Depensa sa Lupang Hinirang at bakit dapat tayong “mamatay nang dahil sa’yo”

2015-category-title-tambuli copy

2018-09-article-tambuli-lupang-hinirang

Ang Marcha Filipina Magdalo o Himno Nacional na mas kilala bilang “Lupang Hinirang” (o “bayang magiliw” sa mga nagmamadaling sumagot) ay ipinanganak sa panahong unti-unti nang nagtatagumpay ang hukbo ni Heneral Emilio Aguinaldo laban sa mga pwersang Kastila.

Kung susuriin ang mga pangyayari tungo sa June 12, 1898, ang Pambansang Awit ay maituturing na suma-total ng libo-libong digmaan sa loob ng 333 taong pananakop ng Espanya sa ating arkipelago. Tagumpay man o hindi, taglay ng bawat titik ang talino, tatag at tapang ng milyon-milyong indio upang sa wakas ay makamit ng lahi ang kasarinlan. Sa lahat ng panahon at pagkakataon, ayon sa pananaw ng mga ninuno nating mandirigma, handa dapat tayong mag-alay ng buhay para sa kalayaan ng bayan at para sa kapakanan ng mga kababayan. Ika nga ng pinakahuling linya nito: “aming ligaya na ‘pag may mang-aapi, ang mamatay nang dahil sa’yo”.

Malaya na ang Pilipinas. Natapos na ang malalaking sigalot at ang kalakhan ng bansa ay lumalaban na lamang sa mga pagsubok upang sa araw-araw ay manatiling busog at buhay. Sa pagbabago ng ating lipunan, may saysay pa ba ang linyang “ang mamatay nang dahil sa’yo” ngayon? May dapat pa bang mamatay para sa ating bayan?

Ito ang argumento ng ilang kritiko ng Lupang Hinirang, partikular ng kontrobersyal na huling linya. “Defeatist” diumano ang pakahulugan nito sa puntong hindi akma ang kamatayan upang maging dulo ng bawat paghahangad sa tagumpay. Wala na raw rason para itulak ang pag-aalay ng buhay para sa bansa, bagkus, mas nararapat na lamang itong “mahalin”. Kung tutuusin, mas positibo ang “magmahal” kaysa “mamatay” nang dahil sa Pilipinas sa panahon ngayon.

Hanggang saan ang kaya nating gawin para sa pagmamahal? Kaiba ba ang konsepto ng pagmamahal sa pagitan ng bansa at sa isang tao, hayop o relihiyon? Isang halimbawa ang seremonyas ng kasal kung saan lutang lagi ang katagang “till death do us part”. Handa tayong mamatay para sa pustahan: “peksman, mamatay man” o “cross my heart: hope to die”. Sa paniniwalang Kristiyano, lalo na sa mga Katoliko, bakit natin hinihingi kay Inang Maria ang panalangin “ngayon at kung kami’y mamamatay” o “now and at the hour of our death”?

Ituring nyo na akong konserbatibo sa usapin ng pagka-makabayan ngunit para sa akin, alinmang pagbabago sa alinmang bahagi ng Pambansang Awit ay maituturing na pandaraya sa mga datos ng ating kasaysayan.

Ang planong pagpapalit ng titik ng Lupang Hinirang ay isang porma ng “historical revisionism”.

Nananatili ang Lupang Hinirang bilang pinakamataas na himno ng bayan upang ipagdiwang ang bawat dunong at dugong inalay ng ating mga ninuno para makamtan ang kasarinlan. Nananatiili ang Lupang Hinirang dahil salamin ito ng sakripisyo ng mga nasawi sa gitna ng giyera o sa pakikipaglaban ng prinspyo para sa causa ng demokrasya. Nananatili ang Lupang Hinirang sa ating pambansang kamalayan upang patuloy na ipaalala sa atin na pahalagahan ang bawat layang tinatamasa natin hanggang kasalukuyan.

Walang dahilan para pagdiskitahan ang huling linya ng Lupang Hinirang. Pagbabalik ng kabutihang-asal at hindi pagpapalit ng mga salitang hinabi ng kabayanihan sa Pambansang Awit ang solusyon sa bumababang moral ng ating bansa.

cropped-article-stoper.png

Tumatanda

2015-category-title-tambuli copy2018-tambuli-post-image-06-17

Paano ba masasabi kung tumatanda ang isang tao? Kapag madali nang antukin? Kapag mahina nang uminom ng beer? Kapag hindi na maka-relate sa gala ng mga mas bata sa kanya?

Kung ang pagbabasehan ay ang batas, ang edad na trenta ay preparasyon pa lang ng tunay na adult stage. 35 years old ang limitasyon ng kabataan. Sa kabilang banda, sa bilis ng mga pangyayari ay mas madaling maramdaman ang pagtanda at napupwersa ka nito na maging mature sa mga ginagawa mo sa buhay.

Marahil ay may iba’t ibang sintomas ng pagtanda ang mga tao. Pero isa lang ang sigurado ako: may mga dapat bitawan kapag tayo ay tumatanda na.

Isa rito ay ang pagiging bata. May points of argument sa sinabi ko pero aminin man natin o hindi, habang nadaragdagan ang edad natin, nababawasan ang kabataan natin. Maaaring alam natin ang trends ng bagong henerasyon pero may mga pagkakataon na hindi na natin siya masabayan. Pwedeng kaya pa nating suotin ang porma nila pero pwedeng hindi na natin kayang dalhin. Masyadong mabilis ang panahon ngayon na kahit tayo ay naiiwanan na nang hindi na natin namamalayan.

Pero talaga bang dapat na nating tuluyang bitawan ang pagkabata?

Naisip ko yan noong nakaraang linggo noong dumapo sa isip ko ang pagod. Trenta anyos na ako. Oo, bata pa rin kung tutuusin at marami pa akong nakakasalamuhang mas bata sa akin dahil sa klase na rin ng mga ginagawa ko sa buhay. Pero tinanong kong bigla ang sarili ko kung dapat pa ba akong umastang bata? Dapat ko pa ba silang samahan sa mga ginagawa nila? Dapat ko pa bang malaman ang mga alam nila na hindi ko na dapat inaalam?

25 pa lang ako, taong 2013, ay sinubukan ko nang mamaalam sa pagkabata ngunit hindi siya naging matagumpay dahil kinailangang kong magpakabata para sa mga ipinaglalaban ko. Ngunit sa pagtuntong ng 30th birthday ko nitong Marso, muling dumapo ang ideyang ito at alam kong hindi ko na siya dapat palampasin. Nagsimula na akong kumalas sa mga dati kong ginagawa, mas iniisip na ang mga bagay na nakalinya sa pagiging mas responsableng matanda at nakaibabaw sa pilosopiya para gumabay na lamang sa mga mas nakababata.

Hindi na ako bata. Tumatanda na ako. Iyan ang lagi ko nang bukambibig.

Pwedeng hindi kayo sang-ayon sa akin pero mas mabuti nang handa ako nang mas maaga kaysa magulat na lang ako na matanda na ako at nakahinto pa rin sa malaking kasinungalingan na hindi tumatanda ang tao.

Hindi na ako bata. Tumatanda na ako.

 

AURORA-NEW-LOGO-2015 copy_small

Kaya ko na (siguro) magsulat ulit

2015-category-title-tambuli copy2018-tambuli-post-image-05-05-01

Nawalan ako ng lakas ng loob para magsulat para sa aking blog — ang Aurora Metropolis. Wala akong maibigay na rason kung bakit. Basta naramdaman ko lang. Marahil, sa mga pangyayari sa Pilipinas noong January 2017 kaya nawalan ako ng amor sa blogging. Sinisi ko ang mga pekeng blogger dahil sinira nila ang reputasyon ng pagba-blog mula sa pagiging free outlet ng mga gustong magsulat hanggang sa pagiging tagapagkalat ng fake news. Maingay ako sa mga social media account ko sa loob ng mga panahong iyon… pero tahimik si Aurora Metropolis sa mga panahong kailangan ng boses nya.

Sa loob ng isang taon at apat na buwang pananahimik, ang tanging laman lang nI Aurora ay ang yearender ko para sa 2017. Kahit blangko ang pagmamahal ko sa blog ay hindi ko ito pinalalagpas dahil tradisyunal na sa akin bilang manunulat ang yearender. Pero bukod doon, wala na. Kahit ako mismo ay naging bisita na lang ng sarili kong blog.

Pero dumating ang isang araw, Mayo a dos, sa karagatan ng Tingloy, Batangas, sa gitna ng aking bakasyon. Habang nakatingin sa isang isla sa malawak na dagat ay biglang pumasok sa isip ko na naghihintay lang si Aurora na magsilbing muli bilang tahanan ng aking boses at kanlungan ng aking mga tinatagong damdamin. Sa panahong ang lahat ay malayang nakakapagsalita, nariyan si Aurora na nauna pa sa ibang blog site na handa ulit na gawing inspirasyon ang lahat ng aking mga sinusulat tulad ng kanyang ginagawa sa loob ng pitong taon.

Kaya ko na bang magsulat ulit gamit si Aurora? Siguro. Pero kagabi, sa pagsulyap sa bawat sulok ng aking blog, alam kong naghihintay lang siya na muling mapunan ng napakaraming kuwento ng karanasan, kuwento ng pag-ibig at kwwento ng inspirasyon.

Marahil ay tapos na akong makibahagi sa kasaysayan ng iba kaya ngayon, sa aking pagbabalik kay Aurora, muli kong ihahabi ang kuwento ng aking sariling kasaysayan.

 

AURORA-NEW-LOGO-2015 copy_small