KAHON: Ang Animnapung Pangalan, Salita at Pamagat Sa Telebisyong Pinoy Na Nakatatak Sa Aking Alaala

UNA SA LAHAT: Ngayong araw na ito, ika-23 ng Oktubre, ang ika-58 anibersaryo ng telebisyong Pinoy at ng kauna-unahang commercial television station sa buong Asya, ang ABS-CBN. Ako ay isa sa mga libu-libong Pilipino na gumugunita sa napakahalagang petsang ito ng ating kasaysayan. Naimpluwensiyahan ng telebisyon ang ating bansa at nararapat lamang na siya’y bigyang halaga sa kanyang kaarawan. Sa lahat ng television networks, Kapamilya ka man, Kapuso, Kapatid, Kabarkada, Kasambahay at kung ano-ano pa, happy birthday po, telebisyong Pinoy!

 

Ang 60 terminolohiyang sinasaad ng lathalaing ito ay purong alaala ko lang. Hindi po ako gumamit ng Google o anumang search engine sa Internet upang gawing gamot na pampaalala sa mga nakalimutan ko na. Kung mapapansin po ninyo, karamihan sa mga ito ay naganap noong dekada ’90 – ang sinasabing second golden age ng Philippine television. Ang mga ito rin ay masasabi kong personal na karanasan na maaaring nagbigay-daan upang palawakin ang kaalaman ko sa mundo ng telebisyong Pinoy.

 

Alam kong sa ilang makakabasa, marami ang makaka-relate sa mga mababanggit kong mga salitang patungkol sa Philippine television. Kaya sana po ay i-enjoy ninyo ito.

 

 

01. Charito Solis bilang Ina Magenta sa ‘Okay Ka Fairy Ko’

02. Digital LG Quiz

03. ‘Maalaala Mo Kaya’ tuwing Huwebes ng gabi

04. Ang “Promac’s Mahiwagang Tunog” ng ‘Family Kwarta O Kahon’

05. Julio at Julia: Kambal Ng Tadhana

06. Sina Cedie, Sarah, Peter Pan at Cinderella

07. Si Guro Clef [Magic Knight Rayearth] at Gurong Serabie [Akazukin Cha Cha]

08. ‘Chinese Movie Feature’ tuwing Sunday, 8AM sa Channel 2, pagkatapos ng Sunday TV Mass

09. Ang halakhak ni Celina [Princess Punzalan] sa ‘Mula Sa Puso’

10. “Kung walang knowledge, walang power! … babaaaaayyyy!” – Ka Ernie Baron, Knowledge Power

11. Ang mga Halloween episode ng ‘Magandang Gabi Bayan’

12. Ang mahabang la mesa ng mga anchor sa ‘TV Patrol’ kung saan nakaupo si Ka Kiko Evangelista, Mel Tiangco, Noli de Castro at Angelique Lazo

13. “*ubong may laman*… ehem! ex—cuse me poh!!!” – Mike Enriquez, 24 Oras

14. Si Paloma at Altagracia

15. Bananas in Pajamas

16. Marinella

17. Valiente

18. 90s version ng 3 o’clock Habit

19. Ghost Fighter

20. Ukiramba ng ‘Mask Man’

21. “Chicken!” – Tropang Trumpo

22. Familia Zaragoza

23. The 9-11 terror attack TV coverage

24. “Time space warp… ngayon din!” – Ida, Shaider

25. Cynthia Luster sa ‘Bioman’

26. ‘The World Tonight’ with Angelo Castro Jr and Loren Legarda

27. Murphy Brown

28. “Please…. pray the rosary” – Family Rosary Crusade plug sa ABC 5

29. Alas Singko Y Medya

30. The Probe Team

31. Abangan Ang Susunod Na Kabanata

32. Dayanara Torres at Michelle Van Eimeren

33. Ober Da Bakod

34. Sarimanok

35. Super Laff In

36. ‘WWF’ wrestling sa ABC 5 tuwing Sabado ng gabi

37. ‘Channel V’ sa Citynet UHF Channel 27

38. Last day ng ABC 5 sa ere bago maging TV5

39. ‘Julie!’ with Julie Yap Daza

40. Martin After Dark

41. Chinese cooking show tuwing Sunday, 9AM sa Channel 9

42. Awit, Titik, Bilang At Iba Pa (ATBP) at Batibot

43. 5 And Up

44. Showbiz Linggo

45. “Huwag i-deny, don’t tell a lie… AMININ!” – Rey Pumaloy, Eat Bulaga

46. Villa Quintana

47. Tierra Sangre

48. Encarnacion Bechavez

49. Maria Mercedes

50. Palibhasa Lalake

51. Maricel Drama Specials

52. Ang Pangarap Kong Jackpot

53. Cathy Villar, Tina Revilla at Timmy Cruz hosting the PCSO Lotto Draws

54. Silhouette 40

55. 1994 Miss Universe TV coverage sa Maynila

56. Mara Clara

57. Ang submarinong Nautilus sa ‘Mahiwagang Kwintas’

58. Battle of the Brains

59. ‘Ang Dating Doon’ sa Bubble Gang

60. Rita Repulsa sa unang ‘Power Ranger’ series

 

KAHON: BATONG BIGNOY – Ang Hiwaga Ng Pinoy Fantaserye

Una Sa Lahat: Ang artikulong ito ay unang inilathala noong Abril 2005 sa Ang Pamantasan, ang official student publication ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila. Nilalaman nito ang mga pangyayari mula nang magsimulang sakupin ang telebisyong Pinoy ng isang bagong format ng drama series, ang pag-angat ng fantaserye.

Malikhain ang pag-iisip nating mga Pilipino. Nakakalikha ng maraming bagay na imposibleng magawa, ngunit nabibigyang-buhay dahil sa ating malikot na kamay at imahinasyon. Nakakakuha ng ibang konsepto sa ibang bagay at nabibigyan ng kakaibang pag-anyo na mas maganda pa kaysa orihinal nito.

Sa kasalukuyan, tayong mga Pinoy ay ‘adik’ sa panonood ng telebisyon, lalo na sa mga ‘teleserye’. Ang laman ng telebisyong Pinoy ngayon ay mas kakaiba kung ihahambing mo, limang taon na ang nakalilipas. Mas naging kapana-panabik ang mga eksena at mas naging award winning pa, hindi lang dito sa bansa kundi maging sa ibayong dagat. Nabebenta na rin sa ibang bansa ang mga gawa nating palabas, tulad ng “Pangako Sa’Yo” na nanguna sa mga palabas sa Malaysia at patuloy na pinapalabas sa ibang bansa. Hindi na rin puro Spanish ang ating napapanood, kundi yung mga galing naman sa bansang Korea at Taiwan na tinatawag nating ‘chinovela’.

Siyempre, hindi rin natin maiiwasan ang mabilis na takbo ng ating panahon. Kaya nagiging malawak na rin ang pag-iisip ang mga Pinoy, pagdating sa paggawa ng mga konseptong ginagamitan ng makabagong teknolohiya. At dito nabuo ang isang uri ng programang tinatangkilik natin sa kasalukuyan – ang ‘fantaserye’. Bakit nga ba ‘fantaserye’? Siguro, nasa pag-iisip na rin natin kung bakit ang mga ganoong uri ng palabas ay tinawag na ‘fantaserye’. Sa diksyunaryong Ingles, ang salitang ‘fantasy’ ay imahinasyon, at ang ‘serye’ ay nanggaling sa salitang teleserye.

Kailan ba nagsimulang ipalabas ang tulad ng mga ‘fantaserye’? Ang ganitong konsepto ay matagal nang nauso sa ibang bansa. Noong bata pa tayo, ang mga Intsik na palabas tuwing Linggo ay naglalaman ng mga istoryang may halong mahika.

Pero nagbago ang lahat sa kasaysayan ng ating mga telenovela’t teleserye dahil nagsimula na ang bagong trend sa paggawa ng telenovela, at sa pagkakataong ito, ang target naman ng primetime television ay ang mga bata, at pati na rin tayong mga ‘young at heart’. Noong isang taon lamang (2004), buwan ng Pebrero, ay sinimulan ng ABS-CBN ang kauna-unahang likhang fantaserye sa telebisyonm at ito ay ang kuwento ni “Marina”. Hindi maikakailang ang konsepto nito ay galing sa tanyag na pelikulang “Dyesebel”, na maraming beses nang isinapelikula noong dekada ’90. Ngunit dahil sa makatotohanang special effects, costumes, istorya at pagganap ng mga artista, nagkamit ito ng pinakamataas na rating sa primetime nang maraming buwan.

Siyempre, hindi maiiwasan na magkaroon ng mga sumunod sa unang nakalikha. Gumawa naman ang GMA 7 ng kuwelanovelang “Marinara”. Hindi ito masyadong nagtagal sa telebisyon kaya muli silang lumikha ng isang kakaibang obra at ito ay ang telepantasyang “Mulawin”. At dahil sa mga tauhang ‘taong ibon’, nagkamit rin ito ng mataas na rating sa telebisyon. Dito na nagsimulang sumulpot ang mga karakter na ngayon lang naglabasan, tulad nina Krystala, Leya, ang mga nilalang na may extraordinary powers sa “Spirits”, at ang mga mandirigmang diwata mula sa lupain ng “Encantadia”. Nagsisimula na ring isalin sa telebisyon ang mga sikat na alamat na sa pelikula lang dating napapanood at sa mga komiks lang nababasa, tulad nina Darna, ang Kampanerang Kuba at ang Panday.

Sa fantaserye, nauso na rin ang mga kakaibang pangalan tulad na kina Istah, Alwina, Pagaspas at ang sikat na sikat na si Dugong. Nainis sa mga kasamaan ni Pirena at Braguda. Mas na-inlove tayo sa mga romantikong paraang nagpapakita ng wagas na pag-iibigan. Naging ‘klik’ din ang mga salitang hindi naman naintindihan pero tinangkilik pa rin tulad ng salitang ‘ugatpak’ at ‘batong bignoy’.

Tunay ngang sinakop na ng fantaserye ang telebisyong Pinoy at maging ang imahinasyon nating mga Pilipino. Hindi man tayo mga batang walang kamalay-malay sa galaw ng mundo, naaakit nila ang mga puso’t damdamin sapagkat kahit papaano, natupad nila ang mga pangarap nating lumipad sa kalangitan, lumangoy sa malalalim na karagatan at magkaroon ng kapangyarihan. Pinatunayan din nila kung gaano ka-importante ang kalikasan, pagkakaisa at pamilya sa pagkakaroon ng isang maayos na sangkatauhan. Kapos man sa teknolohiya ang ating bansa, kumpara sa teknolohiya ng mga karatig bansa, masasabi nating kaya nang lumaban ng Pinoy fantaserye sa iba, hindi lang sa special effects kundi sa istoryang may kabuluhan. Mas makapangyarihan pa sa ‘batong samared’ at sa pulang bato, ang fantaserye ay tunay na tatak Pinoy at patunay sa galing ng Pilipino.

Ang Panaginip Na Pinagsisihan Kong Hindi Ko Napaginipan Nang Mas Maaga

Marami ang ibig iparating kung tayo ay nananaginip. Maaaring ito’y pag-alala sa ating nakaraan, paglingon sa ating posibleng kinabukasan, babala sa maaaring mangyari sa atin at pagpaparamdam ng kung anong puwedeng maganap kung ang mga pinapangarap natin sa buhay ay magkatotoo.

Pero hindi ko akalain na dahil sa isang panaginip ay matatanto ko na ito ay sampal na realisasyon na ang isang bagay na pilit kong hindi pinapansin ang siyang tunay na hinahanap ko at ngayo’y lalong nakakagulo sa pagtibok ng aking puso.

Isa akong kaluluwang napadpad sa dimensyong maghahanda sa akin sa aking kinabukasan, sa aking pagbabalik bilang normal na nilalang. Napakaraming tulad kong naghahanap ng tunay na pagkakakilanlan upang makaahon sa hirap ng kawalan at pinagsama-sama kami ng mga anghel upang tulungang maisakatuparan ang aming hangad. Dito ko nakilala ang isang kaluluwang nagtataglay ng magandang mukha at matatas na pananalita’t pag-iisip.

Para sa akin, hindi siya ekstra-ordinaryong kaluluwa, pero sa maraming araw na magkasama kami, sa tingin ko’y nagkamali ako. Dumating ang mga pagkakataong hindi na nagiging ordinaryo ang trato ko sa kanya. Sa tuwing katabi ko siya sa mga lihim na kasiyahan at apektado ng gayumang dulot ng tubig ng paglimot, pakiramdam ko na ako’y ligtas. Sa tuwing siya’y nakatitig, nakangiti’t masayang nakikipagpalitan ng mga salita sa akin, hindi ko maiwasang tumingin lang sa kanya at hinahayaang angkinin niya ang aking atensiyon. Sa tuwing hindi kami magkakasundo sa aming mga ideolohiya, para kaming mga hangal na nag-iiwasan ng mga mata pero nagpapakiramdaman kung tama bang nagtalo kami o isa lang paghamon sa aming nagsisimulang lalong pagkakasundo.

Hindi ang tipo niya ang gusto kong maging kakabit ng aking puso, pero habang papalapit nang papalapit ang panahong maghihiwalay na kami ng landas at babalik sa normal naming buhay, nalulungkot ako dahil ang pakiramdam ko’y hindi na niya ako maaalala. Nung malaman kong may nagmamay-ari na ng kanyang puso, para akong tinusok ng karayom sa aking puso at utak, pero pilit na nakangiti’t sumasabay sa alon ng kanyang kasiyahan. Alam kong mali ang pakiramdam na iyon, kaya’t nanindigan akong isa lang siyang panandaliang kaluluwang dinaanan lang ng aking buhay papunta sa dapat kong kalagyan.

Nakatagpo ako ng kaluluwang yumakap sa aking sistema at ako’y tuluyan niyang inangkin. Tuluyan ko nang inabandona ang inilaan kong pagtingin sa kanya at tinuring na lamang siyang isa sa mga lumiligid sa aking kalikasan, tulad ng ibang nakilala ko lang sa dimensyong iyon… ngunit dumating ang isang pagkakataong nakapagpabago sa aking mga paniniwala – at iyon ay ang pagtungo ng aking huwisyo sa mundo ng panaginip.

Mapanlinlang ang mga panaginip. Nakikita nila ang pagkaambisyoso ng mga kaluluwa sa gusto nilang mangyari kaya inaabuso nila ito’t nagpapaka-impostor, niyayakap nila ang bawat kaluluwang naroon at dinadala sa pansamantalang kasayahan na magdudulot ng pag-asang walang siguradong kapupuntahan. Akala ko’y ganun din ang gagawin nila sa akin, pero may isang panaginip na sumigaw sa aking pagmumukha’t tinumba akong parang posteng binuwag ng malakas na hampas ng hangis.

“HUWAG MO NANG ITANGGI! SIYA ANG GUSTO MO! TAKOT KA LANG DAHIL HINDI KAYO PAREHO NG ESTADO! SIYA ANG PANGARAP MO AT HINDI ANG TAONG NASA IYO NGAYON! SIYA ANG GUSTO MO! SIYA ANG MAHAL MO!”

Nakakabinging sigaw, kaalinsabay ng malakas na hanging may dalang alikabok. Pinilit kong dumilat pero ang nakita ko’y isang puting kawalan. Tuluyan kong binuksan ang aking mga mata at nakita ko sa puting kawalan ang isang imaheng papalapit sa akin. Kilala ko siya. Siya nga. Hinawakan niya ang aking mga kamay at niyakap. Sa pagyakap na iyon ay bumalik ang mga alaala ng aming masasayang pagsasama. Ang mga alaalang ako’y nakatitig lang sa kanya nang walang dahilan. Ang mga alaalang naiinis ako sa kanya dahil di niya napapansin ang mga ginagawa kong maganda. Ang mga alaalang halos magkadikit ang aming mga mukha sa tuwing binubulong niya ang kanyang mga hinaing at mga punto. Ang mga alaalang tinatanggi ko na gusto ko siya. Lahat ng iyon ay umikot sa aking hinuha habang kayakap ko siya sa mundo ng panaginip. Isang panaginip na ayoko nang matapos.

Dumilat ang aking mga mata sa araw na ang lahat ay matatapos na. Lahat kami ay lilisan na sa dimensyon ng paghahanda. Hindi ko alam kung paano ako haharap sa kanya at mamamaalam. Dumating ang takipsilim, natapos na ang mga dapat tapusin bago tuluyang tuldukan ang lahat. Nagkaroon ng piging at yun ang huling pagkakataon na iinom kami ng tubig ng paglimot bilang mga preso ng mga panuntunan. Bagama’t may pagkailang ay pinilit kong maging normal ang lagi naming ginagawa na kuwentuhan at tawanan. Pinilit kong maging normal sa tuwing may ibubulong siya na halos magkadikit na ang aming mga mukha. Pinilit kong maging normal at nagtagumpay ako. Pero tama nga ba ang ginawa ko?

Naglalakad ako pauwi na binubuo ang palaisipan ng aking puso na lalong nagiging mahirap dahil sa epekto ng tubig ng paglimot. Sa gitna ng pagkatulala ay narinig ko ang aking pangalan, ang pangalan kong kanyang sinisigaw. Sa aking paglingon, nakita kong nakangiti siyang kumakaway, nakangiting nagpapaalam. Hindi ako nakagalaw nang labinlimang segundo sa aking kinatatayuan, at saka tumalikod at bumalik sa kawalan.

Oo. Siya nga marahil ang gusto ko. Siya nga marahil ang aking pangarap. Siya nga marahil ang mahal ko. Pero hindi ko binigyan ang tadhana ng pagkakataong iparamdam ang pagsintang iyon sa kanya. Pareho na kaming masaya. Ako sa piling ng iba at siya sa piling din ng iba. Huli ko mang natantong mahal ko siya dahil sa panaginip na iyon, ngunit masaya akong naging bahagi siya ng aking paglalakbay. Hindi ako naniniwalang iyon ang huli naming pagkikita. Alam kong magtatagpo pa kami ng landas. Sana, sa aming pagtatapong muli sa hinaharap ay walang mabago. Sana. Sana.