Post #143: Si Bonifacio, Ang Katatagan Ng Mga Pilipino At Ang Kabayanihan Ng Mundo

#Boni150

Ito ang ika-isang daan at apatnapu’t tatlong handog ng Aurora Metropolis na inilathala ngayong importanteng araw na ito, ang ika-150 anibersaryo ng kapanganakan ni Gat. Andres Bonifacio. Ang ika-143 artikulong ito (kung saan ang 143 ay nangangahulugang ‘I love you’) ay alay para sa lahat ng nagmamahal sa bansang Pilipinas, lalo na ngayong nakakaranas tayo ng napakaraming pagsubok bilang isang mamamayang Pilipino.

“Pakatandaang lagi na ang tunay na pagibig sa Dios ay siya ring pagibig sa Tinubuan at iyan din ang pagibig sa kapwa.” – Andres Bonifacio, Sampung Utos ng mga Anak ng Bayan

Ang mga aral ni Gat. Andres Bonifacio sa kasalukuyang trahedya ng ating bansa.

Ang mga aral ni Gat. Andres Bonifacio sa kasalukuyang trahedya ng ating bansa.

Ang paghagupit ni Super Typhoon Yolanda (na may international name na Haiyan) sa Samar at Leyte; ang pagtama ng magnitude 7.2 major earthquake sa Cebu at Bohol; ang mapangahas na pagsakop ng mga rebelde na nagresulta sa biglaang giyera sa lungsod ng Zamboanga at mga kontrobersiyang pulitikal sa luklukan ng pambansang pamahalaan sa Kalakhang Maynila ay hindi na mga bagong problema sa ating bansa. Mas masalimuot man ang pinsala at bilang ng mga taong apektado sa mga kalamidad ngayon, noon pa’y pinatunayan na ng ating mga ninuno na sa pagtatapos ng anumang unos, likha man iyon ng kalikasan o kalupitang gawa ng tao, may kakayahan tayong mga Pilipino na muling mabuhay nang may dignidad at umahon nang may nililingong pag-unlad.

Maging ang pagtatanggol ng Estados Unidos mula sa panggigipit ng Tsina sa isyu ng West Philippine Sea, ang pakikipaglaban para sa pagmamay-ari ng Kalayaan Group of Islands (mas kilala bilang Spratly Islands) at Sabah; o ang pagkakaisa ng maraming bansa na tumulong sa mga naapektuhan ng mga nakalipas na trahedya sa Kabisayaan ay hindi na rin ganoong kakaiba. Dumaan man tayo sa mahigit tatlong siglong pananakop, tumindig ang Pilipinas sa mga pagsubok ng ating mga dayuhang mananakop na tayo ay karapat-dapat na makilala sa pandaigdigang ugnayan at kilalanin ng mundo bilang bansang may libo-libo’t hiwa-hiwalay na isla, ngunit pinag-uugnay ng pagmamahal sa kalayaan at sa bayan.

Naitala sa kasaysayan na noon pa man, nakakaranas na ang Pilipinas ng mga natural na kalamidad dahil sa heograpikal na kalagayan nito. Magkagayunman, sa ilang beses na inulan, nilindol o pinutukan ng bulkan ang mga bayang apektado nito ay unti-unting nakakabangon at nakakabalik sa kaunlarang meron ang mga ito. Bukod dito, napagtagumpayan rin ng bansa ang mga digmaan at kaguluhang likha ng tao na nakalikha ng napakahabang listahan ng mga bayaning hinahangaan natin. Nanatili ang mga sinaunang Pilipino na maging matatag sa pananampalataya’t paniniwala sa Diyos, sa pagiging matapang, makatao at mapagkalinga sa kanilang mga kababayan – lahat ay bunsod ng maigting na pag-ibig sa kanilang tinubuang lupa. Ngunit higit sa lahat, silang mga ninuno natin ay minsang nagkusa sa pagbibigay ng tulong sa iba sa pinakasimpleng paraang kaya nila. Sila ang naging matibay na ehemplo ng bayanihan sa mga oras ng trahedyang dinaranas ng bansa tungo sa kaayusan at kasarinlan.

Sa araw na ito na ang buong bansa ay nagdiriwang ng ika-150 anibersaryo ng kapanganakan ng pinakadakilang anak ng Tundo at Supremo ng bawat Pilipino na si Gat. Andres Bonifacio, tila napapanahon para sa ating lahat na konektahin ang nakaraan, kasalukuyan at kinabukasan tungo sa pag-unawa sa mga kasalukuyang nangyayari sa ating bayan. Tila umiikot lang ang mga senaryo ngayon at noong panahon ni Bonifacio, kasama ang napakarami pang bayani’t mga personalidad na nabuhay sa kanilang salinlahi. Sa puntong ito, maaaring nagagalak si Bonifacio sa kasalukuyang mga anak ng bayan na umiibig sa Pilipinas at umaaruga sa mga kapwa Pilipino, lalo na ngayon na ang buong bansa’y nasa gitna ng krisis.

Tulad ni Bonifacio, marami sa mga naging biktima ang patuloy na namumuhay sa katatagan, pananalig sa Panginoon at natitirang pag-asa sa gitna ng ng trahedya. Kahit gutom, uhaw, nawalan ng tahanan o minamahal, ang ilan sa kanila’y piniling dumamay at makibahagi sa pagtulong sa kapwa nila nasalanta. Tulad din ng ating bayani, walang alinlangang ginawa ng mga pulis at sundalo ang kanilang tungkulin nang doble sa kanilang tipikal na responsibilidad. Higit pa sa pagiging tagapagpatupad ng batas, nagsilbi silang karpintero, arkitekto, doktor, nars, guro at lingkod bayang handang maging pundasyon ng mga apektadong lugar hanggang unti-unti silang makatindig nang normal. Mas kahanga-hangang katangian ang ipinakita ng mga ordinaryong taong nagsilbing volunteer na, tulad ni Bonifacio, ay inambag ang sariling oras, boses, lakas at kakayahan upang makatulong at maging katuwang sa mga pinagdaraanan ng mga kababayan. Nabura ang mga harang na naghihiwalay sa mga mahirap, middle class at mayaman sa loob ng mga relief warehouse at evacuation center kung saan sama-sama silang kumikilos para sa iisang layunin at panalangin.

Marahil ay ikinatutuwa ring masaksihan ni Bonifacio ang pagbabalik sa Pilipinas ng bulto-bultong puwersa ng mga dayuhan sa lahat ng sulok ng daigdig, hindi upang sakupin tayong muli, kundi upang maging pinakabagong mga bayani para sa ating bansa. Sa mga pagsubok na dinanas ng bansa ay nakita nating nagtagpo para sa iisang hangarin ang mga bansang matagal nang  magkakaalyado, ang mga dating nagtapos ang ugnayan dahil sa digmaan at kahit ang may mga nagpapatuloy na hidwaan. Kahit din sa kabila ng mga isyung kinakaharap ng kani-kanilang mga pamahalaan at lipunan, nagsikap silang ipadala ang kanilang puwersang pang-militar, volunteers at maging tulong pinansyal ng mga mamamayan nito upang makadagdag sa muling pag-angat ng mga naapektuhan.

Ipinanganak noong 1863 sa Tundo, Maynila, isa’t kalahating siglo na ang nakararaan, dumating sa ating lipunan ang isang Andres Bonifacio. Ang kanyang kapanganakan ay tila ba isang simbolikong pagdating ng pag-asang hangad ng isang bansang noo’y naka-kadena sa kolonya at nangangarap ng malayang buhay bilang tao at bilang Pilipino. At ngayong mismong araw na ito ng kanyang kaarawan, nawa’y maging instrumento ang buhay ng “Hamak na Dakila” upang muling magdala ng pag-asa sa mga kababayan nating sa ngayon ay sumisilip ng liwanag mula sa ilalim ng mga guho. Kaakibat ang mga bayani mula sa iba’t ibang lahi ng daigdig, ang ispiritu ng kanyang kabayanihan at kadakilaan ay manatili sa mga susunod pang henerasyon ng mga Pilipino. At tulad ng kalayaang kanyang pinagpagurang makamtan bago siya pumanaw, patuloy na magiging bahagi ang mga aral na iniwan ni Bonifacio sa muling pagbangon ng ating bayang patuloy na lumalaban sa hamon ng panahon.

Mabuhay si Gat. Andres Bonifacio! Mabuhay ang buong mundo! Mabuhay ang matatag na lahing Pilipino!

FAST POST #30: Bonifacio – Ang Tunay Na Unang Pangulo Ng Pilipinas

Isang paggunita ng Aurora Metropolis sa ika-150 anibersaryo ng kapanganakan ni Gat. Andres Bonifacio ngayong buwan ng Nobyembre. Siya ang ama ng Kataas-taasang, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan, ang pinuno ng Haring Bayang Katagalugan at dakilang anak ng Tundo at Maynila. Hindi ito malalim na pagtunghay sa kanyang buhay pero sa pamamagitan ng artikulong ito, nais nitong maging pangmulat sa mga mambabasa at sa mga kinauukulan na ibigay sa kanya ang pinaka-akmang pagkilala.

Ang karapat-dapat na titulo para sa isang dakilang bayaning Manilenyo.

Ang karapat-dapat na titulo para sa isang dakilang bayaning Manilenyo.

Noong nakaraang taon ay binigyan ko ng panahon na panoorin ang pelikulang “El Presidente” kung saan tinampok ang talambuhay ni Heneral Emilio Aguinaldo. Pinagbibidahan ng aktor at pulitikong si E.R. Ejercito, tinalakay nito ang sinasabing ilan sa mga bahagi ng buhay ng dating Pangulo na hindi naibahagi sa anumang aklat ng kasaysayan. Dagdag pa nito ang pagpapalawig ng ilang pangyayari na nagresulta sa unang pagwawagayway ng watawat sa Kawit — ang hudyat umano na malaya na ang bansa mula sa mahigit tatlong-daang taong pananakop ng mga Kastila.

Unang-una sa lahat, hindi ko kinakailang may pag-aalinlangan ako kay Aguinaldo bilang unang pangulo ng Pilipinas, at nang matapos kong mapanood ang nasabing pelikula (salamat sa magaling na pagganap ni G. Cesar Montano at sa pagpapalabas dito na napakasama ni Andres Bonifacio), mas napatunayan kong hindi talaga si Aguinaldo ang dapat kilalanin bilang kauna-unahang presidente na totoong nagbigay-daan sa kasarinlan ng Pilipinas.

Sinulat ko ang artikulong ito hindi dahil ayaw ko kay Aguinaldo o dahil sa nagmamarunong lang ako, o hindi kaya’y Manilenyo ako’t si Bonifacio ang tinitingalang pambansang bayaning kumakatawan sa aming lungsod. Inihahayag ko ang pananaw na ito dahil mismong mga pahina ng kasaysayan ang nagtuturo sa kanya bilang totoong mitsa kung bakit naging malaya ang bansa sa kamay ng Espanya.

Si Andres Bonifacio y de Castro ay isang tipikal na batang Tundo, lumaki sa pamilyang may normal na pamumuhay, nangulila’t natutong magtrabaho para sa sarili at para sa kanyang mga kapatid. Hindi siya nawalan ng pagkakataon upang paunlarin ang kaalaman at matuto base sa mga karanasan. Humakbang siya sa mundo ng mga intelektuwal upang ikarangal na hindi hadlang ang kahirapan sa pagkamit ng personal na kagalingan at pagmamahal sa bayan. May mga tutol man sa paggamit niya ng dahas, ang mga digmaang kanyang inorganisa ay hindi lang basta karahasang walang saysay kundi paghihiganti para sa ating mga ninunong biktima ng kalupitan ng mga dayuhan. Kinuwestiyon man ng mga kinilalang “lider ng rebolusyon” ang kanyang kakayahan bilang pinuno, pinatunayan niyang isa siyang totoong tao na nagagalit kapag may tinututulan at nanindigan sa alam niyang tama para sa lahat. Nagtapos man ang kanyang buhay sa gitna ng pagnanais na lumaya ang bayan, isa siya sa mga naging pangunahing susi ng mga tunay na makabayan upang ituloy ang krusada ng kasarinlan, hindi lang noong panahon ng Kasila kundi pati noong panahon ng pananakop ng mga Amerikano, Hapon at ang patuloy nating pakikipaglaban sa mga kasalukuyang kanser ng Pilipinas.

Sa kabila ng kakulangan sa mga pisikal na patunay, nagpapatuloy naman ang ilang tagapagsaliksik ng kasaysayan at maging mga tagasuporta sa sektor ng kabataan upang mismong ang mga datos na hawak ng mga historyador ang magpapatatag sa pagkilalang ito kay Bonifacio. Siguro’y hindi siya karapat-dapat para sa titulong pambansang bayani na iniatang kay Gat. Jose Rizal dahil sa mga kakulangang ito. Magkagayunman at kung tutuusin, sa mga katangian pa lang niya na idinedetalye sa mga kasulatan ay mga mismong ebidensya na ng kanyang katapangan at kagalingan bilang lider. Bukod kay Rizal at La Liga Filipina, si Bonifacio lang ang nagkaroon ng lakas ng loob upang magtatag ng pambansang kilusang aktibo para sa kalayaan sa pamamagitan ng Katipunan, ang samahang naging umpisa ng kauna-unahang pamahalaang buong pinapatakbo ng mga Pilipino.

Walang duda na siya ang tunay na nagma-mayari ng nasabing titulo. Maaaring hindi pa kumbinsido ang marami tungkol dito, ngunit naniniwala akong darating ang panahon na papanig ang tadhana sa totoong karapat-dapat… at ito’y nagsimula sa ating pambansang pagdiriwang ng kanyang ika-150 anibersaryo ng kapanganakan. Isang dakilang kapanganakan ng isang bayaning handog ng Maykapal para sa ating bayan.

Mabuhay ka, His Excellency, Andres de Castro Bonifacio, ang tunay na El Presidente, ang unang pangulo ng Pilipinas!