Ang mga Dapat Matutunan ng mga Pilipino sa Kasaysayan

Sa bisa ng Proklamasyon Bilang 339 na nilagdaan ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III noong ika-16 ng Pebrero 2012, itinakda ng pamahalaan sa buwan ng Agosto ang taunang selebrasyon ng pambansang Buwan ng Kasaysayan. Nakasaad din dito na sa tuwing ika-30 ng Agosto (sa araw na ito) ay ating ginugunita ang Araw ng mga Bayani.

Noong Miyerkules ay personal kong natunghayan ang buong pagdinig ng Senate Committee on Education, Culture and Arts hinggil sa kontrobersyal na pagpapatayo ng Torre de Manila sa lungsod ng Maynila. Dito’y binigyan ng pagkakataon ang lahat ng panig na ipaliwanag at saliksikin ang mga pangyayaring nagbigay-daan sa pinakamalawakang pambabastos sa pinakakilalang dambana ng ating kasaysayan.

Habang nakikinig sa diskusyong inabot ng mahigit tatlo’t kalahating oras, may tatlong tanong na lumutang sa aking kamalayan na maaaring alam ko kung ano ang mga sagot, alam ko kung paano gagawin, ngunit hindi ko alam kung bakit hindi alam o ayaw malaman ng ibang mga tao… kahit pare-pareho naman tayong mga Pilipino:

“Bakit hindi pinapahalagahan ng nakararaming Pinoy ang kasaysayan ng Pilipinas?”

“Bakit ang tingin ng nakararaming Pinoy sa kasaysayan ay kontrabida sa pag-unlad?”

“Bakit hindi natututo ang nakararaming Pinoy sa kasaysayan ng sarili niyang bansa?”

Ang mga isyung naglulutangan ngayon tulad ng sa Torre de Manila, sa pagkadiskaril ng mga pampublikong transportasyon o sa diumano’y tangka ni Pangulong Noynoy Aquino para madugtungan ang kanyang termino ay hindi na bago sa ating lipunan. Datapwa’t magkaiba sa tinatahak na panahon, ang dunong sa likod ng mga nakaraang pangyayari ay sapat upang hindi ito maulit sa mga senaryo ngayon. Lahat ng isyung nabanggit ay masasabing napapanahon dahil naging maingay ang mga ito sa panahong tayo ay gumugunita sa Buwan ng Kasaysayan.

Paano dito maipapasok ang kasaysayan?

no-to-torre-de-manilaKahit ang ating mga dinadakilang bayani ay nanabik, nangarap at nagbuwis ng buhay upang ibigay sa bansa ang pag-unlad na nararapat dito. Bilang punong lungsod ng Pilipinas, sinasalamin ng Maynila ang pagnanais ng ating mga bayani na magandang hinaharap para sa mahal nilang bayan. Sa pagkakakilala natin sa kanila, alam natin na kung nabubuhay sila ngayon, hangga’t ginagalang at pinapanatili natin ang ating diwang makabansa, ang ating pag-unlad ay kanilang lubos na ikararangal. Pero sa daan-daang matatalinong tao sa loob ng korporasyong nagtayo ng Torre de Manila, ilan kaya sa kanila ang naging turista sa Luneta at nagbigay-pugay at respeto kay Gat. Jose Rizal? Sabihin na nating… halos lahat sila. Bakit? Dahil alam nilang sa napakaraming dekada, ang tanawin ng monumento ni Rizal ang tanda ng bawat probinsyano na sila’y nasa Maynila na. Ito rin ang itinuturing na unang tanawin ng mga dayuhan sa kanilang mga litrato na nagpapatunay na sila ay nasa Pilipinas na. Samakatuwid, ang Luneta at ang rebulto ni Rizal ay isang ekstra-ordinaryong bahagi ng kasaysayan na binibigyang-galang dahil ito ang kilalang imahe ng bansa sa daigdig. Sinamantala nila ang pagkakakilanlan ng Luneta na sa kanilang pag-aakala’y ayos lang na makisalo sila sa katanyagan nito.

 

Kuha mula sa inquirer.net

Kuha mula sa inquirer.net

Ang pagsabay sa modernisasyon ay mas natural na sa Pilipinas, kumpara sa ibang kalapit bansa sa Timog Silangang Asya. Sa loob ng mahigit isa’t kalahating siglo, masasabing tinaglay natin ang mga istrukturang hinangaan, ginaya o pilit pinantayan ng maraming Asyano. Ika nga ng mga matatanda, wala ka nang hahanapin pa dahil kumpleto na ang lahat ng kakailanganin mo sa Maynila na, bilang kabisera, ay mukha ng Pilipinas sa mundo. Isa sa mga nakakamanghang aspeto ng Maynila noon ay ang transportasyon. Mula tren, tram hanggang sa eroplano, lubos nating maipagmamalaki ang mga ito dahil sa pagiging moderno at malaking tulong nito sa buhay ng mga Pilipino. Hindi rin naging madali ang pagpapanatili sa mga nasabing sasakyan, pero dahil alam ng mga inhinyero at ng gobyerno noon na mahalaga ito sa lipunan ay pinagbubuti nila ang pag-aayos ng mga ito. Lahat ng ito’y naiwan na lamang sa pahina ng kasaysayan na hindi man lang natutunan ng kasalukuyan. Sa mga nangyari at tuloy-tuloy pang nangyayari sa mga tren ng Philippine National Railways, mga bagon ng Metro Rail Transit at pasilidad ng Ninoy Aquino International Airport, masakit aminin na matagal pa bago maramdaman ng mga mananakay ngayon ang ginhawa sa ating mga pampublikong sasakyan.

 

Kuha mula sa inquirer.net

Kuha mula sa inquirer.net

Naging hamon sa apat na presidente ng Pilipinas ang pagsasaayos ng bansa sa pamamagitan ng Saligang Batas. Bawat isa sa kanila’y may kinaharap na pagsubok at ang pagsasaayos ng Konstitusyon ang nakita nilang sagot sa mga katanungang ito. Si Manuel Quezon na naging kampeon ng 1935 Constitution na siyang naghanda sa bansa sa ganap nitong kalayaan mula sa Amerika; si Ferdinand Marcos na ginawang instrumento ang 1973 Constitution upang manatiling pabor sa kanyang pamamahala ang batas; si Corazon Aquino na nagpatibay sa 1987 Constitution bilang simbolo ng pagbabalik ng demokrasya sa Pilipinas; at si Ramos na nagkaroon ng pagtatangkang amyendahan ang probisyong pang-ekonomiya ng Konstitusyon pero hindi naging matagumpay. Iba-iba man ang dahilan at kinahinatnan ng mga pagsususog ng Saligang Batas ay hindi maitatatwang nag-iwan ang mga ito ng aral sa sinumang nasa loob ng ating pamahalaan. Ang kasalukuyang kritisismo sa charter change ang pinakamaingay sa nakalipas na humigit-kumulang na dalawang dekada dahil si Pangulong Noynoy Aquino ang nagpakita ng interes na ratipikahan ang Konstitusyong ipinanganak sa mismong termino ng kanyang ina. Matinding batikos din ang inabot ni Pnoy dahil bukod sa term extension ay nais umano niyang baguhin ang kapangyarihang sakop ng Hudikatura na, sa paningin ng yumaong Pangulong Cory ay tagapag-balanse ng demokrasya at burukrasya sa bansa. Nananalig akong alam ng kasalukuyang presidente (at ng mga taong nakapaligid sa kanya) ang kinahinatnan ng mga pangulong naging bahagi sa pagbabago ng Konstitusyon. Gayundin, may hinuha din sila sa posibleng mga epekto nito, hindi lang sa lipunan sa kasalukuyan, kundi sa ating kasaysayan sa hinaharap.

 

Naniniwala akong hindi bobo ang mga Pilipino, bagaman dumarating tayo sa mga panahong nawawala tayo sa tamang mentalidad kapag nahaharap sa kumplikadong sitwasyon. Kinukulang sa proper mindset, kumbaga. Binibigay sa atin ng kasaysayan ang iba’t ibang mga aral mula sa tagumpay at pagkakamali ng ating mga ninuno at lipunan. Mula rito, malaki ang pagkakataong matutunan natin sa kasalukuyan kung paano ibalik ang kaayusan sa ating bayan para ngayon at sa hinaharap gamit ang tamang pag-iisip at pag-aanalisa.

FAST POST #15: Isang Blankong Agosto

Patawarin po ninyo ako.

Kahit na hindi ako nag-post ng mga bagong artikulo rito sa Aurora Metropolis sa nakaraang buwan ng Agosto ay nagpapasalamat ako sa daan-daang patuloy na bumibisita at bumabasa ng mga nilalaman nito. Naa-appreciate ko nang sobra ang ilang mga tao’t mga kaibigan na nagpapahayag ng kanilang suporta sa blog account na ito.

Nitong Agosto ay nilaan ko ang aking oras sa aking sariling kasiyahan. Hindi ko po sinasabing hindi nagpapasaya sa akin ang pagsusulat. Ang sa totoo lang, ang pagsusulat ang nagpaparamdam sa akin kung paano ang iniibig, umibig at maging patas sa laban ng panahon. Pero nitong panahon na ito ay lagi akong nakikisalamuha sa mundo upang maranasan ang ilang mga bagay — ang magpaumaga sa pakikipagkuwentuhan, makinig sa problema ng ibang tao, magbigay ng payo sa mga namomroblema sa pag-ibig, manood ng mga klase ng pelikulang di ko nagawa noon, maging kapaki-pakinabang na kaibigan, maging taong sumasabay sa daloy ng modernong mundo. (P.S. May bago na akong cellphone. Hindi na gaanong mapapagod ang 4-year-old cellphone ko sa walang habas kong pagte-text at pagsa-soundtrip. Haha!)

Ibang klase ang buwang ito para sa akin. Pambihira. Magkahalo-halong emosyon ang nagpakiliti, nagpapait at nagpakulay sa buhay ko. Maaaring makwento ko ang ilan sa mga ito sa mga susunod kong artikulo dahil marami sa mga ito’y nagbigay sa akin ng ideya tungkol sa buhay. Napakaraming pinagkait sa akin ng limitasyon para makita ang ilang nakakaantig na senaryo sa daigdig. Dahil sa mga senaryong ito, natututunan kong mag-adjust sa mga pangyayari at mga taong nakakasalamuha at makakasalamuha ko. Puno ng pagsubok pero masaya.

Binigay ko sa Agosto 2012 ang panahon para mag-isip, ang pansamantalang isarado ang labi ng aking mga daliri upang ipunin sa aking utak ang mga salitang dapat ay ako muna ang matuto bago ang ibang tao.

Oo. Napakablanko ng Agosto sa Aurora Metropolis, ayokong mangako, pero dinadalangin ko na makapagsulat ako ng maraming istorya at artikulo dito mula ngayong Setyembre, ngayong papasok na buwan.

Sa lahat ng mga taong nakadamayan ko at sa mga sitwasyong sumubok sa aking pagkatao, maraming salamat. May araw din tayo. Ngiti lang. ^______^