FAST POST #18: Bullying at ang Maitim Na Batok

Bilang biktima ng bullying noong high school, alam ko kung anong klaseng sakit ang pinagdaraanan ng mga kabataang kinakaharap ang ganitong karanasan sa kasalukuyan. Masuwerte lang talaga ako na malakas ang kapit ko sa Diyos.

Pero hindi lahat ng mga tulad kong nakaranas ng bullying ang masasabi kong tiniis ang pangmamaltratong gaya nito. Ang iba’y umaabot sa pagkabaliw o kaya’y pagpapakamatay.

Hindi ganoong kainit ang isyu ng bullying noon sa Pilipinas. Karaniwan itong parte ng mga pelikula’t panoorin sa telebisyon. Ang terminong ito ay tinatawag na “underdog”. Una kong na-encounter ang ganito kay Princess Sarah at kalaunan ay kay Mara na inaapi ni Clara. Gayundin sa mga superhero at sa napakaraming karakter na naging tampulan ng atensyon ng sambayanan, paraan upang sumikat ang mga artistang gumaganap nito.

Pero nung ako na ang “underdog” sa sarili kong teleserye, hindi ko inaasahan na ganun pala kasakit ang alipustahin ng iyong kapwa sa halos apat na taon. Dahil sa maitim na batok (dahil nga mataba ako mula noong bata ay hindi ganoon kahaba ang leeg ko kaya naiipit ang mga kung anuman) ay naging bigat iyon sa aking puso na araw-araw kong pinaghahandaan. Hindi naman ako palaban noon kaya maapi man ako’y walang paraan para makalaban sa kanila. Ang nasa isip ko lang noon ay ang mag-aral nang mabuti dahil sa ganoong aspeto ko lang sila madadaig.

Batok. Ang itim ng batok mo. Ambaho mo. Wala akong matandaang iniyakan ko ang panunuksong ito (o kung tutuusi’y bullying na sa kategorya sa kasalukuyan) dahil iyon ang katotohanan. May mga pagkakataong pumalag ako, nagtagumpay eh hindi doon natatapos. Siguro, kung di lang ako nakakapit sa Diyos noon at sa pangako ko sa aking mga magulang na sa pag-aaral lang tumutok, malamang, nagpakamatay na ako.

Oo. Napakasuwerte kong buhay pa ang tulad kong biktima ng napakalupit na dilang espada ng aking mga kamag-aral. Ipinagpasalamat kong ginabayan ako ng Panginoon na gamitin ang mga ito na hamon upang hasain ang sarili at hindi makita ng ibang tao kung paano ako tingnan ng mga kaklase ko noon. Mataba pa rin ako. May improvements pero ako pa rin ang matabang nerd na walang alam kundi matuto nang tuloy-tuloy sa hamon ng buhay. May kakayahan na akong labanan ang kanilang mga nakakamatay na salita, pero hindi ko gagawin yun. Hindi ako pinalaking naghihiganti.

Ang isyu ng bullying ay isa nang malawakang isyu ngayon sa bansa. Mas lumalala ito sa mga kabataan dahil sa easy access ng kung ano-anong impormasyon gamit ang makabagong teknolohiya. Malaki ang impluwensiya ng kanilang pag-uugali sa kung ano ang nakikita, naririnig at nababasa nila kaya malaking hamon sa mga magulang, mga paaralan, mga simbahan at ng pamahalaan na baguhin ang ganitong pananaw ng kabataang Pilipino. Mababait ang mga kabataang Pilipino, higit sa ibang lahi. Huwag natin hayaang magdusa ang ating kabataan dahil sa kapabayaan ng ating henerasyon. Huwag nyo silang hayaan na maging tulad ko noon.

FAST POST #17: Ano Ang Pagiging Kristiyano? (Base Sa Aking Mga Karanasan At Natutunan)

Wala akong iko-quote na Bible verse sa artikulong ito. Lahat ng ito ay base sa aking buhay bilang tagasunod ni Hesus bilang aking Diyos at Tagapagligtas. Kung anuman ang aking masabi, nawa’y galangin ito ng mga mambabasa. Hindi intensyon ng manunulat na manira ng grupo o relihiyon. (Masyadong maaga para sa Semana Santa pero eto ang nararamdaman kong isulat ngayon.)

Lumaki ako na isang mahinang klase ng Katoliko. Sa aking natatandaan, pumupunta lang ako sa simbahan kapag: 1.) New Year 2.) birthday ko 3.) Easter Eve/Salubong 4.) Simbang Gabi [at ilang taon ko siyang nakukumpleto sa parehas na oras, 3:00am] 5.) Christmas Eve [bago mag-Noche Buena] ; at 6.) New Year’s Eve [kapag malakas ang loob kong hindi mapuputukan ng mga paputok sa kalye papunta’t pauwi] . Minsan lang sa isang taon ako nagsisimba sa araw ng Linggo o magdasal bago matulog at pagkagising. Nag-a-antanda ako kapag napapadaan sa simbahan, pero ginagawa ko lang yun dahil nakasanayan ko na dahil nga ako’y isang Katoliko.

Nitong taon ay nagpasalamat ako dahil nabuksan ang aking puso upang makilalang muli ang Diyos sa pamamagitan ng isang international youth organization na pinapatakbo ng isang born-again Christian group na base sa Korea. Naging masaya ako dahil nakakilala ako ng mga bagong kaibigan, Pilipino at Koreano, pero ang importante’y muli kong nakaharap si Hesus bilang nag-iisang nagligtas ng aking kaluluwa.

Wala akong nakitang masama sa kanilang mga pangaral dahil naniniwala akong ang mga Kristiyano, magkakaiba man ang sinasalihang grupo, ay nananalig sa kung ano ang inihayag ng Panginoon sa Bibliya. Nakabuti ang kanilang pagtuturo ng mga Salita ng Diyos upang guminhawa ang aking buhay-ispirituwal.

Wala akong nakitang mali sa grupo at kanilang turo, pero ang mali ay nasa iilang tao sa loob ng grupo. Habang tumatagal ay naramdaman ko ang isang pagkakamaling sa tingin ko’y hindi maka-Kristiyano — ang kawalan ng respeto at pagkait sa pagtanggap sa tunay na ako. Sa ilang buwang pagpo-focus ko sa pagbabasa ng Bibliya ay wala akong natandaang nambastos si Hesus o nagkondena sa pagkatao ng isang tao. Kahit ang makasalana’y Kanyang tinanggap at pinatawad ang mga kasalanan. Binigyan Niya ng pagkakataon ang lahat na makilala Siya at isapuso ang Kanyang mga aral nang walang pangmamata sa tunay na katangian ng mga taong Kanyang naengkwentro.

Ganoon ang inaasahan ko noong una, tinatanggi ang mga sitwasyong aking nakita na parang di makatarungan. Pero dahil sa mga sitwasyong di intensyonal ay napagtanto kong hindi sa lahat ng pagkakataon ay pwede mong buksan ang iyong puso sa lahat ng oras dahil hindi lahat ng nakakausap mo ay mapagkakatiwalaan mo at hindi lahat ng nakikinig sa’yo ay makakaintindi sa kalagayan mo.

Wala akong sama ng loob sa grupong ito dahil binigyan nila ako ng pagkakataon upang makilalang muli ang Diyos sa aking buhay. Binigyan nila ako ng daan upang ipakita ang talento ko bilang lider at bilang kapaki-pakinabang na kabataan. Nagpapasalamat ako sa Diyos at nakilala ko sila at natuto ng napakaraming bagay para maging isang tunay na Kristiyano.

Maaaring sa artikulong ito’y sasabihin ng iilan na ako’y “natisod” na sa paniniwala ko kay Hesus at sa Magandang Balita ng Panginoon. Maaaring maraming magagalit at madidismaya. Pero mula sa natutunan ko sa kanila, ang matutunang rumespeto at tanggapin ang kahinaan ng tao ay mga bagay na dapat taglayin ng isang Kristiyano. At kung totoo silang Kristiyano at totoong naging kaibigan nila ako, ay matatanggap nila at gagalangin ang desisyong ito na idinulog ko sa Panginoon sa sapat na panahon.

Maaaring natisod nga ako bago ko muling pahalagahan si Hesus. Pero katulad ng una kong sinabi sa Facebook, aalis lang ako sa grupo pero hindi sa pananampalataya. Ang Kristiyano ay mananatiling Kristiyano hangga’t buong puso kang naniniwala na si Hesus ang iyong Panginoon at Tagapagligtas. Maaaring kailangan ng isang grupo o simbahan para mapatatag ang iyong kaluluwa para kay Hesus. Magkagayunman, hindi sa grupo ng mga tao makikita ang kasiyahan, kundi sa paniniwala mo sa Kanya..Hangga’t nananalig ka kay Hesus at nananatili sa’yo ang katangiang maka-Kristiyano, lalo na ang paggalang, pagtanggap at pagtitiwala na Diyos lang ang magbibigay sa’yo ng pagbabago at Kaligtasan, ibibigay sa’yo ng Langit ang kanyang papuri, pasasalamat at biyayang hindi mo inaasahan.
Ngayon ko lang napagtanto na ako lang ang mali sa aking pagdududa sa aking kinagisnang paniniwala, pero matagal na pala akong iniligtas ni Hesus. Tinatago lang pala ng aking pag-iisip ang pananampalataya ko sa Kanya. Gumawa lang Siya ng mga sitwasyon upang makilala ko Siyang muli at manatili sa Kanya. Gumawa Siya ng paraan upang ipunla sa aking puso na hindi basehan ang pagpapalit ng relihiyon upang maibalik ako sa Kanyang bisig.

Eto ang tunay na muling pagsilang. Ang pagbabalik loob kay Hesus bilang mas kapaki-pakinabang Niyang lingkod. Ang pananatili sa tunay na paniniwalang Katoliko gamit ang mga karanasan at mga natutunan para maging matibay na Kristiyano.

Mas kakayanin ko nang dumalo sa mga misa tuwing Linggo, isasapuso ang bawat antandang aking gagawin kapag ako’y dumadaan sa harap ng simbahan, at magiging mas makabuluhan na ang aking magiging dasal tuwing gabi at umaga para magpasalamat sa buhay na kanyang ipinagkatiwala.

Sa Ngalan Ng Ama, Ng Anak, At Ng Espiritu Santo. Amen.

Si Andrey Khanov, Ang Bahagdan Ng Mga Nagbabasang Pilipino At Ang Kinabukasan Ng Wikang Filipino

Maaaring huli na ang artikulong ito para sa paggunita ng Buwan Ng Wka, pero sa pamamagitan nito’y nananalig ang sulating ito na hindi pa huli ang lahat para MAS pahalagahan pa natin ang ating lenggwahe’t kulturang pilit na natatabunan ng makabagong panahon.

Noong nakaraang linggo’y naitampok ni ABS-CBN News Senior Political Correspondent Lynda Jumilla-Abalos (@lyndajumilla) ang naganap na pagpupulong ng mga pinuno ng mga bansang kasapi ng Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) sa Vladivostok, Russia. Ngunit bago ang nasabing pulong ay nakilala ni Jumilla ang isang Russian volunteer na nagpamangha sa napakaraming Pilipino dahil sa kanyang matatas na pagta-Tagalog.

Maaaring hindi natatangi sa buong mundo ang tulad ni Andrey Khanov, 19, estudyante ng Moscow State University, pero sa isang bansang tulad ng Russia ay may isang estudyanteng nagkaroon ng panahon upang matutunan ang wika’t kultura ng isang bansang nasa alanganing estado ang ekonomiya, lipunan at pag-alala sa kasaysayang unti-unting nilalamon ng modernisasyon.

Isa sa mga hangad ni Khanov, ayon sa balita, kung bakit niya napili ang Pilipinas bilang lugar ng kanyang interes ay upang makatulong na makilala ang bansa sa kanyang bansa. Siguradong marami sa atin ang kahit papaano’y may kaalaman sa kontribusyon ng Russia sa kasaysayan ng daigdig. Sa layunin niyang ito’y maibabahagi ni Khanov ang handog ng Pilipinas at ng mga Pilipino sa mundo, at maipalaganap ang ating kulturang tunay na natatangi sa lahat. Dito rin ay mas nakikita natin kung gaano kahalaga ang pagpapahalaga ng ISANG BANYAGA sa ating SARILING WIKA.

Nitong Linggo naman ay naiulat sa TV Patrol Weekend ang pagbaba ng bilang ng mga Pinoy na nahihilig sa pagbabasa at ng mga Pinoy na bumibili ng libro. Ayon sa pananaliksik ng National Book Development Board, mas nahihilig pa raw tayo ngayon sa mga outdoor activity, lalong-lalo na ang mga kabataan sa kasalukuyan. Kaakibat nito ang pagbaba ng bahagdan ng mga bumibili ng mga aklat na hindi konektado sa eskuwela tulad ng mga novel, self help books at iba pa.

Hindi na kagulat-gulat ang sitwasyong ito na masasabi nating may kaugnayan sa kalunos-lunos na kalagayan ng edukasyon sa Pilipinas at ang namimiligrong lagay ng pagpapanatili ng mga sipi at istrukturang magpapakita ng ating kasaysayan at kultura sa mga susunod pang henerasyon ng mga Pilipino. Ang pagbabasa ang isa sa mga pundasyon ng karunungan, kapantay ng pagsusulat na inuumpisahan sa ating pagkabata. Ito ay pangunahing obligasyon ng mga magulang, ng pamilya, ng paaralan at ng pamahalaan upang lumaki tayong umuunlad gamit ang ganitong basikong kaalaman. Parte ng pag-unlad ng isang tao ang pagdiskubre ng mga bagay na patungkol sa agham, sining, paniniwala’t pananalig sa Diyos, at ang pagpapanatili ng kasaysayan at kulturang hinubog at ipinagtanggol ng ating mga bayani sa loob ng daan-daang taon.

Ano ang kaugnayan ni Khanov sa isyung ito? Sa unang tingin, sasabihin nating pareho lang tayo ni Khanov na gustong makilala ang kultura ng ibang bansa upang umunlad ang personal na karanasan at kaalaman sa mundo. Totoo. Pero ang kaibahan ni Khanov sa atin ay ang pagkilala ng kanyang lahi sa kahalagahan ng kultura’t kasaysayan, hindi lang sa ating kasalukuyang lipunan kundi sa ating sariling pamumuhay. Matatag ang bansang Russia sa pagbibigay nito ng importansya sa sining, panitikan, musika, pelikula, sayaw at maging sa mga produkto nila. Pero tayong mga Pilipino? Bilang mga indibidwal, gaano kabigat ang binibigay nating pansin sa sariling wika, sining, literatura, sayaw at mga bagay na gawa natin habang pinagtitiyagaan nating matuto ng salitang Korean, o pagkaadik sa KPOP at Korean drama o pagkalulong natin sa American action comics o Japanese manga? Gaano tayo kalalim sa pagsasalita ng wikang Filipino habang pinaglalaanan natin ng pera’t oras ang pag-e-enroll sa intensive foreign language classes? Paano tayo gumawa ng mga de-kalibreng pelikula at kanta na walang impluwensiya ng banyagang panlasa?

Hindi kaila sa atin na ang ating panahon ay nasa Internet age na. Lahat ng impormasyong ating kailangan ay ise-search mo na lang sa Google at mababasa sa Wikipedia. Ganito na rin ang kalakaran sa maraming bansa sa daigdig, pero bakit kahit gaano pa tayo ka-Internet savvy ay mabagal pa rin ang ating pag-unlad bilang ekonomiya at bilang isang bansa? Ito ay sa dahilang hindi natin pinaglalaanan ng masinsinang atensiyon ang pinakaposte ng karunungan — ang pagkatuto na magbasa ng aklat.

Ang aklat ay maituturing na kayamanang ibinahagi ng manunulat nito para maipasa ang kaalaman, emosyon at inspirasyong nagpamulat at nagpaunlad sa kanya bilang tao. Isang pribilehiyo ang makapagbasa ng aklat na hinabi ng mga magagaling na manunulat na nabuhay sa digmaan, paghihirap at kawalang pag-asa. Hindi mae-edit ng sinuman ang kaalamang nakalagay sa libro, lalo na kung isang eksperto at subok na totoo ang mga nakapaloob dito. Ang pagbili ng libro ay parang pagrerenta ng 24 oras sa isang internet shop. Mas nagtatagal kaysa ebooks sa IPad na kapag nalintikan ng virus ay mawawala na.

Ang pagkatuklas kay Khanov at pagkilala sa napakaraming dayuhang nagkakainteres sa ating wika’t kultura ay isang paalala sa ating lahat. Isang paalalang kinakailangan ng Pilipinas upang mapagtanto nating walang sinumang umuunlad ang hindi nagpapahalaga sa ugat ng kanyang katanyagan. Si Dr. Jose Rizal na mismo, ang Pambansang Bayani ng bansa ang nagsabi, na ang di marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda. At alam na alam natin na ang di marunong lumingon sa pinanggalingan ay di makararating sa paroroonan.

Hindi lamang sila mga pangungusap na tinuran para makapambola tulad ng ginagawa ng maraming pulitiko. Ang mga ito’y hinabi upang pakinabangan para lahat tayo’y makapagkamit ng kaunlarang naghihintay lang sa atin sa tamang patutunguhan.

 

Sanggunian:

Russian na magaling managalog, sinabulong si PNoyhttp://www.abs-cbnnews.com/video/nation/09/07/12/tagalog-speaking-russian-welcomes-pnoy-vladivostok

Business Nightly – Filipino-speaking Russian helps with APEC summithttp://anc.abs-cbnnews.com/videos/2262/filipino-speaking-russian-helps-with-apec-summit/