Kaibigan, Baka Nakalimutan Kitang Pasalamatan

Inspirado ng kantang “Best Friend”, mula sa bagong album ni Jason Mraz ngayong taon na pinamagatang “YES”:

Album cover ng YES ni Jason Mraz.

Album cover ng YES ni Jason Mraz.

Love is where this begins | Thank you for letting me in | You’ve always known where I stand | I’ve never had to pretend

And I feel my life is better | Because you’re a part of it | I know without you by my side | That I would be different

Thank you for all of your trust | Thank you for not giving up | Thank you for holding my hand | You’ve always known where I stand

And I feel my life is better | So is the world we’re living in | I’m thankful for the time I spent | With my best friend

Thank you for calling me out | Thank you for waking me up | Thank you for breaking it down | Thank you for choosing us | Thank you for all you’re about | Thank you for lifting me up | Thank you for keeping me grounded | And being here now

My life is better | Because you’re a part of it | I know without you by my side | That I would be different | Yes I feel my life is better | And so is the world we’re livin’ in | I’m thankful for the time I spent | With my best friend

You’re my best friend

Hindi ako nahihiyang aminin na kung anuman ako sa pagkakakilala ninyo ngayon, ang mga iyon ay gawa ng mga naging bahagi ng buhay ko – ang aking mga kaibigan. Sila ang nagbigay ng karamihan sa mga pagkakataong sumubok sa aking kakayahan at humubog sa aking katauhan. Sila ang tumulong sa akin na gamutin ang mga sugat ng sariling pagkakamali at umalalay sa pagkapilay ng kabiguan. Sila yung mga nakahandang mag-drowing ng mga bituin at planeta sa mga panahong ang langit ng aking mundo’y kasingdilim ng itim na kartolina.

Nang marinig ko ang kanta ni Jason Mraz, parang nagkaroon ako ng guilt sa mga taong tinuring kong totoong kaibigan pero nakalimutan ko nang alalahanin. Parang nakaligtaan ko silang pasalamatan, lalo na yung mga kaibigang dumaan lang sa buhay ko. Nang dumaan sa aking mga tenga ang awiting iyon ay napakaraming bumalik na alaala – ang mga alaala ng kaibigang tunay pero hindi nagtagal dahil hanggang doon lang sila sa buhay ko.

Tanggap ko naman sa aking sarili na may mga taong darating at mawawala sa paligid natin. Tulad natin ay may kanya-kanya rin silang tadhanang sinusunod o nilalabag para sa ikabubuti ng kanilang buhay. Naiinis ako kapag pakiramdam ko’y iniiwan nila ako at dito ako nagi-guilty. May mga panahong itinatakwil ko sila bilang kaibigan dahil sa pagiging makasarili ko. Mali iyon pero huli na ang lahat bago ko pa matanto ang kamaliang iyon. Ngunit pagkakataon na rin ang gumagawa ng paraan upang ang mga nasunog na tulay ay dapat palitan at ilipat sa ibang parte ng magkabilang pampang. Sila naman ang mga kaibigang binigay sa akin bilang mga kayamanang dapat ingatan, gaano man sila ka-sensitibong intindihin at alagaan.

Nagbalik-tanaw ang aking utak sa nakalipas na dalawampu’t anim na taon. Maraming mukha ang bumalik sa aking gunita, bagama’t marami sa kanila ang hindi ko na maalala ang pangalan. Magkagayunman, sa mga mukhang iyon ay naaalala ko ang kanilang partisipasyon at paano sila naging tagahabi ng aking pagkatao. Ang manatili sila sa aking alaala ang isa sa mga pinakamahahalagang bagay na pinagpapasalamat ko sa Panginoon.

Pangalawa sa pamilya, ang mga matalik kong kaibigan ang pinakamahalagang handog ng Langit sa akin. Kung makakarating man sa kanila ang sulating ito at ako’y naaalala pa rin nila, nais kong sabihin ang taos pusong pasasalamat. Sa mga nananatili sa aking tabi at ginagampanan pa rin ang kanilang misyon bilang kaibigan ng imperfect na nilalang tulad ko, maraming maraming salamat at pagpasensyahan ninyo na ako. Huwag kayong magsasawa, at kung magsasawa man kayo, handa akong maghintay sa inyong pagbabalik kung gusto nyo pa.

(P.S.: Sa mga kaibigan ko, malamang ang una nyong reaksyon ay… “Hala! Nag-i-emo!” Hahaha!)

FAST POST #31: Kape | Pader

aurora - kape pader copy

Nitong hapon lang ay napagdesisyunan namin ng aking kaibigan na magkape sa sweets shop sa hotel na pinapaandar ng isang unibersidad sa Intramuros. Sa harapan ng daan-daang estudyanteng naglalakad sa labas ng salamin, ang pagnamnam sa kapeng iniinom ko ay siya na ring pagnamnam ko sa gandang taglay ng pader ng lumang lungsod.

Masarap ang churros at ang caramel dip. Masarap din ang kape. Kaya na-inspire akong sumulat nito. :) (Kuha ni Diane Denise J. Daseco)

Masarap ang churros at ang caramel dip. Masarap din ang kape. Kaya na-inspire akong sumulat nito. 🙂 (Kuha ni Diane Denise J. Daseco)

Hindi kasing-tamis ng caramel dip ng churros ang dinanas ng Maynila pagkatapos ng kanyang pagkawasak noong digmaan, pitumpung taon na ang nakararaan. Magkagayunman, tulad ng pagkagat ko sa churros ay nalalasap ng aking isip ang mga kuwentong sa mahigit apat na raang taon ay pinatamis ng karangalang pinanghawakan nito.

Kahit malamig, ang tapang ng kapeng hinihigop ko’y aking nararamdaman. Ngunit pumitik sa utak ko ang realidad – ramdam pa ba o pinapahalagahan pa ba ng henerasyong ito ang katapangang itinaglay ng pader ng Intramuros? Ito na raw ang panahong kung kailan ang dakilang kalasag na nagtanggol sa kabisera noon ay isa na lamang simpleng pader sa paningin ng marami. Sa kabila niyon, marami man ang hindi nakakaalam ng kanyang natatanging nakaraan ay binubuhay pa rin nito ang puso ng Maynila. Ang mga kabataang masayang tumatambay, naglalaro, gumagala o nagbabasa ng kanilang mga aralin dito – silang mga kabataan ang nagpapanatili sa ating isip ng dahilan kung bakit itinayo ang pader ng Intramuros. Ito ay ang protektahan ang kapayapaan para sa kaligayahan ng kanyang bayan.

Ang kape at ang pader ng Intramuros ay parang pag-ibig – makisig pero mapagmahal.