FAST POST #29: Wake Me Up When September Ends

Matatapos ang buwan ng Setyembre na may dinaramdam ang aking katawan.

Habang tinitipa ang artikulong ito ay ikalawang araw na akong may sakit. Akala ko noong una ay normal na pangangalay lang ng aking kaliwang binti ang problema. Hindi ko nagawang makapunta sa isang ispesyal na pagdiriwang dahil dito at sobra ko itong ikinalungkot. Dumating ang gabi at dito ko naramdamang mainit na ang katawan ko. Nilalagnat na ako, sabi ko sa aking sarili. Pinilit kong hindi magpahalatang ganoon na kainit ang pakiramdam ko dahil ayoko ring mag-alala ang mga tao sa aming tahanan. Ayoko na ring maging karagdagan sa alalahanin nila.

Sa kalaliman ng gabi ay dumating sa aking pag-iisip ang napakaraming bagay. Paano na ang mga inaasikaso kong aktibidad para sa mga kabataan? Paano na ang mga bagay na gusto ko pang gawin sa hinaharap? Paano ko na maitatama ang mga nagawa kong mali? Napakaraming tanong ang dumating sa aking utak, pero ang hindi ko inaasahan ay ang tuldok ng lahat ng ito. Natatakot akong mamatay, at kung mangyayari man ito ay dapat na akong maghanda.

Kanina, gumising akong ang tumutugtog sa radyo ay “What A Wonderful World” ni Stevie Wonder. Nakatatak pa rin sa aking isipan ang kamatayan kaya’t bago bumangon ay nagsimula ako sa panalangin. Buhay pa ako at sobra ko itong ipinagpapasalamat sa Panginoon. Magkagayunman, sa unang pagtayo ko sa araw na ito ay nanatili pa rin sa aking pag-iisip ang mga dapat kong gawin. Pabilis nang pabilis ang oras kaya’t hindi talaga tamang dumating ang sakit na ito. Lumala ang aking lagnat, ngunit hindi pwedeng maapektuhan nito ang mga kinakailangan sa mga susunod na araw. Sa gitna ng pagkabahalang ito ay pumitik sa akin ang isang bagay na nakalimutan kong mapagtanto.

Ang pagkakaroon ko ng sakit ay tila ba isang panggising sa akin ng Diyos. Hindi ko alam kung para saan, para kanino o para sa anong sitwasyon, pero itinuring ko itong paalala na kailangan kong mahalin ang aking sarili, lalo na ang aking kalusugan. Bukod pa roon, mukhang marami rin akong nakakalimutan dahil sa sobrang pagkaabala sa mga bagay-bagay na hindi ko mailarawan gamit ang mga salita. Sa huli, habang patuloy na lumalaban sa aking nararamdaman hanggang sa mga oras na ito, dito pumasok sa akin na ang kamatayan ay bahagi ng paghahanda ng tao sa ating pagbabalik sa Kanya. Kaya habang tayo’y nabubuhay pa ay gawin natin ang lahat, lalo na sa ikabubuti ng ating mga sarili. Sa pagtatapos ng ating buhay, lahat tayo ay babalik sa Kanya at ikararangal na ang pinahiram Niyang katawan sa atin ay napangalagaan natin ayon sa kung paano tayo nabuhay sa mundong nilikha ng Langit para sa minamahal Niyang mga nilalang.

At tulad nga ng pamagat ng isang banyagang awitin, ginising ako ng Panginoon sa pagsasara ng buwan ng Setyembre. Bahala na Siya sa akin, at kung ipag-aadya man ng karugtong na buhay, ay kailangan ko nang bumangon sa Kanyang panggigising.

DEMOLISYON: Kasama ka ba sa Gumigiba ng Lipunang Manilenyo at Kasaysayan ng Pilipino?

Maraming nagsasabi na walang kasing ganda ang Maynila noon. Sa napakaraming larawang nagkalat sa Internet at social media, maiisip at para bang kaiinggitan natin ang mga taong nabuhay sa mga panahong ang lungsod ay tinaguriang Milan ng Asya at Perlas ng Silangan. Malinis na mga kalsada, eleganteng mga gusali’t istruktura, organisadong pamahalaan at payak ngunit maayos na pamumuhay. Libo-libong litrato ang nagsilbing mga bintana ng engrandeng nakaraan ng Maynila bilang isa sa mga sentro ng sining at komersyo sa Asya Pasipiko.

Ngunit nasaan na ba ang kanyang angking kagandahan ngayon?

Sinasagasaan ng globalisasyon ang mga bakas ng mayaman nitong kasaysayan sa makabagong panahon. Maigting man ang mga hakbang ng iilan na ibalik ang kaayusan pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, tila nanaig din ang paglaganap ng kahirapan at krimen na unti-unting nagpapalubog sa mga alaala ng lumang lungsod. Natabunan nito ang mga pangarap na muling iangat ang karangalan ng Maynila at ipanatali sa magandang estado ang mga gusali’t istrukturang naging saksi sa kanyang kadakilaan na binuo’t pinangalagaan ng daan-daang taon.

Ang Manila Metropolitan Theater na modelo ng eleganteng sining at pagtatanghal sa kalakhan noong panahon ng pananakop ng mga Amerikano ay nalalapit nang mabuwag. Karamihan sa mga tagong magagarbong bahay ng mga mayayamang Tsinoy sa Binondo ay abondonado na’t nagkukusa nang sumuko dahil sa kalumaan. Ang mga sinehang nagbigay daan sa mga ginintuang pelikula ng ating lahi sa Avenida, Recto at Quiapo ay nawalan na ng kinang at naging kanlungan na ng kahalayan. Kahit papaano’y naiaangat nang muli ang marangyang Calle Escolta na kilalang sentro ng kalakalan ng bansa noong umpisa ng ika-19 na siglo, bagaman nangangailangan ito ng mas maigting pang suporta. Ang pinakamasaklap sa lahat, ang makasaysayang Jai Alai Fronton Building sa Taft Avenue na isa sa mga naging mahalagang bulwagang pangkapulungan sa pagbuo ng pamahalaang Komonwelt, ang dating punong tanggapan ng Manila Electric and Light Company (MERALCO) sa Kalye San Marcelino sa distrito ng Ermita na namamahala sa elektrisidad at nagpapatakbo sa mga tranvia sa lungsod noon; at ang tahanan ni Dr. Pio Valenzuela sa Calle de Lavezares sa distrito ng San Nicolas kung saan inilimbag ang peryodikong “Kalayaan” na naging instrumento sa paglaki ng Katipunan ni Gat. Andres Bonifacio ay hindi na maibabalik pang muli sa mapa ng Maynila dahil sa kapabayaan ng mismong gobyerno at ng mga mamamayang inatasang mag-aruga sa mga ito.

Sa kabilang banda, ang demolisyon ay tila isang positibong simbolismo, lalo na sa pagpapanatili ng matatag pang pundasyon ng ating pamahalaan. Naging malaking bahagi dito ang social media at ang sambayanang Pilipinong gumagamit ng Internet na kung tawagin ay mga netizen. Ang paggamit ng mga mambabatas sa pork barrel ay hindi na bagong isyu hanggang sa bumulusok ang nag-aalab na damdamin ng marami noong Agosto 26 na tinaguriang “Million People March” na nagsimula sa isang simpleng post sa Facebook at pagpirma sa online petition sa website na Change.Org. Sa tagumpay nito’y kasalukuyan nang dumadaan sa proseso ang ligalidad ng paggiba sa sistema ng pork barrel at nang maidirekta ang pondo ng bayan sa dapat nitong kalagyan. Resulta din nito ang panukalang ikansela sa loob ng anim na taon ang ikaanim na artikulo sa probisyon ng Saligang Batas, ang pagbuwag sa dalawang kapulungan ng lehislatura na umano’y magdudulot ng kaayusan sa istruktura ng ating gobyerno. Ngunit habang patuloy na gumugulong ang mga pagbabago, mananatili tayong maghihintay at magtitiis sa loob ng isang parte ng nabubulok na gusaling unti-unti nating pinagtutulungang sirain at palitan ng mas malinis at matatag na bahagi.

Hindi na natin maibabalik ang dati, pero hindi pa huli ang pagtama sa mali.

postFB_official_demolisyon_ad copyMasyadong abala ang mga kabataan sa napakaraming bagay na kung minsan ay hindi nila nabubuksan ang isipan sa kahalagahan ng kasaysayan sa lipunang ginagalawan. Kaya naman ilalapit ng Katipunan ng Kabataang Maaasahan (KKM), kasama ang United Architects of the Philippines Student Auxiliary – Pamantasan ng Lungsod ng Maynila Chapter (UAPSA-PLM) ang pagkakataon para sa kabataang Manilenyo na bigyang importansya ang mga lugar na bahagi ng makulay na kasaysayan ng lungsod na nanganganib nang mabuwag o di kaya’y habambuhay na lang na masisilayan sa mga aklat at pahayagan.

Pinamagatang “Demolisyon”, ang aktibidad na ito ay katatampukan ng mga tagapagsalita mula sa iba’t ibang sektor na may malasakit sa heritage sites ng Maynila. Kabilang din dito ang ilang mga personalidad na magmumulat sa atin sa iba pang dimensiyon sa likod ng salitang ‘demolisyon’ na nagaganap sa ating lipunan. Gaganapin ito sa ika-18 ng Oktubre 2013, Biyernes, ikasiyam ng umaga hanggang ikalima ng hapon sa Bulwagang Leandro V. Locsin, National Commission for Culture and the Arts (NCCA) Building, Gen. Luna Street, Intramuros, Manila. Bukas ito sa lahat ng kabataan at lahat ng gustong maging bahagi ng pagbabalik ng sigla sa lungsod ng Maynila.

Para sa ilang importanteng mga detalye, bisitahin ang aming opisyal na Facebook fanpage, http://www.facebook.com/KKMOrgManilaOfficial. Para sa mga katanungan at reservation, mangyaring tumawag o mag-text sa 0915-921-4334, o mag-email sa KKMOrganizationManila@gmail.com.

Gibain ang prinsipyo ng ‘demolisyon’.

FAST POST #28: Ang Abolisyon ng Kongreso At Pagsupil ng Political Dynasty sa Pilipinas

Ang Batasan Pambansa Complex kung saan ginaganap ang session ng mga Kinatawang Pang-distrito sa buong Pilipinas. (Larawan mula sa Yahoo News)

Ang Batasan Pambansa Complex kung saan ginaganap ang session ng mga Kinatawang Pang-distrito sa buong Pilipinas. (Larawan mula sa Yahoo News)

Nagiging matinding usapan ang panukala ni election lawyer Romulo Macalintal hinggil sa pagsuspinde ng operasyon ng Senado at Kamara mula 2016 hanggang 2022. Ayon sa kanya, ang pagsasara ng Kongreso sa loob ng anim na taon ay magreresulta ng malaking katipiran sa budget ng pamahalaan na maaaring gamitin sa pagpapalawak ng mga serbisyo ng gobyerno. Samantala, iaatas sa mga pinuno ng highly-urbanized cities and municipalities ang pagpapaunlad at pagpapatupad ng mga batas dahil sila ang mas nakakaalam ng mga isyu’t problema sa kanilang nasasakupan. Ipapatawag lamang sila sa isang malakihang pulong kapag may mahalagang batas pambansa ang dapat na italakay at pagkaisang sang-ayunan. Kumbaga, umaakma sa sistema ng pamahalaang pederal ang ganitong klaseng sistema, na sa palagay ni Macalintal at mga grupong nagtutulak nito, ay makakapag-organisa nang mas maayos sa pulitikal na iskema ng Pilipinas. Ang panawagang ito ay malakas na ipinapalaganap ng maraming sektor upang marinig ng Pangulo at ng mga kaalyado sa dalawang Kapulungan ang kagandahan nito para sa ikalilinis ng ating bureaukrasya.

Sakali mang ipatupad ang suhestiyong ito ay maaaring maapula ang kumakalat na kabulukan sa loob ng mga bulwagan ng gobyerno. Sa kabilang banda, hinahayaan ng panukalang ito na tumakbo pa rin ang ilang mga trapo (traditional politicians) at bimpo (mga anak at kamag-anak na itinulak ng mga trapo para pumasok sa pulitika) sa mga lokal na posisyon. Limitado man ang alokasyon ng budget sa local government units ay mapapalakas nito ang nananaig pa ring political dynasties na maaaring mag-kompromiso sa taumbayang kanilang dapat paglingkuran. Mawala man ang Kongresong isinulat ng kasaysayan bilang ugat ng katiwalian, nariyan pa rin ang mga angkan na pilit na sinisiksik ang kanilang kapangyarihan para manipulahin ang pamahalaan.

Bilang solusyon, bumulaga sa aking isipan ang isang aspetong sa tingin ko’y susuporta sa mabilisang pagsira sa maruming sistema kung saan wala tayong magawa kundi ang masanay. Kung mangyayari man ang abolisyon ng Kongreso, oras na rin siguro upang ayusin ang sistema ng pagpili ng mga uupo sa ating gobyerno, ANG SISTEMA NG HALALAN. Bagama’t hindi ako political science student na sagad ang kaalaman sa mga terminolohiya’t metodolohiyang ginagamit sa pagpapatakbo ng anumang gobyerno sa daigdig, hindi ko minamaliit ang tawag ng aking utak at puso na makisali sa pagbabago sa pamahalaan. Para sa akin, maililigtas tayo ng maliliit na suhestiyong ito na nagsususog sa ating electoral system laban sa mga ganid na nagpapakilala bilang pulitikong Pilipino.

Barangay Chairman / Kagawad – 1.) Anumang edad, marunong bumasa’t sumulat, at unang beses pa lang na tatakbo sa posisyong ito ang maaaring kumandidato. 2.) Nanirahan sa barangay ng dalawang taon o higit pa at rehistradong residente/botante ng barangay. 3.) May certificate of eligibility sa civil service. 4.) Walang anumang criminal record. 5.) Maglilingkod ng anim na taon ngunit hindi na pwedeng tumakbo sa posisyong ito. 6.) Walang kamag-anak na nakaupo sa anumang posisyon sa pamahalaan (hanggang 3rd degree of consanguinity) sa panahon ng pagsusumite ng kandidatura.

SK Chairman / Kagawad – 1.) Kabataang nasa edad 18-25 taong gulang, marunong bumasa’t sumulat at unang beses pa lang na tatakbo sa posisyong ito ang maaaring kumandidato. 2.) Nanirahan sa barangay ng dalawang taon o higit pa at rehistradong residente/botante ng barangay. 3.) May certificate of eligibility sa civil service. 4.) Walang anumang criminal record. 5.) Maglilingkod ng anim na taon ngunit hindi na pwedeng tumakbo sa posisyong ito. 6.) Walang kamag-anak na nakaupo sa anumang posisyon sa pamahalaan (hanggang 3rd degree of consanguinity) sa panahon ng pagsusumite ng kandidatura.

City Councilor / Municipal Board Member – 1.) Anumang edad at marunong bumasa’t sumulat ang maaaring kumandidato. 2.) Nanirahan sa distrito ng tatlong taon o higit pa at rehistradong residente/botante ng distrito. 3.) May certificate of eligibility sa civil service 4.) Walang anumang criminal record. 5.) Maglilingkod ng tatlong taon ngunit hindi pwedeng tumakbo sa loob ng anim na taon pagkatapos ng termino sa parehong posisyon. 6.) Walang kamag-anak na nakaupo sa anumang posisyon sa pamahalaan (hanggang 3rd degree of consanguinity) sa panahon ng pagsusumite ng kandidatura.

Governor / Vice Governor / Mayor / Vice Mayor – 1.) Anumang edad at marunong bumasa’t sumulat ang maaaring kumandidato. 2.) Nanirahan sa lungsod o munisipalidad ng tatlong taon o higit pa at rehistradong residente/botante ng lungsod o munisipalidad. 3.) May certificate of eligibility sa civil service 4.) Walang anumang criminal record. 5.) Maglilingkod ng tatlong taon ngunit hindi pwedeng tumakbo sa loob ng anim na taon pagkatapos ng termino sa parehong posisyon. 6.) Walang kamag-anak na nakaupo sa anumang posisyon sa pamahalaan (hanggang 3rd degree of consanguinity) sa panahon ng pagsusumite ng kandidatura.

President / Vice President – 1.) Pilipinong may edad 40-70 taong gulang pataas, marunong bumasa’t sumulat at unang beses pa lang na tatakbo sa posisyong ito ang maaaring kumandidato. 2.) Ipinanganak sa Pilipinas, nanirahan sa Pilipinas ng sampung taon o higit pa at rehistradong botante ng Pilipinas. 3.) May certificate of eligibility sa civil service. 4.) Walang anumang criminal record. 5.) Maglilingkod ng anim na taon ngunit hindi na pwedeng tumakbo sa kahit anong posisyon pagkatapos ng kanyang termino. 6.) Hindi pwedeng magpatakbo o magtalaga ng kamag-anak (hanggang 3rd degree of consanguinity) sa anumang posisyon o ahensiya sa pamahalaan habang siya ay nasa panunungkulan.

Huli sa lahat, sa pagbabalik ng Lehislatura pagkatapos ng anim na taon, ito ang magiging kwalipikasyon nila:

Senator – 1.) Pilipinong nasa edad 30-65 taong gulang at marunong bumasa’t sumulat ang maaaring kumandidato. 2.) Ipinanganak sa Pilipinas, nanirahan sa Pilipinas ng limang taon o higit pa at rehistradong botante ng Pilipinas. 3.) May certificate of eligibility sa civil service. 4.) Walang anumang criminal record. 5.) Maglilingkod ng anim na taon ngunit hindi pwedeng tumakbo sa parehong posisyon sa loob ng labindalawang taon pagkatapos ng kanyang termino. 6.) Walang kamag-anak na nakaupo sa anumang posisyon sa pamahalaan (hanggang 3rd degree of consanguinity) sa panahon ng pagsusumite ng kandidatura.

District Representatives – 1.) Anumang edad at marunong bumasa’t sumulat ang maaaring kumandidato. 2.) Nanirahan sa distrito ng tatlong taon o higit pa at rehistradong residente/botante ng distrito. 3.) May certificate of eligibility sa civil service 4.) Walang anumang criminal record. 5.) Maglilingkod ng tatlong taon, pwedeng tumakbo para sa re-eleksyon ngunit hindi pwedeng tumakbo sa loob ng anim na taon pagkatapos ng ikalawang termino sa parehong posisyon. 6.) Walang kamag-anak na nakaupo sa anumang posisyon sa pamahalaan (hanggang 3rd degree of consanguinity) sa panahon ng pagsusumite ng kandidatura.

Para sa party-list, mangyaring hindi na maghalal ng mga ganitong kinatawan dahil tulad ng NGO, nagagamit din ang party-list representation sa mga kahina-hinalang agenda ng mga pulitiko, negosyante, maka-kaliwa o sinumang nagpapanggap na sila ay kumakatawan sa isang sektor. Sapat na ang mga district representative upang katawanin ang mga kinikilalang sektor ng lipunan dahil sila’y maaatasan sa mga komiteng tututok at tatalakay sa mga isyu sa mga sektor na ito.

Ang panukalang pagsasara sa Kongreso ay isang matinding prosesong nakikita ng marami bilang solusyon sa pagputol sa sistema ng political dynasty. Dahil sa pagiging mas mulat ng mga Pilipino tungkol sa mga nagaganap sa ating lipunan, nagiging mas agresibo ang kasalukuyang administrasyon at ng iba pang nananahimik na Pinoy upang ipalaganap ang pagbabago para sa hinaharap ng pambansang pulitika. Nagsisimula pa lamang ang sinasabing tuwid na daan, at sa pamamagitan nito ay matuto pa sana ang marami sa atin na magpahayag ng mga saloobin at mungkahi, at makiisa sa mga epektibong aksyon tungo sa pag-unlad ng nag-iisa nating bayan.