanatili ng kasaysayan at kulturang hinubog at ipinagtanggol ng ating mga bayani sa loob ng daan-daang taon.

Ano ang kaugnayan ni Khanov sa isyung ito? Sa unang tingin, sasabihin nating pareho lang tayo ni Khanov na gustong makilala ang kultura ng ibang bansa upang umunlad ang personal na karanasan at kaalaman sa mundo. Totoo. Pero ang kaibahan ni Khanov sa atin ay ang pagkilala ng kanyang lahi sa kahalagahan ng kultura’t kasaysayan, hindi lang sa ating kasalukuyang lipunan kundi sa ating sariling pamumuhay. Matatag ang bansang Russia sa pagbibigay nito ng importansya sa sining, panitikan, musika, pelikula, sayaw at maging sa mga produkto nila. Pero tayong mga Pilipino? Bilang mga indibidwal, gaano kabigat ang binibigay nating pansin sa sariling wika, sining, literatura, sayaw at mga bagay na gawa natin habang pinagtitiyagaan nating matuto ng salitang Korean, o pagkaadik sa KPOP at Korean drama o pagkalulong natin sa American action comics o Japanese manga? Gaano tayo kalalim sa pagsasalita ng wikang Filipino habang pinaglalaanan natin ng pera’t oras ang pag-e-enroll sa intensive foreign language classes? Paano tayo gumawa ng mga de-kalibreng pelikula at kanta na walang impluwensiya ng banyagang panlasa?

Hindi kaila sa atin na ang ating panahon ay nasa Internet age na. Lahat ng impormasyong ating kailangan ay ise-search mo na lang sa Google at mababasa sa Wikipedia. Ganito na rin ang kalakaran sa maraming bansa sa daigdig, pero bakit kahit gaano pa tayo ka-Internet savvy ay mabagal pa rin ang ating pag-unlad bilang ekonomiya at bilang isang bansa? Ito ay sa dahilang hindi natin pinaglalaanan ng masinsinang atensiyon ang pinakaposte ng karunungan — ang pagkatuto na magbasa ng aklat.

Ang aklat ay maituturing na kayamanang ibinahagi ng manunulat nito para maipasa ang kaalaman, emosyon at inspirasyong nagpamulat at nagpaunlad sa kanya bilang tao. Isang pribilehiyo ang makapagbasa ng aklat na hinabi ng mga magagaling na manunulat na nabuhay sa digmaan, paghihirap at kawalang pag-asa. Hindi mae-edit ng sinuman ang kaalamang nakalagay sa libro, lalo na kung isang eksperto at subok na totoo ang mga nakapaloob dito. Ang pagbili ng libro ay parang pagrerenta ng 24 oras sa isang internet shop. Mas nagtatagal kaysa ebooks sa IPad na kapag nalintikan ng virus ay mawawala na.

Ang pagkatuklas kay Khanov at pagkilala sa napakaraming dayuhang nagkakainteres sa ating wika’t kultura ay isang paalala sa ating lahat. Isang paalalang kinakailangan ng Pilipinas upang mapagtanto nating walang sinumang umuunlad ang hindi nagpapahalaga sa ugat ng kanyang katanyagan. Si Dr. Jose Rizal na mismo, ang Pambansang Bayani ng bansa ang nagsabi, na ang di marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda. At alam na alam natin na ang di marunong lumingon sa pinanggalingan ay di makararating sa paroroonan.

Hindi lamang sila mga pangungusap na tinuran para makapambola tulad ng ginagawa ng maraming pulitiko. Ang mga ito’y hinabi upang pakinabangan para lahat tayo’y makapagkamit ng kaunlarang naghihintay lang sa atin sa tamang patutunguhan.

 

Sanggunian:

Russian na magaling managalog, sinabulong si PNoyhttp://www.abs-cbnnews.com/video/nation/09/07/12/tagalog-speaking-russian-welcomes-pnoy-vladivostok

Business Nightly – Filipino-speaking Russian helps with APEC summithttp://anc.abs-cbnnews.com/videos/2262/filipino-speaking-russian-helps-with-apec-summit/