DAAN-DAANG TAO SA AKING PANINGIN SA LOOB NG LIMANG MINUTO: Isang Paggunita Sa Pagdiriwang ng Araw Ng Kalayaan

Nakaharap ako sa isang malawak na salamin. Nasa ibabaw ko ang nagliliwanag na luntiang logo ng isang sikat na American coffee shop, tila nakangiti sa mga taong lumalabas at pumapasok sa isang mall sa Maynila na pagmamay-ari ng isang mayamang Intsik, tila inaanyayahang pumasok sa kanilang tindahan. Matapos ang napakalakas na buhos ng ulan noong isang araw na nagresulta sa pagsuspinde ng elementary at high school classes sa Kamaynilaan kahapon, di magkamayaw ang marami sa paglalakad sa kung saan-saan nila gusto. Daan-daang taong dumadaan sa aking paningin sa loob ng limang minuto. Bata, matanda, medyo bata, medyo matanda, estudyante, negosyante, nagsa-shopping o mga simpleng naglilibot para magliwaliw at magpalamig.

Sa mata ng marami, ang paglalakad ay isa sa mga pinakasimpleng paraan ng pagpapakita ng kalayaan. Ang mga paa’t binti na kung saan-saang panig dumadako upang mapuntahan ang nais kalagyan.

Kalayaan. Malayung-malayo sa eksenang nasaksihan ng kasaysayan, isang daan at labing-tatlong taon na nakalilipas. Nakita kaya o nahulaan man lang nina Rizal, Bonifacio, Aguinaldo at ng mga bayaning rebeldeng nagtulak sa kampanya ng paglaya ng bansa ang kasalukuyang imahe ng malayang Pilipinas? Palagay ko – hindi.

Ang paglaya ay may positibo’t negatibong implikasyon. Kung malaya man tayo’ng tuluyan, may ilan naman sa atin ang nakakulong sa masasamang bisyo at mga maling paniniwala’t pamumuhay. Lumaya nga tayo sa mga sinasabi nilang ‘mapang-api’, pero tayo naman ang kasalukuyang nang-aapi sa ating sariling kultura’t pagkakakilanlan. Ang kalayaan naman pagdating sa komersyalismo at globalisasyon ay hindi naman masama. Nagmumukha lang itong sobrang masama dahil tayo mismo ang nagpapakita na MAS TANGGAP at MAS GRANDIYOSO para sa paningin natin ang kultura ng mga dayuhan kaysa ating sariling kultura. Ang kalayaan din ang nagbukas ng pintuan ng mundo sa ating mga isla, pero hindi ibig sabihin niyon ay iwanan natin ang Pilipinas upang magpatali sa nationality ng ibang lahi.

Kapag naiisip ko ang mga dayuhang pilit na nagsasalita ng Tagalog o anumang dayalekto ng ating bansa, at ito’y buong ipinagmamalaki pa nilang pinangangalandakan sa Youtube; o mga dayuhang malaki ang papuri sa ganda ng Pilipinas hindi lang dahil nakapangasawa sila ng Pilipino, dumadapo sa akin ang YABANG. Naiinggit ang ibang dayuhan sa klase ng kalayaang di nila nakita sa mas malayang Estados Unidos. Naiinggit sila sa ating kalayaan sa pamamayahag, na bagaman nasisikil, ay patuloy na namamayagpag ang katotohanan sa tamang lugar o sitwasyon. Naiinggit sila sa napakarami pang katangian ng ating kalayaang tinatamasa – isang bagay na dapat pala’y wala tayong karapatang ipagyabang dahil inaabuso natin ito.

Nagdiriwang tayo ng Araw ng Kalayaan tuwing ika-12 ng Hunyo taon-taon. Pero may mga pagkakataong naitatanong ko sa aking gunita kung dapat pa ba tayong magsagawa ng mga aktibidad para gunitain ang petsang ito. Oo siguro, upang manatiling sariwa sa atin at sa susunod pang henerasyon ang natatanging araw na iyon, kung kailan pormal na idineklara sa Kawit ang pormal na pagkalas ng mga kayumanggi sa pamamahala ng mga mestizo. Maaaring ang sagot ko ay… huwag na! Bakit? Dahil para lang tayong nagpapakitang-tao na kunwari’y mahal natin ang minimithi nating kasarinlan, na ang totoo’y pagmamahal na pang-isang araw lang.

Ito ay isang pagtatantong gusto kong iparating sa mga makakabasa nito. Ang Hunyo 12 ay isang petsang hindi lang ginugunita sa araw lang na iyon. Kung ikaw man ay nakakalakad nang walang nakakapigil o walang matinding nagmamasid, lagi mo sanang isipin na araw-araw ay Hunyo 12 – ang petsang dapat pahalagahan, pangalagaan at protektahan ARAW-ARAW.

SIYANGA PALA, kung hindi man ako, sana’y may isang Pilipinong makagawa ng kantang kasing-moderno ng “Fireworks” o “Born This Way” na sumasalamin sa tunay na pagpapahalaga at paggamit sa kalayaan. Kung maka-compose man ako o makabuo talaga ng isang awitin sa hinaharap ay malugod ko itong ibabahagi sa inyo. 🙂

Sa lahat ng mga Pilipino sa Pilipinas at sa buong mundo, at para na rin sa mga dayuhang nagdedeklara ng kanilang mga sarili na sila’y Pinoy, Maligayang Araw Ng Kalayaan po sa ating lahat! Mabuhay ang unang Republika ng Asya. Mabuhay ang lahing kayumanggi. MABUHAY ANG PILIPINAS!

.

.

June 09, 2011.11:57pm


Ang Pilipinas Daw Ay Nabibilang Sa Mga Demonyo?

Isang pananaw sa sinasabi ng isang grupo na ang Pilipinas umano ay isang bansang hindi pinagpala’t kabilang sa mga alagad ng impyerno.

+++

This slideshow requires JavaScript.

Hindi ako dinadalaw ng antok kahit halos 24 oras na akong gising, kaya bilang pampaantok ay sinamantala ko ang pagkakataong mag-surf sa internet. Sa panggagalugad ko sa Facebook ay may mga hindi kaaya-ayang fanpage ang bumungad sa akin.

“Philippines Belongs To The Devil”. “Philippines is the Modern Hell”. Mga fanpage na likha ng Westboro Community Church at Ultra-Altaic Community sa pangunguna ng mga pinuno nitong sina Bill Waggoner at Sir Yorkeshire. Halos milyun-milyong tao na ang kumukondena sa kanila dahil sa mga paniniwalang hindi makatao at hindi maka-Diyos.

Bilang isang Pilipinong tulad ko, hindi naman maganda o katanggap-tanggap na makita na hinuhusgahan ng isang kuwestiyonableng sekta ang Pilipinas na sinasabing bansang nararapat na mapunta sa kaharian ng demonyo. Nakakaduda ang galit ng grupong ito sa ating bansa na halos ipagkanulo ang buong lahi kay Satanas.

Oo. Ang bansang ito ay hindi perpekto. Magulo, napupuno ng gutom at kahirapan, isang bayang puno ng pagsubok at may mga kamalian. Oo, tayo ang isa sa mga iilang bansang taos ang pananalig sa Kristiyanismo pero naghahati ng pananaw at paniniwala dahil sa pulitika at kanser ng lipunan. Pero tulad natin, tao silang hindi puwedeng basta-basta manghusga sa kahihinatnan ng ating kaluluwa. Kung ang tingin nila sa ating mga ritwal sa pagsamba ay mali, marahil, marami sa atin ang kabaligtaran nito, na respetuhin kung ano ang kanilang pamamaraan ng pagsamba sa kinikilala nilang Diyos o pagpapatakbo sa pamahalaan.

Kung anuman ang galit ng grupong ito sa mga Pilipino, sobrang malaki at napakalala ng kanilang pinanghuhugutan. Marami nang Pilipino ang mas nauna pang nakatuklas ng fanpages na ito. Maging ako’y sa unang tingin ay napuno ng poot sa kanila at ni-report sa Facebook (na sana naman ay bigyang tugon nila). Pero sa kabila niyon, mga kababayan ko, huwag natin ipakita sa kanila na tayo’y nagpapaapi, na ipinagtatanggol natin ang ating pananampalataya sa tamang paraan na nananatili pa rin ang respeto natin sa isa’t isa. Kung personalan man ang kanilang laban at pantaob nila sa ati’y malawakang diskriminasyon, huwag tayong mangamba. Iilan lang sila. Nananalig akong mas maraming tao sa mundo ang naniniwalang ANG PILIPINAS AY PINAGPALA NG LANGIT. Na ANG PILIPINAS AY TAIMTIM NA NANINIWALA SA ARAL NG TUNAY NA DIYOS. Na ANG PILIPINAS AY NILIKHA NG DIYOS HINDI UPANG MAGING MODERNONG IMPIYERNO, KUNDI MAGING PARAISO PARA SA BAWAT NILALANG SA MUNDO.

Maaaring hindi sila maging interesado sa artikulong ito dahil ito’y isinulat sa Tagalog, o kung may Pilipinong magsasalin para sa kanila nito sa kanilang wika ngunit ito’y pinagwawalang-bahala nila. Pero ang masasabi ko lang, kung may mga nakilala kayong isang taong hindi kayo nagawan ng mabuti, hindi ang taong iyon ang magpapakita ng tunay na ugali ng buong lahing Pilipino.

Kung sinasabi ninyong kilala nyo na ang mga Pilipino kaya’t nahusgahan nyo na kami nang ganoon, hindi kami naniniwala. Mas kilalanin nyo pa kami, hindi sa anggulong negatibo kundi sa anggulong positibo rin. Kung kami ay nabibilang sa mga alagad ni Satanas, sana, hindi kami binigyan ng lupa ng Panginoon na isang paraisong may 7,107 isla sa tabi ng dagat Pasipiko. Sana, kung kami ay pinanganak upang maging masama, sana, noon pa, matagal na kaming nilamon ng dagat o niluto ng nagbabagang asupre ng mga bulkan para ibalik sa sinasabi ninyong dapat naming kalagyan.

Lahat tayo ay makasalanan, pero tayo’y Kanyang patatawarin. Kung ang ating Panginoon nga ay kayang magpatawad, kami, o tayong mga tao pa kaya? Pinapatawad na namin kayo sa kabila ng inyong mga panghuhusga.

“Truly, I say to you, all sins will be forgiven the children of man, and whatever blasphemies they utter, but whoever blasphemes against the Holy Spirit never has forgiveness, but is guilty of an eternal sin for they were saying, ‘He has an unclean spirit.’” – Mark 3:30

.

10:27am, June 05, 2011

Para Kay B, Para Rin Ba Kay Beki?

Isa itong biglaang sanaysay. Huwag ninyo masyadong asahan na medyo maayos ang paragraph construction nito. Medyo may pagka-conventional kaya OK lang naman dahil uso naman ngayon ito sa mundo ng panitikan.

+++

Kaninang umaga ay nahalungkat ko sa gilid-gilid ng mga nakatambak na mga libro ang nobelang Para Kay B ng aking personal na hinahangaang si Ginoong Ricky Lee. Nang makita ko ang pabalat nito ay di maiwasang mag-refresh sa utak ko ang ilan sa mga pagtatantong natutunan ko sa nobelang ito. Pero nagkaroon ako ng isang malaking tanong na alam kong madaling bigyan ng kasagutan pero patuloy pa ring nagmumulto sa aking kamalayan.

Karamihan sa mga pangunahing tauhan ng nobelang ito ay mga babae mula sa perspektibo ng isang lalake. Bagaman ganito ang istruktura ay naglaan si G. Lee ng bahaging tumalakay sa kung paanong magmahal ang isang bakla, o ‘beki’ sa bokabularyo ng modernong panahon. Isang patunay na pinapahalagahan ng aking idolo ang pagmamahalan ng magkaparehong kasarian.

Gayunpaman, may ilan akong mga katanungan sa aking isipan, tulad ng sinabi ko kanina:

– Kapag may isang beki kayang nakaranas ng dinanas nina Irene at Jordan, kakayanin kaya niyang gawin ang ginawa ni Irene na ihain ang kanyang katawan para lang maalala siya ng taong nakalimot sa mga pangako nito sa kanya? Paano kung sinapak siya nito at sabihing nakakadiri ang pumatol sa bakla? O kaya magkukunwaring nakaalala siya pero peperahan lang siya?

– Ano kaya ang gagawin ng isang magulang kung malamang ang dalawang junior niya ay may tinatagong relasyon? Bubugbugin din ba nito ang ginawa ng tatay ni Sandra sa kapatid nitong si Lupe?

– Ano kaya ang itsura ng Maldiaga na puro beki? Kung walang tunay na pag-ibig na umiiral sa Maldiagang inilarawan sa nobela, ang Maldiaga ba ng mga beki ay mundong walang pag-ibig at puro jerjer na lang?

– Kung ikaw ang may tatay na beki, gagawin mo rin ba ang ginawa ni AJ na suportahan ang tinitibok ng puso ng nanay niyang si Ester na nagmamahal kay Sara. OK lang ba sa’yo na masunod ang sinisigaw ng damdamin ng beki mong tatay at ang lalakeng mahal niya, kahit masira pa ang buhay mag-asawa ng isa tulad nina Sara at Pio?

– Mas marami na nga ba talagang beki ang tulad ni Bessie ngayon, na pinaglalaruan lamang ang puso ng isang taong umaasa sa kanyang pagmamahal? Kung ganito ang sitwasyon sa kasalukuyan, dapat na bang mawalan ng pag-asa ng mga pangit na beki at pagtuunan na lang ang kanilang mga pangarap tulad ni Lucas?

Wala akong duda sa ganda ng nobelang ito. Dumako lang talaga sa utak ko ang mga katanungang ito bilang gabay sa aking mga kapanalig sa gay community kung paano nila mamanduhin ang kanilang mga puso pagdating sa pagmamahal. Ang Para Kay B, para sa akin, ay bibliya ng pag-ibig. Isang kumpol ng realidad na nagbibigay sa bawat tao ng mga senaryong maaaring kaharapin ng mga taong nagmamahal. Para sa akin, ang Para Kay B ay para rin sa mga beki na mas mataas ang tendency na magmahal nang sobra — parang ako.

.

10:28PM, June 04, 2011