Welcomeback Sa Beki World 2: Westpoint

Isang pagtatanto sa mga realidad ng buhay at pag-ibig na kaninang madaling araw ko lang naisambulat (maraming salamat kay Ahr Ehm, sa pulang kabayo at maning hubad.)

Sa unang pagkakataon sa loob ng maraming buwan ay muli akong nagbalik sa Westpoint, ang kalye sa Cubao na buhay na buhay tuwing Sabado ng gabi dahil sa mga nilalang ni Adan na may iba’t ibang karakter at pinagdaraanan. Nakadayo ako rito na ang laman ng wallet ay singkwenta pesos lang at pananabik na muling makita ang isang nakakatuwang kaibigan.

Hindi normal na pagkakataon ang pagpunta ko sa Westpoint kagabi. Habang bumibiyahe’y napakaraming alaala ang naglalabasan sa aking kukote na nagsisilbing tulay patungo sa party hub ng mga beki. Sa aking pagbabalik sa mundong nilisan ko noong Abril, nararapat sigurong masanay na muli ako sa mga eksenang madalas ko na namang makikita.

Hindi normal ang pagkakataong balikan ang Westpoint. Maraming bagay ang hindi na maaaring balikan. May mga kaibigan na akong tuluyan nang nagbago ang katauhan. At ako — sinusubukan ko na ring mabago ang tingin ng marami sa akin.

Sa pagbabalik ko sa Westpoint at sa pagkikita namin ng aking kaibigan, naisip kong ang pag-ibig, sa maraming pagkakataon, ay hindi nakakabuti sa pagbubuo ng pagkatao. Naging masama akong kaibigan para sa aking kaibigan dahil kahit may pinaninindigan siyang relasyon, ay gumawa ako ng paraan para maisip niyang hindi lahat ng pag-ibig ay tama, hindi lahat ng pagmamahal ay nababayaran nang sapat, hindi lahat ng pag-irog ay may katumbas na pagpapahalaga.

Bukod sa naging mistulang reunion ng ilang mga kaibigan ang gabing iyon, dito ko napagtanto na ang pagbabalik ko sa beki world ay hindi para maghanap akong muli ng taong tatanggap sa akin at susubukan akong mahalin. Hindi para maghanap ng kahulugan ng love na ipipilit ko sa sarili ko pero hindi naman tama. Ang pagbabalik kong ito ay isang pagsubok para sa akin – pagsubok para hanapin ang katotohanang ang mundo ng mga beki ay mundo ng saya, mundo ng maraming ideya, mundo ng libu-libong istoryang magbibigay sa akin ng inspirasyon para sa binubuo kong tatahaking landas.

Ang mga alaala ng aking nakaraan sa Westpoint ay naging tulay para mabuo ang bitter na si Lem, pero sa mga alaalang bubuuin ko sa aking pagbabalik, dinadalangin kong mas magiging mabuting beki si Artemis, ang taong unti-unting pumapatay sa EmoQueen, ang taong magtataguyod sa isang mas mabuting Lem na mas rerespetuhin ng mga kasama ko sa masaya ngunit masayang daigdig ng mga beki.

August 22, 2010 9:49pm
LemOrven

Maikling Pananaw: Ang “Gay Films” at ang “Pornography”

Reaksyon sa pagiging bastusin ng mga istoryang pwede namang ianggulo na hindi bastusin.

Minsan kong nabasa ang komento sa Eklavumer ang tungkol sa paggamit ng USI (isang magazine program sa TV5) sa video clip ng gay indie film na “Boylets”. Ayon sa artikulong iyon, hindi umano nagpaalam ang production team ng nasabing programa sa direktor para gamitin ang parte ng pelikula para sa kanilang segment na tumatalakay sa pornograpiya. Sa pagkakatanda ko, nakalagay sa artikulong iyon ang isang pagkondena sa ugnayan ng gay films at kabastusan, na umano’y hindi tama.

Hindi naman ako ligaw sa industriya ng pelikula, bagama’t hindi ako nakapagtapos sa aking pag-aaral ng media sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila. Pero bilang mamamayan ng malayang bansang ito at bilang kasapi ng gender na pangunahing market target ng movie genre na ito, pahintulutan ninyong ibigay ang aking maikling saloobin ukol dito.

Sa pananaw ng nakararami, ang gay film ay isang ugat na bumubuhay at nagpapaunlad ng independent film industry sa Pilipinas – at ang indie film ay umuugnay sa tinatawag nating “art film” — o pelikulang nauukol sa sining. Hindi literal na sining ang dahilan para gumawa ng art film dahil dinadamay nito ang realidad ng lipunan, ang kulturang ginagalawan nito na nakakaapekto sa sining ng bansa. Isa sa mga realidad ng lipunan sa kasalukuyan ay ang pag-usbong ng kalayaang magmahal ng kahit sino, kahit ito’y kapwa mo lalaki o kapwa mo babae. Hindi pa man katanggap-tanggap nang lubusan sa Pilipinas, isa itong realidad na sumasaklaw sa napakaraming pagtatanto sa buhay.

Ang “gay film” ay “art film” – naniniwala ako rito dahil ilan sa mga nakita kong ganito ang nagiging malaya sa teknikal na aspeto ng produksyon, hindi sumusunod sa setup ng mainstream cinema, at kumakalaban sa limitasyon ng realidad. Ang art film ay masining, at ang sining ay kalayaan, kaya dito inaasahan ang mga eksenang hindi nararapat na makita sa commercial viewing. Dahil nga makatotohanan, pinapakita ng gay films ang kung ano ang tunay na nangyayari sa relasyong lalake sa lalake – sa aspetong pag-ibig man o sa pakikipagtalik.

Walang masama kung ipakita ng “gay film” ang ilang mga tagpo sa mundo ng same sex relationship at romance. Walang masama kung pinili ng ilang mga lumalabas dito (karamiha’y mga kabataang lalaki) ang makita ang kanilang mga katawan sa ngalan ng makatotohanang pagpapakita ng katotohanan. Walang masama sa paggawa ng gay films sa ngalan ng sining at hindi sa ngalan ng kamunduhan o pagkakakitaan.

Bakit maraming nagsasabi na pornograpiya ang gay film? Dahil marami sa mga gumagawa ng gay film ang umaabuso sa limitasyon ng sining. Oo, kahit ang kalayaan ay may limitasyon at ito ang hindi dapat na inaabuso. Ang sining ay nakalagay lamang sa mga eksklusibong lugar – pribado at pinangangalagaan. Kaya marami sa mga gay film ay hinahain lamang sa mga kompetisyon ng mga pelikula at ipinapalabas lamang sa mga sentrong pangkalinangan tulad ng CCP. Pero anong nangyayari? Nakita mo silang ibinebenta nang tago sa mga tindahan ng pirated DVD stalls sa kahit saan, at pakalat-kalat at nalalantad sa Youtube – at hindi lang trailer ang naroon kundi mismong buong pelikula.

Nirerespeto ang sining. Hindi ginagamit para magpasikat. Nakakagalit sa bahagi ng LGBT na ang pag-uuganay sa kung anumang gawin ng ikatlong lahi ay kabastusan. Pero kung may mga tulad ng iba na umaabuso at naglilibog sa sining ng gay film, hindi na akong magtataka kung bakit ito dinidikit sa pornograpiya.

Magkagayunman, para sa akin, ang gay film ay hindi pornograpiya. Ito ay sining. Ito ay kalayaan. At ito rin sana ang matanto ng iba pang nagbabalak na gumawa ng gay film.

August 17, 2010 5:15pm

LemOrven

Si Manong Drayber at Ang Grupo Ng Mga Koreano…

Kanina lamang ay tumungo ako sa Evangelista-Puyat para kunin ang pinagawa naming component. (ngayon ay nasa pagitan na ng alas-singko at alas-singko y medya na ng hapon) Mula Divisoria ay sumakay ako ng jeep na biyaheng Quiapo-Avenida at sa unahan ako sumakay.

Normal nang tanawin sa Divisoria ang bigat ng trapik dahil sa dami ng tao, dami ng vendor, dami ng jeep, dami ng mga pulubi’t Badjao na parang hawak ng isang sindikato; dami ng nangingikil na kung sinu-sinong mukhang mga papatay ng tao; at iilang traffic enforcer na pinipilit ang sarili na maging kapaki-pakinabang na traffic enforcer. Inabot yata ng halos kinse hanggang trenta minutos bago bumungad ang jeep sa kanto ng Recto at Reina Regente.

Habang naghihintay na makatawid ang jeep sa Reina Regente ay napansin ko ang isang grupo ng mga kabataang Korean na nagdidiskusyunan sa sidewalk, sa gilid ng BDO. Ilang sandali lang ay lumapit ang isa sa kanila na medyo marunong ng Tagalog at tinanong ang driver ng jeep na aking sinasakyan kung saan sila makakasakay ng papuntang Intramuros. Sisingit sana ako sa pagsagot pero parang unethical naman kung gagawin ko yun, kahit alam ko ang sagot. Nag-isip si manong ng halos sampung segundo (binilang ko yun) at saka sumagot.

“Naku, walang direchong ganun dito. Dun na kayo sa sumakay sa Avenida. Dito na kayo sumakay.”

Mabilis akong tumingin kay Manong at nakita ko agad na hindi siya nagsasabi ng totoo. Ang mga jeep na parutang Baclaran-Mabini at City Hall-Lawton ay dumadaan sa Intramuros,pero mas inisip niya pa rin ang kanyang hanapbuhay. Tama rin naman ang sinabi niyang may pa-Intramuros sa Avenida – kung saan doon rin ang daan niya. Nag-isip nang ilang sandali ang grupo ng mga Koreano, pero agad din silang sumakay sa jeep na aking sinasakyan bago isenyas ng traffic enforcer ang kanyang kamay.

Hindi ko masasabing mali ang ginawa ni manong drayber dahil ginawa niya lamang din ito para kumita — wala rin namang masama roon,

Sa kabilang banda, Kung sinabi niya na may sakayang dadaan mismo sa Intramuros mula Divisoria ay isang sakay lamang ang gagawin ng mga Koreano papunta sa kanilang destinasyon. At isa pa, maling isahan natin ang mga dayuhan nating kaibigan, porke’t kaya nilang magbayad ng pamasahe at wala silang nalalaman sa kanilang pupuntahan. Masaya silang lumilibot sa ating bansa at malaki ang naitutulong nila sa turismo natin. Nararapat din naman na bigyan natin sila ng tamang pagtrato upang maganda naman din ang maikuwento nila sa kanilang mga kababayan pag-uwi nila sa kani-kanilang bansa.

Hindi na sana ako makakita ng ganoong eksena, dahil baka mapaaway ako. Haha!

PS: Kasabay ko silang bumaba ng Quiapo dahil sinabi ng drayber na mas madaling makasakay ng jeep na biyaheng Pier Dos at sumunod naman sila kay manong. Nakita ko silang naghihintay sa gilid ng simbahan at nakita din naman nila ako. Ngumiti ako at sinabing… “Keep safe and enjoy Intramuros.” =)

Repost from my Facebook Account

August 09, 2010 5:33pm
LemOrven