Para Saan Ang Kalayaan?

Natutunan natin sa kasaysayan na hindi tumigil ang mga nakalipas nating salinlahi para makamit ang kalayaan. Sa pagdaan ng maraming siglo, hindi mabilang ang mga kababayan nating nagsakripisyo para sa isang pangarap na noo’y itinuturing na suntok sa buwan. Marami sa kanila ang nabigo, unti-unting sumuko’t naghintay na lamang sa isang himala hanggang sa kanilang huling hininga.

Ngunit sabi nga natin, ang lahat ng pagdurusa, pagtitiis at pakikibaka nila ay may kapalit na naaangkop na kahihinatnan. Isang daan at labing pitong taon ang nakakaraan, sa kauna-unahang pagkakataon ay ipinagdiwang natin bilang isang bayan ang kasarinlan. Mula noon, unti-unting naipalasap sa lahat ng panig ng bansa ang pagiging malaya at pagtamasa sa pantay na karapatan at oportunidad.

Tayo ngayon ay isang lipunang ganap ang kalayaan, ngunit aminin natin, ang kalayaang ipinamana sa atin ng mga ninuno ay tila hindi nagagamit sa paraang nararapat. Ang kasarinlang dapat ay magbibigay ng pagkakataon sa bawat isa na maging produktibong mamamayan ay nauuwi sa paglaganap ng iba’t ibang klaseng kawalan ng karapatan at katarungan. Ang Pilipinas na lumaya sa tatlong banyagang mananakop ay tila ba nagiging alipin ng kahirapan na tayo mismo ang may sala.

Para saan ba talaga ang kalayaan? Karapat-dapat ba tayo sa pribilehiyong ito?

Hindi hangad ng artikulong ito na idikta ang mga posibleng dahilan. Madali nating masasagot ang mga ito, at marahil, kahit sino’y makakapagbigay ng mga pinakamatatalinong sagot. Pagnilayan natin ang mga tanong na ito at sabihin ang mga sagot sa ating mga sarili nang taos sa puso at may bukas na pag-iisip.

Maligayang Araw ng Kalayaan, Republika ng Pilipinas! Mabuhay ang malayang Pilipino!

#

HOGAR

Ako ay laging nananabik
Sa pagdating ng dapit hapon.

Sa pagdilat ng aking mga mata,
Habang ang ilog ay nakatingala
Sa pamamahinga ng mga tala,
Nararamdaman ko ang kalungkutan
Sa panibagong araw ng paglisan
Sapagkat ikaw ay muling iiwan.

Maghintay sa ‘king pagbabalik
Dahil meron akong pabaon.

Lagi kang nasa isip
Lalo’t ‘pag naiinip.
Alaala ko’y ningning
Ng pagngiti mong laging
Dulot ay aliwalas
Na hindi nagwawakas.

Ang pag-ibig ko sa’yo’y hitik
At subok ng pagkakataon.

Tahanan ko ay ikaw,
Ngalan mo’y sinisigaw
Ng ulila kong puso.
Kahit saan sa mundo
At ano pang tanawin,
Ikaw lang ang iisipin.

Heto na ako, bumabalik
Na dala ang pangakong baon.

Ako ay maligaya mong hinagkan.
Pagyakap mong hindi mapapantayan
Kaya hinding-hindi pagsasawaan.
Kailanman ay di magpapabaya.
May masabi mang masama ang iba,
Patuloy kang mamahalin, sinta.

Natapos na ang pananabik.
Heto na nga ang dapit hapon.

#

HALO-HALONG KULAY: Ang Ikalimang Taon ng Aurora Metropolis

Lahat tayo ay may kanya-kanyang makukulay na paglalakbay. Bagaman bahagi na nito ang mga madidilim na sandali, hindi mawawala sa atin ang saya, sorpresa, pagtataka at iba pang ekstraodinaryong pakiramdam na nagbibigay kahulugan sa buhay natin. Lahat ng ito, kung hindi man ay karamihan ay malugod nating binabahagi sa ating mga kaibigan at sa ibang taong gutom sa ideya’t inspirasyon.

Ang bawat salita, talata at pangungusap na ating kinukuwento ay nagiging susi sa pagbuo ng iba pang magagandang istorya nang hindi natin namamalayan. Sa pagsusulat, tayo mismo ay nagiging parte ng paglalakbay ng ibang tao at nagiging parte ng kanilang kanya-kanyang halo-halong kulay.

Ipinanganak ko ang Aurora Metropolis noong ika-14 ng Hunyo 2010. Kahit taon-taon ay kumukonti ang mga nailalathala kong artikulo, hindi ko ito magawang pabayaan. Bakit? Dahil alam kong kapag dumating ang oras na wala akong matakbuhan o masigawan, nariyan siya’t handang ilaan ang kanyang blangkong pahina para pakinggan ang sinisigaw ng aking isip gamit ang panulat. Nandito lahat ang pinaka-makukulay kong mga sandali, hindi lang bilang manunulat kundi bilang isang taong malaya, may ipinaglalaban at nagmamahal. Sa 164 na artikulong nakaimbak dito, halos lahat ng kulay ng buhay ko o buhay ng mga taong nakakasalamuha ko ay nailahad ko na. Walang kapantay ang panahong tinitipa ko ang mga istoryang iyon at lahat sila ay labis kong ipinagmamalaki.

Sa ikalimang taong kaarawan nito, nagpapasalamat ang Aurora Metropolis sa mga taong nagbigay-kulay sa lahat ng kwentong ibinahagi nito. Pinapasalamatan ko rin ang bawat emosyong naramdaman ko, mula sa pinakamalungkot at pinakamasaya na nagtulak sa akin para maisulat ang bawat artikulong narito. Higit sa lahat, nagpapasalamat ako sa Panginoon na nagbigay sa akin ng kakayahang magsulat na hinasa ng mga karanasang bumuo sa aking pagkatao.

Muli akong humihingi ng paumanhin sa sinuman (kung mayroon man) na sumusubaysay sa Aurora Metropolis. Hindi ko ulit maipapangakong makasulit ng mas marami pang artikulo dahil sa ginagawang mahalaga ng inyong lingkod. Ang tanging maipapangako ko lamang ay sa tuwing susulat ko, naroon ang iba’t ibang kulay sa inyong pagbabasa.

Muli, sa ikalimang pagkakataon, maraming salamat po.

aurora-prof-pic-2015-1