Pasado At Kuntento: Paghimay Sa Ikalawang SONA, Ang Pangunahing Ulat Sa Bayan Ni Pangulong Benigno Aquino III

 

Nitong nakaraang Lunes lamang ay naganap ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ng ikalabing-apat na pangulo ng Republika ng Pilipinas na si Benigno Simeon Cojuangco Aquino III. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na mag-uulat siya sa kanyang mga tinuturing na ‘boss’, ang mamamayang Pilipino, ng tungkol sa kanyang mga nagawa sa unang taong pagkakaupo niya bilang pinuno ng bansa.

Marami ang nagsasabing kulang ang mga sinabi ng Pangulo. Magandang talumpati pero walang sustansiya. Puro patutsada sa nakaraang administrasyon. Emosyonal ang mga pahayag ngunit walang pangmatagalang programa at puro pangako ang dala.

Kasama akong nakatutok ng buong Pilipinas sa SONA. Sa isang oras na pakikinig, aaminin ko, hindi naman lahat ng iyon ay aktwal na nasagap ng aking isip at tainga. Kaya habang nanonood ay ni-record ko ito mula sa aking cellphone upang muling mapakinggan nang masinsinan ang mga pinangako, mga pinangakong nagawa, mga ipinapangako, at mga napako sa nakalipas na isang taon ng kanyang panunungkulan.

“Wangwang”. Una natin itong narinig sa kanya noong siya ay humarap bilang bagong panumpang Pangulo ng bansa. Ito ang naging simbulo niya sa pang-aabuso sa kapangyarihan ng ilang mga nasa pamahalaan, pulisya at militar. Naging adbokasiya pa nga niya ito dahil kahit siya ang pinakamataas na pinuno ng Pilipinas ay hindi siya gumagamit ng wangwang kung hindi naman talaga kinakailangan ng pagmamadali.

“Ang mga dapat na naglilingkod ay siya pang nang-aapi. Ang panlalamang matapos mangakong maglingkod… Iyan po ang utak wangwang.”

Ngayong SONA ay patuloy niyang ginamit ang simbolismo ng wangwang bilang hadlang sa pagkakamit ng tamang pamamalakad sa pamahalaan. Tinawag niya ang mga nananamantala sa pag-unlad ng bayan bilang mga wangwang na humahawi sa mga taong nagnanais ng pagbabago.

Panata ng Administrasyong PNoy ang paglinis sa sistema ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at maging sa ilang parte ng pribadong sektor. Isa sa mga naging matunog ay ang pagsugpo sa kinasanayang sistema sa government-owned and controlled corporations (GOCCs), kung saan marami sa mga dating namuno rito ang patuloy na kinakasuhan ng katiwalian.

Inilahad niya sa kanyang ulat ang ilan sa mga naging resulta ng kanilang kampanya kontra sa mga ‘wangwang’. Nariyan ang pagsasaayos ng bidding procedures sa mga proyekto’t kontratang pinapasok ng gobyerno, lalo na sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Energy (DOE); ang pagpapalawig sa tamang pagbabayad ng buwis, malikhaing pamamahala at paggastos sa pambansang budget; pagbuwag sa maling pagpapatakbo ng pamahalaan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) at ang sunod-sunod na pagsasampa ng kaso sa mga umabuso sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Naging tampok din sa talumpating ito ang pagtatalaga niya kay dating Supreme Court Associate Justice Conchita Carpio Morales bilang bagong Tanod Bayan, kapalit ni dating Ombudsman Merceditas Gutierrez. Matatandaang si Morales ang nagpanumpa kay Pangulong Aquino noong Hunyo 2010 at isa sa mga nagtulak upang ituloy ang Truth Commission para paimbestigahan ang mga anomalya noong panahon ni dating Pangulo’t kasalukuyang kinatawan ng Pampanga, Gloria Macapagal-Arroyo. Isa rin siya sa mga bumoto para sa ligalidad ng isinampang impeachment case laban kay Gutierrez.

“May mga nagsasabing pinepersonal ko raw po ang paghahabol sa mga tiwali. Totoo po. Personal talaga sa akin ang paggawa ng tama. Ang pagpapanagot sa mga gumagawa ng mali, sinuman sila, at di lang dapat ako ang namemersonal sa usaping ito. Personal dapat ito sa ating lahat dahil bawat Pilipino ay biktima nito. Ang mali, gaano man katagal itong nanatili ay mali pa rin. Hindi pwedeng OK lang. Hindi pwedeng wala lang yan. Kapag kinalimutan natin ang mga ito, mangyayari lang ulit ang mga kamalian ng nakaraan. Kung hindi magbabayad ang mga nagkasala, parang tayo na rin mismo ang nag-imbita sa mga nagbabalak na gumawa ng masama na kung puwede ulitin niyo ang ginawa ninyo.”

Diretsahang pinangalandakan ni Pangulong Aquino ang pagtira niya sa dating administrasyon sa pagpapahirap nito sa taumbayan sa nakalipas na siyam na taon. Paniguradong hindi lang ako ang natuwa sa matapang na pahayag na ito ng Pangulo sa harap ng mga dating kaalyado ni dating Pangulong Arroyo sa Lehislatura.

“Ang sa Pilipinas ay sa Pilipinas. Kapag tumapak ka sa Recto Bank, para ka na ring tumapak sa Recto Avenue… Wala tayong balak mang-away, pero kailangan ding mabatid ng mundo na handa tayong ipagtanggol ang sa atin.”

Lubos ko ring ikinagalak ang sinabing ito ng Pangulo ukol sa pagtatanggol ng gobyerno sa karapatan nito sa kontrobersyal na Spratly Group of Islands. Ayon sa kanya, tutugunan niya ang pangangailangan sa pagpapaigting ng depensa sa soberanya ng bansa, lalong-lalo na sa pakikipaglaban ng Pilipinas sa kaso ng West Philippine Sea na dating South China Sea.  Isa itong malaking hakbang upang maging matatag ang pagkakalinaw sa usaping panteritoryo ng Republika sa mata ng buong daigdig.

Kaakibat din ng reputasyong ito sa seguridad ng Pilipinas ang pagpapatupad sa Anti-Trafficking In Persons Act, kung saan sa unang taon ni Pangulong Aquino ay may 31 human traffickers ang nahuli’t nahatulan. Dahil dito, nawala na tayo sa listahan ng Tier 2 watchlist ng Estados Unidos na kung hindi tayo matatanggal ay mauudlot ang mga benepisyong makukuha natin para sa pagsasakatuparan sa Millennium Development Goals o MDG.

Sa kondisyon naman ng ekonomiya ay kinagalak ng Pangulo ang patuloy na pag-angat ng mga bilang sa ating stock market na indikasyon ng pagganda ng ating pambansang komersyo. Kasama rin dito ang pagtaas ng ating credit ratings na nangangahulugan ng kumpyansa ng mga dayuhang nagpapautang sa ating bansa na tayo’y makakaahon sa kabila ng kabi-kabilang krisis na ating dinadanas. Apat na beses itong na-upgrade sa loob lamang ng isang taon, at dahil sa napakagandang balitang ito, 23 bilyong piso ang natipid ng pamahalaan na sana’y pambayad interes sa utang ng Pilipinas mula Enero hanggang Abril 2011. Lumiit din umano ang unemployment rate na mula 8% noong isang taon ay naging 7.2% na lang ito ngayong taon.

“Kung mang-aagrabiyado ka lang ng mahirap, huwag ka nang magtangka. Kung sarili mo lang ang payayamanin mo, huwag ka nang magtangka, kung hindi yan para sa Pilipino, huwag ka nang magtangka.”

Naging bukambibig ni PNoy ang pagiging epektibo ng Conditional Cash Transfer o ang Pantawid Pamilyang Pilipino program. Dahil umano sa programang ito ay bumaba sa 15.1% ang self rated hunger sa Pilipinas nitong Hunyo, kumpara noong Marso 2011 na may 20.5% self rated hunger percentage. 100,000 pamilya din umano ang naiahon sa kahirapan dahil sa CCT buwan-buwan. Dumarami na rin ang mga nanay at sanggol na nagpapatingin sa mga health center at umangat ang dami ng mga batang nag-aaral dahil sa suportang pampinansyal na ito.

“Mamumuhunan sa taong bayan habang namumuhunan din sa kalikasan.”

Isa sa mga pinakamagandang narinig ko sa Pangulo ay ang pagtutuon nito ng atensyon sa kahalagahan ng kalikasan bilang bahagi sa pag-unlad ng mga Pilipino. Gagawin niya umanong kapaki-pakinabang ang pagbabantay ng mga punong itatanim laban sa baha. Bibigyan ang mga benepisyaryo ng mga binhi upang tamnan at habang hinihintay na mag-ani ay bibigyan sila ng stipend bilang kabayaran sa siguradong pagbabantas sa mga puno upang iiwas ang mga ito laban sa ilegal na pagputol o pagkakaingin.

“Ayaw na natin umasa sa pang-aangkat. Ang isasaing ni Juan dela Cruz, dito ipupunla, dito itatanim, dito aanihin.”

Inilahad din niya ang malaking pagbabago sa agrikultura ng bansa, lalo na sa industriya ng bigas. Magandang marinig na umangat ng 15.6% ang inaning palay dito sa ating bansa sa tulong ng pagpopondo ng gobyerno sa pagbili ng mga binhi ng palay. Binawasan na rin nito ang pag-aangkat natin ng bigas sa ibang bansa upang maiwasang mabulok ang mga sobra-sobrang toneladang binili natin na matatambak lang sa mga bodega.

“Ang tapat at mabuting pamamahala ay nanganganak ng mabuting resulta… Kung may gagawin kang mabuti, may babalik sa’yong mabuti. At kung gagawa ka ng masama, tiyak na mananagot ka… Kung may nakita kang mabuti, huwag kang magdalawang-isip na purihin ito.”

Tunay ngang ipinapakita ni PNoy ang hindi nito pagwawalang-bahala sa kahalagahan ng malinis na kalooban at magandang pag-uugali sa kanyang administrasyon. Inaasahan natin lagi sa SONA ang pagpapaganda ng mga materyal na imprastraktura at kalagayan ng ating pananalapi, pero ito na yata ang unang SONA sa loob ng dalawang dekada na binigyan ng importansya ang mga maliliit na pagpapahalaga sa ating paligid – at ito ay sa pamamagitan ng pagpapasalamat. Maliit man ito o simple kung gagawin, para sa Pangulo, ang pagsasabi ng ‘maraming salamat’ sa mga taong gumagawa ng mga makahulugang bagay para sa interes ng nakararami ay mahalaga para iangat ang moralidad ng bawat tao. Isasabit ko na rin dito ang pagbibigay ng espasyo para ipagmalaki ang mga imbensyong Pilipino na pinapakinabangan dito sa ating sariling bayan, ang pagtataas ng dangal sa mga nagtatrabaho sa bureaukrasya, at ang pagpapaiwas sa lahat na maging utak alimango at pagiging negatibo.

“Sa lahat ng mga kasama natin sa tuwid na daan, kayo ang lumikha ng pagkakataong baguhin ang dinatnan at gawing mas maganda ang ipapamana natin sa susunod na salinlahi ng mga Pilipino.”

Nanggaling tayo sa panahong hindi natin alam kung saan tayo patungo dahil sa nagkalat na pagkakamali sa sistema ng ating gobyerno sa matagal na panahon. Sa mga nagawa ng ating Pangulo, masasabi ko naman na tayo’y tuloy-tuloy na umuusad. Bagaman nagkaroon lang ako ng konting panghihinayang dahil hindi niya nabanggit ang patuloy na pagtulak sa Reproductive Health Bill, Freedom Of Information Bill at pagpapabilis sa takbo ng kaso ng Maguindanao Massacre, para sa akin, pagbibigyan ko pa ang ating Pangulo ng oras para isakatuparan ang mga ito.

Tandaan natin na unang taon pa lang niya ito sa anim na taong kanyang ipinangako sa atin na maglilingkod sa bansa. Marami pang taon ang gugugulin upang maging ganap ang kanyang mga binabalak na programa. Kung nangako man siya ng pagbabago, huwag natin itong madaliin. Kung nagmamadali tayo para sa pagbabago, tumulong tayo sa kanya sa ating sariling mga pamamaraan upang makamit ang mga ito. At tulad nga ng aking nabanggit sa post ko noon sa Dear Noynoy fanpage sa Facebook noong isang taon na naere sa isang news program, “hindi lang siya ang dapat na mag-angat ng Republikang ito, DAPAT TAYO RIN.”

Para sa akin, ang SONA na ito at ang unang taon ni Pangulong Aquino sa Malakanyang ay PASADO. Kung may mga inaasahan man tayong marinig, hindi ito dahilan para hindi tayo makuntento. Bagkus, patuloy tayong magmasid, magbantay at sumuporta sa mga magagandang adhikain ng taong hinalal at pinagkatiwalaan ng mas nakakaraming Pilipino noong halalan. At tulad ni PNoy, ipinagmamalaki kong sabihin sa pagtatapos ng sanaysay na ito:

“Maraming maraming salamat po sa pagbabagong tinatamasa natin ngayon. BUHAY NA BUHAY NA ANG PILIPINAS AT ANG PILIPINO!”

CINEMALAYA SA AKING MATA: Pananaw Sa Mga Piling Obrang Tampok Sa Cinemalaya Philippine Independent Film Festival

 

 

 

 

 

Sinasabi ng marami na unti-unti nang namamatay ang sining ng pelikula sa Pilipinas. Mas nananaig na ang Hollywood at foreign films sa ating mga pinilakang tabing at ang dating mga sikat na moviehouse na na pangunahing instrumento sa pagpapaunlad ng Sine Filipino noong nakaraang limampung taon ay naglaho na. Wala mang halaga sa nakararami ang realidad na ito, isaisip natin na ang senaryong ito ay may malaking epekto sa pangangalaga ng ating kultura at pagkakakilanlan bilang mga Pilipino.

 

Noong 2005 ay isinilang ang isang pagdiriwang na nagtatanghal sa mga tao at grupong pag-asa ng Sine Filipino na mag-aahon sa kanya sa pagkalugmok at muling mag-aangat sa kanya sa dati nang karangalan nito bilang pinakamakulay na industriya ng pelikula sa Asya sa hinaharap. Ang Cinemalaya Philippine Independent Film Festival –nakapaghatid na at patuloy pa ring naghahatid ng mga likha mula sa bagong henerasyon ng mga Pilipino na ang hangad ay makatulong sa kinabukasan ng industriyang nilulugmok na ng kahirapan, pamumulitika at Kanluraning paghanga. Sa Cinemalaya, nagiging posible ang mga pelikulang hindi sumusunod sa takbo ng komersyalismo at ang tanging pangunahing hangarin ay maiangat ang pelikulang Pinoy hindi lang bilang isang produktong ibinibenta, kundi isang sining na hinuhubog, inaalagaan at pinagmamalaki sa lahat.

 

Nasa kolehiyo pa lang ako ay naging hilig ko na at ng mga kaibigan ko ang manood ng mga pelikula sa Cinemalaya taon-taon. Sobra akong pinahanga ng mga pelikulang natunghayan ko na rito sa napakaraming aspeto – mga aspetong hindi ko laging nakikita sa mga hinahain ng mainstream/commercial cinema. Dito rin sa Cinemalaya ay naging bukas sa mga tulad kong normal na mamamayan ang pasukin at pamanghain ng Sentrong Pangkalinangan ng Pilipinas (Cultural Center of the Philippines) na isang patunay na dapat itrato natin ang lahat ng pelikula bilang buhay na tagapagtaguyod at biswal na mensahero ng sining at kulturang Pilipino.

 

Hindi talaga ako mahilig na gumawa ng mga rebyu ng mga pelikula, pero sa pagkakataong ito, bilang personal na papugay sa Cinemalaya, magiging bahagi ng Aurora Metropolis ang tatawagin kong ‘Cinemalaya Sa Aking Mata’. Hindi ito pormal na rebyu, pero dito ay ibabahagi ko ang aking mga simpleng pananaw sa mga obrang tampok tuwing panahon ng Cinemalaya. Ngayong 2011, sa katatapos lang na ikapitong taon ng Cinemalaya, ay sisimulan ko ang serye ng mga lathalaing ito sa pamamagitan ng pagtatampok sa mga pelikulang “Maskara” ni Laurice Guillen (ang opening film ng Cinemalaya ngayong taon), Sawasdee Bangkok (isa sa mga tampok na banyagang pelikula mula sa Thailand), “Cuchera” ni Joseph Israel Laban, at “Ang Sayaw Ng Dalawang Kaliwang Paa” nina Alvin Yapan at Alemberg Ang.

 

Isang taos-pusong pasasalamat sa aking mga kaibigang sina Florence Rosini (tagapagtatag ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila Film Society), Cherry Aggabao, Anthony Macarayan, Prof. Nerissa Gabelo ng St. Scholastica’s College-Department of Language and Literature at PLM-College of Mass Communication dean, Prof. Ludmila Labagnoy.

 

MATUTUNGHAYAN NYO DITO ANG ‘CINEMALAYA SA AKING MATA’ SA LUNES, AGOSTO 01, 2011 HANGGANG SA BIYERNES, AGOSTO 05, 2011. INYO PO ITONG ABANGAN. MARAMING SALAMAT PO.

THANK YOU FOR CALLING! #06 – Ang Pangako Ng Huling Araw

Likha ko ang istoryang ito mula sa kawalan. Mula sa frustration ko na gumawa ng erotic story sa loob ng call center ay nauwi sa gay love story ang pagtitipa ng aking mga daliri sa keypad ng laptop. Hatid ng kuwento nina Odie at Yuri ang inspirasyon upang maging tapat sa pagtupad ng mga pangako at pagpapahalaga sa tunay na pagmamahal na hindi na mapapalitan pa kapag nasayang at nawala. Nawa’y magustuhan ninyo ito.

 

 

“Thank you for calling OneCard! My name is Odie! How may I help you today?”

 

Alas sais ng gabi. Ginising si Odyssey ng umaalulong na recorded voice ni Yuri na sinasambit ang kanyang opening spiel sa pinagtatrabahuhang call center sa Ortigas. Hindi niya masyadong sinusunod ang wake up call na ito noon at hihingi pa ng extension dahil antok na antok pa siya. Ngunit iba ang araw ngayon. Minulat niya ang mga mata na para bang kumpleto ang kanyang tulog at hindi nagpa-panic na pinatay ang nakasanayang clock alarm sa cellphone sa loob ng halos apat na taon… at maaaring ito na rin ang huling beses na maririnig niya ito sa kinasanayan niyang oras.

 

Ngayon ang kanyang huling araw na magiging bahagi siya ng industriyang naging buhay niya ng limang taon. Magkahalong emosyon ang kanyang nararamdaman dahil pagkatapos nito ay babalik na siya sa pagiging normal na tao – gigising ng umaga at matutulog naman sa gabi. Sa kabila niyon, nalulungkot siyang sa ganitong pagkakataon niya iiwan ang itinuring niyang pangalawang tahanan at ang mga tunay na kaibigang kanyang nakilala’t nakasalamuha sa lahat ng mga nangyayari sa kanya.

 

Tulad ng nakasanayan ay pinilit niya pa ring manabik sa pag-aayos ng sarili para pumasok sa opisina. Ang nasa mindset niya ngayon, kunwari’y male-late na siya sa pagpasok dahil siguradong sasabayan na naman ng kanyang biyahe ang rush hour sa Shaw Boulevard. Hindi normal ang bilis na tatlumpung minuto kay Odyssey sapagkat mabagal siyang kumilos at kahit kailan ay hindi siya pumupunta sa trabaho nang hindi nakapostura. Kapag ganito siya kabilis sa pag-aayos, ibig sabihin noon ay late na talaga siya.

 

Nakasuot siya ngayon ng black shirt at slacks. Tama lang ang pagkakaayos ng buhok. Nagsuot ng reading glass dahil medyo maga pa ang mga mata. Dagli niyang sinara ang apartment at naghintay ng taxi sa kanto. Presto! Ilang sandali pa lang siya sa pagkakatayo ay nakapara agad siya ng masasakyan. Nagulat siyang hindi traffic sa Shaw Boulevard, hindi tulad ng mga nakaraang taon na dumaraan siya rito ng parehong oras. Banayad ang kanyang biyahe at maaga siya ng isang oras na dumating sa gusali kung saan naroon ang kanyang pinagtatrabahuhan.

 

Umakyat na siya sa opisina at naroon na ang kanyang mga kaopisina. Nang makita siya ng mga ito ay isa-isa silang yumakap kay Odyssey. Nang tumungo na siya sa kanyang cubicle ay may bouquet of flowers sa tabi ng keyboard at may card na may nakasulat na ‘We will miss you.’ Muli siyang napangiti sa handog ng kanyang mga katrabaho.

 

Kahit hindi pa oras ng kanyang work schedule ay maagang siyang nag-login para simulan ang pinakahuling shift niya. Nakisama ata ang mga customer nila dahil halos walang pumapasok na maraming calls sa buong call floor. Tulad ng kanilang mga gawain dati, nagagawa nilang magtayuan sa kanilang mga station at magkuwentuhan ng kung ano-ano kapag walang calls. Kahit wala sa mood si Odyssey ay nakikisama pa rin siya sa kuwentuhan ng mga kaibigan at katrabaho niya. Kahit papaano’y gumagaan ang kanyang pakiramdam dahil sa sigla ng kanyang mga maiiwang mga kasamahan.

 

Dumating ang lunchbreak at nag-group lunch sa pantry ang Team Marion kung saan kabilang si Odyssey. Pinaghandaan ng mga matatalik niyang kaibigan na sina Joni at Rita ang mga pagkain. Habang nagkakainan sila ay hindi naitago ng iba ang kanilang lungkot sa pag-alis nito sa account, lalo na ang kanyang supervisor na si Marion na mentor niya sa call center mula nang siya’y nagsimula rito.

 

“Sure ka na ba talaga, beks?” tanong ni Marion na tipong maluha-luha na.

 

“Hmm oo e. Gusto ko rin po yung gagawin ko after nito.”

 

“Nalulungkot si Boss Marion dahil wala na siyang uutusang mag-floor walk pag di siya available!” biglang biro ni Joni na nagpatawa sa kanilang lahat.

 

“Pero kidding aside Mars, hmm… mami-miss ka namin dito sa floor. Pero naintindihan namin ang nararamdaman mo. Mas matutuwa si bestfriend kasi gagawin mo ito para sa kanya, ang ituloy mo ang pag-aaral mo. Basta, kung kailangan mo ng tulong, we’re just one text or call away,” wika ng kanyang supervisor at tinuturing na niyang nakatatandang kapatid.

 

“Salamat Boss at sa inyong lahat. Salamat sa pakikisimpatiya at sorry dahil iiwan ko kayo. Salamat din sa pag-intindi ng sitwasyon. Dadalaw naman ako lagi dito pag may time. At magkakatext pa naman tayo. I want you to know that I will never stop supporting our team. Mahal ko kayo.”

 

Nagkaiyakan ang grupo sa nabanggit ni Odyssey at maging siya’y nalulungkot sa pagkakataong ito. Natapos ang kanilang lungkot sa isang masayang group hug bago muling bumalik sa call floor.

 

Pumatak na ang alas singko ng umaga at natapos na ang pinakahuling tawag ni Odyssey. Nag-huddle muli sila bago umuwi upang ibigay ang huling paalam nila sa aalis na kaibigan. Dito’y binigay nila ang isang personalized diary kung saan sa bawat pahina ay may mga litrato ang kanilang team na sama-sama at may mga personal na mensahe rin. Naantig siya sa ginawa ng kanyang mga kaibigan at muling nagpasalamat sa buong panahon na nagsama sila.

 

“Sabay ka nang bumaba sa amin, Odie!” pang-anyaya kay Odyssey ni Marion na pababa na sa gusali at pauwi na rin.

 

“Magyoyosi muna po ako sa parking, boss.”

 

“Uhm… sure? Hmm… gusto mo ba ng kasama?”

 

Umiling si Odyssey at naintindihan naman ito ni Marion. Kumaway na ito ng pamamaalam at nauna nang lumabas ng pinto. Bago siya lumabas ng opisina ay dumaan muna siya sa kanyang cubicle upang kunin ang kanyang tumbler. May nakadikit na papel sa takip nito at may nakasulat.

 

“I’m waiting for you at the smoking area. Mwah!”

 

Kinilabutan si Odyssey. Agad na kinuha ang tumbler. Lumabas ng opisina at sumakay ng elevator papunta sa third floor parking lot kung saan naroon ang smoking area.

 

Nagbukas ang elevator at lumakad patungo sa smoking area si Odyssey. Walang tao. Bakante ang bench, pero hindi na ito ang bench na nakasanayan niyang upuan habang nagyoyosi. Halos masisira na ang lalagyan ng upos ng sigarilyo sa tabi ng bench na para bang binangga ng sasakyan. Pinilit na hindi makiramdam ni Odyssey at umupo sa nasabing bench. Agad siyang sumindi ng isang stick ng Marlboro Black. Medyo inaantok na siya at pumipikit nang saglit habang hinihithit ang sigarilyo. Ilang minuto pa lang siyang nananatili ay may nararamdaman siyang dumarating at papunta sa kanyang direksyon. Nakaputing lalaki, matangkad, medyo chinito at nakasalamin. Nakangiti ang lalaking ito at kumindat pa sa kanya. Nagulat siya, pero sa kabila nun ay ginantihan niya ito ng isang maaliwalas na ngiti at inalok ng yosi.

 

“Nabasa mo ang note ko?”

 

“Oo. Pangit talaga ng sulat mo no. Haha! Hmm… kanina ka pa nandito?”

 

“Medyo lang din. Ang alam ko kasi, maaga kang bababa dito.”

 

“Ha? Paano mo naman nalaman na maaga akong bababa?”

 

“Naku, parang di kita kilala. Kapag makikipagkita ka sa akin, mas mabilis ka pa sa alas kuwatro kung dumating. Excited ka lagi.”

 

“Ako? Excited? Kapal!”

 

“I know nami-miss mo ko nang sobra sobra lagi.”

 

“Pauso ka na naman. Baka kaya maaga ka nandito dahil may iba kang inaasahan… yung ex mong hilaw na Fil-Am.”

 

“Bakit ko naman aasahan yun? Eto talaga.”

 

“Malay ko ba. Baka mahal mo pa siya.”

 

Natawa lang ang lalaking kausap niya nang sabihin iyon ni Odyssey. Kinuha niya ang yosi sa mga kamay ni Odyssey para sindihan ang kanyang stick, saka muling binalik.

 

“May sasabihin ako sa’yo.”

 

Hindi sumagot si Odyssey na tuloy lang sa paghithit-buga ng kanyang sigarilyo. Hinihintay lang niya na sabihin ng lalaking iyon ang gusto nitong iparating.

 

“Ang relationship ay parang spaghetti at ang cheese ay parang sex. Kahit walang cheese, pwede mo pa ring kainin ang spaghetti…”

 

Bago pa man ituloy ng lalaki ang sinasabi niya ay napahalakhak bigla si Odyssey. Napabungisngis na rin ang lalaki at pinilit na ituloy iyon kahit natatawa na siya.

 

“… Teka lang! Tutuloy ko na! Huwag ka munang tumawa! Hmmmmm ehem. Ang cheese, bonus lang yan! Eventually, kapag ninamnam mo ang sauce, you’ll realize na ang cheese ay quite important but not a priority. Just like sex, kung cheese lang ang habol mong matikman sa spaghetti, eh di sana…”

 

“LUMAMON KA NA LANG NG ISANG BUONG KESO DE BOLA!”

 

Nang sabay nilang bigkasin ang parteng iyon ay naghagalpakan ang dalawa sa kakatawa na parang wala nang bukas. Mangiyak-ngiyak na si Odyssey samantalang napatango ang lalaki na tila hindi makahinga sa sobrang galak. Sa gitna ng tawanan ay napahinto ang lalaki, natahimik habang nakatitig sa humahalakhak na si Odyssey, at mabilis na kinuha ang kaliwang kamay nito. Dito natigilan si Odyssey at napatitig sa mata ng lalaki.

 

“Mahal na mahal kita, Sir Odyssey Roman.”

 

“Mas mahal na mahal kita, Uranius Magnus Dela Rosa.”

 

“Maraming salamat Odie, dahil kahit ganito tayo, naramdaman ko ang tunay na kahulugan ng pagmamahal. Dumating ako sa buhay mo. Hindi ko alam kung napasaya kita, kung nakadagdag ba ako sa problema mo. Pero gusto kong malaman mo na happy ako, kasi… sa buong buhay ko, nakilala ko ang tulad mo…. Hmmm… gusto ko ng cheese.”

 

Sa gitna ng katahimikan ay muli na naman silang nagtawanan nang magbato ng biro sa dulo si Yuri, ang lalaking kanina pa kausap ni Odyssey, ang kanyang boyfriend. Inakbayan ni Yuri si Odyssey at masayang dinikit ang pisngi ng kasintahan sa kanyang bandang balikat. Bumalik muli sa katahimikan ang dalawa. Nakatanaw lang sa kawalan.

 

“Sorry talaga Odie. Hindi ako umabot sa 4th anniversary date nung Sunday. Hindi ko naman kasalanan eh, pero sana mapatawad mo pa rin ako.”

 

Dito na nagsimulang tumulo ang luha ni Odyssey, nang marinig niya ang paghingi ng paumanhin ni Yuri. Dahan dahan siyang pumikit habang dinadama ang init ng yakap ng unang taong kanyang minahal mula nang natanggap na niya sa kanyang sarili na ang kanyang puso ay tumitibok para sa parehas na kasarian. Parang ayaw na niyang matapos ang sandaling ito na naririnig niyang pabulong na inaawit ni Yuri ang kanilang theme song na “Marry Me”. Ayaw tumigil ng kanyang pag-iyak, tulad ng hindi niya pagbitiw sa pagmamahal niya sa kasintahan. Parang totoo, pero ito ay tanging alaala na lang. Dito sa bandang ito ng smoking area ang lugar kung saan sila unang nagkita, lubos na nagkakilala, nagkaaminan ng tunay nilang nararamdaman sa isa’t isa. Dito nangyari ang kanilang mga masasayang mga sandali sa loob ng apat na taon, at dito rin nagtapos ang lahat dahil sa isang trahedya.

 

Hindi nakontrol ng drayber ang preno ng kanyang minamanehong van na papasok pa lang sa parking lot. Dire-diretso ang van sa smoking area kung saan ang nag-iisang naroon nung mga oras na yon ay si Yuri. Nasagi ng van ang lalagyan ng upos ng sigarilyo kaya tumalsik ito’t nayupi. Niragasa naman nito ang bench kung saan nakaupo si Yuri. Bumangga sa pader ang van at naipit sa harapan non ang bench at ang katawan ni Yuri. Dead on the spot siya nang isugod sa ospital. Kakatapos lang ng shift niya noon at nagyosi lang saglit bago pumunta sa restaurant kung saan sila magkikita ni Odyssey para sa kanilang ikaapat na taon bilang magkasintahan.

 

Hiling ni Yuri na huminto na si Odyssey sa pagtatrabaho para ituloy ang pag-aaral. May malaking ipon naman si Yuri at malaki ang sinusweldo nito sa account bilang supervisor kaya ang kondisyon nilang dalawa ay mag-aaral na lang si Odyssey at siya ang magpapaaral dito. Binabalak nilang magsama na sa iisang bahay, at ang tinitirhang apartment ngayon ni Odyssey ay ang dapat na titirhan nilang dalawa. Kahit wala na si Yuri ay itutuloy pa rin ni Odyssey ang ipinangako niya na mag-aral para sa kanyang kinabukasan na dapat ay para sa kanilang dalawa.

 

Paulit-ulit na pinakikinggan ni Odyssey ang recorded voice ni Yuri na sinasambit ang kanyang opening spiel sa call center. Bagaman yun lang ang alaalang magpaparinig sa kanya sa napakasiglang boses nito, alam niya na kahit anong mangyari, tutuparin niya ang kanyang binitawang pangako… at alam niyang kahit hanggang sa huli, kapakanan niya ang iniisip ng taong mahal na mahal niya at mahal na mahal siya.

 

“Thank you for calling OneCard! My name is Odie! How may I help you today?”