Si Kapamilya Regine sa Puso ng Isang Kapamilya

2015-category-title-tambuli copy2018-post-kapamilya-regine

Sabihin na nating “late” ang post na ito dahil mahigit dalawang buwan na ang nakalipas nang pormal na lumipat sa ABS-CBN ang Asia’s Songbird na si Regine Velasquez.

Hindi ninyo ako masisisi dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwalang katabi niya ang tatlong bilog sa ating mga telebisyon at kumakanta sa programang nakalaban niya ng halos isang dekada. Hindi pa rin ako maka-get over dahil ang hiling na akala ko ay wala nang katuparan ay pumitik sa panahong hindi inasahan. Sa isang iglap, ang bituing nagpatibok sa puso ng mga Kapuso ay isa nang certified, honest-to-goodness Kapamilya.

Lumaki ako sa mga kanta niya

Nasa henerasyon ako na sobrang patok ng casette. Sa bahay namin ay naitabi pa rin namin ang mga casette tapes na nagbigay-musika sa aming pamilya sa mga nagdaang taon. Ilan sa mga ito ay mga album ni Regine.

2018-post-kapamilya-regine-01

Mula Narito Ako at Kastilyong Buhangin patungo sa pinasikat niyang version ng I Don’t Wanna Miss A Thing at I’ll Never Love This Way Again, isa ang tinig ni Regine sa libo-libong musika ng ating pagkabata patungo sa “pagbibinata”. At pwede ko ring sabihin na isa siya sa maliit na rason ng pagbabagong-damdamin ng inyong lingkod pagdating sa pagmamahal.

Markado sa akin ang On The Wings of Love

Para sa isang teenager na nagbabago ang timbre ng boses ay naging pagsubok sa akin ang pagkanta. Noong high school ay naging paborito ko ang On The Wings of Love version ni Regine, ngunit sa kabila niyon ay naging mitsa ito ng panghahamak sa akin ng iilang kaklase. Alam kong kaya ko siyang kantahin ngunit pumipiyok na sa mataas na tono. Nasabihan akong nagpapanggap na magaling kumanta at tumagal iyon ng maraming taon, pero hindi dito tumigil ang pagmamahal ko sa musika ni Regine. Mahal na mahal ko pa rin ang kanyang On The Wings of Love at nakakanta ko siya sa tono niya (lalo na pag ganado ang lalamunan ko o kapag lasing)

Sa simula ng paghahari ng CD ay kasama ko pa rin si Regine

2018-post-kapamilya-regine-02

Tumalon ang teknolohiya ng musika patungo sa compact disc at nauso ang mga portable CD player. Sa pagbabago ng paraan ng paghahatid ng musika ay hindi nagbago ang pagtingin ko sa ginintuang musika ng Asia’s Songbird. Halos magasgas ang CD sa pagpaulit-ulit ng mga pagpapatugtog. Kasama ko si Regine sa aking tainga, lalo na kapag araw ng pahinga mula sa nakakapagod na pag-aaral.

Pero naapektuhan ang pagmamahal na iyon dahil sa network war.

Laking ABS-CBN ako at hindi nito matutumbasan ang kahit anong gawin ng ibang istasyon. Sa mga unang taon ng bagong milenyo, lumakas ang labanan ng dalawang magkaribal na media company at umabot ito sa lalong paghahati ng TV viewers. Ang mga loyalista ng ABS na tulad ko ay mga Kapamilya at ang mga loyalista ng GMA ay mga Kapuso.

Isa sa mga hindi ko makakalimutang hinanakit ay nang kantahin ni Regine ang corporate hymn ng Channel 7 nang i-relaunch nila ang istasyon bilang Kapuso station. “Ang idolo ay naging kalaban ko” – ganoon ko dinamdam ang maraming taong pagtatampo kay Regine at maging sa musika niya.

Bumalik ako sa piling ng kanyang musika noong 2012

Nang mabalitaan ko ang pagkawala ng kanyang boses sa kanyang 25th anniversary concert ay hindi ko maintindihan ang lungkot ko. Sa isip ko noon: ito na ba ang katapusan ng karera ng aking idolo? May pagkabagabag akong naramdaman, at bilang lumaki sa kanyang musika ay hindi ko matanggap ang pagkabagabag kong maagang iiwan ni Regine ang musikang minahal niya at minahal ko nang sobra-sobra. Muling tumunog sa mga tainga ko ang kanyang musika, ngayon, sa pamamagitan ng YouTube at MP3 sa aking cellphone.

Trivia: Natutunan kong tanggapin ang boses niya habang kinakanta ang kanta ng mga Kapuso, at paminsan-minsan ay kinakanta ko na rin ito. Katrayduran bilang Kapamilya pero masaya ako na patuloy na pinagkakatiwalaan ng GMA ang boses ng aking idolo para awitin ang hangarin ng kanilang kumpanya.

2018-post-kapamilya-regine-03.png

Mula MP3 ay tumalon ang hilig ko sa musika papuntang Spotify at isa sa mga unang kantang hinanap ko ay ilan sa mga paborito kong kanta ni Regine. Sa aking mga pinakatahimik na sandali o maging kasama ang mga kaibigan, kasama ko ang musika ng Songbird sa aking tainga.

Matagal na akong excited na makita siya sa ABS-CBN.

Dahil sa ilang mga kaibigan sa bakuran ng network ay nakakatunog akong may mga planong lilipat si Regine sa Kapamilya network. Noon pa lang ay hindi tumitigil ang pag-asa kong makita ang Songbird sa Channel 2 o sa kahit anong platform ng ABS. Pero sabi nga nila ay laging pumapalpak ang mga offer dahil umano ayaw iwanan ni Regine ang GMA at mga Kapuso niya doon.

Walang humpay ang pangarap sa aking puso at utak. Walang tigil ang pag-iisip kung ano ang itsura niya sa screen bilang Kapamilya. Pero tulad ng dati – nakakapagod maghintay.

October 16, 2018. Isang gabi ng sorpresa.

Mula sa nakakapagod ng trabaho ay nagbukas ako ng Facebook para magpaantok. Bumungad sa akin ng post ng isang kaibigan na nagsasabing “Welcome home, Kapamilya Regine!”. Hindi na bago ang mga ganitong parinig sa social media pero ito ay galing sa isang mapagkakatiwalaang kaibigan na nagtatrabaho sa ABS-CBN. At bukas, October 17, ay pormal na siyang magiging Kapamilya.

Ang October 17, 2018 ay Araw ni Kapamilya Regine

Balisang-balisa ako sa kakahintay online sa pagdating ni Regine sa ABS-CBN. Kahit nagtatrabaho ay hindi mapakali ang mata ko sa smartphone ko para tingnan kung nag-start na ang live video ng kung sino-sino.

Bandang alas-2:00 ng hapon ay nagsimulang mag-LIVE ang Instagram account ni Regine. Mula sa loob ng kanyang van ay papunta nga siya sa ABS-CBN. Doon pa lang ay naramdaman ko ang excitement, at yung totoo, hindi ako makagalaw sa silya ko dahil naluluha ako! At sa natitirang mga oras ng araw na yun, mula sa pagpirma hanggang sa unang press conference niya bilang Kapamilya, siya at ang musika niya ang nasa tainga ko. Walang paglagyan ang kasiyahan ko na sa wakas, matatawag ko na si Regine na Kapamilya.

Dear Songbird, kung mababasa mo ito, maraming salamat dahil isang pangarap ang tinupad mo ito. Sa iyong pagiging Kapamilya, wala na akong hihilingin pa ngayong Pasko.

Welcome home, Kapamilya Regine!

 

 

cropped-article-stoper.png

 

FAST POST 37: Baha Na, Pulitika Pa Rin?

BAGO ANG LAHAT: Ang post na ito ay may intensyong tawagin ang atensyon ng parehong DDS, Dilawan, Trapo, Bimpo, Balimbing at mga Oportunista. Ngayong ang bayan natin ay nakararanas ng dusa sa gitna ng masamang lagay ng panahon, walang pagkakataon na pulitikahin ang tulong sa mga kababayan.

layout-red-line copy

Kung may kilala akong grupo ng tao na magaling sa double standard, ito ay ang mga Pinoy.

Imbes na gumawa ng mga paraan para makatulong sa mga ganitong oras ng sakuna, nakuha pa ng iba na timplahan ng pulitika ang nakakadiring baha.

Calling out daw yon sa mga taong gobyerno, sabi ng isang kakilala. Kalampag daw na may kasamang sarcasm para mas marinig sa social media at maging viral. Sa isip-isip ko, mas maraming paraan para makatulong. Bakit paglalaanan ng panahon ang mga wala?

Ang iba namang pumupuna sa pagkawala ng mga opisyal ay yung mismong mga taong inaasahan mo ring tumulong. Anong ginagawa nila? Dumadakdak sa social media at gumagatong sa inis ng mga tao. Pero may aksyon ba sila sa ganitong panahong nangangailangan ang mga nasasakupan nila? Wala!

Mali nga siguro na missing in action ang mga opisyal ng gobyerno, pero paano kung hindi naman kailangang mai-media ang tulong nila? Paano kung sobra ang exposure ng pagtulong ng government official, ‘di ba, ang ibubulyaw naman ng marami ay EPAL sila?

Hinahagupit tayo ng trahedyang gawa ng ating kapabayaan sa kalikasan. Maraming nawalan ng tahanan at ari-arian. Tuloy-tuloy ang ulan at tuloy-tuloy rin ang dami ng naaapektuhan. Higit sa pulitika, lahat tayo nawa ay magsilbing lingkod-bayan. Higit sa pulitika, serbisyo publiko muna.

Walang masama kung ibahagi ang pagkadismaya sa aksyon ng pamahalaan sa mga nangyayari ngayon, ngunit mas magandang isantabi muna ang mga ito at gamitin ang boses para manawagan ng mas maraming tulong. Kapag maayos na ang lahat, doon na natin sila simulang kwestyunin. Pasasaan ba’t malapit na ang halalan… huwag lang putaktihin ng ChaCha.

 

 

cropped-article-stoper.png

 

FAST POST 36: Maynila, Migraine at Misua

Tensyonado ang araw na ito para sa buong bansa. Tumambad ang mga tarpaulin na nakasukbit sa maraming overpass ng MMDA. Ang nakasulat:

Welcome to the Philippines, PROVINCE OF CHINA.

Mixed emotions — natawa, natakot, nagtaka, nainis, nagtanong.

Daan-daang taon nang kapiling natin ang mga Tsino. May bahid sila ng ating kultura at tayo mismo ay tinuring na natin itong bahagi ng ating buhay. Isa sila sa mga iilan na malayang nakakapasok sa atin na para bang bakasyunan lang nila ang Pilipinas. Kahit hindi kayo pumunta sa Binondo ay maraming patunay na marunong man silang mag-Tagalog o hindi, nakakagala sila sa kung saan-saan sa ating bansa.

Nakakatawang isipin na sa maraming siglo ng pinagsamahan ng dalawang bansa, pwede nang ituring na de facto province ng China ang Pilipinas. Magandang pakinggan sa aspeto ng turismo, pero hindi sa pulitikal na aspeto natin ngayon.

Ngayong araw ang ikalawang anibersaryo ng makasaysayang arbitral ruling pabor sa Pilipinas sa isyu ng mas karapat-dapat nating kilalanin ngayon na West Philippine Sea. Dalawang taon na sanang inaako ng ating pamahalaan ang dagat sa kaliwa natin pero parang nagpalutang-lutang na lang siya sa laot dahil hindi siya ipinapatupad.

May malalim na pag-ibig si Rodrigo Roa Duterte kay Xi Jinping at resulta ng “ispesyal na relasyon” nila ay ang pagiging panatiko ng Estado sa mga Tsino. Sa sobrang ispesyal, ang Palasyo na mismo ang nagsisilbing abugado ng China sa mga insidente ng pambu-bully ng Chinese Coast Guard sa ating mga mangingisda sa Panatag Shoal.

Hindi na marahil uso ang kolonyalismo sa ating panahon, ngunit malaki ang takot ng marami na sa mas kumplikadong paghanga ng pamahalaang Pilipinas sa China, soberenya, seguridad at ekonomiya natin ang lubos ding magdurusa. Pumasok sa malaking kasunduan ang Pilipinas kasama ang China na ang tawag ay Belt and Road Initiative na magtataguyod sa ambisyosong Build, Build, Build infrastructure program. Ang economic adventure na ito ay nagmitya ng pag-alala sa maraming ekonomista dahil may mga senaryo sa ibang parte ng daigdig na posibleng kahantangan ng bansa: bumuhos ang puhunan, hindi nabayaran, nabaon sa utang, nakompromiso ang kontrol ng pamahalaan sa sarili niyang bansa.

Sa agresibong pagpasok ng Beijing sa Maynila, nagtataka ang marami sa tagilid na trato ng gobyernong Duterte sa kanyang mga dayuhang “best friend”. Ito ba ay purong pagmamalasakit o paraan upang mabakuran ng China ang Asya sa impluwensya ng Kanluran at ng Estados Unidos?

Ang mga tarpaulin na kumalat sa Kamaynilaan ay may pulitikal na motibo — aminin man nila o hindi. Nagtuturuan ang mga Dilawan at mga DDS sa kung sino ang nagkabit ng mga iyon para takutin ang bayan sa hindi malayong posibilidad ng pagiging mas maimpluwensiya ng China sa Pilipinas.

Sa kabilang panig ng mga pangyayari ay may malilinaw na hinuha:

1. Nagsimulang lumutang ang pagiging “probinsya ng China” ang Pilipinas dahil sa biro ni Duterte kay Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua. Komedyante si Duterte, pero muli, sa klase ng kanyang pagmamahal sa China, hindi ba malabong mangyari iyon?

2. Matamlay si Duterte pagdating sa mga insidente ng pagtuntong ng Chinese Coard Guard sa ating teritoryo at militarisasyon ng mga maituturing nating sakop sa West PH Sea at mga inaangking isla sa Spratlys. Kaya ba ayaw niyang pumalag dahil ayaw niya ng gulo o talagang wala siyang pakialam kung angkinin ito ng China?

3. Maraming transaksyon ang mga Chinese corporation ngayon sa Pilipinas. Walang masama dito hanggang sa dumating ang isyu ng pagpayag nila sa construction firms na banned ng World Bank na sumali sa Marawi rehabilitation at ang kwestiyonableng pagpasok ng isang Chinese casino resort sa ngayo’y saradong Boracay. Marami pang bahagi ng Pilipinas ang may bago’t kaduda-dudang presensya ng Chinese firms at hindi rito nakikinabang ang ating mga kababayan. Ito ba ay lehitimong mga negosyo o mga transaksyong hinayaan lang dahil sa pabor ng gobyerno ng China?

Kumbaga sa tao, sumakit ang ulo ng Pilipinas sa pasabog ng mga tarpaulin sa buong araw. Parang migraine ko na nagpauwi sa akin nang maaga mula sa trabaho. Kahit namimintig ang ulo ko ay hindi mawala sa isip ko ang mga nangyari ngayon.

Umuwi akong ang ulam ay misua — isang pagkaing Tsino na inampon na ng ating panlasa. Napaisip ako at natawa: paano kaya kung ang bantang iyon ay totoo? Okay lang ba na pasakop ang Pilipinas dahil “best friend” naman tayo ng China, sabi ni Duterte? O kung hindi, kailan tayo magpapahayag ng pagtutol sa pambu-bully at pangunguha ng oportunidad ng China sa Pilipinas dahil masyadong nahuhumaling ang gobyerno natin sa kanila?